Sabik sa Paggawa
May mga miyembro ng korum at mga taong dapat ay miyembro ng ating korum na nangangailangan ng ating tulong.
Mahal kong mga kapatid, maringal at medyo nakapagpapakumbabang karanasan ang tumayo sa inyong harapan ngayong gabi at tumugon sa paanyayang magturo at magpatotoo hinggil sa banal na pribilehiyong napasaatin na magtaglay ng pagkasaserdote ng Diyos. Isinasamo ko ang inyong pananampalataya at dalangin para sa akin.
Bukod pa sa mga nagtataglay ng Aaronic at Melchizedek Priesthood na narito ngayong gabi sa magandang Conference Center na ito o sa ibang lugar sa buong daigdig, marami rin ang mga maytaglay ng priesthood na, sa kung anong dahilan, ay nanlamig sa mga tungkulin nila at piniling tahakin ang ibang landas.
Maliwanag na sinabi sa atin ng Panginoon na tulungan at iligtas ang gayong mga tao at dalhin sila at ang kanilang pamilya sa hapag ng Panginoon. Makabubuting dinggin natin ang mga banal na tagubilin ng Panginoon nang ipahayag Niyang, “Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig.”1 Dagdag pa Niya:
“Sapagkat masdan, hindi nararapat na ako ay mag-utos sa lahat ng bagay; sapagkat siya na pinipilit sa lahat ng bagay, ang katulad niya ay isang tamad at hindi matalinong tagapaglingkod; dahil dito siya ay hindi makatatanggap ng gantimpala.
“Katotohanang sinasabi ko, ang mga tao ay nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan;
“Sapagkat ang kapangyarihan ay nasa kanila, kung saan sila ay kinatawan ng kanilang sarili. At yayamang ang tao ay gumagawa nang mabuti hindi mawawala sa kanila ang kanilang gantimpala.”2
Ang mga banal na kasulatan ay nagbibigay sa inyo at sa akin ng halimbawang susundan nang ipahayag ng mga ito na, “Lumalaki si Jesus sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao.”3 At Siya ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti, … sapagka’t sumasa kaniya ang Dios.”4
Naobserbahan ko na sa pag-aaral ng buhay ng Guro na ang Kanyang nananatiling mga turo at kagila-gilalas na mga himala ay kadalasang nagaganap habang ginagawa Niya ang gawain ng Kanyang Ama. Sa daan patungong Emaus nagpakita Siya na taglay ang katawang may laman at buto. Kumain siya at nagpatotoo sa Kanyang kabanalan. Naganap ang lahat ng ito matapos Siyang lumabas sa libingan.
Bago pa riyan, habang patungo Siya sa Jerico ibinalik Niya ang paningin ng isang bulag.
Ang Tagapagligtas ay laging abala—sa pagtuturo, pagpapatotoo, at pagliligtas sa iba. Iyon ang ating indibiduwal na tungkulin bilang mga miyembro ng korum ng priesthood ngayon.
Sa isang paghahayag ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol na inilabas noong Abril 6, 1980, ang paghahayag na ito ng patotoo at katotohanan ay ipinarating:
“Taimtim naming ipinahahayag na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay totoong ipinanumbalik na Simbahang itinatag ng Anak ng Diyos, nang sa mortalidad ay itinatag niya ang kanyang gawain sa lupa; na taglay nito ang kanyang sagradong pangalan, maging ang pangalan ni Jesucristo; na ito ay nakasalig sa mga Apostol at propeta, na siya rin ang pangulong bato sa panulok; na ang priesthood nito, kapwa sa orden ng Aaronic at Melchizedek, ay naipanumbalik sa ilalim ng mga kamay ng mga nagtaglay nito noong una: si Juan Bautista, sa Aaronic; at sina Pedro, Santiago, at Juan sa Melchizedek.”5
Noong Oktubre 6, 1889, ipinahayag ni Pangulong George Q. Cannon ang pagsamong ito:
“Nais kong makitang napalakas ang kapangyarihan ng priesthood… . Nais kong makita ang lakas at kapangyarihang ito na napalaganap sa buong kalipunan ng Priesthood, magmula sa pinuno hanggang sa pinakaaba at pinakahamak na deacon sa Simbahan. Bawat lalaki ay dapat hangarin at tamasahin ang mga paghahayag ng Diyos, ang liwanag ng langit na nagniningning sa kanyang kaluluwa at nagbibigay sa kanya ng kaalaman hinggil sa kanyang mga tungkulin, hinggil sa bahaging iyon ng gawain ng Diyos na naisalin sa kanya sa kanyang Priesthood.”6
May dalawang karanasan akong ibabahagi sa inyo ngayong gabi—ang isa’y naganap noong bata pa ako at ang isa pa ay tungkol sa kaibigan kong may asawa at mga anak.
Kaoorden ko pa lang halos bilang teacher sa Aaronic Priesthood, natawag akong maglingkod bilang pangulo ng korum. Ang tagapayo naming si Harold ay may malasakit sa amin, at alam namin iyon. Isang araw sinabi niya sa akin, “Tom, mahilig kang mag-alaga ng kalapati, di ba?”
Masigla akong sumagot ng, “Oo.”
Pagkatapos ay iminungkahi niya, “Gusto mo bang bigyan kita ng isang pares ng kalapati na purong Birmingham Roller?”
Sa pagkakataong ito sumagot ako ng, “Oo, Sir!” Alam ninyo, ang mga kalapating inalagaan ko noon ay mga karaniwan lang, mga nabitag sa bubungan ng Grant Elementary School.
Inimbita niya ako sa bahay niya nang sumunod na gabi. Ang kinabukasan ang isa sa pinakamahabang araw sa buhay ko noong bata ako. Hinihintay ko ang pagdating ng tagapayo ko mula sa trabaho isang oras bago siya nakauwi. Dinala niya ako sa bahay ng kanyang kalapati, na nasa gawing itaas ng maliit na kamalig sa likod-bahay niya. Habang tinitingnan ko ang pinakamagagandang kalapati sa lahat ng nakita ko, sinabi niya, “Pumili ka ng kahit alin sa mga lalaki, at bibigyan kita ng babaeng kakaiba sa lahat ng kalapati sa mundo.” Pumili ako. Tapos ay inilagay niya sa kamay ko ang isang munting babaeng kalapati. Itinanong ko kung ano ang ikinaiba nito. Sagot niya, “Tingnan mong mabuti, at mapapansin mong iisa lang ang mata niya.” Totoo nga, wala ang isang mata, at kagagawan iyon ng isang pusa. “Iuwi mo na sila sa inyo,” payo niya. “Ikulong mo sa bahay ng kalapati nang mga 10 araw, tapos ay pawalan mo para malaman mo kung mamamalagi sila sa inyo.”
Sinunod ko ang mga bilin ni Harold. Nang pawalan ko ang lalaki, mayabang itong lumakad sa ibabaw ng bubong ng bahay nila, tapos ay bumalik sa loob at kumain. Pero agad na nawala ang babaeng kalapating iisa ang mata. Tinawagan ko si Harold at tinanong, “Bumalik ba sa inyo ang kalapating iisa ang mata?”
“Pumunta ka rito,” sabi niya, “at tingnan natin.”
Habang papunta kami sa bahay ng kalapati mula sa pintuan ng kusina, sabi ng tagapayo ko, “Tom, ikaw ang pangulo ng korum ng teacher.” Siyempre, alam ko na iyon. Dagdag pa niya, “Ano ang gagawin mo para mapaaktibo si Bob, na miyembro ng korum mo?”
Sagot ko, “Isasama ko ho siya sa miting ng korum sa linggong ito.”
Tapos ay inakyat niya ang espesyal na pugad at iniabot sa akin ang kalapating iisa ang mata. “Ikulong mo siya nang ilang araw pa at subukan mong pawalan ulit.” Ginawa ko ito, at muli itong nawala. Naulit ang pangyayari. “Pumunta ka rito, at tingnan natin kung bumalik siya.” Habang naglalakad kami papunta sa bahay ng kalapati, sinabi niya, “Binabati kita sa pagkadala mo kay Bob sa miting ng priesthood. Ngayon ano naman ang gagawin ninyo ni Bob para mapaaktibo si Bill?”
“Isasama ho namin siya sa susunod na linggo,” sabi ko.
Nagpaulit-ulit ang karanasang ito. Malaki na ako bago ko ganap na naunawaan na talagang binigyan ako ni Harold, ang tagapayo ko, ng espesyal na kalapati, ang tanging kalapati sa bahay niya na alam niyang babalik at babalik tuwing pawawalan ito. Ito ang inspiradong paraan niya sa pagkakaroon ng ulirang personal na interbyu ng priesthood sa pangulo ng korum ng mga teacher tuwing ikalawang linggo. Malaki ang utang na loob ko sa kalapating iyon na iisa ang mata. Mas malaki ang utang na loob ko sa tagapayong iyon sa korum. May tiyaga at kasanayan siya na tulungan akong maghanda para sa mga responsibilidad na darating.
Mga ama at lolo, mas malaki ang responsibilidad nating gabayan ang ating mahal na mga anak at apong lalaki. Kailangan nila ang ating tulong, paghikayat, at halimbawa. Matalinong sinabi na kailangan ng mga kabataan natin ng mas kaunting pamimintas at mas maraming huwarang susundan.
Ngayon para mailarawan ang mga lalaki na ang mga gawi at pamumuhay ay paminsan-minsang pagdalo sa Simbahan o sa anumang aktibidad sa Simbahan. Dumami na ang bilang ng ganitong mga magiging elder. Dahil ito sa mga kabataan sa mga korum ng Aaronic Priesthood na nangawala noon pa mang nasa Aaronic Priesthood sila at gayundin sa kabinataang nabinyagan pero hindi naging aktibo at nanampalataya para maorden sana sila bilang mga elder.
Hindi lang puso’t kaluluwa ng bawat lalaking iyon ang naiisip ko, kundi nalulungkot din ako para sa kani-kanilang asawa at lumalaking mga anak. Ang kalalakihang ito ay naghihintay ng tulong, mapanghikayat na salita, at personal na patotoo sa katotohanang ipinahayag ng pusong puno ng pagmamahal at hangaring magpasigla at magpalakas.
Ganoon ang kaibigan kong si Shelley. Mabubuting miyembro ang kanyang maybahay at mga anak, pero lahat ng pagsisikap para mahikayat siyang magpabinyag at makatanggap ng priesthood ay bigo.
Pero namatay ang ina ni Shelley. Lungkot na lungkot si Shelley kaya nagkulong siya sa isang espesyal na silid sa morge kung saan ginaganap ang burol. Kinabitan namin ng audio ang silid na ito para makapagdalamhati siyang mag-isa at walang makakita sa pag-iyak niya. Habang inaalo ko siya sa silid na yaon bago siya lumapit sa pulpito, niyakap niya ako, at alam kong lumambot ang puso niya.
Lumipas ang panahon. Lumipat si Shelley at ang kanyang pamilya sa ibang bahagi ng lungsod. Natawag akong mangulo sa Canadian Mission at, kasama ang pamilya ko, tumira kami sa Toronto, Canada, sa loob ng tatlong taon.
Pagbalik ko, at matapos akong matawag sa Labindalawa, tinawagan ako ni Shelley. Sabi niya, “Bishop, maaari bang ibuklod mo kami ng aking asawa at pamilya sa Salt Lake Temple?”
Nag-alangan akong sumagot, “Pero Shelley, dapat ka munang mabinyagan sa Simbahan.”
Natawa siya at sumagot, “Ah, ginawa ko na iyan noong nasa Canada ka. Sinorpresa kita talaga. May home teacher na regular na bumbisita sa amin at itinuro sa akin ang mga katotohanan ng Simbahan. Guwardiya siya sa eskwelahan at tinutulungan niyang tumawid sa kalsada ang maliliit na bata tuwing umaga pagpasok nila sa eskwela at tuwing hapon pag-uwi nila. Nagpatulong siya sa akin. Kapag walang batang tatawid, tinuturuan niya ako tungkol sa Simbahan.”
Nagkaroon ako ng pribilehiyong makita mismo ang himalang ito at madama ang galak sa aking puso’t kaluluwa. Naisagawa ang mga pagbubuklod; naibuklod ang isang pamilya. Di nagtagal at namatay si Shelley. Nagkaroon ako ng pribilehiyong magsalita sa kanyang burol. Lagi kong naaalala ang katawan ng kaibigan kong si Shelley na nakahiga sa kanyang kabaong, sa kasuotang pantemplo. Hinayaan kong tumulo ang mga luha ng pasasalamat, dahil ang nawala ay natagpuan.
Yaong mga nakadama ng dantay ng kamay ng Guro ay hindi maipaliwanag ang pagbabagong dumating sa kanilang buhay. May hangaring mamuhay nang mas mainam, maglingkod nang mas tapat, lumakad nang mapakumbaba, at maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Nang mamulat ang kanilang mga matang espirituwal at masulyapan ang mga pangako ng walang hanggan, inuulit nila ang mga salita ng bulag na lalaking binigyan ng paningin ng Panginoon: “Isang bagay ang nalalaman ko, na, bagaman ako’y naging bulag, ngayo’y nakakakita ako.”7
Paano natin maipaliliwanag ang mga himalang ito? Bakit biglang sumisigla ang kilos ng mga lalaking ito na matagal na nanahimik? Ganito ang isinulat ng makata tungkol sa kamatayan, “Hinipo siya … ng Diyos, at siya’y natulog.”8 Ang masasabi ko sa bagong pagsilang na ito, “Hinipo sila ng Diyos, at sila’y nagising.”
Dalawang pangunahing dahilan ang lubos na nagpapaliwanag sa mga pagbabagong ito ng pag-uugali, gawi, at kilos.
Una, ang kalalakihan ay pinakitaan ng mga walang hanggan nilang posibilidad at nagpasiyang kamtin ito. Hindi sila talaga mapapahinga nang matagal sa kahinaan sa sandaling abot-kamay na nila ang tagumpay.
Ikalawa, sinunod ng ibang lalaki’t babae at, oo, ng mga kabataan ang payo ng Tagapagligtas at minahal ang kanilang kapwa tulad sa kanilang sarili at tumulong sila upang matupad ang mga pangarap ng kanilang kapwa at makamtan ang kanilang mga ambisyon.
Ang nagpasimula ng prosesong ito ay ang alituntunin ng pagmamahal.
Hindi nabago ng paglipas ng panahon ang kakayahan ng Manunubos na baguhin ang buhay ng mga tao. Ang sinabi Niya sa yumaong si Lazaro ay siya ring sinasabi Niya sa inyo at sa akin: “Lumabas ka.”9 Idaragdag ko: Lumabas ka mula sa kawalang-pag-asa. Lumabas ka mula sa dusa ng pagkakasala. Lumabas ka mula sa pagkamatay ng kawalang-paniniwala. Lumabas ka sa isang bagong buhay.
Kapag ginawa natin ito, at itinuon natin ang ating mga hakbang sa landas na nilakaran ni Jesus, alalahanin natin ang patotoong ibinigay ni Jesus: “Masdan, ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig… . Ako ang ilaw at … buhay ng sanlibutan.”10 “Ako ang una at ang huli; ako ang siyang nabuhay, ako ang siyang pinaslang; ako ang inyong tagapamagitan sa Ama.”11
May mga miyembro ng korum at mga taong dapat sana ay mga miyembro ng ating korum na nangangailangan ng ating tulong. Isinulat ni John Milton sa kanyang tulang “Lycidas,” “Tumingala ang gutom na mga tupa, at di pinakain.”12 Ang Panginoon Mismo ay nagsabi kay Ezekiel na propeta, “Sa aba ng mga pastor ng Israel na … hindi … pinakakain ang mga tupa.”13
Mga kapatid ko sa priesthood, atas ito sa atin. Gayunpaman, tandaan natin at huwag kalimutan kailanman na ang gayong gawain ay hindi mabigat. Makikita natin ang mga himala sa lahat ng dako kapag ginagampanan ang mga tungkulin sa priesthood. Kapag nahalinhan ng pananampalataya ang pag-aalinlangan, kapag inalis ng mapagparayang paglilingkod ang makasariling pagpupunyagi, isinasakatuparan ng kapangyarihan ng Diyos ang Kanyang mga layunin. Ginagawa natin ang ipinagagawa ng Panginoon. May karapatan tayo sa tulong ng Panginoon. Pero dapat natin itong subukan. Nagmula sa dulang Shenandoah ang linyang ito na nagbibigay-inspirasyon: “Kung hindi natin susubukan, hindi natin ito kaya; at kung hindi natin ito kaya, bakit pa tayo narito?”
Tayo nga’y maging tagatupad ng salita at hindi tagapakinig lamang.14 Ating sundan ang halimbawa ng ating Pangulo, si Gordon B. Hinckley, ang propeta ng Panginoon.
Nawa’y tumalima tayo, tulad ng mga sinaunang tagasunod ng Tagapagligtas, sa paanyayang, “Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”15 Nawa’y magawa natin ito ang dalangin ko, sa pangalan ni Jesucristo, amen.