2004
Kung Kayo ay Handa Kayo ay Hindi Matatakot
Nobyembre 2004


Kung Kayo ay Handa Kayo ay Hindi Matatakot

Talagang magulo ang ating panahon ngayon. Madalas ay hindi natin alam ang hinaharap; samakatwid, kailangan nating maghanda para sa mga alanganing sitwasyon.

Pribilehiyo ang tumayo sa inyong harapan dito sa pangkalahatang kumperensya ng Relief Society. Alam ko na bukod sa inyong nagtipon dito sa Conference Center, libu-libo pa ang nanonood at nakikinig sa mga pangyayari sa pamamagitan ng satellite.

Sa pagsasalita ko sa inyo ngayong gabi, alam ko na ako lang ang lalaki sa gitna ng kababaihan kaya dapat kong ingatan ang pagsasalita ko. Ang nadarama ko’y kapareho ng pinsan kong mahiyain na bumisita sa kamag-anak niya sa isang malaking lungsod. Matagal na niyang hindi nabibisita ang kamag-anak niya at nagulat siya nang isang batang lalaki ang magbukas ng pinto. Pinapasok siya ng bata; at nang maupo na sila nang maayos, nagtanong ito, “Sino nga ba kayo?”

Sumagot ang bisita, “Pinsan ako sa panig ng tatay mo,” na sinagot ng bata ng, “Ginoo, sa bahay na ito, nasa maling panig kayo!”

Tiwala ako na ngayong gabi, sa bahay na ito, ay matatagpuan ako sa tamang panig, maging sa panig ng Panginoon.

Ilang taon na ang nakararaan nakita ko ang isang larawang kuha sa Sunday School sa Sixth Ward ng Pioneer Stake sa Salt Lake City. Kinunan ito noong 1905. Isang magiliw na batang babae, na nakatirintas, ang makikita sa may harapan. Ang pangalan niya’y Belle Smith. Kalaunan, bilang si Belle Smith Spafford, pangkalahatang pangulo ng Relief Society, isinulat niya: “Kailanma’y di nagkaroon ng higit na impluwensya ang kababaihan sa mundo kaysa ngayon. Kailanma’y di sila nabigyan ng ganito karaming oportunidad. Ito’y nakahahalina, nakatutuwa, mapanghamon at nakakapagod na panahon para sa kababaihan. Ito’y panahong hitik sa biyaya kung mamumuhay tayo sa mga tamang alituntunin, aalamin ang tunay na halaga ng buhay, at matalinong tutukuyin ang mga priyoridad.”1

Mithiin na ng organisasyon ng Relief Society na tumulong na maalis ang kamangmangan. Tayong marunong bumasa at sumulat ay hindi nauunawaan ang kawalan o kakulangan ng mga hindi marunong bumasa at sumulat. Nalalambungan sila ng ulap ng karimlan na humahadlang sa kanilang pag-unlad at pag-unawa, at nagpapalabo sa kanilang pag-asa. Mga kapatid sa Relief Society, mapapalis ninyo ang ulap ng kawalang-pag-asa at masasalubong ang banal na liwanag ng langit sa pagsikat nito sa inyong mga kapatid.

Ilang taon na ang nakararaan dumalo ako sa kumperensya ng rehiyon sa Monroe, Louisiana. Iyo’y isang magandang okasyon. Sa paliparan noong pauwi ako, nilapitan ako ng isang magandang babaeng Aprikano-Amerikano—isang miyembro ng Simbahan—na nagsabi, habang nakangiti, “Pangulong Monson, bago ako sumapi sa Simbahan at naging miyembro ng Relief Society, hindi ako marunong bumasa ni sumulat. Walang marunong sa pamilya ko. Alam ninyo, kami’y hamak lang na magsasaka. Pangulo, ang mga kapatid kong puti sa Relief Society—tinuruan nila akong bumasa. Tinuruan nila akong sumulat. Ngayo’y tumutulong akong turuan ang mga kapatid kong puti na bumasa at sumulat.” Nilimi ko ang matinding galak niya nang buksan niya ang kanyang Biblia at basahin sa unang pagkakataon ang mga salita ng Panginoon:

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.”2

Noong araw na iyon sa Monroe, Louisiana, tumanggap ako ng patunay ng Espiritu sa marangal na mithiin ng Relief Society na tumulong na maalis ang kamangmangan.

Isinulat ng makata:

Di masusukat ang iyong kayamanan;

Kahi-kahitang alahas, gintong kaban-kaban.

Iyong kayamanan di ako mahihigitan—

Ako ay may Inang ako’y binabasahan.3

Idinagdag ng isa pang makata ang nakaaantig na talatang ito:

Ibang bata’y isipin mo, ano’ng kinabukasan

Isang batang kimi, maamo ang kalooban,

Tulad sa inyo, may pangangailangan,

Isinilang sa inang pagbasa’y di natutuhan.4

Ang mga magulang sa lahat ng dako ay may malasakit sa kanilang mga anak at sa walang hanggang kaligayahan nila. Ipinakita ito sa musikal na, Fiddler on the Roof, isa sa mga musikal na pinakamatagal na ipinalabas sa kasaysayan ng teatro.

Natatawa ang isang tao kapag inoobserbahan niya ang makalumang ama ng isang pamilyang Judio sa Russia na tinangkang umagapay sa pagbabago ng panahon na ipinagpilitan sa kanya ng magaganda niyang anak na tinedyer.

Naglahong lahat ang kahalagahan ng masiglang sayawan, ritmo ng musika, galing ng pag-arte nang ibigay ng matandang si Tevye ang sa tingin ko’y siyang mensahe ng musikal. Tinipon niya ang magaganda niyang anak sa kanyang tabi at, sa kasimplehan ng kanyang maralitang paligid, ay pinayuhan sila habang iniisip ang kanilang kinabukasan. Tandaan ninyo, babala ni Tevye, “sa Anatevka … batid ng lahat kung sino siya at kung ano ang ipinagagawa ng Diyos sa kanya.”5

Batid ninyo, mahal kong mga kapatid, kung sino kayo at kung ano ang inaasahan ng Diyos na kahihinatnan ninyo. Ang inyong hamon ay dalhin ang lahat ng nasa pananagutan ninyo sa kaalaman ng katotohanang ito. Ang Relief Society na ito, ang Simbahan ng Panginoon, ang maaaring maging daan upang makamtan ang mithiing iyon.

“Ang una at pinakamahalagang oportunidad na makapagturo sa Simbahan ay sa tahanan,” pagpuna ni Pangulong David O. McKay.6 “Ang tunay na tahanan ng Mormon ay yaong kapag pumasok ni Cristo, masisiyahan siyang manatili at magpahinga.”7

Ano ang ginagawa natin upang tiyakin na aayon ang ating tahanan sa paglalarawang ito? Hindi sapat na mga magulang lang ang may matibay na patotoo. Hindi habambuhay na makakaasa ang mga bata sa patotoo ng magulang.

Ipinahayag ni Pangulong Heber J. Grant: “Tungkulin nating turuan ang ating mga anak sa kanilang kabataan… . Maaaring alam ko na totoo ang ebanghelyo, at gayon din ang aking maybahay; pero gusto kong sabihin sa inyo na malalaman lang ng ating mga anak na totoo ang ebanghelyo kung pag-aaralan nila ito at magtatamo ng sarili nilang patotoo.”8

Isang pagmamahal sa Tagapagligtas, pagpipitagan sa Kanyang pangalan, at tunay na paggalang sa isa’t isa ang maglalaan ng matabang lupa para mapalago ang patotoo.

Kung sakali man, bihirang maging simpleng proseso ang pagkatuto ng ebanghelyo, pagpapatotoo, at pamumuno sa pamilya. Sa landas ng buhay ay may mga baku-bakong daan, malalakas na alon—maging kaguluhan ng ating panahon.

Ilang taon na nang bisitahin namin ang mga miyembro at misyonero sa Australia, nasaksihan ko ang dakilang halimbawang nagpapakita kung paano mabibiyaan at mapapabanal ng kaban ng patotoo ang isang tahanan. Kami ng mission president na si Horace D. Ensign ay sakay ng eroplano mula Sydney patungong Darwin, kung saan may groundbreaking para sa una nating kapilya sa lungsod na iyon. Sa daan nagpagasolina kami sa isang liblib na minahan na tinawag na Mt. Isa. Pagpasok namin sa maliit na paliparan, lumapit ang isang babae at dalawa niyang batang anak. Sabi niya, “Ako si Judith Louden, miyembro ng Simbahan, at ito ang aking mga anak. Naisip kong baka sakay kayo ng eroplanong ito, kaya pumunta kami para kausapin kayo sa maikling pagtigil ninyo rito.” Ipinaliwanag niya na hindi miyembro ng Simbahan ang kanyang asawa at na sila ng kanyang mga anak lang ang mga miyembro sa pook na iyon. Nagpalitan kami ng mga karanasan at nagpatotoo.

Lumipas ang oras. Nang pasakay na kami sa eroplano, mukhang nalungkot at nalumbay si Sister Louden. Nagsumamo siya, “Hindi pa kayo puwedeng umalis; kaytagal kong hinanap-hanap ang Simbahan.” Biglang ibinalita sa loudspeaker na maaantala ang lipad namin nang 30 minuto dahil nasiraan ang eroplano. Bumulong si Sister Louden, “Sinagot ang dalangin ko.” Pagkaraan ay itinanong niya kung paano iimpluwensyahan ang kanyang asawa para maging interesado sa ebanghelyo. Pinayuhan namin siya na isama ito sa kanilang leksyon sa Primary sa bahay linggu-linggo at maging buhay siyang patotoo ng ebanghelyo rito. Binanggit ko na padadalhan namin siya ng suskrisyon sa Children’s Friend at iba pang tulong para sa pagtuturo niya sa kanyang pamilya. Hinimok namin siyang huwag mawalan ng pag-asa sa kanyang asawa.

Nilisan namin ang Mt. Isa, isang lungsod na hindi ko na nabalikan. Gayunman, lagi kong gugunitain ang magiliw na inang iyon at ang mahal na mga batang iyon na nagpakita ng makabagbag-damdaming mukha at masuyong kaway ng pasasalamat at pamamaalam.

Ilang taon ang lumipas, habang nagsasalita sa isang miting sa pamumuno ng priesthood sa Brisbane, Australia, binigyang-diin ko ang kahalagahan ng pagiging maalam sa ebanghelyo sa tahanan at kahalagahan ng pamumuhay ng ebanghelyo at pagiging halimbawa ng katotohanan. Isinalaysay ko sa mga lalaking nagtipon ang tungkol kay Sister Louden at ang epekto ng kanyang pananampalataya at determinasyon sa akin. Sa huli’y sinabi ko, “Palagay ko’y hindi ko na malalaman pa kung sumapi sa Simbahan ang asawa ni Sister Louden, pero wala na siyang makikitang mas magandang huwaran kaysa kanyang maybahay.”

Nagtaas ng kamay ang isa sa mga lider, pagkatapos ay tumayo at nagpahayag, “Brother Monson, ako si Richard Louden. Ang babaeng tinutukoy mo ay maybahay ko. Ang mga bata [gumaralgal ang kanyang boses] ay mga anak namin. Pamilyang walang hanggan na kami ngayon, salamat sa pagpipilit at pagtitiyaga ng mahal kong asawa. Siya ang dahilan ng lahat.” Walang umimik. Binasag lang ng mga pagsinghot at pagluha ang katahimikan.

Talagang magulo ang ating panahon ngayon. Madalas ay hindi natin alam ang hinaharap; samakatwid, kailangan nating maghanda para sa mga alanganing sitwasyon. Inihayag sa estadistika na darating ang oras na, sa iba’t ibang dahilan, makikita ninyong kayo ang tagatustos. Hinihimok kong ipagpatuloy ninyo ang inyong pag-aaral at matuto ng magagamit na mga kasanayan upang, kung sumapit ang sitwasyong iyon, kayo’y handang maglaan.

Kakaiba ang tungkulin ng babae. Sabi ng kilalang Amerikanong mananaysay, nobelista at mananalaysay na si Washington Irving: “May isang tao sa mundo na mas nasasaktan kapag nasasaktan ang iba; may isang taong mas mababanaagan ng galak kaysa sa mismong taong nagagalak; may isang taong mas natutuwa sa karangalang natamo ng iba kaysa kapag siya ang nagtatamo nito; may isang taong nasisiyahan sa kagalingan ng ibang tao; may taong itinatago ang mga pagkukulang ng ibang tao kaysa sarili niyang pagkukulang; may isang taong lubos na kinalilimutan ang sarili dahil sa kabaitan, pagkagiliw, at katapatan sa iba. Ang taong iyon ay ang babae.”

Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “May isang banal na bagay na itinanim ang Diyos sa babae na ipinahahayag ang sarili sa tahimik na lakas, sa kapinuhan, sa kapayapaan, sa kabutihan, sa kabaitan, sa katotohanan, sa pag-ibig. At lubos na naipahahayag ang lahat ng pambihirang katangiang ito sa pagiging ina.”9

Kailanma’y hindi naging madali ang pagiging ina. Ipinapayo sa atin ng ilan sa pinakalumang mga katha sa mundo na huwag balewalain ang utos ng ating ina, tinuturuan tayo na ang mangmang na anak ay pasan[in] ng kanyang ina at binabalaan tayo na huwag pabayaan ang ating ina pagtanda niya.10

Pinaaalalahanan din tayo sa mga banal na kasulatan na ang natututuhan natin sa ating mga ina ang bumubuo sa ating pangunahing mga pagpapahalaga, tulad ng 2,000 kabataang mandirigma ni Helaman, na “tinuruan ng kanilang mga ina, na kung hindi sila mag-aalinlangan, sila ay ililigtas ng Diyos.”11 At iniligtas nga Niya sila!

Maraming miyembro ng Relief Society ang walang asawa. Kamatayan, diborsyo o kawalan ng oportunidad na mag-asawa, sa maraming pagkakataon, ang nagpangyaring mag-isang mamuhay ang babae. Bukod pa rito, may mga kapapasok pa lang mula sa Young Women. Ang totoo, walang taong kailangang mamuhay mag-isa, dahil kapiling niya ang mapagmahal na Ama sa Langit upang gabayan siya sa buhay at maglaan ng kapayapaan at katiyakan sa tahimik na mga sandali ng kalungkutan at kung saan kailangan ang pagdamay. Mahalaga rin ang katotohanang ang kababaihan ng Relief Society ay nagsusuportahan bilang magkakapatid. Nawa’y naroon kayong lagi upang pangalagaan ang isa’t isa, para alamin ang pangangailangan ng isa’t isa. Nawa’y maging sensitibo kayo sa kalagayan ng bawat isa, batid na nahaharap sa partikular na mga hamon ang ilang kababaihan, ngunit alam na bawat babae ay mahalagang anak ng ating Ama sa Langit.

Sa pagwawakas ko ng aking pananalita, nais kong ibahagi sa inyo ang isang karanasan ilang taon na ang nakararaan na nagpakita ng lakas ninyong mahal na mga kapatid sa Relief Society.

Noong 1980, sa ika-150 anibersaryo ng organisasyon ng Simbahan, bawat miyembro ng general board ng Relief Society ay hinilingang sumulat ng personal na liham sa mga kapatid na babae ng Simbahan sa taong 2030—50 taon mula noon. Ang sumusunod ay isang bahagi ng liham na isinulat ni Sister Helen Lee Goates:

“Ang daigdig ng 1980 ay puno ng kawalang-katiyakan, ngunit determinado akong mamuhay araw-araw sa pananampalataya at hindi matakot, magtiwala sa Panginoon at sundin ang payo ng ating propeta ngayon. Alam ko na ang Diyos ay buhay, at mahal ko Siya nang buo kong kaluluwa. Labis akong nagpapasalamat na ipinanumbalik ang ebanghelyo sa lupa 150 taon na ang nakararaan at matatamasa ko ang mga biyaya ng pagiging miyembro ng dakilang Simbahang ito. Nagpapasalamat ako sa priesthood ng Diyos, dahil nadama ko ang kapangyarihan nito sa buong buhay ko.

“Payapa ako sa aking mundo, at dalangin ko na masuportahan kayo sa inyo sa matibay na mga patotoo at di matinag na paniniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo.”12

Pumanaw si Helen Lee Goates noong Abril ng taong 2000. Di naglaon bago ang nakaambang kamatayan niya sa kanser, kinausap namin ni Sister Monson silang mag-asawa at kanyang pamilya. Mukha namang panatag siya at payapa. Sabi niya handa na siyang mamatay, at inaasam na makitang muli ang kanyang mga magulang at iba pang mahal sa buhay na naunang pumanaw. Sa buhay niya’y naging halimbawa ng dangal ng kababaihang Banal sa mga Huling Araw si Sister Goates. Sa kanyang pagpanaw, kinatawan niya ang inyong tema: “Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot.”13

Iniiwan ko sa inyo, mahal kong mga kapatid, ang aking patotoo na ang Ama sa Langit ay buhay, na si Jesus ang Cristo, at na pinamumunuan tayo ngayon ng isang propeta sa ating panahon—maging si Pangulong Gordon B. Hinckley. Ligtas na paglalakbay sa inyo sa tinatahak ninyong landas ng buhay, ang dalangin ko, sa ngalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. A Woman’s Reach (1974), 21.

  2. Mateo 11:28–30.

  3. Strickland Gillilan, “The Reading Mother,” sa The Best Loved Poems of the American People, pinili ni Hazel Felleman (1936), 376.

  4. Idinagdag ni Elizabeth Ware Pierce noong Abril 1992.

  5. Sa Great Musicals of the American Theatre, 2 tomo, inedit ni Stanley Richards (1973–76), 1:393.

  6. Priesthood Home Teaching Handbook, binagong edisyon (1967), ii.

  7. Gospel Ideals (1953), 169.

  8. Gospel Standards, tinipon ni G. Homer Durham (1941), 155.

  9. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 387.

  10. Tingnan sa Mga Kawikaan 1:8; 10:1; 23:22.

  11. Alma 56:47.

  12. Liham na hawak ng tanggapan ng Relief Society.

  13. D at T 38:30.