Paglapit sa Liwanag ng Kanyang Pag-ibig
Ang mga ugnayang nasisimulan ng mga babae ng tipan sa Relief Society ay … pinagliliwanag, pinasisigla, at pinayayaman ang paglalakbay sa buhay.
Sa mga unang umaga ng tagsibol pagpitak ng araw sa kabundukan, nagsimula kaming magsama ni Jan sa paglakad. Bilang bagong mag-partner sa visiting teaching, kapwa kami mga batang ina ng lumalaking mga pamilya at abalang-abala sa aming mga iskedyul.
Kalilipat pa lang ni Jan at ng kanyang pamilya sa ward namin at hindi ko tiyak kung ano ang pag-uusapan namin. Hirap at humihingal, akyat-baba sa mga dalisdis ng daan sa kalapit-bundok, naglakad kami at nag-usap sa bawat araw na lumipas.
Sa simula, nagkuwentuhan lang kami tungkol sa mga asawa’t anak namin, ang kanilang mga interes at ang mga paaralan sa pook. Unti-unti’y binuksan namin ang aming mga puso sa isa’t isa, tinalakay ang mga espirituwal na ideya at hinimay ang aming mga karanasan para matagpuan ang mga mumunting katotohanan. Tila habang nag-eehersisyo kami, na-eehersisyo rin ang aming mga kaluluwa. Tuwang-tuwa ako sa napakagandang ehersisyong ito.
Dalawang leksyon ang natutuhan ko sa paglalakbay namin ni Jan na patuloy na pinagliliwanag ang aking isipan at pinagagalak ang aking kaluluwa. Ang una’y anuman ang kalagayan ninyo sa buhay, kung handa kayo sa espirituwal, wala kayong dapat ikatakot (tingnan sa D at T 38:30).
Paglaon ng sabay naming paglalakad, natuklasan ko na nakagawa ng mga pasiya si Jan noong araw na unti-unting nagpalayo sa kanya sa Simbahan pababa sa landas na ngayo’y pinagsisisihan niya. Bago kami nagkakilala, determinado na siyang isaayos ang kanyang buhay. Ang kinasasabikan niya’y maihanda ang kanyang sarili na mabuklod sa kanyang asawa at mga anak sa templo. Iisa lang ang hangad niya, tulad ng pagkasabi ni Nephi, “[ang] makipagkasundo kay Cristo, at pumasok sa makitid na pasukan at lumakad sa makipot na landas patungo sa buhay, at magpatuloy sa landas hanggang sa wakas ng araw ng pagsubok” (2 Nephi 33:9).
Baka inaasahan ninyo na kapag determinado si Jan na tulad ng ama ni Lamoni sa Aklat ni Mormon na “talikuran ang lahat ng [kanyang] kasalanan upang makilala [ang Panginoon] (Alma 22:18) ay mapapadali ang kanyang paglalakbay. Hindi ganoon iyon. Naharap siya sa pinakamatitinding pagsubok sa buhay. Natuklasang may tumor si Jan sa utak, nawalan ng trabaho ang asawa niya, pagkatapos ay nawalan ng bahay at kotse ang pamilya nila.
Gayunma’y mas tumatag ang pananampalataya ni Jan kay Jesucristo habang papalubha ang kanyang kalagayan. Sa hirap na paglalakad namin nang magkasama tuwing umaga, marami akong natutuhan kay Jan tungkol sa kung paano nawala ang kanyang takot dahil sa kanyang pananampalataya sa Panginoon at araw-araw na espirituwal na paghahanda. Tila lubos niyang naunawaan ang itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Makabubuting lumuhod tayo sa pagsamo sa harapan ng ating Diyos. Tutulungan Niya tayo. Pagpapalain Niya tayo. Aaliwin Niya tayo at palalakasin” (Standing for Something [2000], 178).
Bagama’t nasa gitna siya ng matitinding pagsubok, halata ko na alam na alam ni Jan na totoo ang mga salita ng ating propeta. Hindi siya tumigil sa kanyang personal na espirituwal na paghahanda habang walang takot siyang sumusulong nang paisa-isang araw na may makislap na kapanatagan sa buhay. Sa paglipas ng mga unang oras ng pagsasama namin, literal kong namasdan na “umaga na, anino’y napawi … [at] sa pagsikat ng umagang maningning” (Mga Himno, blg. 1) habang napapalaya si Jan sa kanyang mga kasalanan dahil sa pagsisisi na sinundan ng taos-pusong espirituwal na kaliwanagan.
Tinanong ko si Jan kung paano niya nadama ang kapayapaan gayong maligalig ang buhay niya at gumuguho ang kanyang paligid. Naniniwala ako na nailarawan nang husto sa mga salita ng isang himno ang nadama niya at naibahagi niya sa akin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa kanyang buhay:
Tanglaw ko ang Diyos,
Lakas ko rin ang Diyos.
Alam kong sa Kanya tagumpay ko’y lubos.
Aking kahinaan Kanyang pinapawi,
Sa aking pananalig, biyaya N’ya’y kayrami.”
(“Tanglaw Ko ang Diyos,” Mga Himno, p. 49)
Dahil nanatiling sumasampalataya, napanariwa ng Pagbabayad-sala ng Panginoon si Jan araw-araw. Isinuko niya ang kanyang kalooban sa Panginoon sa paisa-isang dalangin, banal na kasulatan, at paglilingkod.
Bago siya namatay, sa edad na mahigit 30, kabilang ako sa mga nagtipon sa templo na tahimik na nagagalak habang siya, ang kanyang asawa at mga anak ay nakaluhod sa altar at ibinuklod magpasawalang-hanggan.
Ang ikalawang leksyong natutuhan ko kay Jan na di ko malilimutan ay kapag ang mga kapatid sa Relief Society ay tumuon “sa kaluwalhatian ng Diyos” (D at T 4:5) daranasin nila ang mayayamang espirituwal na mga ideya at sama-samang maibabahagi ang matinding espirituwal na lakas.
Sa simula ng aming mga paglalakad, hindi sabay ang paghakbang namin ni Jan. Nang “[mag]kasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” ang aming mga puso (Mosias 18:21), nagkasabay ng bilis ang aming mga hakbang kapwa sa pisikal at espirituwal. Pinasigla namin ang isa’t isa sa aming mga patotoo, pinasan ang mga problema ng isa’t isa, pinalakas at inaliw ang isa’t isa tulad ng lagi nang ginagawa ng mga kapatid sa Relief Society.
Dahil sa pagkakaibigan namin ni Jan nalaman ko kung gaano kasagrado ang malapit naming ugnayan bilang mga kapatid sa Relief Society. Kami ni Jan, gaya ng marami sa inyo, ay lumago sa aming tungkulin bilang mag-partner sa visiting teaching sa pagiging magkapatid at nagmamahalang magkaibigan. Pinatototohanan ko na ang mga ugnayang nasisimulan ng mga babae ng tipan sa Relief Society ay tunay na pinagliliwanag, pinasisigla, at pinayayaman ang paglalakbay sa buhay dahil natutulungan natin ang isa’t isa na matuto kung paano uunahin ang Panginoon sa ating puso at buhay. Alam ko ito dahil mahigit 20 taon na ang nakararaan, tinulungan ako ni Jan na mapalapit sa ating Tagapagligtas sa paraan ng kanyang pamumuhay. Hinikayat niya ako na huwag isipin ang sarili kong mga problema, buong pasasalamat na magalak sa karingalan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas para sa aking mga kasalanan, umasa nang may pananampalataya sa hatid ng bawat bagong araw, at namnamin ang malalim na espirituwal na ugnayang natatamo sa pamamagitan lang ng Relief Society.
Naglalakad pa rin ako tuwing umaga basta’t may pagkakataon. Tumitigil pa rin ako para tunghayan ang ganda ng daigdig na ito at para pasalamatan ang Ama sa Langit sa misyon ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Madalas kong maalala nang buong pasasalamat ang espiritung hatid ni Jan sa aming mga paglalakad dahil sa kanyang dakilang hangad na madama ang nanunubos na pag-ibig ng Tagapagligtas. Umagos noon sa puso ko ang pagmamahal niya sa Panginoon tulad ng patuloy na pag-agos ng liwanag ng sikat ng araw sa lupa tuwing umaga.
Pinatototohanan ko ang ating Tagapagligtas na nagsabi tungkol sa Kanyang Sarili: “Masdan, ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Ako ang buhay at ang ilaw ng sanlibutan” (D at T 11:28). Mga kapatid, alam ko na sa araw-araw na paghahanda sa ating sarili sa paisa-isang hakbang, bawat isa sa atin, gaya ni Jan, ay makasusulong nang walang takot, natatagpuan ang ating daan patungo sa Kanya habang personal nating nadarama ang mga biyaya ng Kanyang walang-katapusang Pagbabayad-sala. Alam ko na isa sa mga banal na pagpapala ng Relief Society ay ang ating ugnayan sa kababaihang nagpapatotoo rin sa ating Panginoon. Dalangin ko na lagi tayong lumakad nang sabay-sabay tungo sa liwanag ng Kanyang nanunubos na pag-ibig. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.