2004
Mga Panahong Mapanganib
Nobyembre 2004


Mga Panahong Mapanganib

Labis akong nagpapasalamat, sa mga panahong ito na mapanganib, para sa proteksyon at gabay na ibinibigay sa atin ng sagradong katiyakan na si Jesucristo ay buhay ngayon.

Mga kapatid, kapwa nakaaaliw at nakapag-aalalang malaman na nabubuhay tayo sa isang dispensasyon at panahon na hindi lang nakinita ng mga propeta ng nakaraang mga dispensasyon kundi malinaw pang napagtuunan ng kanilang mga alalahanin at pagnanais. Sinabi ni Apostol Pablo, “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib” (II Kay Timoteo 3:1) at nagpatuloy siyang ilista at ilarawan ang pambihirang pagkakatugma sa kasalukuyang nakikita natin sa media sa araw-araw, sa mga patalastas na panlibangan at sa halos lahat ng dako ng mundo sa ating paligid. Mag-ingat man tayo nang husto, napakahirap at kadalasa’y halos imposibleng tiyak na maiwasan ang maraming panganib na bumabalot sa atin.

Nakakatuwa na hindi tayo iniwang nag-iisa o bilang mga pamilya na walang pag-asa o espirituwal na pangangalaga sa pagsisikap na maisakatuparan ang mga banal na layunin ng buhay na siyang dahilan ng ating pagsubok sa daigdig na ito. Bawat sitwasyon natin ay naiiba. Literal tayong nagmula sa apat na sulok ng daigdig, at gayundin sa lubos na magkakaibang mga pamilya, pinanggalingan, hamon, oportunidad, karanasan, tagumpay, at kabiguan.

Gayundin, karaniwan sa lahat ng pamilya ng tao—dahil lahat ay anak ng ating mahal na Ama sa Langit—malaki ang pagkakatulad natin sa DNA o namanang pisikal na katawan, gayundin sa posible at ipinangakong mga pagpapala sa lahat at sa katangiang tutukoy sa ating banal na pinagmulan at espirituwal na potensyal. Ang espesyal na paghahalo ng karaniwan nating mga pinagmulan at katangian pati na ang kakaiba nating mga katangian, karanasan at mga espesyal na hamon ang siyang humuhubog sa ating pagkatao. Bagama’t magkakaiba ang espesyal na panganib ng bawat isa sa atin, malaki ang ipinagkatulad natin na nagtatakda ng angkop na paglalarawan sa “mga panahong mapanganib” para sa lahat.

Hindi nangako si Pablo, sa paglalarawan sa ating “mga panahong mapanganib,” na talagang mapapadali o mapapabuti ang mga bagay-bagay. Nagpayo siya sa mga naghahanap ng aliw at katiyakan sa harap ng palalang kundisyon ng ating panahon. Kung gaano kalinaw ang kanyang mga propesiya o hula, gayon din napapanahon ang bilin niya sa atin. Sabi niya, “Manatili … sa mga bagay na iyong pinagaralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan, yamang nalalaman mo kung kanino mo nangatutuhan” (II Kay Timoteo 3:14).

Sa pangkalahatang kumperensyang ito, alinsunod sa huwarang gamitin ang buong kasaysayan ng Simbahan, nalaman at malalaman natin ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa ating panahon; ang pambihirang kalinawan at patotoo ng Panginoong Jesucristo na matatagpuan sa Aklat ni Mormon; ang misyon at mga kontribusyon ni Propetang Joseph Smith at ng mga sumunod sa kanya sa Panguluhan ng Simbahan, lalo na si Pangulong Gordon B. Hinckley, na nagtuturo at nagpapatotoo sa gayong kapangyarihan, espirituwalidad, at kalinawan; at ang lakas, aliw, at mga pagpapalang dumarating mula sa presensya ng iba pang mga buhay na apostol at propeta sa ating paligid. Hindi lang natin natututuhan ang mga bagay na ito, kundi tinitiyak pa sa atin na ang mga ito ay totoo, yamang alam natin, tulad ng sabi ni Pablo, “kung kanino [natin] nangatutuhan.”

Ang isa pang nakaaalam at awtorisadong bigyang-katiyakan ang mga pinaglingkuran niya ay si Alma. Nang ipahayag niya ang kanyang galak sa pribilehiyong magturo at makapagpatotoo sa mga tao ni Gideon, prangka siya, maliwanag, at tuwiran sa kanyang pagsaksi sa Panginoong Jesucristo, na darating pa lang sa Kanyang pagmiministeryo sa lupa. Ipinahayag niya ang kanyang galak sa pangkalahatang pananampalataya at katapatan ng grupong ito ng mabubuting tao at pinangakuan sila ng “maraming bagay na darating” (Alma 7:7). Sa gitna ng kanyang talumpati, na naglalarawan ng mga bagay na darating, sabi niya, “May isang bagay na higit na mahalaga kaysa sa lahat ng ito—… ang panahon ay hindi na nalalayo na ang Manunubos ay mabubuhay at paroroon sa kanyang mga tao” (Alma 7:7).

Tinutukoy ni Alma ang kanyang panahon lalo na ang mga kaganapan ng sumunod na ilang dekada nang isisilang na sa mundo ang Tagapagligtas. Nagdaan ang mga siglo at natupad ang mga propesiya ni Alma, ngunit ang buong katotohanan ng kanyang pagtantiya sa bagay na mas mahalaga sa lahat ay tiyak na totoo, napapanahon, at tunay na mahalaga rin sa atin ngayon. Iyo’y na “ang Manunubos ay buhay.”

Nang ituro at patotohanan ni Alma at ng “lahat ng propeta [na] nagpropesiya mula pa sa simula ng daigdig” (Mosias 13:33) ang pagdating ng Mesiyas at ang Kanyang misyon na tubusin ang Kanyang mga tao, gayundin tayo nagpapatotoo sa Kanya at sa Kanyang sagradong gawaing “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Tiyak na kapag naunawaan na natin ang laki ng Kanyang sakripisyo at paglilingkod sa bawat isa at sa lahat sa atin, wala na tayong iba pang ituturing na mas mahalaga o lalapit sa kahalagahan Niya sa ating buhay.

Para sa karamihan sa atin, ang pag-unawang ito ay hindi dumarating nang biglaan at malamang na hindi ganap na makumpleto sa panahon ng ating buhay. Gayunman, batid natin na habang natututo tayo nang taludtod sa taludtod, nadaragdagan ang pagpapahalaga natin sa mga nagawa ng Tagapagligtas at lalago ang ating kaalaman at katiyakan sa katotohanan nito.

Makapangyarihan at prangka ang karamihan sa pagtuturo at pangangaral ni Apostol Pablo. Pakinggan ang pamilyar na mga katagang makapaglalarawan sa karamihan ng ating mga pagsisikap at pag-unlad bagama’t nagbibigay ng payo, panghihikayat, at pagsaksing kailangang-kailangan natin:

“Nang ako’y bata pa, ay nagsasalita akong gaya ng bata, nagdaramdam akong gaya ng bata, nagiisip akong gaya ng bata: ngayong maganap ang aking pagkatao, ay iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata.

“Sapagka’t ngayo’y malabo tayong nakakikita sa isang salamin; nguni’t pagkatapos ay makikita natin sa mukhaan: ngayo’y nakikilala ko ng bahagya, nguni’t pagkatapos ay makikilala ko ng gaya naman ng pagkakilala sa akin” (I Mga Taga Corinto 13:11–12).

Maraming taon na ang nakararaan, nagpayo si Pangulong James E. Faust sa mga nagsisikap na lubos na makumbinsi sa kanilang mga patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang sagradong misyon at mga pangako. Sabi niya:

“Para sa mga di-sadyang magduda, pakinggan natin kung ano ang sabi ng mga saksi tungkol kay Jesus Nazareno. Naroon ang mga sinaunang apostol. Nakita nila ang lahat. Nakilahok sila. Wala nang ibang mas karapat-dapat paniwalaan kaysa kanila. Sabi ni Pedro: ‘Sapagka’t kami ay hindi nagsisunod sa mga kathang ginawang mainam, noong aming ipinakilala sa inyo ang kapangyarihan at pagparito ng ating Panginoong Jesucristo, kundi kami ay naging mga saksing nakakita ng kaniyang karangalan.’ (II Pedro 1:16.) Sabi ni Juan: ‘Sapagka’t kami rin ang nakarinig, at nalalaman naming ito nga ang Tagapagligtas ng sanglibutan.’ (Juan 4:42.) Ipinahayag ng mga makabagong saksing sina Joseph Smith at Sidney Rigdon: ‘Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama.’ (D at T 76:23.)” (“A Personal Relationship with the Savior,” Ensign, Nob. 1976, 59).

Sa ating panahon, pinangakuan tayo na maraming kaloob ang Panginoon na nakalaan para sa mga yaong “nagmamahal sa [Kanya] at sumusunod sa lahat ng [Kanyang] kautusan” at gayundin sa mga yaong “naghahangad na gumawa nito” (D at T 46:9). Bagama’t hindi ipinangako ng Diyos ang lahat ng kaloob sa bawat tao, tiniyak sa atin na “sa bawat tao ay ipinagkaloob ang isang kaloob sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos” (D at T 46:11).

Pakinggan ang mga salitang ito mula sa ika-46 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan na tumutukoy sa bagay o kaloob na mas mahalaga kaysa sa anupamang iba pa:

“Sa iba ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng Espiritu Santo na malaman na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, at na siya ay ipinako sa krus para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

“Sa iba ay ipinagkaloob na maniwala sa kanilang mga salita, upang sila rin ay magkaroon ng buhay na walang hanggan kung sila ay patuloy na magiging matapat” (tt. 13–14).

Ang kaalaman at patotoong ito sa buhay na Cristo ang nagpapahintulot sa atin na patuloy na maging handang tumanggap at sumunod sa payo at bilin ni Pedro na nagsabing dapat ay “lagi [tayong] handa ng pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo” (I Pedro 3:15).

Kapag talagang nadama natin na ang pag-asang ito ay tunay at talagang nakasentro kay Jesus, na pinapangyayari ng pag-ibig Niya sa atin at lalo na ang pag-ibig Niya sa Kanyang Ama, lahat tayo’y mapagpasalamat na magpapahayag, gamit ang mga titik sa mga paboritong himno, “Ako ay namangha sa pag-ibig ni Jesus” (“Ako ay Namangha,” Mga Himno, blg. 115). Gayundin, sa pag-unlad ng ating pang-unawa, napapabulalas tayo ng, “At aawit, puso ko’t kalul’wa, Dakilang Diyos! Dakilang Diyos!” (“Dakilang Diyos,” Mga Himno, blg. 48).

Labis akong nagpapasalamat, sa mga panahong ito na mapanganib, para sa proteksyon at gabay na ibinibigay sa atin ng sagradong katiyakan na si Jesucristo ay buhay ngayon, sa ngalan ni Jesucristo, amen.