Ang Kapangyarihan ng Pag-ibig ng Diyos
Puspos ng Kanyang pag-ibig, matitiis natin ang sakit, mababawasan ang takot, madaling makapagpapatawad, iiwas sa kaguluhan, mapaninibago ang lakas, at mapagpapala at matutulungan natin ang iba.
Ano ang mayroon sa tunay na pag-ibig na tumitimo sa bawat puso? Bakit ang simpleng pariralang “Iniibig kita” ay nagdudulot ng galak sa lahat?
Maraming idinadahilan ang tao, ngunit ang tunay na dahilan ay ang bawat taong isinilang sa mundo ay mga espiritung anak na lalaki at babae ng Diyos. Dahil ang lahat ng pag-ibig ay galing sa Diyos, tayo’y isinilang na may kakayahan at hangaring umibig at ibigin. Ang isa sa pinakamatibay na koneksyon natin sa ating buhay bago pa tayo mabuhay sa mundo ay ang kung gaano tayo kamahal ng ating Ama at ni Jesus at kung gaano natin Sila kamahal. Kahit hindi na natin ito maalaala, kapag nadama natin ang tunay na pag-ibig, pinupukaw nito ang pananabik na hindi maikakaila.
Ang pagtugon sa tunay na pag-ibig ay bahagi ng ating pagkatao. Likas sa atin na hangaring muling ipagpatuloy dito ang nadama nating pag-ibig doon. Magiging tunay na masaya lamang tayo kapag nadama natin ang pag-ibig ng Diyos at puspos ng Kanyang pag-ibig ang ating puso.
Pinunan ng pag-ibig ng Diyos ang napakalaking kalawakan; samakatwid, walang kakulangan sa pag-ibig sa sansinukob, ang kulang lamang ay ang kahandaan natin na gawin ang kinakailangan para madama ito. Para madama ito, ipinaliwanag ni Jesus na dapat nating “iibigin … ang Panginoon [nating] Dios ng buong puso [natin], at ng buong kaluluwa [natin], at ng buong lakas [natin], at ng buong pagiisip [natin]; at ang [ating] kapuwa na gaya ng [ating] sarili” (Lucas 10:27).
Kapag lalo nating sinusunod ang Diyos ay lalo nating hahangaring tulungan ang iba. Kapag mas tinutulungan natin ang iba ay mas iniibig natin ang Diyos at magpapatuloy ito. Kapag lalo naman nating sinusuway ang Diyos at mas sakim tayo, mas kaunti ang pag-ibig na ating nadarama.
Ang pagsisikap na matagpuan ang walang hanggang pag-ibig nang hindi naman sumusunod sa Diyos ay gaya ng pag-inom sa tasang walang-laman para maibsan ang pagkauhaw—kunwari lang na may iniinom kayo, pero naroon pa rin ang pagkauhaw. Gayundin naman na ang hangaring matagpuan ang pag-ibig nang hindi naman tumutulong at nagsasakripisyo para sa iba ay gaya ng taong nagsisikap mabuhay nang hindi kumakain—labag ito sa batas ng kalikasan at hindi magtatagumpay. Hindi natin mapepeke ang pag-ibig. Kailangan itong maging bahagi ng ating pagkatao. Ipinaliwanag ni propetang Mormon:
“Ang pag-ibig sa kapwa tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman; at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya.
“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig” (Moroni 7:47–48).
Gustung-gusto ng Diyos na tulungan tayong madama ang Kanyang pag-ibig saanman tayo naroon. Narito ang isang halimbawa.
Bata pa akong misyonero noon at nadestino ako sa maliit na isla na may mga 700 naninirahan sa malayong lugar ng South Pacific. Napakainit doon, maraming lamok, maputik ang paligid, mahirap intindihin ang wika, at ang pagkain—“kakaiba” talaga.
Pagkalipas ng ilang buwan, dinaanan ng malakas na bagyo ang aming isla. Malaki ang pinsalang dulot nito. Nasira ang mga pananim, maraming buhay ang nawala, nawasak ang mga bahay, at ang telegraph station—ang tanging komunikasyon namin sa ibang lugar—ay nasira na rin. Isang maliit na bangka ng gobyerno ang karaniwang dumarating buwan-buwan o kada makalawang buwan, kaya’t tinipid namin ang pagkain para makaabot ito nang apat o limang linggo, sa pag-asang darating ang bangka. Subalit walang bangkang dumating. Pahina kami ng pahina sa paglipas ng mga araw. May mga tumulong, subalit nang lumipas ang ikaanim at ikapitong linggo na napakakonti lamang ng kinakain, halata na ang panghihina namin. Tinulungan ako ng aking kompanyong katutubo na si Feki, sa abot ng kanyang makakaya, pero sa pagsisimula ng ikawalong linggo wala na akong lakas. Naupo na lamang ako sa lilim ng isang puno at nanalangin at nagbasa ng banal na kasulatan at ginugol ang oras sa pag-iisip ng mga bagay ng kawalang-hanggan.
Sa ikasiyam na linggo ay may kaunting pagbabago sa aking katawan. Gayunpaman, malaki ang pagbabago sa aking kalooban. Mas nadama ko nang matindi ang pag-ibig ng Panginoon kaysa noon at nalaman ko mismo na ang Kanyang Pag-ibig ay ang “pinakakanais-nais sa lahat ng bagay … oo, at ang labis na nakalulugod sa kaluluwa” (1 Nephi 11:22–23).
Halos buto’t balat na ako. Naaalala ko pa na buong pagpipitagan kong pinakiramdaman ang pagtibok ng puso ko, at paghinga ng baga ko at iniisip na kayganda ng katawang ito na nilikha ng Diyos para tahanan ng maganda rin nating espiritu! Ang isiping mananatiling magkasama ang dalawang elementong ito dahil sa pag-ibig ng Tagapagligtas, sa nagbabayad-salang sakripisyo, at Pagkabuhay na Mag-uli, ay nakasisigla at nakasisiya kaya’t nalimutan ko ang paghihirap ng aking katawan.
Kapag nauunawaan natin kung sino ang Diyos, kung sino tayo, kung gaano Niya tayo kamahal, at kung ano ang plano Niya para sa atin, nawawala ang takot. Kung masisilayan natin kahit bahagya lang ang mga katotohanang ito, mawawala ang pag-aalala natin sa mga bagay na makamundo. Ang isiping tunay na naniniwala tayo sa kasinungalingan ni Satanas na mahalaga ang kapangyarihan, kasikatan, o kayamanan, ay talagang katawa-tawa—o magiging katawa-tawa kung hindi ito ganoon kalungkot.
Nalaman ko na gaya ng mga rocket na dapat paglabanan ang puwersa ng gravity para pumaimbulog sa kalawakan, dapat din nating paglabanan ang puwersa ng mundo upang pumailanlang sa walang hanggang kaharian ng pag-unawa at pag-ibig. Natanto ko na maaaring magtapos ang aking buhay doon, pero hindi ako nag-aalala. Alam kong magpapatuloy ang buhay at kung dito man o doon ay hindi mahalaga. Ang pinakamahalaga ay kung gaano kalaki ang pag-ibig sa aking puso. Alam kong kailangan ko pa ng marami nito. Alam ko na ang ating kagalakan ngayon at magpakailanman ay mahigpit na nakagapos sa ating kakayahang magmahal.
Habang pinupuno at pinasisigla ng mga kaisipang ito ang aking kaluluwa, unti-unti kong naririnig ang ilang masasayang tinig. Napakasaya ng kompanyon kong si Feki habang sinasabi niyang, “Kolipoki, dumating na ang bangka, at puno ito ng pagkain. Ligtas na tayo! Hindi ka ba natutuwa?” Hindi ko matiyak, ngunit dahil nga dumating ang bangka, iyon ang sagot ng Diyos, kaya’t oo, ako ay masaya. Binigyan ako ng pagkain ni Feki at sinabing “Heto, kumain ka.” Nagalangan ako. Tiningnan ko ang pagkain. Tiningnan ko si Feki. Tumingala ako sa langit at pumikit.
Taos na pasasalamat ang nadama ko. Nagpasalamat ako na magpapatuloy ang buhay ko rito gaya ng dati; subalit may nadama pa rin akong lungkot—damdamin ng pagkapaliban, gaya ng pagharang ng kadiliman sa maningning na kulay ng paglubog ng araw at alam mong kailangan mong hintaying gumabi para makita muli ang kagandahang iyon.
Hindi ko tiyak kung gusto kong idilat ang aking mga mata, ngunit nang magmulat ako natanto ko na binago ng pag-ibig ng Diyos ang lahat. Ang init, putik, mga lamok, ang mga tao, ang wika, ang pagkain ay hindi na hamon sa akin ngayon. Ang mga taong gustong saktan ako ay hindi ko na kaaway. Ang lahat ay kapatid ko. Ang mapuspos ng pag-ibig ng Diyos ang pinakamasaya sa lahat ng bagay at napakahalaga.
Nagpapasalamat ako sa Diyos sa natatanging panahong ito at sa mga paalala ng Kanyang pag-ibig—ang araw, buwan, mga bituin, mundo, pagsilang ng isang bata, ngiti ng isang kaibigan. Pinasalamatan ko Siya para sa mga banal na kasulatan, sa pribelihiyong makapagdasal at sa pinakadakilang pagpapaalala ng Kanyang pag-ibig—ang sakrament.
Nalaman ko na sa pag-awit natin ng mga himno sa sakramento nang buong puso, ang mga pariralang gaya ng “Dakilang karunungan at pag-ibig” o “Inibig N’ya tayong lubos, at S’ya’y ibigin din” ay mapupuspos ang ating puso ng pag-ibig at pasasalamat (tingnan sa “Dakilang Karunungan at Pag-ibig,” Mga Himno, blg. 116; “May Luntiang Burol,” Mga Himno, blg. 117). Sa taimtim nating pakikinig sa mga panalangin sa sakrament, ang mga pariralang gaya ng “lagi siyang alalahanin,” “sundin ang kanyang mga kautusan,” “mapasakanila ang Kanyang espiritu upang makasama nila” ay pupuspusin ang ating puso ng hangaring magpakabuti (D at T 20:77, 79). Kapag nakikibahagi tayo ng tinapay at tubig na may bagbag na puso at nagsisising espiritu, alam kong madarama at maririnig din natin ang napakagandang salitang iyon: “Iniibig kita. Iniibig kita.”
Akala ko hindi ko na malilimutan ang damdaming ito, gayunpaman malakas ang puwersa ng mundo at tayo’y nagkakamali. Ngunit patuloy tayong minamahal ng Diyos.
Ilang buwan matapos kong mabawi ang aking lakas hinagupit kami ng isa pang malakas na bagyo, pero sa pagkakataong ito sakay ako ng bangka. Lumaki ang mga alon, itinaob nito ang aming maliit na bangka, at inihagis kami sa nagngangalit at maalong karagatan. Nang matagpuan ko ang aking sarili sa gitna ng nagngangalit na dagat nabigla ako, natakot, at medyo nabalisa. “Bakit nangyayari ito?” ang naisip ko. “Misyonero ako. Nasaan ang proteksyon ko? Hindi dapat lumalangoy ang mga misyonero.”
Ngunit kung gusto kong mabuhay dapat akong lumangoy. Sa tuwing magrereklamo ako ay lumulubog ako sa tubig, kaya’t hindi na ako nagreklamo pa. Nangyari na ito at hindi makakatulong ang pagrereklamo. Kailangan ko ng lahat ng lakas para manatili akong nakalutang at marating ang pampang. Dahil Eagle Scout ako, masasabi kong may kumpiyansa akong lumangoy, pero napagod ako dahil sa hangin at alon. Hindi ako sumuko, pero bigla na lang hindi ko maigalaw ang mga kalamnan ko.
May dasal sa puso ko, pero nagsimula pa rin akong lumubog. Habang papalubog ako na tila ito na ang aking katapusan, pinasigla ng Panginoon ang aking isipan at puso ng isang masidhing pag-ibig para sa isang espesyal na babae. Parang nakikita at naririnig ko siya. Kahit 8,000 milya ang layo niya, dali-daling nilakbay ng kapangyarihan ng pag-ibig na iyon ang distansyang iyon at lumagos sa kalawakan, bumaba at hinila ako pataas mula sa kailaliman ng kadiliman, pighati, at kamatayan at dinala ako sa liwanag at buhay at pag-asa. Sa biglaang paglakas ko narating ko ang pampang, nakita ko roon ang mga kasama ko. Kailanma’y huwag ninyong maliitin ang kapangyarihan ng tunay na pag-ibig, sapagkat walang makahahadlang dito.
Kapag puspos tayo ng pag-ibig ng Diyos, magagawa at makikita at mauunawaan natin ang mga bagay na hindi natin nagagawa o nakikita o nauunawaan. Kung puspos tayo ng Kanyang pag-ibig, matitiis natin ang sakit, mababawasan ang takot, madaling makapagpapatawad, iiwas sa kaguluhan, mapaninibago ang lakas, at mapagpapala at matutulungan natin ang iba sa paraang ikagugulat natin.
Si Jesucristo ay puspos ng hindi masusukat na pag-ibig habang tinitiis Niya ang di mailarawang sakit, kalupitan, at kawalang-katarungan para sa atin. Dahil sa pag-ibig Niya sa atin, napagtagumpayan Niya ang napakalalaking hadlang na iyon. Walang hadlang na hindi makakayanan ng Kanyang pag-ibig. Inaanyayahan Niya tayong sumunod sa Kanya at makibahagi sa Kanyang walang hanggang pag-ibig, upang mapagtagumpayan rin natin ang sakit at kalupitan at kawalang-katarungan ng mundong ito at tumulong at magpatawad at magpala.
Alam kong Siya ay buhay. Alam kong mahal Niya tayo. Alam ko na madarama natin ang Kanyang pag-ibig dito at ngayon. Alam ko na ganap ang kahinahunan ng Kanyang tinig na tumatagos sa ating kaluluwa. Alam kong nakangiti Siya at puno ng awa at pagmamahal. Alam ko na Siya ay puspos ng kahinahunan, kabaitan, awa, at hangarin na tumulong. Mahal ko Siya nang buong puso ko. Pinatototohanan ko na kapag tayo ay handa, ang Kanyang dalisay na pag-ibig ay kaagad na maglalakbay sa kalawakan at bababa at ililigtas tayo mula sa kailaliman ng anumang nagngangalit na dagat ng kadiliman, kasalanan, kamatayan o kalungkutan na kasasadlakan natin at dadalhin tayo sa liwanag at buhay at pag-ibig sa kawalang-hanggan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.