2004
Isang Kalunus-lunos na Kasamaan sa Ating Paligid
Nobyembre 2004


Isang Kalunus-lunos na Kasamaan sa Ating Paligid

[Ang pornograpiya] ay parang rumaragasang bagyo, na sumisira sa mga tao at pamilya, lubusang sinisira ang dating mabuti at maganda.

Mahal kong mga kapatid, salamat at nakapiling ko kayo sa napakalaking miting ng priesthood na ito. Palagay ko’y ito ang pinakamalaking pagtitipon ng priesthood na nagpulong. Kaylaking kaibhan sa okasyong inilarawan ni Wilford Woodruff nang lahat ng priesthood sa buong mundo ay nagtipon sa isang kuwarto sa Kirtland, Ohio, upang tumanggap ng tagubilin mula kay Propetang Joseph.

Napakagaling ng narinig nating payo ngayong gabi, at ihahabilin ko ito sa inyo.

Sa pagbibigay ko ng pangwakas na mensahe medyo atubili akong magsalita tungkol sa temang natalakay ko na noon. Gagawin ko ito sa diwa ng mga salita ni Alma, na nagsabing: “Ito ang aking kaluwalhatian, na baka sakaling ako’y maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang madala ang ilang kaluluwa sa pagsisisi” (Alma 29:9).

Sa diwang iyan ako magsasalita sa inyo ngayong gabi. Ang sasabihin ko’y hindi na bago. Nabanggit ko na ito noon. May mensahe ako sa mga isyu ng magasing Ensign at Liahona sa buwan ng Setyembre ilang taon na ang nakararaan ukol sa paksa ring ito. Nabanggit ito ni Elder Oaks ngayong gabi.

Kahit problema noon ang binabanggit ko ngayon, mas malubhang problema ito ngayon. Lumalala pa ito. Para itong rumaragasang bagyo, na sumisira sa mga tao at pamilya, lubusang sinisira ang dating mabuti at maganda. Tungkol sa lahat ng uri ng pornograpiya ang sasabihin ko.

Ginagawa ko ito dahil sa mga liham na dumarating sa akin mula sa mga maybahay na nagdurusa.

Gusto kong basahin ang mga bahagi ng isang liham na natanggap ko ilang araw pa lang ang nakararaan. May pahintulot ito ng sumulat. Inalis ko ang anumang maglalantad sa mga taong may kinalaman dito. Kaunti lang naman ang binago ko para mas maliwanag at maganda ang daloy ng pananalita.

Babasahin ko na:

“Mahal na Pangulong Hinckley,

“Kamamatay lang ng asawa ko na 35 taon kong nakasama… . Mabilis niyang kinausap ang butihing bishop namin matapos ang huli niyang operasyon. Tapos ay lumapit siya sa akin noon ding gabing iyon para sabihin na nalulong siya sa pornograpiya. Kailangan ko raw siyang patawarin [bago siya mamatay]. Sinabi pa niya na pagod na siya sa pagkukunwari. [Naglingkod na siya sa maraming mahalagang] katungkulan sa Simbahan kahit batid niya [kasabay niyon] na hawak siya sa leeg nitong ‘isa pang panginoon.’

“Nagulat ako, nasaktan, para akong ipinagkanulo at nilapastangan. Hindi ko maipangakong patatawarin siya sa sandaling iyon pero humingi ako ng panahon… . Napag-aralan ko ang buhay ko mula nang mag-asawa ako [at kung paano] maagang naapektuhan ng pornograpiya … ang aming pagsasama. Dalawang buwan pa lang kaming kasal nang mag-uwi siya ng [pornograpikong] magasin. Kinandaduhan ko siya sa kotse dahil labis akong nasaktan at nagalit… .

“Sa maraming taon ng aming pagsasama … napakalupit niya sa marami niyang hiling. Kahit kailan ay hindi ako naging mabuti para sa kanya… . Gusto ko nang sumuko sa oras na iyon sa sobrang lungkot ko… . Alam ko na ngayon na ikinukumpara ako sa pinakabagong ‘reyna ng porno’… .

“Minsa’y nagpunta kami sa isang tagapayo at … patuloy akong hinamak ng asawa ko sa kapipintas at pang-aaba… .

“Ni ayaw kong bumalik sa kotse na kasama siya pagkatapos noon, pero naglakad-lakad ako sa bayan … nang ilang oras, na nag-iisip magpakamatay. [Naisip ko,] ‘Bakit pa ako mabubuhay kung ganito rin lang ang nadarama ng “walang hanggang kompanyon” ko para sa akin?’

“Nagpatuloy pa rin ako, pero naging maingat na ako. Nabuhay ako para sa ibang dahilan maliban sa asawa ko at nakatagpo ng galak sa aking mga anak, sa mga proyekto at tagumpay na kaya kong gawing mag-isa… .

“Matapos siyang ‘mangumpisal sa bingit ng kamatayan’ at [magkaroon ako ng panahon] na masuri ang buhay ko, [sinabi] ko sa kanya, ‘Hindi mo ba alam ang ginawa mo?’… Sinabi ko sa kanya na dalisay ang puso ko nang ikasal kami, pinanatili itong dalisay sa pagsasamang iyon, at nilayon kong panatilihin itong dalisay magpakailanman. Bakit hindi niya iyon magawa para sa akin? Ang gusto ko lang ay madamang mahal ako at pinakikitaan ng kabaitan … sa halip na tratuhin akong parang alipin… .

“Ngayo’y naiwan akong nagdadalamhati hindi lang dahil wala na siya, kundi dahil din sa isang relasyong sana’y naging [maganda, pero hindi nagkagayon]… .

“Balaan sana ninyo ang kalalakihan (at kababaihan). Ang pornograpiya ay hindi isang bagay na nagbibigay ng panandalian at kasiya-siyang pananabik kapag namasdan. [Bagkus] winawasak nito ang mga puso’t kaluluwa hanggang sa kaloob-looban nito, sinisira ang mga relasyong dapat ay sagrado, lubos na sinasaktan ang mga taong dapat ninyong pakamahalin.”

At nilagdaan niya ang liham.

Kahabag-habag at kalunus-lunos na kuwento. Inalis ko ang ilang detalye, pero sapat na ang binasa ko para madama ninyo ang kanyang niloloob. At ano ang nangyari sa kanyang asawa? Masakit ang pagkamatay niya sa kanser, na ang huling mga kataga ay isang pagtatapat ng buhay na puno ng kasalanan.

At talagang kasalanan ito. Kasamaan ito. Hindi ito naaayon sa diwa ng ebanghelyo, sa personal na patotoo sa mga bagay ng Diyos, at sa buhay ng isang taong naorden sa banal na priesthood.

Hindi lang ito ang natanggap kong liham. Sapat na ang natanggap ko para maniwala ako na malaking problema ito kahit sa atin. Nagmumula ito sa maraming bagay at ipinahahayag ang sarili sa iba’t ibang paraan. Ngayo’y pinalala pa ito ng Internet. Ang Internet na iyan ay hindi lang mga nasa hustong gulang ang gumagamit, kundi pati mga kabataan.

Kailan lang ay nabasa ko na naging $57-bilyong industriya na ang pornograpiya sa buong daigdig. Labindalawang bilyon nito ang mula sa Estados Unidos sa “mga taong masasama at nagsasabwatan” (tingnan sa D at T 89:4) na hangad yumaman kahit mabiktima ang iba. Iniulat na mas malaki ang kita nito sa Estados Unidos kaysa sa pinagsama-samang kita ng lahat ng propesyonal na football, baseball, at basketball franchise o pinagsama-samang kita ng ABC, CBS, at NBC. (Internet Pornography Statistics: 2003, “Internet, http://www.healthymind.com/5-port-stats.html).

Nagnanakaw ito ng oras at talento ng mga empleyado sa opisina. “20% ng kalalakihan ang umaamin na tumitingin sila sa pornograpiya sa Internet sa opisina. 13% ng kababaihan [ang gumagawa nito]… . 10% ng mga nasa hustong gulang ang umaamin na lulong sila sa seks sa internet” (Internet Pornography Statistics: 2003). Iyan ang inamin nila, pero ang totoo higit pa riyan ang dami nila.

Inilahad ng National Coalition for the Protection of Children and Families na “tinatayang 40 milyong katao sa Estados Unidos ang sangkot sa seks sa Internet”… .

“Isa sa limang batang edad 10–17 [na] ang tumanggap ng imbitasyong makipagseks sa Internet… .

“Tatlong milyon sa mga bumisita sa mga website na pangmatanda noong Setyembre 2000 ang edad 17 o mas bata pa… .

“Seks ang numero 1 paksang hinahanap sa Internet” (NCPCE Online, “Current Statistics,” Internet, http://www.nationalcoalition.org/stat.html).

Marami pa akong maidaragdag dito, pero kahit kayo ay sapat ang nalalaman ninyo sa kalubhaan ng problema. Sapat nang sabihin na lahat ng sangkot ay nagiging biktima. Ang mga bata ay pinagsasamantalahan at lubhang nasisira ang kanilang buhay. Dumurumi ang utak ng mga kabataan sa mga maling konsepto. Ang patuloy na pagkalantad ay humahantong sa pagkalulong na halos imposibleng maalis. Natatagpuan ng napakaraming kalalakihan na hindi nila ito maiwasan. Ang lakas nila at interes ay nauubos sa walang katuturang pagnanasa sa malaswa at nakakadiring materyal na ito.

Katwiran nila’y mahirap itong iwasan, na abot-kamay lang nila ito at wala silang kawala.

Ipalagay nating nagngangalit ang bagyo at sumisipol ang hangin at pumapaikot sa inyo ang yelo. Alam ninyong hindi ninyo ito mapipigil. Pero maaari kayong manamit nang maayos at makakahanap ng kanlungan at hindi kayo maaapektuhan ng bagyo.

Gayundin, kahit puno ng nakakadiring materyal ang Internet, hindi ninyo ito kailangang panoorin. Makapupunta kayo sa kanlungan ng ebanghelyo at sa turo nitong kalinisan at kabutihan at kadalisayan ng buhay.

Alam ko na simple at deretsahan akong magsalita. Ito’y dahil pinadali ng Internet ang pagpapakita ng pornograpiya, dinaragdagan ang nasa mga DVD at video, sa telebisyon at mga tindahan ng magasin. Humahantong ito sa imahinasyon na sumisira sa paggalang sa sarili. Humahantong ito sa imoral na pakikipagrelasyon, madalas ay sa sakit o karamdaman, at sa abusadong gawain ng mga kriminal.

Mga kapatid, mas mainam pa rito ang magagawa natin. Nang turuan ng Tagapagligtas ang mga tao, sinabi Niya, “Mapapalad ang mga may malinis na puso: sapagka’t makikita nila ang Dios” (Mateo 5:8).

May higit na pagpapala pa bang mahihiling ang sinuman kaysa rito? Ang napakagandang landas ng kahinhinan, ng disiplina sa sarili, ng malinis na pamumuhay ang landas para sa mga tao, kapwa bata’t matanda, na maytaglay ng priesthood ng Diyos. Sa mga kabataan tatanungin ko kayo: “Sa palagay ba ninyo ay nasangkot si Juan Bautista, na nagpanumbalik ng priesthood na taglay ninyo, sa gawaing tulad nito?” Sa inyong mga lalaki: “Sa palagay ba ninyo sina Pedro, Santiago, at Juan, mga Apostol ng ating Panginoon, ay gumawa ng ganito?”

Siyempre, hindi. Ngayon mga kapatid, dumating na ang oras para sinuman sa atin na lulong na ay iahon ang sarili sa lusak, huwag masangkot sa kasamaang ito, “[um]asa sa Diyos at [mabuhay]” (Alma 37:47). Hindi natin kailangang tingnan ang malalaswang magasin. Hindi natin kailangang basahin ang mga aklat na puno ng kahalayan. Hindi natin kailangang manood ng telebisyon na mababa ang moralidad. Hindi natin kailangang umarkila ng mga pelikulang nagpapakita ng marumi. Hindi natin kailangang umupo sa kompyuter at paglaruan ang pornograpiyang nakikita sa Internet.

Inuulit ko, mas mainam pa rito ang magagawa natin. Kailangang mas mainam pa rito ang ating gawin. Tayo’y kalalakihan ng priesthood. Ito ang pinakasagrado at pinakamagandang kaloob, higit ang halaga kaysa lahat ng basura ng mundo. Pero paalam sa kapangyarihan ng priesthood ng sinumang masasangkot sa pagnanasa sa pornograpikong materyal.

Kung may nakakarinig sa aking tinig na gumagawa nito, nawa’y sumamo kayo sa Panginoon nang buong kaluluwa ninyo na alisin Niya sa inyo ang pagkalulong na umaalipin sa inyo. At nawa’y magkaroon kayo ng lakas ng loob na hangarin ang mapagmahal na gabay ng inyong bishop at, kung kailangan, ang payo ng mapagmalasakit na mga propesyonal.

Hayaan ang sinumang lulong sa bisyong ito na lumuhod nang lihim sa kanyang silid at magsumamo at humingi ng tulong mula sa Panginoon na palayain sila sa kasamaang ito. Kung hindi, ang kasamaang ito ay magpapatuloy sa buhay at maging hanggang sa kawalang-hanggan. Itinuro ni Jacob, na kapatid ni Nephi: “At ito ay mangyayari na kapag ang lahat ng tao ay makalampas mula sa unang kamatayang ito tungo sa pagkabuhay, kung kaya nga’t sila ay naging walang kamatayan, … sila na mabubuti ay mananatili pa ring mabubuti, at sila na marurumi ay mananatili pa ring marurumi” (2 Nephi 9:15–16).

Nakita ni Pangulong Joseph F. Smith sa kanyang pangitain sa pagbisita ng Tagapagligtas sa mga espiritu ng mga patay, na “sa yaong masasama siya ay hindi nagtungo, at sa mga makasalanan at hindi nagsisisi na dinungisan ang kanilang sarili habang nasa laman, ang kanyang tinig ay hindi ipinaabot” (D at T 138:20).

Ngayon, mga kapatid ko, ayaw kong maging negatibo. Likas na maganda ang aking pananaw. Pero sa mga bagay na tulad nito makatotohanan ako. Kung sangkot tayo sa gayong ugali panahon na ngayon para magbago. Gawin itong sandali ng matibay na desisyon. Magbagumbuhay na tayo.

Sabi ng Panginoon: “Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpapadalisay sa iyong kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit.

“Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan; at ang iyong pamamahala ay magiging walang hanggang pamamahala, at sa walang sapilitang pamamaraan ito ay dadaloy sa iyo magpakailanman at walang katapusan” (D at T 121:45–46).

Ano pa ang hihilingin ng isang tao? Ang mga banal na pagpapalang ito ay ipinangako sa mga lumalakad sa landas ng kabanalan sa harapan ng Panginoon, at sa harapan ng lahat ng tao.

Kayganda ng mga paraan ng ating Panginoon. Kayluwalhati ng Kanyang mga pangako. Kapag natutukso maaari natin Siyang isipin at ang Kanyang mga turo sa halip na mag-isip ng masasama. Sinabi Niya: “At kung ang inyong mata ay nakatuon sa aking kaluwalhatian, ang inyong buong katawan ay mapupuno ng liwanag, at walang magiging kadiliman sa inyo; at yaong katawan na puno ng liwanag ay nakauunawa sa lahat ng bagay.

“Samakatwid, pabanalin ang inyong sarili upang ang inyong mga isipan ay matuon sa Diyos, at darating ang mga araw na inyo siyang makikita; sapagkat kanyang aalisin ang tabing ng kanyang mukha sa inyo” (D at T 88:67–68).

Sa inyo na mga deacon at teacher at priest na kapiling namin ngayong gabi, kayong mabubuting binatang may kinalaman sa sakrament, sinabi ng Panginoon: “Maging malinis kayo na nagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon” (D at T 133:5).

Sa lahat ng priesthood maliwanag at tiyak ang sinabi sa paghahayag: “Ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit, at na ang kapangyarihan ng langit ay hindi mapamamahalaan ni mahahawakan tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan” (D at T 121:36).

Ngayo’y alam ko na, mga kapatid ko, na karamihan sa inyo ay hindi apektado ng kasamaang ito. Patawad sa pagsasayang ko ng oras ninyo sa pagtalakay nito. Ngunit kung kayo ay stake president o bishop, district o branch president, makabubuting tulungan ninyo ang mga apektado. Nawa’y pagkalooban kayo ng Panginoon ng karunungan, gabay, inspirasyon at pagmamahal sa mga nangangailangan nito.

At sa inyong lahat, bata man o matanda, na hindi sangkot dito, binabati ko kayo at binabasbasan. Kayganda ng buhay na nakaayon sa mga turo ng ebanghelyo Niya na walang kasalanan. Ang gayong lalaki ay lumalakad nang walang bahid-dungis sa liwanag ng kabutihan at kalakasan.

Nawa’y pagpalain kayo ng langit, mahal kong mga kapatid. Nawa’y tulungan nating lahat ang sinumang nangangailangan, ang dalangin ko, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.