Magpatuloy
May isang bagay na inaasahan sa atin ang Panginoon ano man ang ating mga paghihirap at kalungkutan: Inaasahan Niya tayong magpatuloy.
Sapat na ang haba ng buhay ko para maranasan mismo ang marami sa mga hamon ng buhay. Nakakilala ako ng mga pambihirang taong nagtiis ng mabibigat na pagsubok habang ang iba, kahit man lang sa panlabas, ay tila napakapalad.
Madalas, yaong mga nagpupunyagi sa kahirapan ay nagtatanong “Bakit nangyari ito sa akin?” Hindi sila mapagkatulog sa pag-iisip kung bakit sila napakalungkot, maysakit, walang pag-asa, api, o sawi.
Ang tanong na “Bakit ako?” ay maaaring mahirap sagutin at madalas ay humahantong ito sa kabiguan at kawalan ng pag-asa. May mas magandang itanong tayo sa ating sarili. Ang tanong ay “Ano ang matututuhan ko sa karanasang ito?”
Ang ating pagsagot sa tanong na iyan ay maaaring magtakda ng kalidad ng ating buhay hindi lang sa daigdig na ito kundi maging sa darating na kawalang-hanggan. Bagama’t magkakaiba ang ating mga pagsubok, may isang bagay na inaasahan sa atin ang Panginoon ano man ang ating mga paghihirap at kalungkutan: Inaasahan Niya tayong magpatuloy.
Ang Doktrina ng Pagtitiis Hanggang Wakas
Kabilang sa ebanghelyo ni Jesucristo ang pagtitiis hanggang wakas bilang isa sa mga pangunahing doktrina nito. Itinuro ni Jesus, “Ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.”1 At, “Kung kayo’y magsisipanatili sa aking salita, kung magkagayo’y tunay nga kayong mga alagad ko.”2 Iniisip ng iba na ang magtiis hanggang wakas ay simpleng pagdurusa sa mga hamon. Higit pa ito rito—ito ang proseso ng paglapit kay Cristo at pagiging ganap sa Kanya.
Itinuro ni propetang Nephi sa Aklat ni Mormon: “Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”3
Ang pagtitiis hanggang wakas ay doktrina ng pagpapatuloy sa landas na patungo sa buhay na walang hanggan matapos pasukin ng isang tao ang landas na yaon sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsisisi, pagpapabinyag at pagtanggap sa Espiritu Santo. Ang pagtitiis hanggang wakas ay nangangailangan ng buong puso natin, o tulad ng itinuturo ni propetang Amalekias sa Aklat ni Mormon, dapat tayong “lumapit sa kanya, at ialay ang [ating] buong kaluluwa bilang handog sa kanya, at magpatuloy sa pag-aayuno at pananalangin, at magtiis hanggang wakas; at yamang buhay ang Panginoon [tayo] ay maliligtas.”4
Ang pagtitiis hanggang wakas ay nangangahulugan na naitatag natin ang ating buhay sa mga doktrina ng ebanghelyo, sinusunod ang mga pamantayan ng Simbahan, mapagpakumbabang naglilingkod sa ating kapwa, namumuhay ng gaya ng kay Cristo, at tinutupad ang ating mga tipan. Yaong mga nakapagtiis ay matatag, tapat, mapagkumbaba, laging nagpapakahusay, at hindi mapagkunwari. Ang patotoo nila ay hindi ayon sa pagtanggap ng lipunan—ito’y ayon sa katotohanan, kaalaman, karanasan, at sa Espiritu.
Ang Talinghaga ng Manghahasik
Ginagamit ng Panginoong Jesucristo ang simpleng talinghaga ng manghahasik sa pagtuturo ng doktrinang pagtitiis hanggang wakas.
“Ang manghahasik ay naghahasik ng salita.
“At ang mga ito’y yaong nangasa tabi ng daan, na doon nahahasik ang salita; at nang kanilang mapakinggan, pagdaka’y pinaroroonan ni Satanas, at inaalis ang salita na inihasik sa kanila.
“At gayon din naman itong mga nahasik sa batuhan, na pagkarinig nila ng salita, pagdaka’y nagsisitanggap na may galak;
“At hindi nangaguugat sa kanilang sarili, kundi sangdaling tumatagal; kaya’t pagkakaroon ng kapighatian o ng mga paguusig dahil sa salita, pagdaka’y nangatisod sila.
“At ang mga iba’y yaong nangahasik sa dawagan; ang mga ito’y yaong nangakinig ng salita,
“At ang mga pagsusumakit na ukol sa sanglibutan, at ang daya ng mga kayamanan, at ang mga pita ng ibang mga bagay na nagsisipasok, ang nagsisiinis sa salita, at ito’y nagiging walang bunga.
“At yaon ang nangahasik sa mabuting lupa; na nangakikinig ng salita, at tinatanggap ito, at namumunga ng tigtatatlongpu, at tigaanim na pu, at tigiisang daan.”5
Ang talinghagang ito ay naglalarawan ng mga uri ng lupang pinagtaniman ng mga binhi ng katotohanan at inalagaan. Bawat uri ng lupa ay kumakatawan sa tibay ng ating pangako at kakayahang magtiis.
Ang unang uri ng lupa, ang nasa “tabi ng daan,” ay kumakatawan sa mga nakinig sa ebanghelyo ngunit hindi kailanman binigyan ng pagkakataon na magkaugat ang katotohanan.
Ang ikalawang uri ng lupa, ang “batuhan,” ay kumakatawan sa mga nasa Simbahan na, sa unang palatandaan ng sakripisyo o pagsubok, ay nasasaktan, hindi handang tumbasan ang halaga nito.
Ang ikatlong uri ng lupa, ang “nangahasik sa dawagan,” ay kumakatawan sa ilang miyembro ng Simbahan na nalito at nahadlangan ng mga problema, kayamanan at kamunduhan.
Ang huli, yaong mga nasa “mabuting lupa,” ay mga miyembro ng Simbahan na ang buhay ay kakikitaan ng pagiging disipulo ng Panginoon, na ang mga ugat ay malalim na nakatanim sa lupa ng ebanghelyo, at sa gayo’y maganda ang nagiging bunga.
Sa talinghaga ng manghahasik, tinukoy ng Tagapagligtas ang tatlong hadlang sa pagtitiis na makakasira sa ating kaluluwa at makakahadlang sa ating walang hanggang progreso.
Ang unang hadlang sa pagtitiis, ang “mga pagsusumakit [o problema] na ukol sa sanglibutan,” ay kapalaluan.6 Ipinakikita ng kapalaluan ang sarili nito sa napakaraming paraang nakakasira. Halimbawa, ang kapalaluang katalinuhan ay napakalaganap sa ating panahon. Itinataas ng ilang tao ang sarili nila nang higit sa Diyos at Kanyang hinirang na mga tagapaglingkod dahil sa kanilang kaalaman at tagumpay. Hindi dapat mangibabaw kailanman ang ating talino sa ating Espiritu. Mapapakain ng ating talino ang ating espiritu at mapapakain ng ating espiritu ang ating talino. Pero kung tutulutan nating mangibabaw ang ating talino sa ating espiritu, madadapa tayo, mamimintas, at baka mawala pa ang ating patotoo.
Napakahalaga ng kaalaman at isa sa iilang bagay na madadala natin sa kabilang buhay.7 Dapat tayong laging natututo. Gayunman, dapat tayong mag-ingat na huwag isantabi ang ating pananampalataya sa proseso, dahil talagang dinaragdagan ng pananampalataya ang ating kakayahang matuto.
Ang ikalawang hadlang sa pagtitiis ay ang “daya [o pandaraya] ng mga kayamanan.” Dapat nating wakasan ang pagkahumaling natin sa kayamanan. Ito’y kasangkapan lamang sa tagumpay, na dapat magwakas sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Palagay ko’y inaalala ng iba ang uri ng kotseng sasakyan nila, ang mamahaling damit na isusuot nila, o ang laki ng bahay nila kumpara sa iba, kaya hindi nila napagtutuunan ang mas mahahalagang bagay.8 Dapat tayong mag-ingat sa ating pang-araw-araw na buhay at huwag nating tulutang mangibabaw ang mga bagay sa mundo sa mga espirituwal na bagay.
Ang ikatlong hadlang sa pagtitiis na binanggit ng Tagapagligtas ay “pita ng ibang mga bagay.” Ang salot ng pornograpiya ay nakapaligid sa atin nang higit kaysa rati. Ang pornograpiya ay bunga ng mabibisyong resulta ng imoralidad, wasak na mga tahanan at sirang buhay. Pahihinain ng pornograpiya ang espirituwal na lakas na makapagtiis. Ang pornograpiya ay parang kumunoy. Maaari kayong mabitag at madaig pagtapak na pagtapak ninyo rito nang hindi ninyo namamalayan ang malaking panganib. Malamang na kakailanganin ninyo ng tulong na makaahon sa kumunoy ng pornograpiya. Ngunit mas maigi sana na huwag kayong tumapak dito kailanman. Isinasamo ko sa inyo na mag-ingat.
Ang Pagtitiis Hanggang Wakas ay Isang Alituntunin para sa Lahat
Ilang linggo bago pumanaw si Pangulong Heber J. Grant, isa sa mga kapatid ang bumisita sa kanya sa bahay. Bago lumisan ang lalaki, nanalangin si Pangulong Grant: “O Diyos, basbasan mo po ako na hindi mawala ang patotoo ko at manatili akong tapat hanggang wakas!”9 Aakalain ba ninyo na ipagdarasal ni Pangulong Grant, na isa sa mga dakilang propeta ng Panunumbalik, at Pangulo ng Simbahan sa loob ng 27 taon, na manatili siyang tapat hanggang wakas?
Walang ligtas sa impluwensya at tukso ni Satanas. Huwag kayong magyabang na hindi kayo kayang impluwensyahan ng kaaway. Mag-ingat na hindi kayo mabitag ng kanyang mga panlilinlang. Manatiling malapit sa Panginoon sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdarasal araw-araw. Hindi natin maaatim na umupo at ipagwalang-bahala ang ating kaligtasan. Dapat tayong maging sabik sa paggawa ng mabubuting bagay sa buong buhay natin.10 Nag-uudyok at nagpapaalala sa atin ang mga salitang ito ni Brigham Young na hinding-hindi natin dapat isuko ang pagtitiis: “Ang mga lalaki’t babae, na nagnanais makakuha ng puwesto sa kahariang selestiyal, ay malalaman na kailangan nilang lumaban araw-araw [para sa sagradong mithiing ito].”11
Lakas na Makapagtiis
Batid ko na maraming puso ang nasasawi, nalulumbay, nasasaktan at nabibigo. Ang mga karanasang ito ay kailangang pagdaanan ng tao. Gayunman, huwag sana kayong mawalan ng pag-asa sa Tagapagligtas at sa Kanyang pagmamahal sa inyo. Ito’y tapat at ipinangako Niya na hindi Niya tayo iiwan na walang mag-aalo.12
Kapag nahaharap tayo sa mga hamon sa buhay, naaalo tayo sa mga salita ng Panginoon sa ika-58 bahagi ng Doktrina at mga Tipan:
“Hindi ninyo mamamasdan ng inyong likas na mga mata, sa kasalukuyan, ang balangkas ng inyong Diyos hinggil sa mga bagay na yaon na darating pagkaraan nito, at ang kaluwalhatiang susunod matapos ang maraming kapighatian.
“Sapagkat pagkatapos ng maraming kapighatian darating ang mga pagpapala. Dahil dito darating ang araw na kayo ay puputungan ng maraming kaluwalhatian; hindi pa oras, subalit nalalapit na.”13
Kung gayon, magpatuloy tayo at sa huli’y higit na matulad sa Panginoon. Kilala nating lahat ang mga taong naharap sa matitinding pagsubok sa buhay at nagtiis nang tapat. Isang nakapagbibigay-inspirasyong halimbawa ang mula sa isang Banal noong ika-19 na siglo, si Warren M. Johnson. Itinalaga siya ng mga lider ng Simbahan upang pamunuan ang Lee’s Ferry, isang mahalagang pagtawid sa Colorado River sa hilagang Arizona. Nakaranas ng matitinding pagsubok si Brother Johnson, subalit nanatili siyang tapat sa buong buhay niya. Makinig habang ipinaliliwanag ni Brother Johnson ang dinanas ng pamilya niya sa isang liham kay Pangulong Wilford Woodruff:
“Noong Mayo 1891 isang pamilya … ang dumating dito [sa Lee’s Ferry] mula sa Richfield Utah, kung saan sila … nagpalipas ng taglamig sa pagbisita sa mga kaibigan. Sa Panguitch inilibing nila ang isang bata, … nang hindi [nililinis] ang bagon o sarili nila… .
Dumating sila sa bahay, at doon natulog, nakihalubilo sa aking maliliit na anak. Wala kaming alam tungkol sa sakit [diphtheria], pero may pananampalataya kami sa Diyos, dahil narito kami sa isang napakahirap na misyon, at nagsikap kami nang husto dahil marunong kaming sumunod [sa mga utos] … na ang aming mga anak ay maligtas. Ngunit sa kasamaang palad, sa apat at kalahating araw [namatay ang aking panganay na lalaki] sa mga bisig ko. Dalawa pa ang nahawa sa sakit at nag-ayuno kami at nanalangin ayon sa karunungang alam namin dahil marami kaming tungkuling isasagawa rito. Nag-ayuno kami [nang] dalawampu’t apat na oras at minsa’y nag-ayuno ako [nang] apatnapung oras, pero wala ring nangyari, dahil namatay rin ang dalawang maliliit kong anak na babae. Mga isang linggo pagkamatay nila ang kinse anyos kong anak na babae na si Melinda ay nahawa [rin] at ginawa namin ang lahat para sa kanya pero [kaagad] siyang sumunod sa iba… . Tatlo sa mahal kong mga anak na babae at isang anak na lalaki [ang] binawi sa amin, at hindi pa iyon nagwakas doon. Ang labingsiyam na taong gulang kong panganay na babae ay nakaratay na [dahil] sa sakit na iyon, at nag-aayuno kami at nananalangin para sa kanya ngayon… . Gayunman, hihilingin kong sumampalataya kayo at manalangin para sa amin. Ano ang nagawa namin para pabayaan kami ng Panginoon, at ano ang magagawa namin para maibalik ang kanyang pagmamahal[?]”
Di naglaon, sumulat si Brother Johnson sa isang lokal na lider at kaibigan, na ipinahahayag ang kanyang pananampalataya na magpatuloy:
“Ito ang pinakamatinding pagsubok sa buhay ko, pero nagsimula na akong tumahak sa landas ng kaligtasan at determinado na … sa tulong ng Ama sa Langit mahigpit akong hahawak sa gabay na bakal anuman ang problemang [dumating] sa akin. Hindi pa ako nanghihina sa pagsasagawa ng aking mga tungkulin, at umaasa at nagtitiwala na magkakaroon ako ng pananampalataya at mga dalangin ng aking mga kapatid, na mabubuhay ako upang matanggap ang mga pagpapala.”14
Bagama’t ang mabibigat na pagsubok ni Brother Johnson ay makatutulong sa atin na harapin ang sarili nating mga hamon, magmumungkahi ako ng tatlong susi sa pagtitiis sa ating panahon.
Una, patotoo. Ang patotoo ay nagbibigay sa atin ng walang hanggang pananaw na kailangan para malampasan ang mga pagsubok o hamon na di natin maiiwasang harapin. Alalahanin ang propesiya ni Heber C. Kimball:
“Darating ang panahon na walang lalaki o babaeng makapagtitiis sa hiram na liwanag. Bawat isa ay kailangang gabayan ng liwanag na nagmumula sa kanyang kalooban… .
“Kung wala kayo nito hindi kayo makatatayo; samakatwid hangarin ang patotoo kay Jesus at manangan dito, na kapag dumating ang pagsubok hindi kayo madapa at mahulog.”15
Ikalawa, pagpapakumbaba. Ang pagpapakumbaba ay pagkilala at pag-uugali na ang isang tao’y dapat umasa sa tulong ng Panginoon na makaligtas sa buhay na ito. Hindi tayo makakatiis hanggang wakas sa sarili nating lakas. Kung wala Siya, wala tayong magagawa.16
Ikatlo, pagsisisi. Ang maluwalhating kaloob na pagsisisi ay nagpapahintulot sa atin na makabalik sa landas nang may bagong loob, na nagbibigay sa atin ng lakas na makapagtiis sa landas patungo sa buhay na walang hanggan. Ang sakrament kung gayon ay nagiging pangunahing sangkap ng ating pagtitiis sa buhay na ito. Ang sakrament ay nagbibigay ng mahalagang lingguhang oportunidad na mapanibago ang ating mga tipan sa binyag at magsisi at suriin ang ating pag-unlad tungo sa kadakilaan.
Tayo’y mga anak na lalaki’t babae ng Diyos na Walang Hanggan, na may potensyal na maging tagapagmana kasama ni Cristo.17 Batid kung sino tayo, hinding-hindi natin dapat isuko ang mithiing isakatuparan ang ating walang hanggang hantungan.
Pinatototohanan ko na sa kawalang-hanggan, kapag nilingon natin ang ating maikling buhay dito sa lupa, sisigaw tayo at magagalak na, sa kabila ng mga paghihirap na dinanas natin, nagkaroon tayo ng talino, pananampalataya, at tapang na magtiis at magpatuloy.
Na magawa natin ito sa araw na ito at magpakailanman, ang dalangin ko sa ngalan ni Jesucristo, amen.