2004
Ako’y Nakatayo sa Pintuan at Tumutuktok
Nobyembre 2004


“Ako’y Nakatayo sa Pintuan at Tumutuktok”

Inaanyayahan ko kayong … gawin ang kailangan para taimtim na hanapin ang katotohanan, makilala ang Diyos Amang Walang Hanggan at Kanyang Anak na si Jesucristo.

Ilang linggo na ang nakalilipas nasa isang pagtitipon kami ng isang matagal ko nang kaibigan—isang kaibigan na kareretiro pa lang, mataas ang pinag-aralan, at lubhang matagumpay. Kilala siya sa kanyang bansa bilang lider sa kanyang larangan. Habang magkatabi kami sa hapag-kainan, bumaling siya sa akin at nagtanong tungkol sa Simbahan. Nakakagulat ito dahil ang alam ko, gaya ng marami sa mundo ngayon, hindi siya naniniwala sa Diyos. Taimtim ang tanong niya. Mukhang matagal na niya itong pinag-isipan dahil wala kaming napag-usapan na maaaring mag-udyok nito.

Ikinuwento ko sa kanya ang Panunumbalik, na ang Diyos Amang Walang Hanggan at ang Kanyang anak na si Jesucristo, ay nagpakita kay Joseph Smith na naging kasangkapan sa pagpapanumbalik ng priesthood at awtoridad ng Diyos sa lupa. Nagpatotoo ako na tiyak kong totoo ang sinabi ko sa kanya. Matagal siyang di umimik habang minamasdan ko ang malalim niyang pag-iisip sa sinabi ko. Batid na nililimi niya ang kanyang narinig, lumapit ako at sinabi kong, “Matitiyak mo ring tulad ko na ang sinabi ko’y totoo. Kung tatanungin mo sa ‘Diyos, ang Amang Walang Hanggan … nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, [ipinangangako ko sa inyo na] kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay.’”1

Patuloy siyang naglimi. Sa kasamaang-palad inabala kami ng iba pang mga panauhin at lumipas ang mahalagang sandaling iyon, pero batid ko na sa puso niya ay malalim niyang pinag-iisipan ang kanyang narinig at nadama. Sana’y muli akong magkaroon ng pagkakataon dahil marami pa akong gustong ibahagi sa kanya. Alam ko na katulad siya ng libu-libo o milyun-milyong iba pa sa mundo ngayon na kuntento na sa buhay. Tulad ng sabi ni Nephi, sila ay napayapa at dahan-dahang naakay “tungo sa mahalay na katiwasayan.”2 Nasanay sila sa mga tradisyon at naturuan sa mga doktrina ng tao.

Habang iniisip ko ang sandaling iyon, tinanong ko sa aking sarili at “Ano ang gantimpala sa pagsunod sa mga pilosopiya ng tao?” Maliwanag ang sagot. Naglalaho ang pilosopiya kasabay ng sibilisasyon nito at nauuwi sa alabok ng nakaraan nang walang nakakamit na walang hanggang gantimpala. Nadama ko na inantig ng Espiritu ng Panginoon ang kaibigan ko. Kailanma’y hindi nawalan ng pag-asa sa atin ang ating Ama sa Langit. Sinabi ng Tagapagligtas, “Narito, ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo ko.”3

Ngunit dapat nating hangaring buksan ang pintuan, kahit yumanig pa ang pinakapundasyon ng ating nakaraang mga paniniwala at paraan ng pamumuhay. At angkop ito kapwa sa di-gaanong aktibong mga miyembro at sa mga di miyembro ng Simbahan. Naalala ko ang mga titik ng isang himno:

Kalul’wa’y may kalayaan

Sa buhay niya’t kahihinatnan;

Walang hanggang katotohanan:

Di ka pipilitin sa kabanalan.

Kakatok, aantig, gagabay,

Talino’t liwanag ang bigay,

Di maarok buti’t kabaitan,

Di pipilitin ang ‘yong isipan.4

Hinding-hindi babawiin ng ating Ama sa Langit ang ating kalayaang pumili. Dapat nating hangarin o naising kilalanin ang ating Ama at Kanyang Anak, si Jesucristo. May paraan para malaman ng lahat ng tao kung totoo o hindi ang mga turo ni Jesucristo. Nang sagutin ni Jesus ang mga nag-aalinlangan sa Pista ng mga Tabernakulo, sabi Niya, “Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili.”5

Sinabi ni Pangulong David O. McKay na ito “ang pinakasimpleng pagsubok upang ipaalam sa isang tao ang isang bagay na hindi maunawaan ng isipan. Ang paggawa ng isang bagay, ang ipatanggap ito sa inyong kalooban, ang kukumbinsi sa inyo kung ito’y mabuti o masama. Maaaring hindi ninyo ako mapaniwala sa inyong nalalaman, pero alam ninyo ito, dahil ipinamuhay ninyo ito.”6

Ano ang kalooban ng Ama? “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagpapatotoo sa mundo na ipinaalam ang kalooban’ ng Diyos sa dispensasyong ito; na ang mga alituntunin ng ebanghelyo at ng buhay ay inihayag na. [Na] ang mga ito ay naaayon sa mga alituntuning itinuro ni Cristo sa kalagitnaan ng panahon”7 at na “sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.”8

Tayo’y nabubuhay sa panahon ng pagdadahilan; gustong balewalain ng mga tao ang mga espirituwal na karanasan, at ipagkait sa kanilang sarili ang paghahayag. Nasaan na ang mga isipang naghahanap, bukas, tumutuklas—hangad makaalam sa katotohanan at kaalaman? Mahilig tayong umasa sa sarili nating pangangatwiran. Nais ng Panginoon na maging sensitibo tayo sa Espiritu at binigyan Niya tayo ng huwaran:

“At muli, ako ay magbibigay sa inyo ng isang huwaran sa lahat ng bagay, nang hindi kayo malinlang; sapagkat si Satanas ay nagtungo sa lupa, at siya ay naglilibot nililinlang ang mga bansa—

“Dahil dito siya na nananalangin, na ang espiritu ay nagsisisi, siya rin ay aking tinatanggap kung sinusunod niya ang aking mga ordenansa.

“Siya na nagsasalita, na ang espiritu ay nagsisisi, na ang mga salita ay may kaamuan at nagpapatibay, siya rin ay mula sa Diyos kung sinusunod niya ang aking mga ordenansa.”9

Bakit mahalagang hangarin nating malaman ang katotohanan?

Si Jesus, na ating Manunubos, bago tumawid sa batis ng Cedron at ipagkanulo ni Judas, ay nag-alay ng maluwalhating panalangin ng pamamagitan. Nanalangin Siya sa Ama para sa atin, sinabi Niya, “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.”10

Ang makilala ang Diyos at Kanyang Anak ay buhay na walang hanggan. Paano natin matututuhang kilalanin ang Diyos kung hindi tayo handang hanapin Siya at gawin ang Kanyang kalooban? Buhay na walang hanggan ang dapat nating hangarin nang higit kaysa anupamang bagay sa mundong ito.

Hindi mapag-aaralan ninuman ang tungkol kay Jesucristo at Kanyang turo nang hindi naiimpluwensyahan at napapabuti. Kapag nagkaroon kayo ng patotoo sa Tagapagligtas, nais ninyong matulad sa Kanya at sundin Siya, at sa gayo’y pumasok sa tubig ng binyag at gumawa ng sagradong pakikipagtipan sa Kanya.

Nag-aalala ang ating Tagapagligtas sa ating lahat:

“Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos;

“Sapagkat, masdan, ang Panginoon na inyong Manunubos ay nakaranas ng kamatayan sa laman; dahil dito kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay magsisi at lumapit sa kanya.

“At siya ay nabuhay na muli mula sa patay, upang kanyang madala ang lahat ng tao sa kanya, kung sila ay magsisisi.

“At anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi!”11

Dahil sa malaking pag-ibig Niya sa atin, isang banal na pag-ibig, nais Niyang danasin natin ang kagalakang dinaranas Niya Mismo. Sabi Niya, “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang ang aking kagalakan ay mapasa inyo, at upang ang inyong kagalakan ay malubos.”12 Babasbasan Niya tayo ng tunay na kapayapaan—ng isipan, ng damdamin, ng katawan, ng espiritu, ng kabuhayan—“hindi gaya ng [kapayapaang] ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo,”13 bagkus isang “kapayapaan … na di masayod ng pagiisip.”14

Sa pagsunod ng isang tao sa kalooban ng ating Ama sa Langit, darating ang pag-unlad sa espiritu, isipan at damdamin at muling pagtiyak sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng katotohanan. Ang pagtiyak at galak na iyon ay lalago sa isang perpektong kaalaman. Sabi ng Tagapagligtas, “Kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan.”15

Sa di-gaanong aktibo, sa taos ang puso, sa kaibigan ko at sa mabubuting tao sa daigdig, inaanyayahan ko kayong gumising sa pagwawalang-bahala at hangal na pagkakuntento at lumapit kay Cristo at gawin ang kailangan para taimtim na hanapin ang katotohanan, makilala ang Diyos Amang Walang Hanggan at Kanyang Anak na si Jesucristo. Dahil “ito ang daan; at walang ibang daan ni pangalang ibinigay sa silong ng langit upang ang tao ay maligtas sa kaharian ng Diyos.”16

Pinatototohanan ko na kapag sinunod ninyo ang Kanyang kalooban, mapapalapit kayo sa Kanya at mauunawaan ninyo ang kagalakang walang hanggan at makakamtan ang buhay na walang hanggan. Malalaman ninyo na Siya’y buhay, na Siya ang ating Ama na mapagmahal na naghahayag sa atin ng katotohanan ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na mag-uli at kabanalan ng dakilang gawaing ito. Ito’y mapakumbaba kong pinatototohanan, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Moroni 10:4–5.

  2. 2 Nephi 28:21.

  3. Apocalipsis 3:20.

  4. “Know This, That Every Soul is Free,” Hymns, blg. 240.

  5. Juan 7:17.

  6. “What is Eternal Life,” Instructor, Mar. 1968, 97.

  7. David O. McKay, Instructor, Mar. 1968, 98.

  8. Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3.

  9. D at T 52:14–16.

  10. Juan 17:3.

  11. D at T 18:10–13.

  12. Juan 15:11.

  13. Juan 14:27.

  14. Mga Taga Filipos 4:7.

  15. D at T 42:61.

  16. 2 Nephi 31:21.