Ang Susi ng Kaalaman Tungkol sa Diyos
Ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos, na pinangangasiwaan ng mga yaong tumutupad sa sumpa at tipan ng Melchizedek Priesthood, ay tutulong sa ating magtagumpay bilang mga anak ng Diyos.
Mga kapatid sa priesthood ng Diyos, nakaupo pa rin ako habang ipinararating sa inyo ang aking mensahe sa gabing ito. Gaya ng alam ninyo, ako’y nagpapagaling sa pansamantalang pananakit ng likod. Mauunawaan ito ng mga nananakit din ang likod. Kayong hindi pa ito naranasan—maghintay lang kayo! Anumang ibang paliwanag hinggil sa sakit ko ay hindi totoo!
Mapakumbaba akong magsasalita sa inyo ngayong gabi na may panalangin sa aking puso na maunawaan ninyo ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu. Mahirap isipin ang anumang bagay na mas mahalagang matutuhan natin bilang maytaglay ng priesthood maliban sa susi ng kaalaman tungkol sa Diyos. Ngayong gabi gusto kong magsalita tungkol sa susing iyon.
Ang nakatataas na priesthood ang nangangasiwa sa ebanghelyo at humahawak “ng susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos.”1 Ano ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos, at matatamo ba ito ng kahit sino? Kung walang Priesthood walang ganap na kaalaman tungkol sa Diyos. Sinabi ni Propetang Joseph Smith na ang “Melchizedek Priesthood … ang daluyan kung saan ang lahat ng kaalaman, doktrina, plano ng kaligtasan at bawat mahalagang bagay ay inihahayag mula sa langit.”2 Sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith: “Ang isang taong tunay na mapatototohanan na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, at si Jesus ang Tagapagligtas, ay nagtataglay ng di matutumbasang yaman. Kapag alam natin ito kilala natin ang Diyos, at may susi tayo sa lahat ng kaalaman.”3
Natanto ni Amang Abraham ang kahalagahan ng susing ito sa pagsasalaysay ng kanyang karanasan: “Aking hinangad ang mga pagpapala ng mga ama, at ang karapatan kung saan ako ay nararapat maordenan upang pangasiwaan ang gayon din; na ako ay naging isang tagasunod ng kabutihan, naghahangad din na maging isang tao na nagtataglay ng maraming kaalaman, at maging isang higit na dakilang tagasunod ng kabutihan, at magtaglay ng higit na kaalaman, … at naghahangad na makatanggap ng mga tagubilin, at masunod ang mga kautusan ng Diyos, ako ay naging karapat-dapat na tagapagmana, isang Mataas na Saserdote, humahawak ng karapatan na pag-aari ng mga ama.”4
Sinumang matwid at hangad magkamit ng malaking kaalaman at “maging isang higit na dakilang tagasunod ng kabutihan” ay maaaring magtamo, sa ilalim ng awtoridad ng priesthood, ng higit na kaalaman tungkol sa Diyos. Nagbigay ng malinaw na paraan ang Panginoon kung paano ito gawin, na nasa Doktrina at mga Tipan: “Kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, … na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan.”5
Maaaring itanong ng isang tao, “Paano ko higit na masusunod ang kabutihan?” Ang isang matwid na tao ay yaong ginagawa at sinusunod ang mga tipan ng ebanghelyo. Iyon ay mga sagradong kasunduan,6 na karaniwa’y sa pagitan ng tao at ng Panginoon. Kung minsan ay kabilang dito ang ibang tao, tulad ng mag-asawa. Kasama rito ang mga pinakasagradong pangako, tulad ng binyag, pagkakaloob ng priesthood, mga pagpapala ng templo, kasal, at pagiging magulang. Marami sa mga pagpapala ni Amang Abraham ang dumarating kapag napasa lahat ng tao ang Espiritu Santo.7 Sinumang karapat-dapat na lalaki o babae na tinanggap ang Espiritu Santo ay tunay na magiging “bagong nilalang.”8
Upang matamo ang buong bahagi ng mga banal na pagpapalang ito at lubos na makilala ang Diyos, ang isang lalaki ay kailangang pumasok sa at tupdin ang sumpa at tipan ng priesthood.9 Malinaw na ipinaliwanag ni Pangulong Marion G. Romney:
“Ang tanging paraan para umunlad ang tao patungong buhay na walang hanggan, na siyang layon ng mortalidad, ay ang matamo at magampanan ang Melchizedek Priesthood… . Napakahalagang isaisip nating mabuti kung ano ang hinihingi sa atin sa pagganap ng ating mga tungkulin sa priesthood… . Kailangan dito ang sumusunod na tatlong bagay:
“1. Magtamo tayo ng kaalaman sa ebanghelyo.
“2. Iayon ang ating pansariling pamumuhay sa mga pamantayan ng ebanghelyo.
“3. Maglingkod nang tapat.”10
Dalawang tipan ang dapat gawin ng bawat maytaglay ng priesthood. Una ay maging tapat sa pagtatamo ng Aaronic at Melchizedek Priesthood.11 Sinasanay at inihahanda ng Aaronic Priesthood ang maytaglay ng priesthood para sa mas mabibigat na tungkulin ng Melchizedek Priesthood at inihahanda siyang tanggapin ang mga pagpapala ng sumpa at tipan ng priesthood. Mahalaga ang pagtataglay ng kapwa Aaronic at Melchizedek priesthood sa pagtanggap natin ng lubos na mga pagpapalang inilaan ng Panginoon sa Kanyang matatapat na anak na lalaki. Ang ikalawang tipan, bilang Kanyang kinatawan sa banal na awtoridad na ito ay maging matapat sa pagganap ng tungkulin na may buong pananampalataya sa Diyos.12
Bilang bahagi ng sumpa at tipan ng priesthood, may ilang pangako ang Panginoon sa Kanyang matatapat na anak “na hindi niya masisira.”13 Una, ang mga maytaglay ng priesthood ay “pababanalin sa pamamagitan ng Espiritu para sa pagpapanibago ng kanilang mga katawan.”14 Palagay ko’y magandang halimbawa si Pangulong Hinckley rito. Napanibago siya sa katawan, isipan, at espiritu sa kahanga-hangang paraan. Ikalawa, sila ay “magiging mga anak na lalaki ni Moises at ni Aaron at binhi ni Abraham.”15 Ikatlo, sila ay nagiging “hinirang ng Diyos.”16 Bilang Kanyang mga kinatawan, isinasagawa nila ang banal na gawaing ito sa ating panahon sa lupa. Ikaapat, “lahat sila na tumanggap ng pagkasaserdoteng ito ay tinanggap [ang Panginoon].”17 Ikalima, sila na tinatanggap ang lingkod ng Panginoon ay tinatanggap Siya.18 Ikaanim, sila na tumatanggap sa Tagapagligtas ay tinatanggap ang Diyos Ama.19 Ikapito, tinatanggap din nila ang kaharian ng Ama.20 Ikawalo, ibibigay din sa kanila ang lahat ng mayroon ang Ama.21 Ang mga tatanggap sa lahat ng mayroon ang Ama ay wala nang tatanggapin pa.
Kayong mga kabataan ng Aaronic Priesthood ay nabigyan ng malaking awtoridad at mga responsibilidad. Sa ilalim ng pamamahala ng bishop, gumaganap ang Aaronic Priesthood sa dalawang ordenansa na tuwirang nauugnay sa Pagbabayad-sala. Ang una ay ang sakrament, na pag-alaala sa ibinuhos na dugo ng Tagapagligtas para sa ating mga kasalanan at ang Kanyang katawan na ibinigay Niya bilang kabayaran para sa atin.22 Ang ikalawa ay ang binyag. May awtoridad ang mga priest na magsagawa ng binyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ang Aaronic Priesthood ay napakatunay na kapangyarihan. Isinulat ng isang kabataan ang karanasan niya sa paggamit ng kapangyarihang ito:
“Minsa’y dumalo ako sa isang ward na halos walang maytaglay ng Melchizedek Priesthood. Subalit hindi ito nakabawas sa espirituwalidad. Katunayan nga, marami sa mga miyembro nito ang nakasaksi sa dakilang pagpapakita ng kapangyarihan ng priesthood.
“Ang kapangyarihan ay nakasentro sa mga priest. Sa unang pagkakataon sa buhay nila tinawag silang isagawa ang lahat ng tungkulin ng mga priest at mangasiwa sa mga pangangailangan ng kanilang kapwa miyembro sa ward. Pormal silang tinawag para mag-home teach—hindi lang para maging bagot na kasama ng isang elder na bumibisita kundi para magpala sa kanilang mga kapatid.
“Bago pa ito nakasama ko na ang apat sa mga priest na ito sa iba’t ibang sitwasyon… . Napaalis nila ang bawat titser ng seminary pagkaraan ng dalawa o tatlong buwan. Nanggugulo sila sa mga Iskawting trip. Pero kapag kailangan sila—kapag pinagkatiwalaan sila sa isang mahalagang misyon—kabilang sila sa pinakamahuhusay maglingkod sa priesthood.
“Ang sekreto ay hinikayat ng bishop ang kanyang Aaronic Priesthood na maging mga lalaking pagpapakitaan ng mga anghel; at nagawa nila iyon, na nagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan at pinalalakas yaong mga nangangailangan nito. Hindi lang ibang mga miyembro ng ward ang napatatag kundi pati na ang mga miyembro ng korum na iyon mismo. Isang matibay na pagkakaisa ang lumaganap sa buong ward at nagsimulang matikman ng bawat miyembro ang kahulugan ng pagiging isa sa puso’t isipan. Walang mahiwaga sa lahat ng ito; ito ay tamang paggamit lang sa Aaronic Priesthood.”23
Kailan lang ay sinabihan ni Pangulong Hinckley ang Aaronic Priesthood na kayong namumuhay nang matwid ay mapagpapala sa pamamagitan ng “pangangalaga ng mga naglilingkod na mga anghel” at kayo ay “dapat maging karapat-dapat sa isang dakilang bagay.”24
Ano ang ibig sabihin ng maging binhi ni Abraham? Sa banal na kasulatan mas malalim ang kahulugan nito kaysa pagiging literal na inapo niya. Nakipagtipan ang Panginoon kay Abraham, ang dakilang patriarch, nang ang lahat ng bansa ay pagpapalain sa pamamagitan niya.25 Makukuha ng sinumang lalaki o babae ang mga pagpapala kay Abraham. Sila ay nagiging binhi at tagapagmana niya sa mga pangakong pagpapala sa pagtanggap sa ebanghelyo, pagpapabinyag, pagpapakasal sa templo, pagiging tapat sa pagtupad sa kanilang mga tipan, at pagtulong na maipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng bansa sa mundo.
Upang mabigyan ng awtoridad na “dalhin nila ang pangangaral na ito at Pagkasaserdote sa lahat ng bansa,”26 kailangang matanggap ng isang lalaki ang Melchizedek Priesthood kasabay ang mga pagpapala nito. Pagkatapos dahil sa katapatan siya ay nagiging tagapagmana ng kabuuan ng buhay na walang hanggan. Tulad ng sabi ni Pablo, “At kung kayo’y kay Cristo, kayo nga’y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.”27
Bilang binhi ni Abraham, may ilang obligasyon tayo. Inutusan tayong lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng paggawa “[ng] mga gawa ni Abraham.”28 Kabilang sa mga gawaing ito ang pagsunod sa Diyos, pagtanggap at pagtupad sa mga ordenansa at tipan ng priesthood at templo, pangangaral ng ebanghelyo, pagbubuo ng pamilya at pagtuturo sa ating mga anak, at pagiging tapat hanggang wakas.
Kapansin-pansin na ginamit ng Panginoon ang salitang binhi sa Kanyang pangako kay Abraham. Mas ganap ang kahulugan nito kaysa inapo dahil nangangahulugan ito ng pagpaparami ng mga pagpapala ng tipan ni Abraham “sa lahat ng bansa.”29 Nangako ang Panginoon kay Abraham ng isang binhi “katulad ng mga hindi mabilang na bituin” o “buhangin sa dalampasigan.”30
Pribilehiyo rin ng mabubuting inapo ni Abraham na mapabilang sa walang hanggang pamilya ni Jesucristo. Kasama rito ang karapatang tumanggap ng walang hanggang mga tipan sa templo kung saan, kung sila ay karapat-dapat, sila ay ioorganisa at dadakilain sa walang hanggang pamilya ni Cristo.31 Kasama rin dito ang “mga biyaya ng kaligtasan, maging ng buhay na walang hanggan.”32
Ang kaayusang patriarchal ay nagmumula kay Abraham patungo kay Isaac at kay Jacob. Sa linya ng priesthood patuloy ito sa ating panahon. Sa paglipas ng mga panahon, nagbigay na ng mga pagpapala at pangako ang mga ama sa matatapat nilang anak na lalaki. Isang modernong halimbawa ang hango sa buhay ni Elder John B. Dickson ng Pitumpu. Pag-alaala niya:
“Noong paalis na ako para magmisyon, sabik na sabik akong maglingkod sa Panginoon. Gayunman, bago ako nakaalis, natuklasan ko na may kanser ako sa buto. Maliit ang pag-asa kong mabuhay na sintagal ng misyon ko. Nanalig ako na gagawa ng paraan ang Panginoon kung nais Niya akong magmisyon. Binasbasan ako ng aking ama na sinasabing magmimisyon ako sa Mexico, maglilingkod sa Simbahan sa buong buhay ko, at magkakapamilya. Kailangang putulin ang kanan kong braso hanggang sa ibabaw ng siko, pero nabuhay ako, at ang mga pangako sa akin ay natupad na lahat.
“Maaaring isipin ng ilan na mabigat na problema ang mawalan ng braso, pero isa iyon sa pinakamalalaking pagpapala sa buhay ko. Nalaman ko na napakahalagang magkaroon ng mga hamon at harapin ang mga ito.”
Kanang kamay ang gamit ni Elder Dickson, at ngayo’y kailangan niyang matutong gamitin ang kaliwa. Ang isang mabigat ay ang matutong magkurbata. Sabi niya: “Isang Linggo ng umaga noong nasa kuwarto ako hawak ang aking kurbata, naisip ko, Paano ko ikakabit ito? Naisip kong bumili ng kurbatang de-sabit. Naisip kong humingi ng tulong kay Inay. Pero hindi ko siya puwedeng isama sa misyon para lang ako kabitan ng kurbata. Kaya ipinasiya kong matutong gawin iyong mag-isa. Sa wakas ay naisip ko ring gamitan ito ng ngipin. Ganoon pa rin ang ginagawa ko, kahit ilang libong beses na ako nakapagkabit nito.”33
Hindi natin alam ang detalye ng lahat ng ipagagawa sa tao, sa mga Banal ng Diyos sa darating na mga panahong walang katiyakan. Araw-araw ay papahirap ang mamuhay nang matwid. Bukod dito, kailangang harapin ng mga maytaglay ng priesthood ang mga dagdag na hamon sa pangangalaga at pagtataguyod ng kanilang pamilya. Tulad ng sinabi kamakailan ng isang pinunong pandaigdig, magkakaroon ng “mga panganib na karaniwan sa ating lahat. Ang nakamamatay na mga pagbabanta ngayon ay nagmumula sa mapanganib na puwersa at grupo ng mga rebeldeng kung saan-saan nanggaling na walang magawa kundi guluhin ang katahimikan ng buhay ng tao at ang mga alituntuning pinahahalagahan ng mga sibilisadong bansa.”34
Maaasahan nating lahat na dumanas ng mga pagsubok. Subalit dakila at walang hanggang mga pangako ang ibinigay sa mga nagpapakabuti. Nag-iwan ng pangako ang Panginoon na “sinuman ang … magpapatuloy na maging matapat sa lahat ng bagay, ay hindi mapapagod sa isipan, ni madidiliman, ni sa katawan, sa bisig, ni sa kasu-kasuan… . At sila ay hindi magugutom, ni mauuhaw.”35 Malaki ang pag-asa ko sa hinaharap ng Simbahan ng Panginoon at sa mga miyembro nito, ngunit kailangan tayong manatili sa kabutihan at maging “matapat sa lahat ng bagay.”36 Ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos, na pinangangasiwaan ng mga yaong tumutupad sa sumpa at tipan ng Melchizedek Priesthood, ay tutulong sa ating magtagumpay bilang mga anak ng Diyos. Magawa nawa natin iyon, ang mapakumbaba kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.