“Pakanin Mo ang Aking mga Tupa”
Lahat tayo’y may malaking responsibilidad… . Kabilang diyan ang paghahanap sa mga yaong hindi natin kasama at mahalin at kaibiganin natin sila.
Noong bata pa akong misyonero na naglilingkod sa Mexico, natawag akong maglingkod bilang branch president sa isang maliit na bayan sa estado ng Veracruz. Noong nirerebyu namin ng kompanyon ko ang rekord ng mga miyembro sa maliit naming branch, nakita namin ang rekord ng isang brother na naorden bilang deacon pero hindi dumadalo sa mga miting.
Nagplano kaming bisitahin siya. Nang bisitahin siya, inanyayahan namin siyang dumalo sa mga miting at maglingkod sa mga responsibilidad niya sa priesthood. Dumating siya nang sumunod na Linggo, pero hindi angkop ang pananamit at hindi nag-ahit. Kaya tinuruan namin siyang maging malinis at maayos kapag gumaganap sa mga sagradong responsibilidad na iyon sa priesthood, kasama na ang pagpapasa ng sakrament. Malaki ang ipinagbago ng buhay niya sa paglilingkod nang tapat. Ang branch na iyon ang huli kong destino sa misyon bago ako umuwi. Nang handa na akong lisanin ang branch, dumating ang butihing brother na ito at niyapos ako, mahigpit na niyakap at inikot. Habang ginagawa niya ito, lumuluha siya at sinabing, “Salamat sa pagdating mo at pagtulong sa akin.”
Kung minsan naliligaw tayo ng landas at napapalayo. Kung minsan nasasaktan ang damdamin natin o may iba pang problema. Iisa lang ang kahahantungan nito at hindi natin nakakamtan ang mga biyayang maaari nating makamit. Ang kapalaluan, kawalan ng tiwala, pandaraya, kawalan ng pag-asa at maraming uri ng pagkakasala ay mapapawi kapag binago ang puso at sumunod sa landas na tinahak ng Tagapagligtas. Sabi Niya, “matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin” (D at T 19:23). Tinubos tayo ng Tagapagligtas. Mahal Niya ang bawat isa sa atin at tinutulungan ang lahat ng lalapit at susunod sa Kanya.
May apoy ng paghahangad sa kabutihan sa ating kalooban. Kapag naparingas ang apoy na iyan at naalagaan sa mga walang hanggang katotohanan ng ebanghelyo at patotoo ng Espiritu, tutugon at lalakas ito at magiging marikit hanggang sa maakay tayo sa kaganapan ng katotohanan. Kailangang mapagningas ng pag-ibig at pagsuyo ang apoy, at sundan ng patuloy na pangangalaga. Para itong hardinero na nagtatanim ng magagandang bulaklak. Ang palagiang pagsuyo at pangangalaga sa paglipas ng panahon ay nagbubunga ng napakarikit na mga bulaklak na kinatutuwaan ng lahat ng makakita rito.
Mahalagang bahagi rin ang pagpapatawad sa pagbalik natin sa kaligayahan sa kaharian ng ating Ama. Kung minsan ay masasaktan tayo o magagawan ng kamalian at magiging balakid ito na maglalayo sa atin sa ating walang hanggang mithiin, na makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit. Itinuro sa atin ng Tagapagligtas ang huwaran ng pagpapatawad nang ituro niya ang Panalangin ng Panginoon. Sabi Niya, “at ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin” (Mateo 6:12). Makikita natin dito na para mapatawad, kailangan nating magpatawad. Kung minsan ay medyo mahirap ito kapag malalim ang sugat at napakatagal na.
Gayunman, sa mga huling araw na ito itinuro ng Tagapagligtas ang prinsipyong ito nang mas malinaw sa ganitong salita. “Ang aking mga disipulo, noong unang panahon, ay naghangad ng masama laban sa isa’t isa at hindi nila pinatawad ang isa’t isa sa kanilang mga puso; at dahil sa kasamaang ito sila ay pinahirapan at labis na pinarusahan.
“Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.
“Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao” (D at T 64:8–10). Kapag sinunod natin ang payong ito tutulungan tayo nitong malagpasan kahit ang pinakamatinding pagsubok.
Kapag nagpatawad tayo at pinalampas natin ito, na naging mabigat sa ating puso at nagpaligaw sa ating landas, isang malaking pasanin ang naalis sa ating kaluluwa at napalaya tayo. Malayang sumulong at umunlad sa pagsunod natin sa ebanghelyo ni Jesucristo, na may higit na pagmamahal sa ating puso. Pagpapalain tayo ng higit na sigla sa buhay at gagaan ang ating puso. Isusulong tayo ng bugso ng espirituwal na lakas sa kagalakan at kaligayahan. Mawawala ang mga problema ng nakaraan gaya ng luma at kupas nang mga damit. “At ngayon, sinasabi ko sa inyo na ang mabuting pastol ay tumatawag sa inyo; at kung kayo ay makikinig sa kanyang tinig kayo ay dadalhin niya sa kanyang kawan, at kayo ay kanyang mga tupa” (Alma 5:60).
Kailangan ng lakas ng loob para makabalik kapag nalayo tayo sa landas ng Tagapagligtas. Pangako ko sa inyo na kapag pinalakas ninyo ang inyong loob at ginawa ang kinakailangang mga hakbang madarama ninyo ang pagbuhos ng pagmamahal. Marami ang makikigalak sa inyo at makikipagkaibigan. Aalagaan kayo at mapupuspos ng galak ng inyong puso.
“Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos;
“Sapagkat, masdan, ang Panginoon na inyong Manunubos ay nakaranas ng kamatayan sa laman; dahil dito kanyang tiniis ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay magsisi at lumapit sa kanya… .
“At anong laki ng kanyang kagalakan sa kaluluwang nagsisisi!” (D at T 18:10–11, 13).
Tayong lahat ay magkakapatid, mga anak ng ating Ama sa Langit, at dapat nating tulungan ang mga nakalimot sa anumang dahilan sa landas. Mahal namin kayo at inaanyayahang lumapit sa hapag at makibahagi sa espirituwal na piging na inihanda ng Panginoon para sa inyong kagalakan at kaligayahan. Madarama ninyo ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa inyo kapag lumapit kayo nang may pusong may pagkukusa, masunurin at handang makibahagi at maglingkod. Kilala Niya kayo; alam Niya ang inyong mga pangangailangan at ang mga hamon ninyo sa hinaharap. Ganap Niyang nauunawaan ang damdamin, pagdurusa, mga pagsubok ng bawat isa sa atin. Dahil diyan at sa walang katapusang Pagbabayad-sala ng Kanyang Anak na si Jesucristo, makakaya ninyong harapin ang bawat hamong darating sa inyong buhay.
Lahat tayo’y may malaking responsibilidad na ipinabalikat sa atin ng Tagapagligtas. Sabi Niya, “Pakanin mo ang aking mga tupa” (Juan 21:17). Kabilang diyan ang paghahanap sa mga taong hindi natin kasama at mahalin at kaibiganin natin sila. Kasama natin silang nanindigan sa una nating kalagayan. Gumawa sila ng mga sagradong tipan sa binyag, at marahil maging sa templo. Kailangan nila ngayon ang ating tulong.
Dalangin ko na bawat isa sa atin ay maisip ang ating mga pamilya, kaibigan at kakilala, na hindi nagtatamasa ng ganap na mga biyaya ng ebanghelyo. Isipin ang mga nasa sakop ng inyong responsibilidad dahil sa inyong katungkulan. Itanong sa inyong sarili, “Ano ang magagawa ko?” Gagabayan kayo ng Ama sa Langit kapag humingi kayo sa Kanya ng tulong. At humayo at hanapin at anyayahan silang bumalik at magalak sa lubos na pakikipagkaibigan at magandang mensahe ng ibinalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Iparinig at ipadama sa kanila ang inyong pagmamahal at patotoo. Tulungan silang gunitain ang damdaming minsan nilang nadama sa mga walang hanggang katotohanan na magdudulot ng kagalakan at kaligayahan sa kanilang buhay.
Nawa’y maging seryoso tayo sa pagtitipon sa kanyang mga tupang naligaw, nang sa gayo’y maging ligtas sila sa loob ng kawan. Siya, “na makapangyarihang magligtas,” (2 Nephi 31:19) ang Mabuting Pastol, at mahal Niya ang Kanyang mga tupa. Pinatototohanan ko ito sa ngalan ni Jesucristo, amen.