Kalagayan ng Simbahan
Naniniwala ako na mas maganda ang kalagayan ng Simbahan kaysa anumang panahon sa buong kasaysayan nito.
Sa pagbubukas natin ng malaking kumperensyang ito mapupuna natin ang pagkawala nina Elder David B. Haight at Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol. Silang dalawa ay nagsilbi nang matagal at napakaepektibo. Nagdadalamhati kami sa kanilang pagpanaw. Hinahanap-hanap namin sila. Ipinaaabot namin ang aming pagmamahal sa mga mahal nila sa buhay. Tiwala kami na patuloy sila sa dakilang gawaing ito sa kabilang buhay.
Nalalaman namin na sa likas na daloy ng mga kaganapan nagkakaroon ng mga bakanteng kailangang punan sa pagkalikha nito.
Matapos mag-ayuno at manalangin tinawag namin sina Elder Dieter Friedrich Uchtdorf at Elder David Allan Bednar para punan ang mga bakanteng ito sa Korum ng Labindalawang Apostol. Inilalahad namin sa inyo ang mga pangalan nila ngayong umaga. Maaaring hindi ninyo sila kilala, ngunit di magtatagal at makikilala rin ninyo sila. Kung sa palagay ninyo’y masasang-ayunan ninyo sila sa sagradong tungkuling ito, mangyaring ipakita sa pagtaas ng kamay. Mayroon bang di sang-ayon?
Ang mga pangalan nila ay isasama mamaya sa pagpapasang-ayon sa lahat ng awtoridad sa kumperensya. Ngayo’y hinihiling namin sa mga Kapatid na ito na umupo sa kanilang lugar dito sa itaas kasama ng mga miyembro ng Labindalawa. Magsasalita sila sa atin sa Linggo ng umaga, at higit ninyo silang makikilala.
Ngayon sa pagsisimula ng kumperensya nais kong banggitin nang bahagya ang kalagayan ng Simbahan. Patuloy itong lumalago. Parami nang parami ang buhay na inaantig nito taun-taon. Malawakan ang paglaganap nito sa buong daigdig.
Para makaagapay sa paglagong ito kailangan nating patuloy na magtayo ng mga bahay-sambahan. Ngayo’y may itinatayo tayong 451 meetinghouse na iba’t iba ang laki sa maraming dako ng mundo. Pambihira ang ganito kalaking programa sa pagtatayo. Wala akong alam na makapapantay dito. Magaganda ang ating mga gusali. Dumaragdag sila sa ganda ng alinmang komunidad na kanilang kinatitirikan. Pinananatiling maayos ang mga ito. Matagal na tayong nagtatayo ng mga bahay-sambahan, at sa malawak na karanasang iyan nakagagawa tayo sa Simbahang ito ng mga gusaling mas maganda kaysa rati. Napaghahalo nila ang ganda at malaking pakinabang nito. Kung malaki ang pagkakatulad ng mga ito, sinadya iyon. Sa pagsunod sa subok at napatunayan nang mga huwaran milyun-milyong dolyar ang natitipid natin habang tinutugunan ang mga pangangailangan ng ating mga miyembro.
Patuloy tayong nagtatayo ng mga templo. Kamakailan ay sinimulan nating maghukay para sa isang bagong templo sa Sacramento, California, ang ikapito sa estadong iyon, na kinaroroonan ng ikalawang pinakamaraming miyembro sa alinmang estado sa Estados Unidos.
Ang mga templo sa Salt Lake City ay napakaabala at kung minsa’y sobra-sobra ang tao. Dahil dito, ipinasiya naming magtayo ng isang bagong templo sa Salt Lake Valley. Ibabalita kaagad ang pagtitirikan nito. Maaaring lumabas na pinapaboran namin ang lugar na ito. Pero napakarami nang dumadalo sa templo na kailangan nating paglaanan ang mga nais pang dumalo. At kapag nagpatuloy pa ito, baka kailanganin natin ng isa pa.
Natutuwa rin kaming ibalita na magtatayo tayo ng isa pang templo sa Idaho, na kinaroroonan ng ikatlong pinakamaraming miyembro sa Estados Unidos. May ipinaplano pang isa sa Rexburg. Ngayo’y plano rin naming magtayo ng isa pa sa lungsod ng Twin Falls. Pagsisilbihan ng templong ito ang libu-libong miyembro natin na nakatira sa pagitan ng Idaho Falls at Boise.
Ang mga templong itinatayo ngayon ay sa Aba, Nigeria; Helsinki, Finland; Newport Beach at Sacramento, California; at San Antonio, Texas. Pinapalitan natin ang templong nasunog sa Samoa.
Kapag inilaan na ang mga naibalita magiging 130 na ang gumaganang mga templo natin. Ang iba ay itatayo pa lang habang patuloy na lumalago ang Simbahan.
May malaking proyekto tayo sa Salt Lake City. Mahalagang maisalba natin ang paligid ng Temple Square. Napakalaking proyekto sa pagtatayo ang kailangan dito. Hindi pondo ng ikapu ang gagamitin sa pagtatayong ito. Kita ng Simbahan sa mga negosyo, upa sa pag-aari, pribadong kontribusyon, at iba pang mapagkukunan ang gagamitin dito.
Kailangan nating magtrabaho nang husto sa Salt Lake Tabernacle upang maging ligtas ito sa lindol. Ang malaking gusaling ito ay 137 taon nang ginagamit sa buwang ito. Dumating na ang panahon na dapat tayong kumilos para isalba ito. Isa ito sa mga kakaibang obra-maestrang arkitektura sa buong mundo, at isang napakamakasaysayang gusali. Ang makasaysayang mga katangian nito ay maingat na isasalba, at daragdagan ang pakinabang, ginhawa, at kaligtasan nito. Nagpapasalamat kami na may Conference Center tayong ganito kung saan tayo nagkikita-kita para sa ganitong mga pagtitipon. Ngayo’y tinatanong ko sa sarili, “Ano ang gagawin natin kung wala ito?”
Nasisiyahan akong iulat na ang Perpetwal na Pondong Pang-edukasyon ay patuloy na lumalaki, pati na ang bilang ng mga nakikinabang sa magandang programang ito.
Pinalalakas namin ang ating programang pangmisyonero. Sinisikap naming maghatid ng higit na espirituwalidad sa gawain ng napakarami nating misyonero.
Patuloy na lumalaki ang ating programang pang-edukasyon, na umaabot ang impluwensya saanman mayroong Simbahan.
Kamakaila’y isinama ang Aklat ni Mormon sa dalawampung pinakamaimpluwensyang aklat na nailathala sa Amerika. Nakikipagtulungan tayo ngayon sa isang commercial publisher para palawakin ang pamamahagi ng sagradong aklat na ito, ang pangalawang saksi ng Panginoong Jesucristo.
Kaya nga, mga kapatid, magpapatuloy ako. Sapat nang sabihin ko na naniniwala ako na mas maganda ang kalagayan ng Simbahan kaysa anumang panahon sa buong kasaysayan nito. Halos 95 taon ng kasaysayang iyan ay nariyan na ako, at nasaksihan ko mismo ang karamihan dito. Nasisiyahan ako na may higit na pananampalataya, higit na paglilingkod, at higit na dangal ang ating mga kabataan. May higit na kasiglahan sa lahat ng aspeto ng gawain kaysa nakita natin noon. Magalak tayo sa magandang panahong ito ng gawain ng Panginoon. Huwag tayong magyabang o magsuplado. Mapakumbaba tayong magpasalamat. At ipasiya nating lahat, bawat isa, sa ating sarili na dagdagan pa ang kinang ng kamangha-manghang gawaing ito ng Maykapal, upang ito’y magliwanag sa buong daigdig bilang tanglaw ng lakas at kabutihan na mamamasdan ng buong mundo, ang mapakumbaba kong dalangin, sa ngalan ni Jesucristo, amen.