Ang mga Pagpapala ng Wastong Pag-aayuno
Nag-aalala ako … na marami sa atin ang hindi nag-aayuno sa araw ng pag-aayuno, o ginagawa natin ito nang may katamaran.
Mga kapatid, sana’y napansin ninyo ngayong umaga, habang handa nang ipahayag ni Pangulong Hinckley ang mga pangalan ng dalawang bagong Apostol, nagsalita siya tungkol sa pag-aayuno at pananalangin upang malaman ang kalooban ng Panginoon.
Ang pag-aayuno ay nakagawian na ng mga tao ng Diyos. Sa ating panahon ito ay kautusang ibinigay ng Panginoon sa lahat ng miyembro ng Simbahan. Bilang dagdag sa pamin-minsang espesyal na pag-aayuno para sa sarili o pamilya, inaasahang mag-aayuno tayo minsan isang buwan sa unang Linggo. Tinuruan tayo na may tatlong aspeto sa wastong pag-aayuno sa araw ng pagsasagawa nito: una, hindi pagkain o pag-inom sa dalawang magkasunod na kainan, o sa madaling salita, 24 na oras; pangalawa, dumalo sa miting sa pag-aayuno at pagpapatotoo; at pangatlo, magbigay ng bukas-palad na handog-ayuno.
Sa pamilyang Pratt ang regular naming pag-aayuno ay laging mula tanghali ng Sabado hanggang tanghali ng Linggo. Sa paraang iyon nag-aayuno kami ng dalawang kainan, hapunan sa Sabado at agahan sa Linggo. Bagama’t walang pamantayan ang Simbahan para sa pag-aayuno, maliban sa ito ay dapat na 24 na oras at dalawang kainan, nakahanap kami ng kapakinabangang espirituwal sa pagdalo sa pulong sa pag-aayuno at pagpapatotoo sa pagtatapos ng aming ayuno.
Para sa yaong kakayanin ng katawan, ang pag-aayuno ay isang kautusan. Tungkol sa ating buwanang pag-aayuno sinabi ni Pangulong Joseph Smith: “Itinatatag ng Panginoon ang pag-aayuno batay sa makatwiran at matalinong kadahilanan… . Ang mga maaaring mag-ayuno ay dapat na mag-ayuno … ; isa itong tungkulin na hindi nila matatakasan; … Ito ay ipinauubaya sa isipan ng tao, na gamitin ang karunungan at mabuting pagpapasya… .
“Subalit yaong maaaring mag-ayuno… . Lahat ay kasali rito; ito ay iniuutos sa mga Banal, matanda at bata, sa bawat bahagi ng Simbahan” (Gospel Doctrine, ika-5 edisyon [1939], 244).
Nag-aalala ako, mga kapatid, na marami sa atin ang hindi nag-aayuno sa araw ng pag-aayuno, o ginagawa natin ito nang may katamaran. Kung nag-aayuno tayo na hindi iniisip ang dahilan o basta lamang nag-aayuno ng umaga ng Linggo sa halip na kumpletuhin ito ng dalawang kainan—24 na oras—pinagkakaitan natin ang ating sarili at pamilya natin ng mga natatanging karanasang espirituwal at pagpapala na nagmumula sa tunay na pag-aayuno.
Kung ang ginagawa lamang nating lahat ay hindi pagkain at pag-inom sa loob ng 24 na oras at magbayad ng ating handog-ayuno, hindi natin makakamtan ang isang magandang pagkakataon para sa espirituwal na pag-unlad. Sa kabilang dako, kung mayroon tayong espesyal na layunin sa ating pag-aayuno, magkakaroon ng higit na kahulugan ang ating pag-aayuno. Marahil maaari tayong maglaan ng oras na pag-usapan bilang pamilya ang tungkol sa inaasahan nating makamtan sa ating pag-aayuno bago natin simulan ito. Maaari itong gawin sa family home evening isang linggo bago mag-Linggo ng pag-aayuno o maikling miting ng pamilya sa oras na nananalangin sila. Kapag nag-aayuno tayo nang may layunin, may napagtutuunan tayo ng atensyon maliban sa gutom natin.
Ang layunin ng ating pag-aayuno ay maaaring napaka-personal. Matutulungan tayo ng pag-aayuno na mapaglabanan ang mga pagkakamali at kasalanan. Matutulungan tayong mapaglabanan ang ating mga kahinaan—at gagawing kalakasan ang mga ito. Nakatutulong ang pag-aayuno sa atin na maging mas mapagkumbaba, hindi mayabang, di sakim, at higit na inaalala ang mga pangangailangan ng iba. Makikita natin nang mas malinaw ang ating sariling pagkakamali at kahinaan at tinutulungan tayong mabawasan ang pamimintas natin sa iba. O maaaring ipokus natin ang ating pag-aayuno sa problema ng pamilya. Makatutulong ang pag-aayuno ng pamilya na maragdagan ang pagmamahalan at pagpapahalaga sa isa’t isa at mabawasan ang kaguluhan sa pamilya, o maaari tayong mag-ayuno bilang mag-asawa para palakasin ang ating pagsasama. Bilang mga maytaglay ng priesthood ang layunin ng ating pag-aayuno ay maaaring paghangad ng gabay ng Panginoon sa ating mga tungkulin, gaya ng ipinakita ni Pangulong Hinckley, o maaari tayong mag-ayuno kasama ang kompanyon natin sa home teaching upang malaman kung paano natin matutulungan ang isa sa mga pamilyang binibisita natin.
Sa buong banal na kasulatan ang salitang pag-aayuno ay kadalasang sinasamahan ng panalangin. “Kayo ay magpatuloy sa panalangin at pag-aayuno mula sa panahong ito” ang payo ng Panginoon (D at T 88:76). Ang pag-aayuno nang walang panalangin ay pagpapagutom lamang sa loob ng 24 na oras. Samakatwid ang pag-aayuno na may kasamang panalangin ay nagpapalakas ng kapangyarihang espirituwal.
Nang hindi mapagaling ng mga disipulo ang batang sinaniban ng masamang espiritu, tinanong nila ang Tagapagligtas, “Bakit baga hindi namin napalabas yaon?” Sumagot si Jesus, “Ang ganito’y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno” (Mateo 17:19, 21).
Simulan natin ang ating pag-aayuno nang may panalangin. Ito ay maaaring gawin sa pagluhod natin sa tabi ng mesa matapos kumain na siya namang pagsisimula ng ating pag-aayuno. Ang panalanging iyon ay dapat na kusang ginagawa sa pagsasabi natin sa ating Ama sa Langit ng tungkol sa layunin ng ating ayuno at magsumamo sa Kanya na tulungan tayo na maisagawa ang ating mga layunin. Tapusin din natin ang ating pag-aayuno nang may panalangin. Tama lamang na lumuhod tayo sa tabi ng hapag-kainan bago tayo kumain sa pagtapos ng ating ayuno. Pasasalamatan natin ang Panginoon sa Kanyang tulong sa pag-aayuno at sa nadama natin at natutuhan sa pag-aayuno natin.
Dagdag pa sa pananalangin sa pagsisimula at pagtatapos ng ayuno, dapat tayong magsumamo sa Panginoon tuwina sa ating personal na panalangin sa buong panahon ng ayuno.
Hindi natin dapat asahang mag-ayuno ang ating maliliit na anak sa inirekomendang dalawang kainan. Gayon man dapat natin silang turuan ng mga alituntunin ng pag-aayuno. Kapag tinatalakay at pinaplano ang pag-aayuno sa pamilya, malalaman ng maliliit na bata na nag-aayuno ang kanilang mga magulang at nakatatandang kapatid, at mauunawaan nila ang layunin ng pag-aayuno. Dapat silang makibahagi sa mga panalangin ng pamilya sa pagsisimula at pagtatapos ng ayuno. Sa paraang ito, kapag tumuntong sila sa tamang edad, mananabik silang mag-ayuno kasama ang pamilya. Nagawa na namin ito sa aming pamilya nang hikayatin namin ang mga anak namin na edad 8 hanggang 12 na mag-ayuno ng isang kainan; at pagtuntong nila sa edad 12 at natanggap ang Aaronic Priesthood o pumasok sa Young Women, hinikayat namin sila na mag-ayuno ng dalawang kumpletong kainan.
Matapos pagsabihan ang sinaunang Israel dahil sa di wastong pag-aayuno, ang Panginoon, sa pamamagitan ni propetang Isaias, ay nangusap sa isang maganda at matulaing pananalita tungkol sa wastong pag-aayuno:
“Hindi baga ito ang ayuno na aking pinili: na kalagin ang mga tali ng kasamaan, na pagaanin ang mga pasan at papaging layain ang napipighati, at iyong alisin ang lahat na atang?” (Isaias 58:6).
Kung nag-aayuno at nanalangin tayo nang may layunin na pagsisihan ang mga kasalanan at paglabanan ang sariling kahinaan, tiyak na hinahangad natin na “[makalag] ang mga tali ng kasamaan” sa ating buhay. Kung ang layunin natin sa pag-aayuno ay maging mas mahusay sa pagtuturo ng ebanghelyo at mapaglingkuran ang iba sa ating mga tungkulin sa Simbahan, tiyak na sinisikap nating “pagaanin ang mga pasan” ng iba. Kung nag-aayuno at nananalangin tayo na tulungan tayo ng Panginoon sa ating gawaing misyonero, hindi ba’t hinahangad natin na “[palayain] ang napipighati”? Kung ang layunin ng ating pag-aayuno ay maragdagan ang ating pagmamahal sa ating kapwa at mapaglabanan ang kasakiman, kayabangan, at ang ating pusong nakatuon sa mga bagay ng mundong ito, tiyak kong hinahangad natin na “[maalis] ang lahat ng atang.”
Patuloy na inilarawan ng Panginoon ang wastong pag-aayuno:
“Hindi baga ang magbahagi ng iyong tinapay sa gutom, at dalhin mo sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan? pagka nakakakita ka ng hubad, na iyong bihisan; at huwag kang magkubli sa iyong kapuwa-tao?” (Isaias 58:7).
Tunay na napakagandang bagay na mapapakain natin ang gutom, mapapatuloy ang walang tahanan, at madadamitan ang hubad sa pamamagitan ng ating mga handog-ayuno.
Kung wasto tayong mag-aayuno ipinapangako ng Panginoon:
“Kung magkagayo’y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; …
“Kung magkagayo’y tatawag ka at ang Panginoon ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya’y magsasabi, Narito ako… .
“At kung magmamagandang-loob ka sa gutom, at sisiyahan ng loob ang nagdadalamhating kaluluwa; kung magkagayo’y sisilang ang iyong liwanag sa kadiliman, at ang iyong kadiliman ay magiging parang katanghaliang tapat;
“At papatnubayan ka ng Panginoon na palagi, at sisiyahan ng loob ang iyong kaluluwa sa mga tuyong dako, … at ikaw ay magiging parang halamang nadilig, at parang bukal ng tubig, na ang tubig ay hindi naglilikat” (Isaias 58:8-11).
Dalangin ko na mapagbuti natin ang ating pag-aayuno nang sa gayon ay matamasa natin ang ipinangakong magagandang pagpapala. Patotoo ko na sa ‘[paglapit]’ natin sa Panginoon sa pamamagitan ng ayuno at panalangin ay “lalapit” Siya sa atin (tingnan sa D at T 88:63). Pinatototohanan ko na Siya ay buhay, mahal Niya tayo, at nais na lumapit sa atin. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.