2004
Sagradong Pribilehiyo Natin ang Mapabilang
Nobyembre 2004


Sagradong Pribilehiyo Natin ang Mapabilang

Pinatototohanan ko na talagang nababagay kayo, na talagang kabilang kayo sa Relief Society—ang kawan ng Mabuting Pastol para sa kababaihan.

Mga kapatid, nagagalak akong makapiling kayo ngayong gabi. Salamat sa inyong di-mabilang na pagdamay, sa inyong lumalagong mga patotoo, sa walang-katapusang pagpapakain ninyo sa amin! Gumagawa kayo ng kaibhan at kayo’y galak sa kaluluwa!

Sa mapanganib na mga panahong ito, naaaliw ako sa pangakong “kung [tayo] ay handa [tayo] ay hindi matatakot.”1 Tinutulungan tayong maghanda ng Relief Society—hindi lang sa temporal, kundi sa espirituwal. Ngunit hindi makakatulong ang Relief Society sa ating paghahanda nang wala tayong partisipasyon! Nag-aalala ako na baka damdam ng ilan sa inyo na hindi kayo bagay sa Relief Society, na hindi kayo kabilang! Pakiramdam man ninyo’y napakabata o napakatanda ninyo, napakayaman o napakahirap, napakatalino o napakamangmang, lahat ay maaaring mapabilang, anuman ang mga pagkakaiba! Kung masusunod lang ang gusto ko, iyon ay ang madama ninyo na kayo ay kabilang dito. Pinatototohanan ko na talagang nababagay kayo, na talagang kabilang kayo sa Relief Society—ang kawan ng Mabuting Pastol para sa kababaihan.

Karamay ako ni Pangulong Joseph F. Smith nang sabihin niya noong 1907, “Ngayo’y karaniwang ipinalalagay ng mga bata, masigla, at matalinong kababaihan na matatanda lang ang dapat sumali sa Relief Society.” Pagkatapos ay ipinahayag niya, “Mali ito.”2

Kamakailan ay binisita ko ang Ethiopia kung saan nakilala ko si Jennifer Smith. Kung may isang babaeng magsasabi na hindi siya nababagay, iyo’y si Sister Smith. Sabi niya, “Ang laki ng kaibhan ko sa iba [pang kapatid] sa aming branch. Sa wika, pananamit, kultura, lahat ng ito’y parang may puwang [sa pagitan namin. Pero] kapag pinag-uusapan namin ang Tagapagligtas … kumikipot ang puwang. Kapag pinag-uusapan namin ang mapagmahal na Ama sa Langit …, walang puwang.” Sabi pa niya, “Hindi natin mababago ni mapapalis ang mga pasanin ng iba, pero maaari nating maisama at maibilang ang isa’t isa sa pag-ibig.”3

Nakatagpo ng isang bahagi ng Sion ang mga kapatid na ito sa pagiging mga taong “may isang puso at isang isipan.”4 Dahil “kung hindi kayo isa,” sabi ng Panginoon, “kayo ay hindi sa akin.”5 Sinabi ni Pangulong Hinckley na kung “magkakaisa [tayo] at magsasalita nang may iisang tinig, hindi masusukat ang [ating] lakas.”6 Bilang magkakapatid sa Sion, paano tayo magkakaisa? Sa ganitong paraan din tayo nabibilang sa isang asawa o sa isang pamilya: ibinabahagi natin ang ating pagkatao—ang ating mga damdamin, isipan, puso.

Sa isang ward, ipinakikilala ng mga ina ang kanilang mga anak na babae sa Relief Society sa isang miting sa Linggo kapag nag-18 na sila. Isang ina ang magiliw na nagpahayag kung paano siya inaruga ng mga kapatid sa Relief Society nang maaga siyang mag-asawa: “Pinakain nila ako at niyakap sa mga oras ng kalungkutan, dinulutan ng katuwaan at suporta sa pagdiriwang. Tinuruan nila ako ng ebanghelyo sa pagbisita sa akin at pagtutulot sa akin na bisitahin sila. Hinayaan nila akong magkamali kahit masayang ang oras nila.” Pagkatapos ay ipinaliwanag ng inang ito sa kanyang anak na babae na ang mga daisy sa hardin nila ay galing kay Carolyn, ang mga lily ay mula kay Venice, ang mga buttercup ay mula kay Pauline. Namangha ang anak. Sagot ng nanay niya, “Ang mga babaeng ito ay mga kapatid ko sa lahat ng paraan, at nagpapasalamat akong dalhin ka sa kanilang pangangalaga.”

Ang pagkakaiba-iba sa hardin ang nagpapaganda rito—kailangan natin ng mga daisy at lily at buttercup; kailangan natin ng mga hardinerong magdidilig, mag-aalaga at magmamalasakit. Ang malungkot alam ni Satanas na pinag-iisa ng pagbibigayan ang ating kapatiran sa araw-araw at hanggang magpasawalang-hanggan. Batid niya na sisirain ng kasakiman ang pagbibigayan, na siyang sumisira sa pagkakaisa, na sumisira sa Sion. Mga kapatid, hindi natin matutulutang paghiwalayin tayo ng kaaway. Kasi, “Makapagliligtas sa tao ang ganap na pagkakaisa,” wika ni Brigham Young.”7 At idagdag ko na ang ganap na pagkakaisa ay magliligtas sa ating lipunan.

Ipinaaalala sa atin ni Pangulong Boyd K. Packer na, “napakaraming kapatid … ang nag-aakala na ang Relief Society ay isang klase lang na dadaluhan… . Mga kapatid,” payo niya, “tigilan ninyo ang pag-aakalang dumadalo lang kayo sa Relief Society. Dapat ninyong madama na kayo’y kabilang dito.”8 Ang pagiging kabilang natin ay nagsisimula tuwing Linggo kapag naririnig natin ang boses ng bawat isa. Walang gurong dapat magbigay ng kanyang leksyon sa isang grupo ng tahimik na mga kapatid, dahil ang leksyon ay ating leksyon.

Ang pagiging kabilang ay ang madamang kayo’y kailangan, mahal at hinahanap-hanap kapag kayo’y wala; ito’y pangangailangan, pagmamahal, at paghahanap sa mga wala roon. Iyan ang kaibhan ng pagdalo sa pagiging kabilang. Ang Relief Society ay hindi lang basta klase tuwing Linggo: ito’y banal na kaloob sa ating mga babae.

Narito ang dalawang dahilan kung bakit ko nadaramang kabilang ako sa Relief Society—at hindi lang dahil katungkulan ko ito ngayon! Nalulungkot ako noong isang buwan nang dumating ang mga visiting teacher ko: Diborsyada si Sue at si Cate naman ay dati kong Laurel. Naghatid sila ng mensahe at isang dalangin. Pero naghatid din sila ng tunay na malasakit. Pinasigla nila ako at minahal.

Ipinagdasal ako ng isa sa aking mga kapatid sa ward kamakailan at hiniling sa Ama sa Langit na basbasan ako—at binanggit ang aking pangalan—sa mga responsibilidad ko. Hindi niya alam ang tunay kong mga pangangailangan, pero alam niya ang nadarama ko.

Ngayon, siguro’y hindi dumarating ang mga visiting teacher ninyo nitong mga nakaraan, o siguro’y hindi pa kayo naipagdasal na binabanggit ang pangalan ninyo. Patawad kung gayon nga. Pero hindi na kayo kailangang bisitahin para maging mabuting visiting teacher; hindi na kayo kailangang ipagdasal para makapagdasal. Sa kabila ng ating mga kaibhan, kung bukas-palad at tapat tayong magbabahagi, magbabahagi rin ang ating mga kapatid; malalaman natin ang damdamin ng isa’t isa, at sisibol ang pagiging kabahagi na tulad ng isang hardin. Nalaman ni Sister Smith at ng ating mga kapatid na taga-Ethiopia na balewala ang mga kaibhan, dahil ang pagiging kabilang ay pagbabahagi ng pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. At ang pag-ibig sa kapwa ay hindi nawawalan ng kabuluhan kailanman.

Sa Primary man o sa Young Women tayo naglilingkod, aktibo man tayo o di-gaano, may-asawa man o wala, bata man o matanda, lahat tayo’y kabilang sa Relief Society. Matanda na ako, pero damdam ko’y bata pa ako! Kailangan namin ang inyong tinig, ang inyong damdamin, ang inyong puso. Kailangan kayo ng Relief Society. At alam ninyo? Kailangan ninyo ang Relief Society. Kapag hindi kayo nakikibahagi, pinagkakaitan ninyo ang inyong sarili at ang Relief Society.

Hindi tayo dapat maghidwaan sa Relief Society; lahat “ng mga sangkap ay mangagkaroon ng magkasing-isang pag-iingat sa isa’t isa.”9 “At kung ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap ay nangagagalak na kasama niya.”10 Dahil “ang katawan ay kailangan ang bawat bahagi, upang ang lahat ay mapabanal na magkakasama, upang ang katawan ay mapanatiling ganap.”11

Oo, maaaring gawing mas masaya, mas nakakatuwa, mas nagkakaisa ang Relief Society. Maaaring mapagaan ang ating mga pasanin, mabawasan ang kanilang bigat. Hindi perpekto ang Relief Society, dahil walang perpekto sa atin. Pero magagawan natin ito ng paraan; magkakasama natin itong magagawang perpekto habang sumusulong tayo. Paano? Sa pagbabago ng mga pag-uugali natin: Nakakaapekto sa damdamin ng iba tungkol sa Relief Society ang sinasabi natin tungkol dito—lalo na sa mga kabataang babae. Suportahan natin ang mga Relief Society presidency at guro natin—hayaan natin silang matuto sa panahon natin (tulad ng pagkatuto natin sa kanilang panahon). Higit na magpatawad kaysa manghusga. Maging mapagmalasakit at maaasahang visiting teacher. Maging masigla sa pagdalo sa home, family, and personal enrichment meeting. Tuklasin ang maganda sa Relief Society at tumatag dito.

Nagpalabas ng utos si Pangulong Joseph F. Smith na tayo’y “manangan sa gawaing ito [ng Relief Society] nang may sigla, talino at pagkakaisa, para sa pagtatatag ng Sion.”12 Kung naniniwala tayo na naipanumbalik na ang Simbahan ng Panginoon—at totoo ito—dapat tayong maniwala na ang Relief Society ay mahalagang bahagi ng Kanyang inorganisang kawan. Kailangan tayong tumigil sa katatanong kung nababagay tayo—dahil talaga naman. Hindi napakalaki ng ating mga pagkakaiba para hindi natin maitatag nang magkakasama ang Sion.

Halos isang taon na ang nakararaan, sa Pasadena, California, mamamatay na sa kanser si Sister Janice Burgoyne. Bukas-palad siyang nakibahagi at minahal siya nang husto. Mga kapatid sa Relief Society ang naghatid ng pagkain sa kanya, naglinis ng bahay niya, nag-alaga sa dalawang anak niyang maliliit, tumulong sa asawa niya na planuhin ang libing. Mahirap kay Janice na tumanggap ng gayon karaming tulong, at baka makita ng mga kapatid ang lumang tinapay sa likod ng sopa. Nag-alala siya na baka may malaman pa ang mga kapatid bukod sa nadarama niya! Pero dahil alam ng mga kapatid ang nadarama niya, balewala na ito. Inihatid nila ang mga bata sa eskuwela, tinuruan sa homework, tumugtog ng kanyang piyano, nagpalit ng kobrekama. At ginawa nila ito araw-araw, nang walang reklamo, na may walang-hangganang pag-ibig sa kapwa. Binago ng gayong pakikibahagi ang mga kapatid na yaon. Bago siya namatay, bumaling sa isang kapatid sa Relief Society si Janice at buong pasasalamat at paghangang nagtanong, “Paano kaya namamatay ang isang tao kung walang Relief Society?”

Sa inyo, mahal kong mga kapatid—at kayo’y aking mga kapatid—ang tanong ko: “Paano nabubuhay ang isang tao kung walang Relief Society?”

Sagradong pribilehiyo natin ang mapabilang. Gustung-gusto kong ikapit kayo sa aking mga bisig at dumalo sa Relief Society kasama ninyo. Gustung-gusto kong malaman ang nadarama ninyo at malaman ninyo ang nadarama ko. Dalhin ang inyong mga talento, ang inyong mga kaloob, ang inyong pagkatao upang tayo’y magkaisa.

Pinatototohanan ko na “ang mabuting pastol ay tumatawag sa [atin] … [upang] dalhin niya [tayo] sa kanyang kawan.”13 Maaaring hindi natin alam ang lahat ng sagot, pero dapat tayong magtiwala na mahalagang bahagi ng Kanyang gawain ang Relief Society, dahil

Landas man [nati’y] magpasikut-sikot sa kabundukan,

Batid Niya ang pastulang [ating] kinakainan …

Dinadamitan ang mga lily sa parang,

Pinakakain ang mga tupa [ng] Kanyang kawan,

May tiwala sa Kanya’y pagagalingin,

At gagawing ginintuan ang puso [natin].14

Sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. D at T 38:30.

  2. Sa Conference Report, Abr. 1907, 6; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  3. Personal na pakikipagsulatan.

  4. Moises 7:18.

  5. D at T 38:27.

  6. “Tumatayong Matatag at Di Natitinag,” Pandaigdigang Pulong sa Pagsasanay sa Pamumuno, 10 Enero 2004, 20.

  7. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young (1997), 354.

  8. “The Relief Society,” Ensign, Mayo 1998, 73.

  9. I Mga Taga Corinto 12:25.

  10. I Mga Taga Corinto 12:26.

  11. D at T 84:110, idinagdag ang pagbibigay-diin.

  12. Sa Conference Report, Abr. 1907, 6.

  13. Alma 5:60.

  14. “Consider the Lilies,” ni Roger Hoffman.