Ang mga Babae sa Buhay Natin
Lubos akong nagpapasalamat, dapat ay lubos tayong magpasalamat na lahat, para sa mga babae sa ating buhay.
Mga kapatid ko, sa simula, kung mamarapatin ninyo, nais kong ipahayag ang nasa isipan ko. Anim na buwan na ang nakararaan, sa pagtatapos ng ating kumperensya, sinabi ko na malubha ang lagay ng pinakamamahal kong kabiyak na 67 taon ko nang kasama. Pumanaw siya pagkaraan ng dalawang araw. Iyon ay Abril 6, isang mahalagang araw sa ating lahat sa Simbahang ito. Nais kong pasalamatan ang mga dedikadong doktor at mabubuting narses na nag-alaga sa kanya nitong huling karamdaman niya.
Katabi niya kami ng kanyang mga anak sa kanyang higaan habang payapa siyang naghihingalo. Habang hawak ko ang kamay niya at nakikita ang paglalaho ng buhay sa kanyang mga daliri nanghina ako. Bago ko siya pinakasalan, siya na ang pangarap kong mapangasawa, ika nga sa isang popular na awitin noon. Siya ang mahal kong kabiyak nang mahigit animnapung taon, ang kapantay ko sa harapan ng Panginoon, ang totoo’y nakahihigit siya sa akin. At ngayon sa aking katandaan siya ulit ang babaeng pangarap ko.
Pagkamatay niya’y kaagad bumuhos ang pagmamahal ng buong daigdig. Nagsidating ang mga alay na malalaki at magagandang bulaklak. Malalaking kontribusyon ang ibinigay sa kanyang pangalan sa Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon at sa posisyon niya sa Brigham Young University. Talagang daan-daang sulat ang dumating. Kahun-kahon ang napuno nito mula sa maraming kilala namin at maging sa napakaraming hindi namin kilala. Lahat sila’y nagpahayag ng paghanga sa kanya, at pakikiramay at pagmamahal sa amin na kanyang naiwan.
Ikinalulungkot namin na hindi namin nasagot nang isa-isa ang marami sa mga ito. Kaya ngayo’y sinasamantala ko ang pagkakataong ito upang pasalamatan kayong lahat sa malaking kabaitan ninyo sa amin. Maraming, maraming salamat, at paumanhin sa hindi namin pagsagot. Hindi namin nakaya ang gawain, ngunit ang inyong mga pahayag ay naghatid ng ginhawa sa oras ng aming pagdadalamhati.
Nagpapasalamat akong masabi na sa mahabang buhay namin na magkasama wala akong maalalang malubhang pag-aaway. Paminsan-minsang maliliit na tampuhan, oo, pero hindi matindi. Naniniwala ako na naging kasiya-siya ang aming pagsasama tulad ng sa iba.
Alam ko na marami sa inyo ang pinagpala rin nang gayon, at taos-puso ko kayong binabati, dahil kapag nasabi at nagawa na ang lahat wala nang pagsasamang higit ang yaman kaysa sa pagsasama ng mag-asawa, at wala nang higit na mahalaga para sa kabutihan o kasamaan maliban sa walang hanggang kahihinatnan ng pag-aasawa.
Nakikita kong lagi ang mga kahihinatnang iyon. Nakikita ko kapwa ang ganda at trahedya. Kaya nga pinili kong magsalita ngayon tungkol sa mga babae sa ating buhay.
Magsisimula ako sa Paglikha ng mundo.
Mababasa natin sa aklat ng Genesis at sa aklat ni Moises ang dakila at nag-iisa at pambihirang gawaing iyon. Ang Maykapal ang arkitekto ng paglikhang iyon. Sa ilalim ng Kanyang direksyon isinagawa ito ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang Dakilang Jehova, na katulong si Miguel, ang arkanghel.
Unang nilikha ang langit at lupa, na sinundan ng paghihiwalay ng liwanag sa kadiliman. Inalis ang mga tubig sa lupa. Pagkatapos ay dumating ang mga halaman, na sinundan ng mga hayop. Sumunod doon ang makapangyarihang paglikha sa tao. Itinala sa Genesis na “Nakita ng Dios ang lahat ng kaniyang nilikha, at, narito, napakabuti” (Genesis 1:31).
Pero hindi pa kumpleto ang proseso.
“Datapuwa’t [si Adan] ay walang nasumpungang maging katulong niya.
“At hinulugan ng Panginoong Dios ng di kawasang himbing ang lalake, at siya’y natulog: at kinuha ang isa sa kaniyang mga tadyang at pinapaghilom ang laman sa dakong yaon;
“At ang tadyang na kinuha ng Panginoong Dios sa lalake ay ginawang isang babae, at ito’y dinala niya sa lalake.
“At sinabi [ni Adan], Ito nga’y buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: siya’y tatawaging Babae” (Genesis 2:20–23).
Kaya nga si Eva ang huling nilikha ng Diyos, ang maringal na buod ng lahat ng kagila-gilalas na gawain na ginawa noon.
Bagama’t malaki ang pagpapahalagang ito sa pagkalikha ng babae, madalas sa paglipas ng mga panahon ay ibinababa ang tungkulin niya sa mas mababang puwesto. Siya ay inaba. Siya ay hinamak. Siya ay inalipin. Siya ay inabuso. Sa kabila ng lahat ng ito ilan sa mga pinakadakilang tao sa banal na kasulatan ay mga babaeng may dangal, matagumpay, at may pananampalataya.
Nariyan sina Ester, Noemi, at Ruth ng Lumang Tipan. Nariyan si Saria ng Aklat ni Mormon. Nariyan si Maria, ang mismong ina ng Manunubos ng daigdig. Nariyan siya sa atin bilang hinirang ng Diyos, na inilarawan ni Nephi bilang “isang birhen, pinakamaganda at kaakit-akit sa lahat ng iba pang birhen” (1 Nephi 11:15).
Siya ang babaeng nagdala sa batang si Jesus sa Egipto upang iligtas ang Kanyang buhay mula sa poot ni Herodes. Siya ang babaeng nag-alaga sa Kanya sa Kanyang kabataan at pagbibinata. Siya ang Kanyang katabi noong nakapako sa krus sa burol ng Calvario ang Kanyang pinahirapang katawan. Sa Kanyang pagdurusa sinabi Niya rito, “Babae, narito, ang iyong anak!” At sa Kanyang disipulo sa isang pagsamo na alagaan niya ito, sinabi Niya, “Narito, ang iyong ina!” (Juan 19:26–27).
Sa pag-aaral sa Kanyang buhay nariyan sina Maria at Marta, at si Maria Magdalena. Siya ang babaeng nagtungo sa libingan noong unang umaga ng Pasko ng Pagkabuhay. At sa kanya, na isang babae, una Siyang nagpakita bilang nabuhay na mag-uling Panginoon. Bakit kaya kahit pinahalagahan nang lubos ni Jesus ang babae, napakarami pa ring mga lalaki na sumasamba sa Kanya ang ayaw gawin ito?
Sa Kanyang maringal na plano, nang unang likhain ng Diyos ang tao, pinaghiwalay Niya ang kasarian nito. Ang nagpapadakilang pahayag sa paghihiwalay na iyon ay matatagpuan sa pagsasama ng mag-asawa. Nagiging ganap ang isang tao dahil sa isa pa. Sabi nga ni Pablo, “Ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon” (I Mga Taga Corinto 11:11).
Walang ibang kasunduan na tumutugon sa banal na mga layunin ng Maykapal. Ang lalaki at babae ay Kanyang mga lalang. Ang pagkakahiwalay nila ay Kanyang plano. Pangunahin ang pagbubuo ng kanilang relasyon at tungkulin sa Kanyang mga layunin. Hindi ganap ang isang tao kapag wala ang isa pa.
Alam ko na maraming mabubuting babae sa atin na walang pagkakataong makapag-asawa. Pero malaki rin ang nagagawa nilang kontribusyon. Tapat at buong kakayahan silang naglilingkod sa Simbahan. Nagtuturo sila sa mga organisasyon. Nagiging mga lider sila.
May nakakatuwang bagay akong nasaksihan noong makalawa. Nagmimiting ang mga General Authority at kasama namin ang panguluhan ng Relief Society. Ang mga babaeng ito na may kakayahan ay tumayo sa silid ng aming konseho at ibinahagi sa amin ang mga alituntuning pangkapakanan at pagtulong sa mga nahihirapan. Ang katayuan namin bilang mga opisyal ng Simbahang ito ay hindi bumaba sa ginawa nila. Nadagdagan pa nga ang kakayahan naming maglingkod.
May ilang kalalakihan na, dahil sa kahambugan, ang akala’y nakahihigit sila sa mga babae. Hindi nila nalalaman na wala sila sa mundo kung hindi sila ipinanganak ng kanilang ina. Kapag ipinagpipilitan nila ang pagiging mas mataas nila ay hinahamak nila ang babae. Ang sabi nga, “Hindi maaaba ng lalaki ang babae nang hindi inaaba ang sarili niya mismo; hindi niya masasamba ito nang hindi niya sinasamba ang kanyang sarili” (Alexander Walker, Elbert Hubbard’s Scrap Book, 204).
Napakatotoo nito. Nakikita natin ang mapait na bunga ng paghamak na iyan sa ating paligid. Diborsyo ang isa sa mga resulta nito. Laganap na ang kasamaan sa ating lipunan. Resulta ito ng kawalang-galang sa asawa. Makikita ito sa pagpapabaya, pamimintas, pang-aabuso, pang-iiwan. Tayo sa Simbahan ay hindi ligtas dito.
Ipinahayag ni Jesus, “Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao” (Mateo 19:6).
Ang salitang tao ay ginagamit para sa lalaki at babae, pero ang totoo karaniwa’y lalaki ang nagiging sanhi ng mga kalagayang humahantong sa diborsyo.
Matapos makita ang daan-daang kaso ng diborsyo sa paglipas ng mga taon, naniniwala ako na malaki ang magagawa ng isang alituntunin kaysa sa iba para malutas ang napakalaking problemang ito.
Kung bawat asawang lalaki at babae ay palaging gagawin ang maaaring magawa upang tiyakin ang kaginhawahan at kaligayahan ng kanyang kabiyak kakaunti lang, kung mayroon man, ang diborsyo. Walang maririnig na pagtatalo. Walang sasambit ng mga pagbibintang. Hindi mangyayari ang mga biglang pagkagalit. Bagkus, pag-ibig at pagmamalasakit ang hahalili sa pang-aabuso at kalupitan.
May popular na awitin kaming kinakanta noon, na ang sabi sa mga titik:
Nais kong lumigaya
Pero di ako liligaya
Kung di kita mapapaligaya.
(Irving Caesar, “I Want to be Happy” [1924])
Totoo nga naman.
Bawat babae ay anak ng Diyos. Hindi mo siya masasaktan nang hindi mo sinasaktan ang Diyos. Isinasamo ko sa kalalakihan ng Simbahang ito na hanapin at alagaan ang kabanalan sa kanilang mga kabiyak. Kapag nangyari ito magkakaroon ng pagkakasundo, kapayapaan, kasaganaan sa buhay-pamilya, pangangalaga sa pag-ibig.
Buti na lang at ipinaalala sa atin ni Pangulong McKay na “walang anumang tagumpay sa buhay na makakapuno sa kakulangan sa tahanan” (sinipi sa Home: The Savior of Civilization, ni J. E. McCulloch, [1924], 42; sa Conference Report, Abr. 1935, 116).
Gayundin, ang katotohanang ipinaalala sa atin ni Pangulong Lee: “Ang [pinakadakilang] gawaing magagawa ninyo ay nasa loob ng sarili ninyong tahanan” (“Maintain Your Place as a Woman,” Ensign, Peb. 1972, 51).
Ang gamot sa karamihan sa problema ng mag-asawa ay hindi diborsyo. Ito’y pagsisisi at kapatawaran, mga pagpapahayag ng kabaitan at pagmamalasakit. Matatagpuan ito sa pamumuhay ng Ginintuang Aral.
Napakagandang tanawin ang isang binata at isang dalaga na magkahawak-kamay sa altar sa isang tipan sa harapan ng Diyos na igagalang at mamahalin ang isa’t isa. Pagkatapos ay nakalulunos tingnan kapag ilang buwan o taon pa lang ay may masasakit, malulupit at matatalim na salita na, pagtatalo, mapapait na bintang.
Hindi kailangang magkaganito, mahal kong mga kapatid. Madadaig natin ang mga malulupit at mahihinang elemento sa ating buhay (tingnan sa Mga Taga Galacia 4:9). Mahahanap at makikita natin ang likas na kabanalan sa isa’t isa na dumarating sa atin bilang mga anak ng ating Ama sa Langit. Maaari tayong magsama sa huwarang bigay ng Diyos sa pag-aasawa sa pagtupad niyaong kaya natin kung didisiplinahin natin ang ating sarili at iiwasang disiplinahin ang ating kabiyak.
Ang mga babae sa ating buhay ay mga nilalang na pinagkalooban ng partikular na mga katangian at kabanalan na nag-uudyok sa kanilang tumulong nang may kabaitan at pagmamahal sa mga nasa paligid nila. Mahihikayat natin ang pagtulong na iyan kung bibigyan natin sila ng oportunidad na magpakita ng mga talento at likas na hilig na nasa kanilang kalooban. Sa aming katandaan sinabi sa akin ng pinakamamahal kong kabiyak isang gabi, “Hinahayaan mo akong lumaya sa tuwina, at minahal kita dahil dito.”
Minsa’y may nakilala akong isang lalaki, pero patay na ngayon, na noo’y sapilitang gumawa ng lahat ng desisyon para sa kanyang asawa at mga anak. Hindi sila makabili ng pares ng sapatos nang wala siya. Hindi sila makapag-aral ng piyano. Hindi sila makapaglingkod sa Simbahan nang wala siyang pahintulot. Noon pa’y nasaksihan ko na ang resulta ng ugaling iyon, at hindi maganda ang bunga nito.
Kailanma’y hindi nag-alangan ang aking ama na purihin ang aking ina. Batid naming mga anak na mahal niya ito dahil sa pakikitungo niya rito. Pinagbigyan niya ito. At lagi akong magpapasalamat nang lubos sa halimbawa niya. Marami sa inyo ang napagpala nang gayon.
Ngayo’y puwede pa akong magpatuloy pero hindi na kailangan. Nais ko lang bigyang-diin ang dakila at namumukod-tanging katotohanan na tayong lahat ay mga anak ng Diyos, kapwa mga anak na lalaki at babae, magkakapatid.
Bilang isang ama, mahal ko ba ang mga anak kong lalaki kaysa mga anak kong babae? Hindi. Kung may pinapaboran man ako iyo’y ang mga anak kong babae. Sinabi ko na kapag tumanda ang isang lalaki dapat siyang magkaroon ng mga anak na babae sa kanyang paligid. Ang babait nila at mabubuti at maalalahanin. Palagay ko’y masasabi ko na matatalino’t may kakayahan ang aking mga anak na lalaki. Ang mga anak kong babae ay magagaling at mababait. At “ang aking saro ay inaapawan” (Mga Awit 23:5) dahil dito.
Ang mga babae ay napakahalagang bahagi ng plano ng kaligayahan na binalangkas ng ating Ama sa Langit para sa atin. Ang planong iyan ay hindi gagana kung wala sila.
Mga kapatid, napakaraming kalungkutan sa mundo. Napakaraming kapighatian at sama ng loob at dalamhati. Napakaraming luhang tumulo sa nalulungkot na mga asawa at anak na babae. Napakaraming pagpapabaya at pang-aabuso at kalupitan.
Ibinigay sa atin ng Diyos ang priesthood, at ang priesthood na iyan ay magagamit, “tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig; sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman, na siyang lubos na magpapalaki ng kaluluwa nang walang pagkukunwari, at walang pandaraya” (D at T 121:41–42).
Lubos akong nagpapasalamat, dapat ay lubos tayong magpasalamat na lahat, para sa mga babae sa ating buhay. Pagpalain sila ng Diyos. Nawa’y dumaloy sa kanila ang dakilang pag-ibig Niya at putungan sila ng kinang at ganda, biyaya at pananampalataya. At nawa’y dumaloy sa atin ang Kanyang Espiritu, bilang mga lalaki, at akayin tayong lagi na igalang sila, pasalamatan, hikayatin, palakasin, alagaan, at mahalin, na siyang pinakadiwa ng ebanghelyo ng ating Manunubos at Panginoon. Ito ang mapagpakumbaba kong dalangin, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.