Pagbibigay ng Kapayapaan at Kagalingan sa Inyong Kaluluwa
Habang ang pagbabalik-loob ay lumalago at napapalakas sa impluwensya ng Espiritu Santo, dumarating ang kapayapaan at kagalingan sa kaluluwa.
Maraming miting ng komite ang idinaraos namin dito sa headquarters ng Simbahan, at sa simula ng taong ito sa isa sa mga miting na iyon, nakikinig na mabuti si Elder Neal A. Maxwell sa paglalahad hinggil sa pagpapahusay sa lokal na mga lider. Nang patapos na ang miting, nagtanong si Elder Maxwell, “May magagawa pa ba tayo para matulungan ang mga bishop sa pagbibigay ng kapayapaan at kagalingan sa mga Banal?” Gusto kong malaman ang iba pang alalahanin niya, kaya bago siya namatay at sa pribadong tanggapan niya, ipinaliwanag ni Elder Maxwell ang mga doktrinang kaugnay ng pagtatamo ng kapayapaan at kagalingan. Hinikayat niya akong ibahagi ang mensaheng ito sa mga miyembro ng Simbahan.
Si Elder Maxwell ay naging at nananatiling magandang halimbawa ng di-sakim na pagmamahal. Ang pagmamalasakit niya sa iba ay taos, lalo na sa mga nasasaktan ang katawan at kalooban. Paglisan sa kanyang tanggapan, hindi maiaalis ninuman na maging mas matatag sa pangakong tularan si Cristo. Nagbigay siya ng halimbawa para sa ating lahat. Minahal niya ang Tagapagligtas. Siya ay naging tunay na Apostol at disipulo. Hinahanap-hanap namin siya.
Nagbigay siya ng magagandang kuru-kuro kung paanong tanging sa pamamagitan ng ganap na pagbabalik-loob ng kaluluwa dumarating ang buong kapayapaan at kagalingan. Binanggit niya na maaga niyang natutuhan kay Pangulong Marion G. Romney ang mga hakbang tungo sa ganap na pagbabalik-loob. Nagbanggit siya mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong 1963 nang banggitin ni Pangulong Romney ang mga salita ng Tagapagligtas kay Pedro: “Datapuwa’t ikaw ay ipinamanhik ko, na huwag magkulang ang iyong pananampalataya; at ikaw kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid” (Lucas 22:32). Wika ni Pangulong Romney: “Lalabas na ang pagiging miyembro sa Simbahan at ang pagbabalik-loob ay hindi maituturing na magkapareho. Ang mapaniwala, ayon sa paggamit natin dito sa salitang iyan, at pagkakaroon ng patotoo ay hindi rin maituturing na magkapareho. Dumarating ang patotoo kapag sumaksi sa katotohanan ang Espiritu Santo sa taong masigasig maghangad nito. Ang nakaaantig na patotoo ay nagpapasigla ng pananampalataya; ibig sabihin, naghihikayat ito ng pagsisisi at pagsunod sa mga kautusan. Ang pagbabalik-loob, sa kabilang banda, ang siyang bunga ng, o gantimpala sa, pagsisisi at pagsunod” (sa Conference Report, Okt. 1963, 24).
Ang pagbabalik-loob ay hindi karaniwang dumarating kaagad, kahit may magigiting na kuwento sa atin ang mga banal na kasulatan. Paunti-unti ang dating nito, hanggang sa ganap na magbago ang isang tao. “Ipanganak na muli” ang tawag dito sa banal na kasulatan. Ito ay pagbabago kapwa ng ating isipan at damdamin (sa Conference Report, Okt. 1963, 23–24).
Mababasa natin sa Aklat ni Mormon ang tungkol kay Enos. Hinangad ng kaluluwa niya na malaman pa ang mga turo ng kanyang ama hinggil sa buhay na walang hanggan. Makaraan ang maghapon at magdamag na patuloy na panalangin, narinig niya ang isang tinig na nagsabi sa kanyang, “Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay pagpapalain.” Isinulat ni Enos, “Ako, si Enos, nalalaman na ang Diyos ay hindi makapagsisinungaling, kaya nga, ang aking pagkakasala ay napalis” (Enos 1:5–6).
Nariyan ang pagsasalaysay ng Nakababatang Alma, na isang propeta, sa kanyang anak na si Helaman tungkol sa kanyang pagbabalik-loob. Ikinuwento niya ang matindi niyang pagkatanto sa kanyang mga nagawang kasalanan at pagkakamali, at ipinagtapat ang kanyang paghihimagsik sa kanyang Diyos. Naalaala niyang nagbabala ang kanyang amang si Alma tungkol sa pagparito ng isang Jesucristo, na Anak ng Diyos. Si Jesus ay paparito upang magbayad-sala para sa mga kasalanan ng mundo. Sabi rito: “Ngayon, nang maapuhap ng aking isipan ang kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako, na nasa kasukdulan ng kapaitan, at napalilibutan ng walang hanggang tanikala ng kamatayan.” Dumanas si Alma ng walang hanggang pasakit at pagkabagabag ngunit natanto niya na maaari siyang lumaya rito sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala. Nagpatuloy si Alma: “At ngayon, masdan, nang maisip ko ito, hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasalanan. At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit!” (tingnan sa Alma 36:12–20; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Nalaman ni Alma na napagaling ang kanyang kaluluwa sa pagkaalam na si Jesus ay darating at aalisin ang lahat ng kanyang mga kasalanan. Nang mapagaling ang kanyang kaluluwa, napayapa ang kanyang damdamin. Nabihag si Alma sa mga epekto ng kanyang pagbabalik-loob kaya binanggit niyang muli kay Helaman ang kanyang nadama: “Oo, sinasabi ko sa iyo, anak ko, na walang ano mang bagay ang kasinghapdi at kasingpait ng aking mga pasakit. Oo, at muli sinasabi ko sa iyo, anak ko, na sa kabilang dako, walang ano mang bagay ang kasingganda at kasingtamis ng aking kagalakan” (Alma 36:21, idinagdag ang pagbibigay-diin). Itinuturo niya sa kanyang anak ang isang huwaran tungo sa walang hanggang kapayapaan at galak, tulad ng ginawa ng ama ni Enos. Ito ay huwaran ng pagtuturo ng mga ama sa mga anak tungkol sa Pagbabayad-sala at buhay na walang hanggan. Ito’y huwaran para sa lahat ng ama sa ating panahon.
Maiisip natin ang ilang ideya sa pagbabalik-loob ni Alma:
-
Gaya ni Enos, malinaw ang pagkaunawa at paghihinagpis niya sa mga nagawang kasalanan na nakasakit sa Diyos.
-
Gaya ni Enos, naalala niya ang mga turo ng kanyang ama—ang ipinangakong pagbabayad-sala para sa kasalanan, sa pamamagitan ni Jesucristo.
-
Gaya ni Enos, personal siyang nagsumamo para sa kanyang kaluluwa.
-
Gaya ni Enos, naranasan niya ang himala ng Pagbabayad-sala hanggang sa hindi na niya maalaala ni mabagabag pa ng mga pasakit na bunga ng kanyang mga pagkakasala. Ang paggaling ng kanyang kaluluwa ay ganap. Nakalilinis na karanasan iyon, sa puso’t isipan. Napalitan ng galak ang pait. Nabago ang kanyang pagkatao, isinilang na muli sa Espiritu. At gaya ni Enos, agad niyang ibinaling ang kanyang pansin sa paglilingkod sa Panginoon at kapwa-tao.
Gagawin ba sa atin ng Panginoon ang ginawa niya kina Enos at Alma?
Ganito ang sabi ni C. S. Lewis: “Ang [Diyos] ay may walang katapusang pagmamalasakit sa bawat isa sa atin. Hindi Niya tayo kailangang pakitungan nang maramihan. Kapiling mo siya na para bang ikaw lang ang tanging nilalang na nilikha Niya. Nang mamatay si Cristo, namatay siya para sa iyo na para bang ikaw lang ang kaisa-isang lalaki (o babae) sa mundo” (Mere Christianity [1943], 131).
May mga tala ba sa banal na kasulatan tungkol sa impluwensya ng pagbabalik-loob na ito sa mga Banal? May ilan tayong halimbawa. Makikita ito sa tala tungkol sa mga Banal noong panahon ni Haring Benjamin. Mababasa natin ang tugon ng mga Banal matapos pakinggan ang pagtuturo ng kanilang hari at propeta tungkol sa mga kautusan at Pagbabayad-sala ni Jesucristo:
“At silang lahat ay sumigaw sa iisang tinig, sinasabing: Oo, pinaniniwalaan namin ang lahat ng salitang iyong sinabi sa amin; at gayundin, alam namin ang katiyakan at katotohanan ng mga yaon, dahil sa Espiritu ng Panginoong Makapangyarihan na gumawa ng malaking pagbabago sa amin o sa aming mga puso, kaya nga kami ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti …
“At kami ay nahahandang makipagtipan sa aming Diyos na gawin ang kanyang kalooban, at maging masunurin sa kanyang mga kautusan sa lahat ng bagay na kanyang ipag-uutos sa amin sa lahat ng nalalabi naming mga araw” (Moises 5:2, 5; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Mapapansin ninyo na ang kanilang mga salita ay katulad na katulad ng mga pangakong ginawa ninyo sa tipan sa binyag (tingnan sa D at T 20:37).
Ang mga biyaya at pangako ng pagbabalik-loob ay natatanggap sa tipan sa pamamagitan ng binyag at kumpirmasyon at sa lahat ng ordenansa ng templo at ng priesthood. At sa patuloy na pagsisisi at pagsunod at tapat na pagtupad sa mga ginawang tipan, lumalago at umuunlad ang mga bunga ng pagbabalik-loob sa buhay ng isang tao. Habang ang pagbabalik-loob ay lumalago at napapalakas sa impluwensya ng Espiritu Santo, dumarating ang kapayapaan at kagalingan sa kaluluwa.
Minsa’y may nagtanong kay Pangulong Romney kung paano malalaman ng isang tao na siya ay nagbalik-loob na. Sagot ni Pangulong Romney: “Matitiyak niya ito kapag napagaling ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ang kanyang kaluluwa. Kapag nangyari ito, malalaman niya ito dahil madarama niya ang nadama ng mga tao ni Benjamin nang makatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan. Sinasabi sa tala na, ‘… ang Espiritu ng Panginoon ay napasakanila, at sila ay napuspos ng kagalakan, sa pagkatanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at sa pagkakaroon ng katahimikan ng budhi… .’ (Mosias 4:3.)” (sa Conference Report, Okt. 1963, 25).
Inilarawan ni Pedro ang nangyayari sa ganap na pagbabalik-loob. Tayo ay nagiging “[kabahagi] … sa kabanalang mula sa Dios” (II Pedro 1:4; tingnan din sa tt. 1–3, 5–9).
Sa pamamagitan ng ganap na pagbabalik-loob na ito natin talagang personal na malalaman at madarama ang katangian at kadakilaan ng Diyos. Ito ang paraan para hindi lang tayo maging mga alagad ng Panginoon kundi Kanya ring mga kaibigan. Sa mga Banal noong unang panahon ng panunumbalik, ipinaliwanag ng Panginoon ang Kanyang kaugnayan sa kanila: “At muli sinasabi ko sa inyo, aking mga kaibigan, sapagkat magmula ngayon tatawagin ko kayong mga kaibigan” (D at T 84:77).
Noong huling pangkalahatang kumperensya ng Oktubre, itinuro at ipinaalam sa atin ni Elder Jeffrey R. Holland ang damdamin niya hinggil sa karingalan at katangian ng Diyos (tingnan sa “Ang Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2003, 70–73). Tinukoy niya ang walang hanggang kahalagahan ng pagkilala sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Binanggit niya ang pamilyar na talata mula sa panalangin ng Tagapagligtas para sa sangkatauhan: “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo” (Juan 17:3).
Binanggit din niya ang di-gaanong pamilyar na pahayag ni Propetang Joseph Smith: “Unang alituntunin ng ebanghelyo ang matiyak na mabuti ang katangian ng Diyos.” “Nais kong Siya ay makilala ninyong lahat, at maging malapit sa Kanya” (History of the Church, 6:305).
Ang makilala ang Diyos at maging kaibigan Niya ay nangyayari sa proseso ng pagbabalik-loob. Natagpuan ito ni Enos. Natagpuan ito ng mga tao ni Haring Benjamin. Natagpuan ito ni Alma. Matatagpuan ito ng lahat ng magsisisi at susunod sa mga kautusan. Ang pagbabalik-loob na ito ay isang malapit at matinding personal na karanasan. Tungkol ito sa mga ugnayan. Kailangan dito ang pagpukaw sa Espiritu ni Cristo, na nasa lahat ng tao (D at T 84:45–46; D at T 88:11). Kasama dito ang ating pagkapukaw sa pagdama sa Espiritu Santo, na magbibigay sa atin ng patotoo sa katotohanan. Kasama dito ang pagtanggap sa Espiritu Santo matapos tanggapin ang tipan sa binyag. Ang kaloob na Espiritu Santo ang gumagabay at umaaliw sa ating pagiging disipulo, na naglalapit sa atin sa Tagapagligtas. Sa kabilang banda, ang Tagapagligtas ang ating Tagapamagitan sa Ama, at sa pamamagitan ng ating katapatan ay dadalhin Niya tayo sa Ama upang maging kasama Niyang tagapagmana (tingnan sa Juan 14:6; Mga Taga Roma 8:17; D at T 45:3–5).
Sagana tayo sa magagandang turo at kaisipan na iniwan sa atin ng mga banal na propeta. Tunay silang mga sugo ng Diyos na umaakay sa Kanyang mga anak tungo sa kaligtasan at buhay na walang hanggan.
Ang mga patotoo nila ay nagpapalakas sa ating pananampalataya. Makinig sana sa kanilang mga salita at patotoo. Makakatulong ang mga ito para maakay kayo tungo sa kapayapaan at kagalingan sa inyong kaluluwa.
Personal kong pinatototohanan na ang Espiritu ng Panginoon ay tunay at di magkakamali. Pinatototohanan ko na maaari nating makilala ang Ama at Anak at mahal Nila kayo. Nadarama ko ang pagmamahal na iyan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu. Saksi ako sa mga katotohanang ito sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.