2004
Alalahanin ang mga Turo ng Iyong Ama
Nobyembre 2004


Alalahanin ang mga Turo ng Iyong Ama

Ang Aklat ni Mormon ay nakapagpapabago ng mga buhay.

Noong Enero 10, 1945, natanggap ko ang aking basbas ng patriarch mula sa mission president ng Tatay ko, si John M. Knight. Noon ko lang siya nakita. Matapos niyang sabihin kung saang lahi ako galing, ang sumunod na mga salita niya—na mga unang pagpapayo sa aking basbas—ay, “Alalahanin mo ang mga turo ng iyong ama.” Ang payo na iyon noon, hanggang sa ngayon, ay malaking pagpapala sa aking buhay.

Katatanggap ko pa lang ng basbas ko nang umuwi ako mula sa Sunday School. Pinag-aralan namin ng tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith, at iniisip ko kung totoo nga ba iyon. Papunta noon si Itay sa isang miting sa Simbahan. Pinigilan ko siya at tinanong, “Itay, paano po ba malalaman kung totoo ang pangitain ni Joseph Smith?” Inakbayan ako ni Itay, at naupo kami sa sopa sa sala. Doo’y ikinuwento niya sa akin ang kasaysayan ni Propetang Joseph at ang sarili niyang patotoo hinggil sa katunayan nito. Naaantig pa rin ako ng karanasan kong iyon sa aking ama. Simula noon, hindi na ako nagduda pa sa kuwento ni Propetang Joseph Smith tungkol sa kanyang Unang Pangitain.

Tandang-tanda ko pa na noong tinedyer ako’y regular ang pag-aaral ni Itay sa Aklat ni Mormon. Ang pagmamahal niya sa Aklat ni Mormon at ang payo niya sa akin na pag-aralan ito at pag-isipang mabuti ang naging simula ng paglalakbay ko sa sagradong talang iyon na siyang pundasyon ng aking patotoo ngayon. Kailangan natin ang paglalakbay na ito.

May iba pang tumulong sa paglalakbay ko sa Aklat ni Mormon. Ibinahagi ng una kong titser sa seminary ang kanyang karanasan bilang misyonero na naghahangad na malaman kung totoo ang Aklat ni Mormon. Binasa daw niya ang talumpati ni Haring Benjamin at parang nakinita nga niya si Haring Benjamin na nakatayo sa kanyang tore at parang narinig nga niya ang dakilang sermon. Ang kanyang patotoo, na pinagtibay ng Espiritu, ay nag-iwan ng matinding impresyon sa aking isipan.

Bakasyon noon bago ako pumasok sa kolehiyo, nagkaroon ako ng pagkakataong makapunta sa Monument Valley para makasama sa pagtatayo ng unang hayskul doon para sa mga taga Navajo. Nang papaalis na ako ng bahay, tinanong ni Itay kung dadalhin ko ang aking Aklat ni Mormon. Hindi ko naisip iyon, pero sinunod ko ang sinabi niya. Naaalala kong gabing-gabi na noon sa construction site at nakahiga ako’t damang-dama ko ang diwa at kapangyarihan ng Aklat ni Mormon.

Naaalala ko pa na noong misyonero pa ako sa Great Lakes Mission ay nagkaroon ako ng malaking kaalaman at patotoo na ang Aklat ni Mormon ay isa pang saksi ng isang bansa na si Jesus ang Cristo at totoo ang Simbahang ito. Mula sa mga karanasang iyon ay nag-aalab pa rin sa puso ko ngayon ang banal na pagsaksi sa mensahe ng Aklat ni Mormon, kay Cristo na ating Tagapagligtas at Manunubos, at ng Panunumbalik ng Kanyang Simbahan sa mga huling araw na ito.

Gusto kong ibahagi sa inyo ang ilan sa malalaking pagpapala na maihahatid sa atin ng Aklat ni Mormon. Ang Aklat ni Mormon ay nakapagpapabago ng mga buhay. Matapos matanggap ng anak naming si John ang tawag sa kanya na magmisyon sa Japan, sinabi niya sa akin, “Dad, bago ako pumasok sa Missionary Training Center, babasahin ko nang dalawang beses ang Aklat ni Mormon.” Ang sabi ko kay John, “Mabigat ang mithiin mong iyan.” Dama kong determinado siya at nagpasiya akong sundan ang kanyang halimbawa. Sinimulan kong magbasa tuwing umaga. Makaraan ang ilang araw nang umuwi ako mula sa trabaho, sinabi sa akin ni John, “Naabutan ko na kayo ngayon.” Nagtanong ako, “Ano’ng ibig mong sabihin?” Sagot niya’y, “Naabutan ko na kayo sa pagbabasa sa Aklat ni Mormon. Naiwan ninyo itong bukas sa mesa.” Kinabukasan pagkatapos kong magbasa, naisip kong ilipat ito nang mga 150 pahina kung saan ako nahinto sa pagbabasa. Iniwan kong bukas ang Aklat ni Mormon sa lugar na makikita niya at pumasok na ako sa opisina. Matapos ang miting nang umagang iyon, pinakinggan ko ang aking voice mail. Ang pinakaunang mensahe ay, “Sigurado kayo, Dad!”

Bakit ko ito ikinuwento? Sa pagbabasa ng anak ko sa Aklat ni Mormon, nakita ko ang pagbabago sa kanyang buhay sa paghahanda niya sa pagpasok sa Missionary Training Center. Pinatatag ng karanasang ito ang patotoo ng anak ko sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Naalala ko ang karanasan ko sa isang zone leader sa England na lumapit sa akin sa oras ng tanghalian sa zone conference. Sabi niya, “May tinuturuan kaming bulag na babae at halos bingi. Gusto niyang malaman kung totoo ang Aklat ni Mormon. Ano’ng gagawin namin?” Wala akong maisagot nang oras na iyon, pero sinabi kong, “Sasabihin ko sa iyo pagkatapos ng kumperensya.” Sa sesyon sa hapon, nadama ko ang malinaw na impresyon kung paano siya matutulungan. Pagkatapos ng miting, sinabi ko sa zone leader, “Ipahawak mo sa kapatid na ito ang kopya niya ng Aklat ni Mormon at dahan-dahang ipabuklat ang mga pahina. Pagkatapos ipatanong mo sa kanya kung totoo ito.” Bagamat hindi niya mabasa ni marinig ang mga salita, nadama niya ang diwa at kapangyarihan ng Aklat ni Mormon, at binago nito ang kanyang buhay.

Napamahal na sa akin ang mensahe ng Aklat ni Mormon. Para matulungan kayo na madama ang kapangyarihan at diwa ng Aklat ni Mormon at, sana, matulungan kayo sa iyong paglalakbay, gawin ninyo ang tatlong bagay.

Una, gusto kong balikan ang kuwento kay Helaman at sa kanyang 2,060 mga kabataang kawal:

“At habang ang nalalabi sa aming hukbo ay magbibigay-daan na sana sa mga Lamanita, masdan, ang dalawang libo at animnapung yaon ay nanatiling matatag at hindi umuurong.

“Oo, at sinunod nila at tinupad gawin ang bawat salita ng pag-uutos nang may kahustuhan; oo, at maging alinsunod sa kanilang pananampalataya ay nangyari sa kanila; at natatandaan ko ang mga salitang sinabi nila sa akin na sila ay tinuruan ng kanilang mga ina… .

“At ngayon, ang pagkakaligtas nila ay kagila-gilalas sa aming buong hukbo… . At makatwirang ipalagay namin ito sa mahimalang kapangyarihan ng Diyos, dahil sa kanilang labis na pananampalataya sa yaong itinuro sa kanila na paniwalaan” (Alma 57:20–21, 26).

Kung tatanungin ko kayo kung sino ang nagturo sa mga dakila at batang kawal na ito, tiyak na alam ninyong lahat ang sagot—ang kanilang mga ina. Ang unang imbitasyon ko sa inyo ay alamin kung ano ang itinuro sa kanila ng mga nanay nila.

Pangalawa, pamilyar tayo sa turo ni Alma hinggil sa pananampalataya, nang hamunin niya ang mga tao na:

“Masdan, kung kayo ay gigising at pupukawin ang inyong kaisipan, maging sa isang pagsubok sa aking mga salita, at gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo… .

“Ngayon, ating ihahalintulad ang salita sa isang binhi. Ngayon, kung kayo ay magbibigay-puwang, na ang binhi ay maitanim sa inyong mga puso, masdan, kung iyon ay isang tunay na binhi, o isang mabuting binhi, kung hindi ninyo ito itatapon dahil sa inyong kawalang-paniniwala, na inyong sasalungatin ang Espiritu ng Panginoon, masdan, ito ay magsisimulang lumaki sa loob ng inyong dibdib; at kapag nadama ninyo ang ganitong paglaki, kayo ay magsisimulang magsabi sa inyong sarili—Talagang ito ay mabuting binhi… .

“Anupa’t kung ang isang binhi ay tumutubo ito ay mabuti, ngunit kung ito ay hindi tumutubo, masdan ito ay hindi mabuti, kaya nga ito ay itatapon” (Alma 32:27–28, 32).

Ang pangalawang imbitasyon ko ay tuklasin ninyo kung ano ang salita o binhi at itanim ito sa inyong puso. Kailangang buklatin ninyo ang Alma kabanata 33, para mahanap ito. Kapag ginawa ninyo ito, lalong lalago ang inyong pananampalataya.

Pangatlo, kung tuturuan ninyo ang inyong mga anak ng tatlong dakilang katotohanan na gusto ninyong tandaan nila, ano ang mga ito? Hiniling ni Helaman sa mga anak niyang sina Lehi at Nephi na tandaan ang tatlong dakilang katotohanang ito “gawin ang mga bagay na ito upang makapagtipon sa inyong sarili ng kayamanan sa langit … upang makamit ninyo ang yaong mahalagang kaloob na buhay na walang hanggan” (Helaman 5:8). Ang pangatlong imbitasyon ko ay alamin ninyo kung ano ang hiniling ni Helaman na tandaan ng kanyang mga anak at ituro ang mga bagay na ito sa kanilang mga anak. Ito lang ang maitutulong ko. Basahin at pag-isipang mabuti ang Helaman, kabanata 5.

Bakit kaya napakatindi ng oposisyong ipinukol sa Aklat ni Mormon bago pa man ito maisalin at patuloy pa rin ito hanggang ngayon? Ganito ang isinulat ni Elder Bruce R. McConkie tungkol dito: “Ano ba ang mayroon sa ilang mga salitang inilimbag—samantalang lahat ng ito’y malinis at nakapagpapasigla at ukol sa kasaysayan at doktrina—na pumupukaw ng gayon katinding kalupitan? … Bakit tinutuligsa ng mga tao ang Aklat ni Mormon? Ang dahilan ay tulad din ng dahilan nila sa pagsalungat kay Joseph Smith” (A New Witness for the Articles of Faith, [1985], 459, 461).

Ang dahilan kung bakit walang humpay na kinakalaban ni Satanas ang Aklat ni Mormon ay nasa huling dalawang talata sa pambungad ng Aklat ni Mormon:

“Inaanyayahan namin ang lahat ng tao sa lahat ng dako na basahin ang Aklat ni Mormon, pagbulay-bulayin sa kanilang mga puso ang mensaheng nilalaman nito, at itanong sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo kung ang aklat ay totoo. Yaong mga magpapatuloy sa paraang ito at magtatanong nang may pananampalataya ay magtatamo ng patotoo ng katotohanan at kabanalan nito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. (Tingnan sa Moroni 10:3–5.)”

Ngayon, makinig kayong mabuti:

“Yaong mga magtatamo ng banal na patotoong ito mula sa Banal na Espiritu ay malalaman din sa pamamagitan ng yaon ding kapangyarihan na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan, na si Joseph Smith ang kanyang tagapaghayag at propeta nitong mga huling araw, at na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Panginoon na muling itinatag sa mundo bilang paghahanda sa ikalawang pagparito ng Mesiyas.”

Ang dahilan kung bakit kinalaban at patuloy na kinakalaban ni Satanas ang Aklat ni Mormon ay dahil sa tatlong banal na katotohanang iyon. Ayaw niyang maabot natin ang sagradong kaalamang iyon.

“Alalahanin ang mga turo ng iyong ama.” Habampanahon kong pasasalamatan ang aking ama. Kahit halos 30 taon na siyang wala, ang mga turo niya’y buhay pa rin sa puso ko. Salamat at minsan sa buhay ko, ako ay nagkaroon ng pagkakataon na maging natatanging saksi ni Cristo. Dahil sa Aklat ni Mormon, sa mensahe nito, at sa banal na patotoong natanggap ko, maiiwan ko sa inyo ang aking patotoo na si Jesus ang Cristo, ang Bugtong na Anak ng Diyos Ama sa laman. Natapos Niya ang walang katapusan at walang hanggang gawain ng Pagbabayad-sala. Muling darating si Cristo at pamumunuan tayo bilang Panginoon ng mga Panginoon at Hari ng mga Hari. Tungkol sa Kanya at sa gawaing ito iniiwan ko ang taimtim kong patotoo sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.