Huwag Palinlang
Pangangalagaan tayo ng Espiritu Santo laban sa pagkalinlang, ngunit para makamtan ang magandang pagpapalang iyon lagi nating dapat gawin ang mga bagay na kailangan para mapanatili ang Espiritung iyon.
Nagpapasalamat akong makapagsalita sa pandaigdigang kongregasyon ng mga maytaglay ng priesthood. Ngayo’y alas-8:00 ng Linggo ng umaga sa Pilipinas, ang aking tahanan sa loob ng dalawang taon. Inihahatid ko ang aking pagbati sa pinakamamahal kong mga kasamahan sa bansang iyon at sa lahat sa inyo.
Palagay ko’y walang bata sa grupong ito, tanging mga kabataang maytaglay ng priesthood. Isinulat ni Apostol Pablo na noong bata pa siya bata rin ang pang-unawa niya, pero nang magbinata na siya isinantabi na niya ang mga bagay na iyon (tingnan sa I Mga Taga Corinto 13:11). Gayon din ang ginagawa ninyong mga kabataan, kaya magsasalita ako sa inyo nang lalaki sa lalaki.
I.
Malayo pa ang lalakbayin ninyong mga kabataan sa buhay, at marami pa kayong pagdedesisyunan habang hinahangad ninyong makabalik sa ating Ama sa Langit. Sa daan ay maraming nakakaakit na mga palatandaan. Si Satanas ang may-akda ng ilan sa mga paanyayang ito. Hangad niyang lituhin at linlangin tayo, ilipat tayo sa mababang daang palayo sa ating walang hanggang patutunguhan.
Noong una, nang palayasin ang isang makapangyarihang espiritu dahil sa paghihimagsik, “siya ay naging si Satanas, … ang diyablo, ang ama ng lahat ng kasinungalingan, upang linlangin at bulagin ang mga tao, at akayin silang bihag sa kanyang kagustuhan” (Moises 4:4). Siya at ang mga espiritung sumunod sa kanya ay nililinlang pa rin ang mundo. Inilahad ng makabagong paghahayag na “si Satanas din ay nagnais na malinlang kayo, upang kanya kayong ibagsak” (tingnan sa D at T 50:2–3). Nakakatukso ang mga pamamaraan ni Satanas sa panlilinlang: musika, sine at iba pang media, at ang sigla ng kasayahan. Kapag nagtatagumpay si Satanas sa panlilinlang sa atin, madali niya tayong matatangay.
Narito ang ilang paraan ng diyablo sa panlilinlang sa atin. Binabalaan tayo ng mga kautusan ng Diyos at mga turo ng Kanyang mga propeta laban sa bawat isa rito.
1. Isang uri ng panlilinlang ang paghahangad na iligaw tayo kung sino ang dapat nating sundin. Patungkol sa mga huling araw, itinuro ng Tagapagligtas: “Mangagingat kayo na huwag kayong mailigaw ninoman. Sapagka’t marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at ililigaw ang marami” (Mateo 24:4–5). Sa madaling salita, marami ang hangad tayong linlangin sa pagsasabing sila o ang kanilang mga turo ang magliligtas sa atin, kaya hindi na kailangan ang Tagapagligtas o ang Kanyang ebanghelyo. Inilalarawan ito sa Aklat ni Mormon bilang “kapangyarihan ng diyablo, upang maakay palayo at malinlang ang mga puso ng mga tao … na maniwalang ang doktrina ni Cristo ay isang kahangalan at walang kabuluhang bagay” (3 Nephi 2:2).
2. Hangad din ni Satanas na linlangin tayo tungkol sa tama at mali at kumbinsihin tayo na walang bagay na makasalanan. Ang pagkaligaw na ito ay karaniwang nagsisimula sa maliliit na kasalanan: “Subukan mo lang minsan. Hindi makakasama ang isang serbesa o isang sigarilyo o isang sineng mahalay.” Lahat ng pagkaligaw na ito ay nakalululong. Ang pagkalulong ay isang kondisyon kung saan isinusuko natin ang bahagi ng kapangyarihan nating pumili. Kapag ginawa natin iyon, tinutulutan nating maakay tayo ng diyablo. Inilarawan ni propetang Nephi ang kahahantungan nito: ang sabi ng diyablo, “Walang impiyerno,” at, “Hindi ako diyablo, sapakat walang diyablo—at ganito ang ibinubulong niya sa kanilang mga tainga, hanggang sa kanyang mahawakan sila ng kanyang mga kakila-kilabot na tanikala, na kung saan ay walang kawala” (2 Nephi 28:22).
Kung pipiliin natin ang maling landas, pinipili natin ang maling hantungan. Halimbawa, isang matagal ko nang kaibigan ang nagsabi sa akin na ang asawa niya, na laging “mabait” noong hayskul, ay uminom nang kaunti sa akalang malilimutan niya ang ilang problema. Bago pa niya namalayan kung ano ang nangyayari, nalulong na siya. Ngayon hindi na niya makayang suportahan ang pamilya niya, at halos wala na siyang magawa. Sugapa na siya sa alak, at hindi na makaalpas dito.
3. Nagbabala si propetang Nephi laban sa isa pang uri ng panlilinlang: “At gagawin niyang payapa ang iba, at dahan-dahan silang aakayin tungo sa mahalay na katiwasayan, na kanilang sasabihin: Mainam ang lahat sa Sion; oo, umuunlad ang Sion, mainam ang lahat—at sa gayon lilinlangin ng diyablo ang kanilang mga kaluluwa, at maingat silang aakayin pababa sa impiyerno” (2 Nephi 28:21).
Ang mga bumibigay sa panlilinlang na ito ay maaaring sabihing naniniwala sila sa Diyos, ngunit binabalewala ang Kanyang mga utos o katarungan. Tiwala sila sa sarili nilang tagumpay at naniniwalang tanggap ng Diyos ang pinili nilang landas.
“Oo, at marami ang magsasabi: Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya, sapagkat mamamatay tayo bukas; at ito ay makabubuti sa atin.
“At marami rin ang magsasabi: Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya; gayon pa man, matakot sa Diyos—kanyang bibigyan ng katwiran ang paggawa ng kaunting kasalanan; … walang masama rito; at gawin ang lahat ng bagay na ito, sapagkat bukas tayo ay mamamatay; at kung tayo man ay may kasalanan, hahagupitin tayo ng Diyos ng ilang palo, at sa wakas tayo ay maliligtas sa kaharian ng Diyos” (2 Nephi 28:7–8).
Tiyak na nakita na ninyo at narinig ang mga katwirang ito, mga kapatid. Ipaaabot ito sa inyo ng mga guro sa klase o kapwa estudyante sa mga bulwagan, sa binabasa ninyo, at nakikita sa popular na libangan. Pabubulaanan ng marami sa mundo ang pangangailangan sa isang Tagapagligtas. Ang iba’y pabubulaanan na may tama o mali, at hinahamak ang ideya ng kasalanan o diyablo. Ang iba nama’y umaasa sa awa ng Diyos at binabalewala ang Kanyang katarungan. Sabi ng propeta, “Marami ang magtuturo sa ganitong pamamaraan, mali at palalo at mga hangal na doktrina” (2 Nephi 28:9).
Tuwirang nagbabala si Apostol Pablo laban sa “mga panahong mapanganib” na darating sa mga huling araw. “Sapagka’t ang mga tao’y magiging maibigin sa kanilang sarili, … masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan, walang katutubong pagibig, … hindi mga maibigin sa mabuti, … mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios” (II Kay Timoteo 3:1–4). Sinabi rin niya na “ang masasamang tao at mga magdaraya ay lalong sasama ng sasama, na mangagdadaya, at sila rin ang mangadadaya” (t. 13). Sa ilang sandali tatalakayin ko kung paano pinaiiwasan ni Pablo ang kasamaang ito sa batang si Timoteo.
Nagbigay ng isa pang babala ang Apostol laban sa panlilinlang ng diyablo at ng kanyang mga alagad:
“O hindi baga ninyo nalalaman na ang mga liko ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios? Huwag kayong padaya: kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diosdiosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga nangbababae, ni ang mga mapakiapid sa kapuwa lalake, [ni mga mapang-abuso],
“Ni ang mga magnanakaw, ni ang mga masasakim, ni ang mga manglalasing, ni ang mga mapagtungayaw, ni ang mga manglulupig, ay hindi mangagmamana ng kaharian ng Dios” (I Mga Taga Corinto 6:9–10).
Huwag magpalinlang, mga kapatid. Dinggin ang sinauna at makabagong mga babala ng propeta laban sa pagnanakaw, paglalasing, at lahat ng uri ng kasalanang sekswal. Hangad ng manlilinlang na sirain ang inyong espirituwalidad sa lahat ng paraang ito. Binalaan tayo ni Pablo laban sa mga yaong “[naghihintay na makapanlinlang] … sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan” (Mga Taga Efeso 4:14). Mag-ingat sa kaakit-akit na mga tukso na magpakasaya. Ang ipinakikita ng diyablo na masaya ay maaaring magpahamak sa kaluluwa.
II.
Kapag tumitingin tayo sa ating paligid, nakikita natin ang maraming manlilinlang. Naririnig natin ang mga kilalang opisyal na nagsisinungaling tungkol sa mga lihim nilang gawain. Nalalaman natin na ang pinangaralang mga bayani sa palakasan ay nagsinungaling sa pakikipagpustahan sa kalalabasan ng kanilang laro o paggamit ng droga upang mapahusay ang kanilang laro. Nakikita natin ang mga pangkaraniwang tao na gumagawa ng lihim na kasamaang hindi nila gagawin nang harapan. Akala siguro nila’y walang makakaalam. Pero alam itong lagi ng Diyos. At paulit-ulit Siyang nagbabala na darating ang panahon na “ang [ating] mga kasamaan ay ipagsisigawan sa mga bubungan, at ang [ating] mga lihim na gawain ay ihahayag” (D at T 1:3; tingnan din sa Mormon 5:8; D at T 38:7).
“Huwag kayong padaya,” turo ni Apostol Pablo. “Ang Dios ay hindi napabibiro: sapagka’t ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya. Sapagka’t ang naghahasik ng sa kaniyang sariling laman ay sa laman magaani ng kasiraan; datapuwa’t ang naghahasik ng sa Espiritu ay sa Espiritu magaani ng buhay na walang hanggan” (Mga Taga Galacia 6:7–8).
Sa madaling salita, kung malululong tayo sa droga o pornograpiya o iba pang kasamaang tinatawag ng Apostol na “pagpapalayaw sa laman,” nakasaad sa walang hanggang batas na aani tayo ng kasamaan sa halip na buhay na walang hanggan. Iyan ang katarungan ng Diyos, at hindi maaagaw ng awa ang katarungan. Kung masuway ang isang walang hanggang batas, may parusang kaakibat ang batas na iyon na kailangang pagdusahan. Maaaring sakupin ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang ilan dito, ngunit ang maawaing paglilinis ng isang makasalanan ay nangyayari lang matapos ang pagsisisi (tingnan sa Alma 42:22–25), na sa ilang kasalanan ay pinahaba at masakit na proseso. Kung hindi, “siya na hindi magkakaroon ng pananampalataya tungo sa pagsisisi ay nakalantad sa buong batas na hinihingi ng katarungan; anupa’t siya lamang na may pananampalataya tungo sa pagsisisi ang madadala sa dakila at walang hanggang plano ng pagtubos” (Alma 34:16).
Sa kabutihang-palad, posible ang pagsisisi. Sa malulubhang kasalanan kailangan nating magtapat sa ating bishop at hangarin ang kanyang mapagmahal na tulong. Sa iba pang mga kasalanan baka sapat na sa atin ang magtapat sa Panginoon at sa ating pinagkasalahan. Karaniwa’y ganito ang pagsisinungaling. Kung nalinlang mo ang isang tao, magpasiya ngayon na itigil na ang problema. Itama ito at magpatuloy sa buhay.
III.
Ngayo’y nais kong sabihin kung paano natin maiiwasang malinlang sa mga bagay na walang hanggan ang kahalagahan. May dalawa akong talata rito. Una’y ang itinuro ni Pablo kay Timoteo matapos ibigay ang babalang binanggit ko kanina. Magpatuloy sa mga bagay na natutuhan ninyo at napatunayan, isinulat niya, “yamang nalalaman mo kung kanino mo nangatutuhan” (II Kay Timoteo 3:14). Sa madaling salita, naturuan kayo ng kabutihan at natiyak ang katotohanan nito, kaya manatiling tapat dito. Sa pagpapatuloy, ipinaalala ni Pablo sa batang kaibigan niya na “mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas” sa pamamagitan ng pananampalataya sa ating Tagapagligtas (t. 15). Manatiling tapat sa mga banal na kasulatan, na ang mga turo ay nagliligtas sa atin laban sa kasamaan.
Itinuturo ng talinghaga ng sampung dalaga na kapag dumating ang Panginoon sa Kanyang kaluwalhatian, kalahati lang ng mga inanyayahan sa handaan sa kasal sa lahat ng tagasunod ni Cristo, ang makakapasok. Ang ikalawa nating pagkukunan ng proteksyon ay inihayag sa inspiradong paliwanag ng talinghagang ito:
“Sapagkat sila na matatalino at nakatamo ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang—katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi puputulin at itatapon sa apoy, kundi mananatili sa araw na yaon” (D at T 45:57).
Ang natirang kalahati ay hindi makakapasok dahil hindi sila handa. Hindi sapat na matanggap ang katotohanan. Dapat ay atin ding “tinanggap ang Banal na Espiritu bilang [ating] patnubay,” at “[hindi tayo] nalinlang.”
Paano natin tinatanggap ang Banal na Espiritu bilang patnubay? Dapat tayong magsisi sa ating mga kasalanan linggu-linggo at magpanibago ng ating mga tipan sa pamamagitan ng pakikibahagi ng sakrament nang may malinis na mga kamay at dalisay na puso, tulad ng ipinagagawa sa atin (tingnan sa D at T 59:8–9, 12). Sa ganitong paraan lang natin matatamo ang banal na pangako na “sa tuwina ay mapasa[atin] ang kanyang Espiritu” (D at T 20:77). Ang Espiritung iyon ay ang Espiritu Santo, na ang misyon ay turuan tayo, akayin tayo sa katotohanan, at sumaksi sa Ama at sa Anak (tingnan sa Juan 14:26; 15:26; 16:13; 3 Nephi 11:32, 36).
Para maiwasang malinlang, dapat din nating sundin ang mga udyok ng Espiritung iyon. Itinuro ng Panginoon ang alituntuning ito sa ika-46 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan:
“Yaon na pinatototohanan ng Espiritu sa inyo gayon man ninanais ko na gawin ninyo iyon nang buong kabanalan ng puso, lumalakad nang matwid sa harapan ko, isinasaalang-alang ang layunin ng inyong kaligtasan, ginagawa ang lahat ng bagay nang may panalangin at pasasalamat, upang hindi kayo maakit ng masasamang espiritu o mga doktrina ng mga diyablo, o ng mga kautusan ng tao… .
“Samakatwid, mag-ingat at baka kayo ay malinlang; at upang hindi kayo malinlang masigasig ninyong hanapin ang mga pinakamahusay na kaloob, alalahanin sa tuwina kung para saan ibinigay ang mga ito” (tt. 7–8).
Pangangalagaan tayo ng Espiritu Santo laban sa pagkalinlang, ngunit para makamtan ang magandang pagpapalang iyon lagi nating dapat gawin ang mga bagay na kailangan para mapanatili ang Espiritung iyon. Sumunod sa mga kautusan, manalangin para sa gabay, at dumalo sa Simbahan at makibahagi ng sakrament tuwing Linggo. At kailanma’y huwag tayong gagawa ng anumang bagay na magpapalayo sa Espiritung iyan. Iwasan natin, lalo na, ang pornograpiya, alak, sigarilyo at droga, at lagi-lagi nang iwasang labagin ang batas ng kalinisang-puri. Kailanma’y huwag nating pasukan ng mga bagay o gawin ang anuman sa ating katawan na magpapalayo sa Espiritu ng Panginoon at maiwan tayong walang espirituwal na proteksyon laban sa panlilinlang.
Magtatapos ako sa paglalarawan ng isa pang di kapansin-pansing uri ng panlilinlang—ang ideyang sapat na ang makinig at maniwala nang hindi kumikilos sa paniniwalang iyon. Maraming propetang nagturo laban sa panlilinlang na iyon. Isinulat ni Apostol Santiago, “Maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na inyong dinadaya ang inyong sarili” (Santiago 1:22). Itinuro ni Haring Benjamin, “At ngayon, kung kayo ay naniniwala sa lahat ng bagay na ito, tiyaking ito ay inyong gagawin” (Mosias 4:10). At sa makabagong pahayag sinabi ng Panginoon, “Kung inyong nanaisin na bigyan ko kayo ng isang lugar sa selestiyal na daigdig, kailangan ninyong ihanda ang inyong sarili sa paggawa ng mga bagay na aking iniuutos sa inyo at hinihingi sa inyo” (D at T 78:7).
Hindi sapat na malaman na ang Diyos ay buhay, na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas, at na ang ebanghelyo ay totoo. Dapat tayong tumahak sa tuwid na landas sa pagkilos ayon sa kaalamang iyon. Hindi sapat na malaman na si Pangulong Gordon B. Hinckley ay propeta ng Diyos. Dapat nating ipamuhay ang kanyang mga turo. Hindi sapat na magkaroon ng katungkulan. Dapat natin tuparin ang ating mga responsibilidad. Ang mga bagay na itinuro sa kumperensyang ito ay hindi lang dapat pumuno sa ating isipan. Dapat nitong hikayatin at gabayan ang ating mga pagkilos.
Pinatototohanan ko na ang mga bagay na ito ay totoo, at dalangin ko na nawa’y gawin natin ang lahat ng kailangan para maiwasan ang mga panlilinlang ng diyablo, sa ngalan ni Jesucristo, amen.