Ang Pagkakataong Magpatotoo
Taglay ang magiliw na pasasalamat sa lahat ng nakaimpluwensya sa aking buhay noong nakaraang taon, ipinapangako ko ang aking sarili sa hinaharap.
Mga minamahal kong kapatid, dito sa Salt Lake City at sa buong mundo, natutuwa akong makasama kayo. Ipinaaabot ko ang aking pagbati at pagmamahal kina Elder Bednar at Elder Robert Oaks sa kanilang bagong tungkulin. Tungkol sa nadarama ko, masasabi kong payapa akong tulad ng bagyo, o higit pa riyan, masaya ako at natatakot. Sa madaling salita, kailangan ko ang mga dasal ninyo; kailangan ko ang Panginoon.
Dahil sa natanggap kong tungkulin at sa ibinigay na sagradong gawain na lubos na iimpluwensya sa buhay ko magpakailanman, ako’y naging maramdamin at madalas ay halos naiiyak na.
Nakadama ako ng malaking kakulangan at matamis na pagdurusa mula sa malalim at madalas ay nakasasakit na pagsusuri ng aking kaluluwa sa maraming oras na nagdaan mula noong umaga ng Biyernes ng linggong ito.
Matapos akong tawagin ni Pangulong Gordon B. Hinckley na maging Apostol at miyembro ng Korum ng Labindalawa, nilisan ko ang abala kong opisina upang ibahagi sa aking mahal na si Harriet ang di inaasahang balitang ito. Sa pinakamahalagang panahon na ito ng aming buhay minahal namin ang tahimik na kasagraduhan ng aming tahanan bilang isang kanlungan at tanggulan. Nagpapasalamat ako sa aking asawa, dahil sa pagmamahal at malaking suporta niya sa buong buhay ko. Sunod sa kaloob na buhay mismo at sa pinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, si Harriet ang pinakamagandang biyaya na dumating sa aking buhay. Lubos kong minamahal at pinasasalamatan ang aking mga anak at apo sa kanilang mga panalangin at pagmamahal—subalit higit sa lahat sa kanilang halimbawa. Nakatira ang aming mga anak at apo sa Germany at itinatayo ang kaharian ng Diyos sa aming bayan. Ang kagalakan sa Ebanghelyo ni Jesucristo at sa walang hanggang pagpapala nito ay bumabagtas sa distansya ng libu-libong milya at nagpapasaya at nagbibigay-aliw sa aming buhay.
Pinasasalamatan at minamahal ko ang bawat miyembro ng aming pamilya, napakaraming kaibigan at guro na nagturo at naglingkod at nagpasigla sa amin.
Taos-puso kong minamahal at pinasasalamatan ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa sa kanilang pagmamahal at kabutihan. Sa pagtatapos ng aking tungkulin bilang isa sa pitong pangulo ng Pitumpu, gusto kong ipahayag ang aking pagmamahal at paghanga sa Pitumpu. Sila’y tunay na mga natatanging saksi ni Cristo. Sila ay mga kalalakihan na tinatawag ng Labindalawa kung kinakailangan nila ang tulong sa halip na iba pa. Nagpapasalamat ako sa matatapat na kalalakihang iyon na nagbigay ng marami nilang oras, talento at espirituwal na lakas sa pagtatayo ng kaharian. Hindi mailalarawan ng mga salita kung gaano ko minahal ang 10 at kalahating taon ng pribilehiyo at kagalakan sa paglilingkod ko bilang Pitumpu. Itatangi ko ang halimbawa at pakikipagkaibigan ng mga miyembro ng Korum ng Pitumpu magpakailanman.
Nais kong pasalamatan ang bawat miyembro ng Simbahan sa buong mundo dahil sa inyong katapatan sa kabila ng mga tukso; sa inyong pagmamahal; sa inyong katapatan sa mga alituntunin at doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo; sa inyong kahandaang sundin ang buhay na propeta sa pagpapalaki ng mga ward at branch; sa inyong mga isinakripisyong panahon at lakas at sa inyong kakayahan sa damdamin, espiritu at kabuhayan. Salamat sa tapat na pagbabayad ninyo ng ikapu at pagtulong sa mahihirap at nalulungkot. Nakita ko ang mukha ni Cristo sa inyong mukha, gawain, mabuting pamumuhay—kayo ay mga makabagong himala.
Salamat sa inyong pagsang-ayon, ng inyong kamay at puso, sa mga pangkalahatang opisyal ng Simbahan. Kahapon ay sinang-ayunan natin ang pangkalahatang namumuno ng Simbahan ayon sa alituntunin ng pangkalahatang pagsang-ayon. Walang sinuman sa mga lider na ito ng Simbahan ang naghahangad ng posisyong iyon ni tinatanggihan iyon dahil alam nila na ipinahayag ito ng Diyos.
Nagpapasalamat kami sa inyong panalangin at idinadalangin namin kayo. Mahal namin kayo at kailangan namin ang pagmamahal ninyo. Sinusuportahan namin kayo, at kailangan namin ang inyong kahandaan na paglingkuran ang Panginoon saanman kayo naroon at anuman ang tungkulin ninyo. Sa Simbahan ng Panginoon ang bawat tungkulin ay mahalaga.
Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Narito tayo upang tulungan ang ating ama sa Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian, ‘upang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.’ (Moises 1:39). Mabigat ang inyong obligasyon sa responsibilidad na inyong nasasakupan gaya ng obligasyon ko sa aking nasasakupan.” (“This Is The Work of the Master,” Ensign, Mayo 1995, 71).) At hiniling ng Pangulo na tulungan ang iba at pagpalain ang buhay ng mga nasa paligid natin: Sabi Niya: “Pagyamanin sa bawat puso ng miyembro ang kabatiran ng sarili nilang potensyal sa pagdadala sa iba sa kaalaman ng katotohanan. Manalangin [siya] ng taimtim tungkol dito.” (Find the Lambs, Feed the Sheep,” Liahona, Hulyo 1999, 120).
Ang buhay ko ay napagpala na ng walang hanggan ng isang piling miyembro na tumulong noon sa amin 50 taon na ang nakakalipas. Ilang araw matapos ang Ikalawang Digmaang Daigdig nakapila ang aking lola para sa rasyon ng pagkain, nang isang matandang dalaga, na walang sariling pamilya, ang nag-imbita sa kanya sa sakrament miting sa Zwickau, East Germany. Tinanggap ng lola at mga magulang ko ang imbitasyon. Pumunta sila sa simbahan, nadama ang espiritu, napasigla ng kabutihan ng mga miyembro at napalakas ng mga himno ng Panunumbalik. Ang lola ko, mga magulang ko at tatlong kapatid ay nabinyagan lahat. Ako naman ay kailangan pang maghintay ng dalawang taon dahil anim na taong gulang pa lang ako noon. Lubos akong nagpapasalamat sa espirituwal na kahandaan ng aking lola, madaling turuang mga magulang, at sa isang matalino, matandang dalaga na may tapang na impluwensyahan ang iba at sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pag-imbita sa amin na “magsiparito kayo at inyong makikita” (tingnan sa Juan 1:39). Siya’y si Sister Ewig, na ang salin sa Ingles ay “Sister Eternal.” Walang hanggan akong magpapasalamat sa kanyang pagmamahal at halimbawa.
Taglay ang magiliw na pasasalamat sa lahat ng nakaimpluwensya sa aking buhay noong mga nakaraang taon, ipinapangako ko ang aking sarili sa hinaharap. Puspos ng kagalakan ang aking puso at isip na sa buong buhay ko ay magkakaroon ako ng oportunidad na “[ma]ngusap, … tungkol kay Cristo, [ma]galak, … kay Cristo, [ma]ngaral, … tungkol kay Cristo, [at], [mag]propesiya … kay Cristo” (2 Nephi 25:26) Ang lahat ng ito ay natatanging saksi ng ating Tagapagligtas, ating Manunubos, si Jesucristo (D at T 107:23).
Dahil natatanto ang mga kahinaan ko nagkaroon ako ng malaking kaaliwan mula sa mga tagubiling ibinigay ng Panginoon. Sa Doktrina at mga Tipan mababasa natin:
“Nang ang kabuuan ng aking ebanghelyo ay maihayag ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng daigdig, at sa harapan ng mga hari at namamahala… .
“At yayamang sila ay naghangad ng karunungan sila ay maturuan; …
“At yayamang sila ay nagpakumbaba sila ay maaaring gawing malakas, at pagpalain mula sa kaitaasan at tumanggap ng kaalaman” (D at T 1:23, 26, 28).
At sa Aklat ni Mormon ay mababasa natin:
“Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan … maliban na Siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7).
At sa Lumang Tipan ay naaalo tayo:
“At ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang sasaiyo … at ikaw ay magiging ibang lalake” at “binigyan siya ng Dios ng ibang puso” at “ang Dios ay sumasaiyo” (1 Samuel 10:6, 9, 7).
Nagtitiwala ako sa magagandang pangakong ito. Kaya nga isinasamo ko sa inyo, aking mga Kapatid, at sa Panginoon na mamumuhay akong karapat-dapat na malaman ang kalooban ng Panginoon at gumawa nang ayon dito.
Kilala tayo ng Diyos Ama sa Langit sa ating pangalan. Buhay si Jesucristo; Siya ang Mesias; Mahal Niya tao. Totoo ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo; nagdudulot ito ng imortalidad sa lahat at nagbubukas ng pinto sa Buhay na Walang Hanggan.
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay narito muli sa lupa. Totoo at buhay Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ang Aklat ni Mormon ay ikalawang saksi kay Jesucristo at nagpapahayag ng katotohanan tungkol kay Propetang Joseph Smith. Mahal ko si Propetang Joseph. Mahal ko si Pangulong Gordon B. Hinckley na Propeta ng Diyos at maytaglay ng lahat ng susi ng kaharian sa panahong ito sa tuloy-tuloy na paghalili ng mga propeta mula kay Joseph Smith.
Alam ko ang mga bagay na ito sa aking puso at isipan. At ang lahat ng ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.