Paano Pinagpala ng Relief Society ang Inyong Buhay?
Dahil banal ang layunin ng Relief Society, hindi lamang nito pinagpapala ang kababaihan kundi pati ang pamilya at ang Simbahan.
Sa pagbabalik-tanaw sa kanyang buhay, ibinahagi sa akin ng isang lalaki ang nakakaantig na kuwentong ito: “Sa paglaki ko ay hindi gaanong aktibo sa Simbahan ang tatay ko. Lasenggo siya at kapag may sumpong ay nagiging marahas at mapagbintang. Hindi naman siya tutol sa paglilingkod ni Inay sa ward. Naglingkod si Inay sa Primary sa loob ng 38 taon at marami sa panahong iyon ay naglingkod siya sa Young Women. Marami siyang responsibilidad. Mahirap ang buhay niya bilang asawa, at alam ko na ngayon na may panahon noon na nasiraan siya ng loob, pero hindi ko ito alam noon.
“Nalaman ko na lang kalaunan na ang mga kapatid na babae sa ward namin ang kanyang lakas. Hindi siya naging lider sa Relief Society, pero lagi siyang dumadalo sa mga miting, at mahal niya ang mga kaibigan niya roon. Hindi ko inisip sila noon bilang kababaihan ng Relief Society; kundi mga kapatid lang ni Inay. Siya ay pinagmalasakitan at minahal nila. Wala siyang kapatid na babae at anak na babae. Natagpuan niya sa aming ward ang mga kapatid na gusto niya at kailangan. Alam kong nasabi niya sa kanila ang nadarama niya—na hindi niya masabi sa iba. Hindi ko itinuring noon na katangian iyon ng ‘Relief Society,’ pero nauunawaan ko na ngayon na gayon nga pala.”1
Ang alaala ng anak na lalaking ito tungkol sa Relief Society ay nakaantig sa aking puso. Oo, mga babae ang miyembro ng Relief Society, subalit hindi lamang kababaihan ang pinagpapala ng Relief Society; pinagpapala nito ang bawat isa sa atin.
Paano pinagpala ng Relief Society ang inyong buhay?
Itinanong ko ito kay Pangulong Hinckley. Ang sagot niya: “Pinagpala ng Relief Society ang pamilya ko at ang pamilya ng mahal kong asawa sa loob ng mga pitong henerasyon na. Noong kasisimula pa lang ng Simbahan, itinuro na sa ating mga ina at anak na babae ang kanilang mga obligasyon sa mga namimighati. Tinuruan sila ng kasanayan sa pamamahay, hinikayat sa kanilang espirituwal na pag-unlad, at ginabayan na makamit ang kanilang ganap na potensyal bilang mga babae. Karamihan sa mga ito’y naganap sa Relief Society at pagkatapos ay dinala sa tahanan upang mapagpala ang buhay ng bawat miyembro ng aking pamilya.”2
May sarili rin akong matatamis na alaala ng paglalaro sa ilalim ng quilting frame ng aking lola habang nananahi sila ng mga kapatid sa Relief Society. Bata pa ako noon, ngunit alam kong bahagi ito ng Relief Society—pagpapala sa buhay ng iba. Tinuruan ako nang may pagmamahal sa Relief Society ng aking ina at lola. Mahal ko ang Relief Society—noon pa man. Tinulungan ako ng Relief Society na makilala ang Tagapagligtas at pinagtibay ang aking pagmamahal sa Kanya at sa aking Ama sa Langit. Ang pagiging kabilang ko sa Relief Society ay nagbigay sa akin ng maraming pagkakataong matuto, magmahal, maglingkod at mapuno ng pagmamahal ng Panginoon sa buhay ko habang sinisikap kong tuparin ang aking mga tipan, mahalin ang aking kapwa, at patatagin ang aking pamilya.
Kaya itatanong kong muli, sa ilang paraan napagpapala ng Relief Society ang inyong buhay?
Nang bumisita ako sa Missionary Training Center sa Brazil, sinabi ko sa mga misyonero, “Sabihin nga ninyo sa akin ang alam ninyo sa Relief Society.” Sabi ng isang elder, “Pagkain!” Dagdag pa ng isa, “Kabilang doon ang nanay ko at kapatid na babae.” Sa huli’y sinabi ng isa, “Ito ay organisasyon ng Panginoon para sa kababaihan.” Tama siya, ngunit ito’y higit pa riyan. Ang Relief Society ay “napakahalagang bahagi ng ebanghelyo.”3
Ang taong 1842 ay napakahirap na taon para kay Propetang Joseph Smith. Kinalaban siya ng mga dating kaibigan. Gusto siyang dukutin sa Nauvoo ng ibang mga kaaway at hadlangan ang paglago ng Simbahan. Nang taon ding iyon inorganisa niya ang Relief Society, upang mapangalagaan ang mga maralita at nangangailangan at “magligtas ng mga kaluluwa.”4 Sinabi ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. na sa gitna ng mga pagsubok na ito si Joseph Smith ay “bumaling sa mga kapatid na babae upang maalo, mapasigla sa lungkot na nadama niya nang panahong iyon.”5 Nakakaantig at nakapagpapakumbabang isipin ito: isang propeta ng Diyos na naghahangad ng pag-alo ng kanyang mga kapatid na babae—kababaihang binilinan niya na “hindi kailanman nagkukulang ang pag-ibig sa kapwa-tao.”6 Para sa akin, naglalarawan itong muli ng kababaihang iyon na nagdalamhati kasama ng Tagapagligtas sa Golgota.
Pinagpala ng Relief Society ang buhay ng mga propeta. Paano nito pinagpapala ang inyong buhay?
Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, “Ang mga depensa ng tahanan at pamilya ay napapalakas nang lubos kapag ang asawa at ina at mga anak na babae ay kabilang sa Relief Society.”7 Bakit? Dahil ang mga babae ang puso ng tahanan.
Ang pagkakabilang ko sa Relief Society ay nagpanibago, nagpalakas, at nagpatibay sa aking pangakong maging mas mabuting asawa at ina at anak ng Diyos. Napalaki ang puso ko ng pagkaunawa sa ebanghelyo at sa pagmamahal sa Tagapagligtas at sa Kanyang ginawa para sa akin. Kaya, mga kapatid, sinasabi ko: Pumunta sa Relief Society! Pupunuin nito ang inyong mga tahanan ng pagmamahal at pag-ibig sa kapwa-tao; pangangalagaan at palalakasin kayo nito at ang inyong pamilya. Kailangan ng inyong tahanan ang inyong mabuting puso.
Nang papuntahin ako sa Peru kamakailan para sa isang asaynment, binisita ko ang hamak na tahanan nina Brother at Sister Morales. Puno iyon ng pagmamahal. May tatlo silang anak at apat na taon nang miyembro ng Simbahan. Maraming natutuhan si Sister Morales sa Relief Society. Upang makatulong sa pagtustos sa pamilya at sa anak na misyonero, naglabada at namalantsa siya. Tumulong siyang mag-alaga sa dalawang anak ng kanyang kapitbahay na kailangang umalis ng bahay para magtrabaho. Sinusuportahan niya ang kanyang asawa, na may sakit sa bato at naglilingkod sa korum ng mga elder. Pinag-uusapan nila ang mga turo ni Heber J. Grant bilang paghahanda sa pagtuturo nito ng aralin.
Tinanong ko siya. “Visiting teacher ka ba?” Nakangiti siyang sumagot, “Ah, oo, Sister Parkin. Apat na kapatid ang binibisita ko. Dalawa ang hindi gaanong aktibo, pero mamahalin ko sila.”
Nang lisanin namin ang kanilang tahanan, napansin ko ang nakasulat-kamay na paskil sa pintuan. Tanong nito, “Nagbasa ka ba ng mga banal na kasulatan ngayon?” Isang pagpapala ang Relief Society sa tahanang ito, sa ward na ito, sa komunidad na ito. Paano kayo pinagpapala nito?
Ang pagiging kabilang sa Relief Society ay napakahalaga para sa mga bagong miyembrong babae at, gayundin, sa kanilang pamilya. Noong naglingkod kami ng aking asawa sa England London South Mission na pinanguluhan niya, marami akong nakilalang bagong binyag—tulad ni Gloria, na nag-iisang magulang. Nang sumapi siya sa Simbahan, sumapi siya sa Relief Society. Ito’y ligtas na lugar kung saan maaari siyang magtanong tungkol sa kanyang bagong natagpuang relihiyon. Narinig niya ang ilang kababaihang hayagang nagbahagi ng kanilang mga karanasan, na nakahikayat sa kanya na pag-aralan ang salita ng Diyos.8 Natangggap niya ang kanyang patriarchal blessing; nakadalo sa templo; naglilingkod sa Simbahan. Naisip ko ang payo ni Pangulong Hinckley sa akin: “Kailangan sa [kababaihan] na magkasama-sama sa kapaligirang makapagpapalakas ng pananampalataya.”9 Ibinibigay ng Relief Society ang gayong kapaligiran.
Naisip ko ang mga kabataang mandirigma nang marinig kong sinabi ng isang anak na lalaki ng isang kapatid sa Relief Society ang ganito: “Napagpala ako ng pananampalataya at halimbawa ng aking ina. Nang magtaglay na ako ng priesthood, natutuhan ko ang tungkol sa home teaching mula sa mga pagbibisita ng nanay ko gayundin sa halimbawa ng ama ko sa home teaching… . Naimpluwensiyahan ng kanyang pananampalataya sa Priesthood ang aking pananampalataya at napalakas ang aking hangaring maging [isang] marapat na … elder.”10
Mga kapatid, nabago ako at napagpala, naging mas mabuti ako dahil sa Relief Society. At naniniwala akong lahat tayo ay ganoon din.
Idinadalangin ko na ang mga ina at anak na babae ay makibahagi nang mas masigla, na suportahan ng mga lalake ang kanilang maybahay, at ihanda ng kapwa mga ina at ama ang kanilang mga anak na babae sa Relief Society. Hinihikayat ko ang mga maytaglay ng priesthood na gabayan ang mga anak na babae ng Diyos, bata at matanda, sa Relief Society—na isa sa maraming himala ng Panunumbalik. Sa paggawa natin ng mga hakbang na ito, mapupuno tayo ng pasasalamat para sa sagradong organisasyong ito.
Dahil banal ang layunin ng Relief Society, hindi lamang nito pinagpapala ang kababaihan kundi pati ang pamilya at ang Simbahan. Pinatototohanan ko na ito ay napakahalagang bahagi ng ipinanumbalik na ebanghelyo ng Panginoon dahil ito ay nakasalig sa pag-ibig sa kapwa-tao—ang Kanyang dalisay na pag-ibig. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.