Pananalig at mga Susi
Kailangan nating malaman sa pamamagitan ng inspirasyon na ang mga susi ng priesthood ay hawak ng mga namumuno at naglilingkod sa atin. Kailangan dito ang pagsaksi ng Espiritu.
Sa isang kapilyang malayo sa Salt Lake City, sa lugar na bihirang puntahan ng miyembro ng Korum ng Labindalawa, ako’y nilapitan ng isang ama. Akay niya ang kanyang batang anak na lalaki. Paglapit nila, tiningnan niya ang anak, tinawag sa pangalan nito, at sinabi, habang tumatangong nakaharap sa akin, “Siya ay isang Apostol.” Sa tono ng boses ng ama, umaasa siyang madarama ng anak na hindi ito pangkaraniwang pakikipagkilala sa isang kagalang-galang na bisita. Umasa siyang makumbinsi ang anak na ang mga susi ng priesthood ay nasa lupa sa Simbahan ng Panginoon. Paulit-ulit na kakailanganin ng kanyang anak ang paniniwalang iyon. Kakailanganin niya ito kapag binuksan niya ang liham mula sa isang propeta sa hinaharap na tatawag sa kanya na magmisyon. Kakailanganin niya ito kapag inilibing niya ang isang anak o asawa o magulang. Kakailanganin niya ito para magkaroon ng lakas ng loob na sundin ang utos na maglingkod. Kakailanganin niya ito para sa aliw na hatid ng pagtitiwala sa kapangyarihang nagbubuklod hanggang sa walang hanggan.
Ipakikilala ng mga misyonero ang mga investigator sa bishop o branch president ngayon na may gayon ding layunin. Umaasa silang madarama ng mga investigator na hindi basta mabait at dakilang tao ang makikilala nila. Ipagdarasal nila na nawa’y makumbinsi ang mga investigator na ang tila pangkaraniwang taong ito ay mayhawak ng mga susi ng priesthood sa Simbahan ng Panginoon. Kakailanganin ng mga investigator ang paniniwalang ito kapag nagpabinyag sila. Kakailanganin nila ito kapag nagbayad sila ng ikapu. Kakailanganin nila ito kapag nagkainspirasyon ang bishop nila na bigyan sila ng tungkulin. Kakailanganin nila ito kapag nakita nilang namumuno siya sa sakrament miting at kapag pinalalakas niya sila sa pamamagitan ng pagtuturo ng ebanghelyo.
Kaya nga ang mga misyonero at ama, at lahat tayong naglilingkod sa iba sa totoong Simbahan, ay nais tulungan ang mga mahal natin na magkaroon ng matibay na patotoo na ang mga susi ng priesthood ay hawak ng mga alagad ng Panginoon sa Kanyang Simbahan. Nagsasalita ako ngayon upang hikayatin ang lahat ng naglilingkod na taglayin at palakasin ang patotoong ito.
Makakatulong kung alam natin ang ilang bagay. Una, matiyaga at bukas-palad ang Diyos sa paghahandog ng mga biyaya ng kapangyarihan ng priesthood sa Kanyang mga anak. Ikalawa, dapat piliin ng Kanyang mga anak na maging karapat-dapat sa at tumanggap ng mga biyayang ito. At ikatlo, si Satanas, na kaaway ng kabutihan, mula pa sa simula ay tinangka nang pahinain ang pananalig na kailangan upang matanggap ang mga biyayang dulot ng kapangyarihan ng priesthood.
Nalaman ko ang mga katotohanang ito mula sa isang matalinong guro halos 25 taon na ang nakararaan. Nagsalita ako noon sa isang lumang-lumang teatro sa Efeso. Maningning na sikat ng araw ang nagpaliwanag sa lugar ding iyon na tinayuan ni Apostol Pablo para mangaral. Ang paksa ko ay si Pablo, ang Apostol na tinawag ng Diyos.
Daan-daang mga Banal sa mga Huling Araw ang nakinig. Nakaupo sila sa hanay ng mga upuang bato na inupuan ng mga taga Efeso mahigit isang milenyo na ang nakalipas. Kabilang sa kanila ang dalawang buhay na Apostol, sina Elder Mark E. Petersen at Elder James E. Faust.
Para n’yo nang nakita, handang-handa ako. Binasa ko ang Mga Gawa ng mga Apostol at Mga Sulat, na galing kay Pablo at sa kapwa niya Apostol. Binasa ko at pinagnilay-nilay ang Sulat ni Pablo sa mga taga Efeso.
Ginawa ko ang lahat para igalang si Pablo at ang kanyang katungkulan. Pagkatapos kong magsalita, ilang tao ang nagsabi ng magagandang bagay. Mapagbigay ang dalawang buhay na Apostol sa kanilang mga opinyon. Ngunit maya-maya, hinila ako ni Elder Faust sa tabi at nakangiti at mahinahong sinabi, “Magandang pananalita iyon. Pero nalimutan mong sabihin ang pinakamahalagang bagay.”
Tinanong ko siya kung ano iyon. Pagkaraan ng ilang linggo pumayag siyang sabihin ito sa akin. Naging aral sa akin ang sagot niya mula noon.
Sabi niya, dapat daw ay sinabi ko sa mga tao na kung may patotoo ang mga Banal na nakinig kay Pablo sa kahalagahan at kapangyarihan ng mga susing hawak nila, siguro’y hindi inalis ang mga apostol sa mundo.
Binalikan ko ang sulat ni Pablo sa mga taga Efeso. Nalaman ko na nais ni Pablo na madama ng mga tao ang kahalagahan ng kawing ng mga susi ng priesthood mula sa Panginoon patungo sa kanila, na mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon, sa tulong ng Kanyang mga Apostol. Sinikap ni Pablo na magtatag ng patotoo sa mga susing iyon.
Nagpatotoo si Pablo sa mga taga Efeso na si Cristo ang namumuno sa Kanyang Simbahan. At itinuro niya na itinatag ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan na nakasalig sa mga apostol at propeta na mayhawak ng lahat ng susi ng priesthood.
Sa kabila ng linaw at kapangyarihan ng kanyang pagtuturo at halimbawa, alam ni Pablo na darating ang apostasiya. Alam niya na aalisin ang mga apostol at propeta sa mundo. At alam niya na sa dakilang panahong darating ay ipanunumbalik sila. Isinulat niya ang tungkol sa panahong iyon sa mga taga Efeso, na binabanggit ang gagawin ng Panginoon: “Sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya.”1
Inasam ni Pablo ang ministeryo ni Propetang Joseph Smith, kung kailan muling bubuksan ang kalangitan. Nangyari nga ito. Dumating si Juan Bautista at ipinagkaloob sa mga tao ang priesthood ni Aaron at ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan.
Bumalik ang mga sinaunang apostol at propeta at ipinagkaloob kay Joseph ang mga susing tinaglay nila sa mortalidad. Inorden ang kalalakihan sa banal na pagka-Apostol noong Pebrero 1835. Ibinigay ang mga susi ng Priesthood sa Labindalawang Apostol sa huling bahagi ng Marso 1844.
Alam ni Propetang Joseph Smith na malapit na siyang mamatay. Alam niya na ang mahahalagang susi ng priesthood at ang pagka-Apostol ay hindi dapat at di na muling mawawala.
Iniwan sa atin ng isa sa mga Apostol, si Wilford Woodruff, ang talaang ito tungkol sa nangyari sa Nauvoo habang nagsasalita ang Propeta sa Labindalawa:
“Noon tumayo si Propetang Joseph at sinabing: ‘Mga kapatid, hangad ko sanang makitang naitayo na ang templong ito. Hindi ko na ito makikita, pero makikita ninyo ito. Naipagkaloob ko na sa inyong mga uluhan ang lahat ng susi ng kaharian ng Diyos. Naipagkaloob ko na sa inyo ang bawat susi, kapangyarihan, at alituntunin na naihayag sa akin ng Diyos ng langit. Ngayon, saan man ako mapunta o anuman ang gawin ko, ang kinabukasan ng kaharian ay nakasalalay sa inyo.’”2
Bawat propetang sumunod kay Joseph, mula kay Brigham Young hanggang kay Pangulong Hinckley, ay humawak at gumamit ng mga susing iyon at taglay ang banal na pagka-Apostol.
Pero tulad noong panahon ni Pablo, kailangan tayong manalig sa kapangyarihan ng mga susi ng priesthood na iyon. Kailangan nating malaman sa pamamagitan ng inspirasyon na ang mga susi ng priesthood ay hawak ng mga namumuno at naglilingkod sa atin. Nangangailangan iyan ng pagsaksi ng Espiritu.
At ang kaalamang iyon ay nakasalig sa ating patotoo na si Jesus ang Cristo at Siya ay buhay at pinamumunuan ang Kanyang Simbahan. Dapat din nating malaman na ibinalik ng Panginoon ang Kanyang Simbahan at ang mga susi ng priesthood sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. At dapat tayong magkaroon ng katiyakan sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na madalas na pinasasariwa, na tuluy-tuloy na ipinagkaloob ang mga susing iyon sa buhay na Propeta at pinagpapala at ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang mga tao sa pamamagitan ng hanay ng mga susi ng priesthood na ipinagkakaloob sa atin sa pamamagitan ng mga stake at district president at ng mga bishop at branch president, saanman tayo naroon at gaano man tayo kalayo sa propeta at mga apostol.
Hindi iyon madali ngayon. Hindi iyon madali noong kapanahunan ni Pablo. Lagi nang mahirap kakitaan ng kamalian ang mga awtorisadong alagad ng Diyos. Mukhang karaniwang tao lang siguro si Pablo sa marami. Para sa ilan ang pagkamasayahin ni Joseph Smith ay hindi tumutugma sa inaasahan nilang katangian ng isang propeta ng Diyos.
Laging tutuksuhin ni Satanas ang mga Banal ng Diyos para pahinain ang pananalig nila sa mga susi ng priesthood. Ang isang paraang ginagawa niya ay ang ipakita ang kahinaan ng mga taong mayhawak nito. Mapapahina niya ang ating patotoo sa gayong paraan at sa gayo’y mahihiwalay tayo sa hanay ng mga susing nagbibigkis sa atin sa Panginoon at maisasama tayo at ang ating pamilya pabalik sa Kanya at sa ating Ama sa Langit.
Nagtagumpay si Satanas na pahinain ang patotoo ng kalalakihang nakakita, kasama si Joseph Smith, na nabuksan ang kalangitan at narinig ang tinig ng mga anghel. Hindi sapat ang ebidensyang nakita at narinig nila kapag hindi na nila nadarama ang patotoo na nananatili pa rin ang mga susi ng priesthood kay Joseph.
Ang babala sa atin ay maliwanag. Kung titingnan natin ang karupukan ng tao, lagi natin itong makikita. Kapag tumuon tayo sa paghahanap ng karupukan ng mga mayhawak ng mga susi ng priesthood, inilalagay natin ang ating sarili sa panganib. Kapag sinabi natin o isinulat sa iba ang gayong mga karupukan nila, inilalagay natin sila sa panganib.
Nabubuhay tayo sa isang daigdig na ang paghahanap ng mali sa iba ay tila nagiging paboritong libangan. Matagal na itong ginagamit na estratehiya sa pangangampanya sa pulitika. Ito ang tema ng maraming programa sa telebisyon sa buong mundo. Naibebenta ang diyaryo dahil dito. Tuwing may nakakakilala tayo, ang una nating reaksyon, na halos hindi sinasadya, ay tingnan ang mga kahinaan nito.
Upang manatili tayong tapat sa Simbahan ng Panginoon, maaari at dapat nating sanayin ang ating mga mata na makilala ang kapangyarihan ng Panginoon sa paglilingkod sa kanyang mga hinirang. Dapat tayong maging karapat-dapat sa pagpiling ng Espiritu Santo. At dapat tayong magdasal para sa tulong ng Espiritu Santo upang malaman natin na taglay ng kalalakihang namumuno sa atin ang kapangyarihang ito. Para sa akin, ang gayong mga panalanging ay madalas nasasagot kapag lubos akong naglilingkod sa Panginoon.
Nangyari ito pagkaraan ng isang sakuna. Isang dam sa Idaho ang nasira isang araw ng Hunyo. Rumaragasang tubig ang tumama sa mga kabahayan sa ibaba nito. Libu-libong tao, na karamihan ay mga Banal sa mga Huling Araw, ang nagsilikas sa kanilang tahanan upang maligtas.
Naroon ako habang hinaharap ng mga tao ang napakahirap na gawain ng pagliligtas. Nakita kong tinipon ng stake president ang kanyang mga bishop upang pamunuan ang mga tao. Walang namamahala sa amin na tagalabas. Nasa miting ako ng mga lokal na lider nang dumating ang direktor mula sa ahensya ng gobyerno para sa sakuna.
Tinangka niyang pamunuan ang miting. Puwersahan niyang sinimulang ilista ang mga bagay na sinabi niyang kailangang gawin. Habang binabasa niya nang malakas ang bawat aytem, marahang sinabi ng stake president, na nakaupo malapit sa kanya, “Nagawa na namin iyan.” Makaraan pa ang lima o sampung minuto, tumahimik na ang opisyal ng gobyerno at naupo. Tahimik niyang pinakinggan ang stake president habang nangangalap ng ulat sa mga bishop at nagbibilin.
Sa miting kinabukasan, maagang dumating ang opisyal ng gobyerno. Umupo siya sa likuran. Sinimulan ng stake president ang miting. Kinuha niya ang iba pang ulat, at nagbilin. Makaraan ang ilang minuto, ang opisyal ng gobyerno, na taglay ang buong awtoridad at tulong ng kanyang malaking ahensya, ay nagwika, “President Ricks, ano ang gusto mong ipagawa sa amin?”
Nakita niya ang kapangyarihan. Higit pa roon ang nakita ko. Nakita ko ang ebidensya ng mga susi at pananalig na nagbubukas ng kanilang kapangyarihan.
Muli itong nangyari pagbalik ng isang mag-asawa sa bayan makaraang mawasak ang dam. Hindi sila umuwi. Hinanap muna nila ang kanilang bishop. Putikan ito, at pinamumunuan ang kanyang mga miyembro sa paglilinis ng mga bahay. Tinanong nila kung ano ang gusto nitong ipagawa sa kanila.
Nagtrabaho sila. Kinalaunan, sinaglit nila ang sarili nilang bahay. Wala na ito. Kaya bumalik sila sa pagtatrabaho saanman kinailangan ng bishop ang tulong nila. Batid nila kung saan pupunta upang malaman ang bilin ng Panginoon sa paglilingkod sa Kanyang Simbahan.
Natutuhan ko mula noon kung paano nagiging lugar ng kaligtasan ang mga stake ng Sion. Nagiging parang isang malaking pamilya ito, nagkakaisa, nangangalaga sa isa’t isa. Nangyayari ito dahil sa simpleng pananalig.
Dahil sa pananalig sila ay nabinyagan at tinanggap ang Espiritu Santo. Habang patuloy nilang sinusunod ang mga kautusan, nagiging palagian ang kaloob na iyon. Nakakakita sila ng mga espirituwal na bagay. Nagiging madaling makita ang kapangyarihan ng Diyos na kumikilos sa pamamagitan ng mga karaniwang taong tinawag ng Diyos na maglingkod at mamuno sa kanila. Napalambot ang mga puso. Ang mga hindi kilala ay nagiging kasambahay ng mga banal sa kaharian ng Panginoon, na nabibigkis ng pagmamahal.
Hindi magtatagal ang masayang kundisyong iyon kung hindi laging pinaninibago ang pananalig. Ire-release na ang bishop na mahal namin, gayundin ang stake president. Ang mga Apostol na sinunod natin nang may pananalig ay pauuwiin na sa Diyos na tumawag sa kanila.
Sa patuloy na mga pagbabagong iyon dumarating ang malaking pagkakataon. Makakakilos tayo para maging karapat-dapat sa paghahayag na nagpapahintulot sa ating malaman na inililipat-lipat ng Diyos ang mga susi sa mga tao. Maaari nating hangaring maranasan iyon nang paulit-ulit. At dapat lang, para matanggap ang mga biyaya ng Diyos sa atin na nais Niyang ibahagi natin sa iba.
Maaaring hindi maging kagila-gilalas ang sagot sa inyong dalangin na tulad noong makita ng ilang tao si Brigham Young, habang ito ay nagsasalita, na naging kamukha ng pinaslang na Propetang Joseph. Pero maaari itong maging ganito katiyak. At sa espirituwal na katiyakang iyon darating ang kapayapaan at kapangyarihan. Muli ninyong malalaman na ito ang tunay at buhay na Simbahan ng Panginoon, na pinamumunuan Niya ito sa tulong ng inorden Niyang mga alagad, at minamahal Niya tayo.
Kung sapat ang bilang natin na may gayong pananalig at tumanggap ng mga katiyakang iyon, pasisiglahin ng Diyos ang mga namumuno sa atin at pagpapalain ang ating buhay at pamilya. Magiging tulad tayo ng pinakahahangad ni Pablo sa mga pinaglingkuran niya: “na mga itinayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok.”3
Pinatototohanan ko na alam ko na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Siya ay buhay. Alam ko na Siya ang batong pinagsasaligan nitong Kanyang tunay na Simbahan. Sa ngalan ni Jesucristo, amen.