Pangwakas na Mensahe
Sana’y dalas-dalasan natin ang pagpunta sa bahay ng Panginoon.
Nakatapos na naman tayo ng isa pang malaking kumperensya. Kahanga-hanga ang mga miting na ito. Dakila ang layuning tinutupad ng mga ito. Nagtitipon tayo para sumamba at matuto. Pinaninibago natin ang ating mga relasyon bilang mga miyembro ng malaking pamilyang ito ng mga Banal sa mga Huling Araw na nasa iba’t ibang lupain, magkakaiba ang wika at kultura, at hindi pa magkakamukha. At kinikilala natin na tayong lahat ay iisa, bawat isa’y anak ng ating Ama sa Langit.
Ilang minuto pa at mawawalan ng tao ang malaking Conference Center na ito sa Salt Lake City. Papatayin ang mga ilaw at ikakandado ang mga pinto. Ganito rin ang mangyayari sa libu-libong bulwagan sa buong kalawakan ng mundong ito. Magsisiuwi tayo, na sana’y maraming natutuhan. Dapat ay mas matatag na ang ating pananampalataya, napatibay na ang ating pasiya. Kung noo’y nawalan tayo ng pag-asa, sana’y nagkaroon tayo ng panibagong lakas ng loob. Kung naligaw man tayo ng landas, sana’y naipasiya na nating magsisi. Kung naging masungit tayo o malupit at makasarili, sana’y determinado na tayong magbago. Lahat ng lumalakad nang may pananampalataya ay dapat na lalong tumatag ang pananampalataya.
Ngayon ay Lunes sa Far East. Bukas ay Lunes sa Western Hemisphere at sa Europa. Ito ang araw na itinalaga natin para sa family home evening. Sa sandaling iyon sana’y tipunin ng mga ama’t ina ang mga anak nila para pag-usapan ang mga bagay na narinig nila sa kumperensyang ito. Sana’y isinulat nila ang ilan sa mga bagay na ito, pag-isipan, at alalahanin ang mga ito.
Ngayon sa ating pagtatapos nais kong ipaalala sa inyo ang isa pang bagay. Sana’y dalas-dalasan natin ang pagpunta sa bahay ng Panginoon. Tulad ng pahiwatig ko sa pambungad na sesyon, nagawa na namin ang lahat ng alam namin para mailapit ang mga templo sa ating mga tao. Marami pa rin ang kailangang maglakbay nang malayo. Umaasa ako na patuloy nila iyong pagsisikapan hanggang sa dumating ang panahon na makapagtayo ng templo sa kanilang lugar.
Karamihan sa ating mga templo ay maaari pang maging mas abala kaysa ngayon. Sa maingay at abalang daigdig na ito, malaking pribilehiyo ang magkaroon ng sagradong bahay kung saan natin madarama ang nakadadalisay na impluwensya ng Espiritu ng Panginoon. Madalas tayong nagiging sakim. Kailangan natin itong daigin, at walang mas mainam na paraan kundi magpunta sa bahay ng Panginoon at doo’y maglingkod para sa kapakanan ng mga namatay na. Kagila-gilalas na gawain. Kadalasa’y di natin kilala ang mga ginagawan natin ng ordenansa. Di natin hangad ang pasasalamat. Di natin tiyak na tatanggapin nila ang alok natin. Pero pumupunta tayo, at sa gayo’y nadaragdagan ang ating espirituwalidad na hindi natin matatamo sa ibang paraan. Literal tayong nagiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion. Ano ang kahulugan nito? Kung paanong inialay ng ating Manunubos ang Kanyang buhay bilang sakripisyo para sa lahat ng tao, at dahil doo’y naging ating Tagapagligtas, gayon din naman tayo, kahit paano, ay nagiging mga tagapagligtas ng mga nasa kabila ng tabing, kapag kinakatawan natin sila sa templo. Wala silang paraan para makasulong kung walang gagawa nito para sa kanila sa daigdig.
Kaya nga, mga kapatid ko, hinihikayat ko kayong samantalahin nang husto ang banal na pribilehiyong ito. Pagbubutihin nito ang inyong likas na pagkatao. Papalisin ng pagdalo sa templo ang kasakimang bumabalot sa ating pagkatao. Literal nitong padadalisayin ang ating buhay at gagawin tayong mas mabubuting lalaki at babae.
Bawat templo, malaki man o maliit, ay may magandang silid selestiyal. Nilikha ang silid para kumatawan sa kahariang selestiyal. Nang baguhin ang Mesa Arizona Temple ilang taon na ang nakalilipas at buksan ito sa publiko, inilarawan ng isang bisita ang silid selestiyal bilang silid pahingahan ng Diyos. Maaaring ganoon nga iyon. Pribilehiyo natin, na kakaiba at personal, habang nakadamit ng puti, na maupo sa magandang silid selestiyal pagkatapos magsagawa ng ordenansa at magnilay-nilay, mag-isip nang malalim, at manalangin nang tahimik.
Dito’y maaari nating isipin ang dakilang kabutihan ng Panginoon sa atin. Dito’y maaari nating isipin ang dakilang plano ng kaligayahan na binalangkas ng ating Ama para sa Kanyang mga anak. Kaya nga hinihimok ko kayo, mga kapatid ko, gawin ito habang may lakas pa kayo. Alam ko na pagtanda ninyo, mahihirapan na kayong magpanhik-panaog. Pero kaylaking pagpapala nito.
Ngayon, mga kapatid, muli kong ipinaaabot sa inyo ang aking pagmamahal. Pagpalain nawa kayo ng Panginoon. Ang gawaing ito ay totoo. Huwag ninyo itong pagdudahan kailanman. Ang ating Diyos Amang Walang Hanggan ay buhay. Si Jesus ang ating Manunubos, ating Panginoon, ang Anak ng Diyos na buhay. Si Joseph Smith ay propeta, ang Aklat ni Mormon ay may banal na pinagmulan, at ito ang banal na gawain ng Diyos sa lupa. Iniiwan ko sa inyo ang aking patotoo, pagmamahal, at basbas sa ating pag-uwi. Nawa’y kasihan kayo ng Diyos hanggang sa muli nating pagkikita ang mapagpakumbaba kong dalangin, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.