Piliin Ninyo sa Araw na Ito
Mga pagpili natin ang huhubog sa ating tadhana.
Mahal kong mga kapatid, kapwa kayong naririto at kayong nakatipon sa buong mundo, hinihiling ko ang inyong pananampalataya at mga dalangin sa pagtugon ko sa atas at pribilehiyong magsalita sa inyo. Una, personal kong babatiin sina Elder Dieter Uchtdorf at Elder David Bednar, ang bago nating mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Naiisip ko nitong huli ang mga pagpili at ibubunga nito. Sabi nga, sa maliliit nagmumula ang malalaking kaganapan sa kasaysayan, at gayundin sa buhay ng tao. Mga pagpili natin ang huhubog sa ating tadhana.
Sabi noon ni Josue, “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; … nguni’t sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon.”1
Lahat tayo’y nagsimula sa maganda at mahalagang paglalakbay nang lisanin natin ang daigdig ng mga espiritu at naparito sa mortalidad na kadalasa’y puno ng hamon. Taglay natin ang dakilang kaloob ng Diyos—ang ating kalayaang pumili. Sabi ni propetang Wilford Woodruff: “Ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga anak … ang kalayaan ng bawat isa… . Tinaglay [natin] ito sa kalangitan bago pa nalikha ang daigdig, at pinanatili at ipinagtanggol ito ng Panginoon laban kay Lucifer… . Dahil sa kalayaang ito na pumili ikaw at ako at buong sangkatauhan ay naging responsableng mga nilalang, para sa landas na ating tinatahak, sa ating pamumuhay, at sa mga ginagawa natin.”2
Sabi ni Brigham Young, “Kailangang gamitin ng lahat [ang kalayaang ito] para matamo ang kadakilaan sa kaharian [ng Diyos]; dahil nasa [atin] ang kapangyarihang pumili kailangan [natin] itong gamitin.”3
Sinasabi sa mga banal na kasulatan na malaya tayong kumilos para sa ating sarili, na “piliin ang daan ng walang hanggang kamatayan o ang daan ng buhay na walang hanggan.”4
Isang pamilyar na himno ang nagbibigay-inspirasyon sa mga pagpili natin:
Ang tama ay piliin mo sa t’wina;
Sa tama, Espiritu’y gabay’
Liwanag N’ya’y laging mananatili
Kung puso’y sa tama nabuhay.
Ang tama ay piliin mong gawain,
Dito ay ligtas ka’t payapa.
Sa lahat ng gawaing isusulong,
Langit at Diyos ang gawing nasa.5
May gabay bang tutulong sa atin para mapili natin ang tama at maiwasan ang mapanganib na mga landas? Nakasabit sa dingding ng opisina ko, sa tapat ng mesa ko, ang isang magandang larawan ng Tagapagligtas, na ipininta ni Heinrich Hofmann. Gustung-gusto ko iyon, at 22 anyos na bishop pa lang ako ay nasa akin na iyon at dinadala ko saanman ako madestino. Sinisikap kong tularan ang buhay ng Guro. Tuwing mahihirapan akong magdesisyon, tinitingnan ko ang larawan at tinatanong ang sarili ko, “Ano ang gagawin Niya?” At iyon ang sinisikap kong gawin. Hinding-hindi tayo magkakamali kapag pinili nating sundin ang Tagapagligtas.
Ang ilang pagpili ay tila mas mahalaga kaysa iba, pero lahat ng pagpili ay mahalaga.
Ilang taon na ang nakararaan hawak ko ang isang gabay na, kung susundin, tiyak na makakatulong sa pagpili natin ng tama. Iyon ang karaniwang tinatawag nating tripleng aklat, na naglalaman ng Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas. Ang aklat na ito’y regalo ng isang mapagmahal na ama sa kanyang mahal na anak na babae na maingat na sumunod sa payo niya. Sa blangkong pahina ng aklat, isinulat-kamay ng kanyang ama ang inspiradong mga salitang ito:
“Sa mahal kong si Maurine,
“Para may palagian kang sukatan sa paghatol sa pagitan ng katotohanan at mga maling pilosopiya ng tao, at sa gayo’y maragdagan ang iyong espirituwalidad sa paglago ng iyong kaalaman, ibinibigay ko ang sagradong aklat na ito para lagi mong basahin at mahalin habambuhay.
“Ang nagmamahal mong ama,
“Harold B. Lee”
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang mithiin nati’y makamit ang kaluwalhatiang selestiyal.
Huwag tayong magdalawang-isip na tulad ni Alice sa klasiko ni Lewis Carroll na Alice’s Adventures in Wonderland. Matatandaan ninyo na nakarating siya sa isang sangandaan, na magkabilang direksyon ang tutunguhan. Nakaharap niya ang pusang Cheshire, na tinanong ni Alice ng, “Aling landas ang tatahakin ko?”
Sagot ng pusa: “Depende kung saan mo gustong pumunta. Kung hindi mo alam kung saan mo gustong pumunta, hindi na mahalaga kung aling landas ang tatahakin mo.”6
Di tulad ni Alice, alam nating lahat kung saan natin gustong pumunta, at talagang mahalaga kung saan tayo papunta, dahil ang landas na tatahakin natin sa buhay na ito ay tiyak na hahantong sa landas na tatahakin natin sa kabila.
Dapat tandaan ng bawat isa sa atin na siya ay anak na lalaki o babae ng Diyos, na pinagkalooban ng pananampalataya’t tapang, at ginagabayan sa panalangin. Nasa mga kamay natin ang ating tadhana. Kinakausap tayo ni Apostol Pablo ngayon tulad nang pagkausap niya kay Timoteo noon: “Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo.” “Oh Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo.”7
Kung minsan hinahayaan ng marami sa atin ang kaaway ng tagumpay—ang sagabal na “kabiguan”—na hamakin ang ating mga mithiin, pigilan ang ating mga pangarap, lambungan ang ating paningin, at sirain ang ating buhay. Bumubulong ang kaaway sa atin, “Hindi mo kaya.” “Napakabata mo pa.” “Napakatanda mo na.” “Wala kang halaga.” Doon natin naaalala na nilikha tayo sa wangis ng Diyos. Ang pagmumuni sa katotohanang ito ay nagdudulot ng lakas at kapangyarihan.
Nagkaroon ako ng pagkakataong makilala nang personal si Pangulong J. Reuben Clark, Jr., na matagal na naging miyembro ng Unang Pangulunan. Habang tinutulungan ko siya sa paghahanda sa paglilimbag ng kahanga-hanga niyang mga aklat, marami akong napulot na aral. Isang araw habang tahimik na nag-iisip, nagtanong si Pangulong Clark kung maiaayos ko ba ang paglilimbag ng isang larawang magandang ikuwadro. Tampok sa larawan ang mga leon ng Persepolis sa Persia na nakatanod sa mga labi ng nawasak na lungsod. Gusto sanang isama ni Pangulong Clark sa paglilimbag ng larawan—sa pagitan ng nabubulok na mga arko ng naglahong sibilisasyon—ang ilang paborito niyang banal na kasulatan, na pinili sa malawak niyang kaalaman sa banal na kasulatan. Palagay ko’y gugustuhin ninyong malaman ang mga napili niya. Tatlo iyon—dalawa mula sa Eclesiastes at isa mula sa Ebanghelyo ni Juan.
Una, mula sa Eclesiastes: “Ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos: sapagka’t ito ang buong katungkulan ng tao.”8
Ikalawa, “Walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, sabi ng Mangangaral; walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, lahat ay walang kabuluhan.”9
Ikatlo, mula sa Juan: “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.”10
Ang isang sinaunang propeta, si Moroni, na nagsulat sa ngayo’y Aklat ni Mormon, ay nagpayo, “At ngayon, ipinapayo ko sa inyo na hanapin ang Jesus na ito na siyang isinulat ng mga propeta at apostol, upang ang biyaya ng Diyos Ama, at gayon din ng Panginoong Jesucristo, at ng Espiritu Santo, na siyang nagpapatotoo sa kanila, ay maaari at manatili sa inyo magpakailanman.”11
Nagpayo si Pangulong David O. McKay: “ ‘Ang pinakamatinding pakikidigma sa buhay ay pinaglalabanan sa tahimik na kalooban ng inyong kaluluwa.’ … Makabubuting umupo at kausapin ang sarili, upang maunawaan ang inyong sarili at makapagpasiya sa tahimik na sandaling iyon kung ano ang tungkulin ninyo sa inyong pamilya, sa inyong Simbahan, sa inyong bansa, at … sa inyong kapwa.’”12
Ang batang propetang si Joseph Smith ay humingi ng tulong sa langit nang magtungo siya sa kakahuyang naging sagrado. Kailangan din ba natin ng gayong lakas? Kailangang humanap ang bawat tao ng sarili niyang “Sagradong Kakahuyan”? Tulad ng kakahuyan ang lugar kung saan walang hahadlang, gagambala, at iistorbo sa komunikasyon ng Diyos sa taong ito.
Sa Bagong Tipan nalaman natin na imposibleng magkaroon ng tamang saloobin kay Cristo kung wala tayong malasakit sa ating kapwa. Sa aklat ni Mateo, itinuro ni Jesus, “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”13
Nang humanap ang Tagapagligtas ng isang lalaking may pananampalataya, hindi Niya ito pinili sa grupo ng mga mapagmagaling na laging nasa sinagoga. Bagkus, tinawag Niya ito mula sa mga mangingisda ng Capernaum. Habang nagtuturo sa dalampasigan, nakita Niya ang dalawang bangka sa tabi ng dagat-dagatan. Lumulan Siya sa isa at hiniling sa may-ari na ilayo ito nang kaunti sa lupa para hindi Siya maipit ng maraming tao. Matapos magturo, sinabi Niya kay Simon, “Pumaroon ka sa laot, at ihulog ninyo ang inyong mga lambat.”
Sagot ni Simon, “Guro, sa buong magdamag ay nagsipagpagal kami, at wala kaming nahuli: datapuwa’t sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat.
“At nang magawa nila ito, ay nakahuli sila ng lubhang maraming isda… .
“Datapuwa’t nang makita ni Simon Pedro, ay nagpatirapa sa mga tuhod ni Jesus, na nagsasabi, Lumayo ka sa akin; sapagka’t ako’y taong makasalanan, Oh Panginoon.”14
Ang sagot, “Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”15
Natanggap ni Simon na mangingisda ang kanyang tawag. Hindi ipinalagay ng nag-aalinlangan, walang paniniwala, di nakapag-aral, walang kasanayan, at mapusok na si Simon na madali at walang hirap ang landas ng Panginoon. Nabulyawan siya ng, “Oh ikaw na kakaunti ang pananampalataya.”16 Pero nang tanungin siya ng Guro, “Ano ang sabi ninyo kung sino ako?” sagot ni Pedro, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay.”17
Si Simon, na nag-aalinlangan, ay naging si Pedro, na Apostol ng pananampalataya. Pumili si Pedro.
Nang pumili ang Tagapagligtas ng misyonerong masigasig at makapangyarihan, hindi Niya ito natagpuan sa mga kaibigan Niya kundi sa Kanyang mga kaaway. Ang karanasan niya sa landas patungong Damasco ang nagpabago kay Saulo. Sabi ng Panginoon tungkol sa kanya, “Siya’y sisidlang hirang sa akin, upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel.”18
Si Saulo na tagausig ay naging si Pablo na mangangaral. Pumili si Pablo.
Ang di-makasariling paglilingkod ay ginagawa ng napakaraming miyembro ng Simbahan araw-araw. Marami ang ibinibigay nang libre, nang walang publisidad o pagyayabang, bagkus ay sa tahimik na pagmamahal at magiliw na pangangalaga. Ibabahagi ko sa inyo ang halimbawa ng taong gumawa ng simple ngunit matinding pagpili na maglingkod.
Mga ilang taon na nang magtungo kami ni Sister Monson sa lungsod ng Toronto, kung saan kami minsang tumira noong ako ang mission president. Grabe ang sakit ni Olive Davies, na asawa ng unang stake president sa Toronto, at naghahanda para sa kanyang kamatayan. Dahil sa kanyang sakit, kinailangan niyang lisanin ang mahal niyang tahanan at pumasok sa ospital na maglalaan ng pag-aalagang kailangan niya. Ang kaisa-isa niyang anak ay pumisan sa sariling pamilya niya sa malayong Kanluran.
Sinikap kong aluin si Sister Davies, pero naroon na ang pag-aalong hinintay-hintay niya. Isang matipunong apong lalaki ang tahimik na naupo sa tabi ng kanyang lola. Nalaman ko na ginugugol niya ang kanyang bakasyon sa unibersidad sa pag-aalaga sa kanyang lola. Sabi ko sa kanya, “Shawn, hinding-hindi ka magsisisi sa desisyon mo. Pakiramdam ng lola mo’y hulog ka ng langit, sagot sa kanyang mga dalangin.”
Sagot niya, “Pinili kong magpunta rito dahil mahal ko siya at alam kong ito ang nais ipagawa sa akin ng aking Ama sa Langit.”
Madamdamin ang tagpong iyon. Ikinuwento sa amin ni Lola kung gaano siya kasaya sa tulong ng kanyang apo at ipinakilala siya sa bawat empleyado at pasyente sa ospital. Magkahawak-kamay silang naglakad sa mga pasilyo, at sa gabi nariyan lang siya sa tabi.
Sumakabilang buhay na si Olive Davies, upang doo’y makapiling at patuloy na makasama ang tapat niyang asawa sa walang hanggang paglalakbay. Sa puso ng apo ay mananatili ang mga salitang, “Ang tama ay piliin mo sa t’wina; Sa tama, Espiritu’y gabay.”19
Ang mga ganitong sandali ay mga batong saligan sa pagtatayo ng sariling templo. Tulad ng payo ni Apostol Pablo, “Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?”20
Hayaang iwan ko sa inyo ngayon ang simple ngunit matagalang pormula na gagabay sa inyo sa mga pagpili sa buhay:
Puspusin ng katotohanan ang inyong isipan.
Puspusin ng pagmamahal ang inyong puso.
Puspusin ng paglilingkod ang inyong buhay.
Sa paggawa nito, nawa’y marinig natin balang-araw ang pagsang-ayon ng Panginoon at Tagapagligtas na, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: nagtapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay; pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.”21
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.