2004
Saan Ako Papanig?
Nobyembre 2004


Saan Ako Papanig?

Para makasumpong ng ligaya at galak, anuman ang mangyari, kailangan nating tiyakin na papanig tayo sa Panginoon.

Mahal kong mga kapatid at kaibigan. Ipinaalala sa atin ni Pangulong Hinckley na ang “mga ginintuang taon” ay puno ng mas maraming tingga kaysa ginto! Kaya nga nakaupo ako habang nagsasalita sa inyo ngayon. Nagpapagaling ako mula sa pagkalisya ng buto, na naging sanhi ng pagkaipit ng ugat sa likod ko. Sinabihan ako na lubos pa akong gagaling.

Malaki ang pasasalamat ko sa mga pagpapalang dumating sa mundo sa pamamagitan ng dakilang paglilingkod ng ating yumaong mga Kapatid, sina Elder Neal A. Maxwell at David B. Haight ng Konseho ng Labindalawang Apostol. Malaking kawalan ito sa atin. Binabati namin sina Brother Uchtdorf at Brother Bednar, mga lalaking matatag at sumasampalataya, sa magigiliw na konseho ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Mapagpakumbaba akong nanalangin ngayong umaga na sana’y maunawaan akong mabuti. Sa isang mundong nawawalan ng katarungan, para mabuhay at makasumpong ng ligaya at galak, anuman ang mangyari, kailangan nating tiyakin na papanig tayo sa Panginoon. Kailangan nating sikapin na maging tapat sa bawat oras araw-araw upang hindi matinag ang pundasyon ng tiwala natin sa Panginoon. Ang mensahe ko ay magbibigay ng pag-asa at payo sa mga nagtataka sa tila di-makatarungang pagdapo ng sakit, pagdurusa, kalamidad, at sama ng loob sa buhay na ito. Maaaring magtanong ang iba:

“Bakit ako isinilang na may kapansanan sa katawan at isipan?”

“Ano ang nagawa ko para masaktan nang ganito?”

“Bakit kailangang magdusa nang husto ang tatay ko matapos siyang atakihin? Napakabuti niyang tao at lagi nang tapat sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan.”

“Bakit dalawang beses ako kailangang mawalan ng ina—una sa sakit na Alzheimer at ikalawa sa kamatayan? Para siyang anghel.”

“Bakit hinayaan ng Panginoon na mamatay ang aming sanggol na babae? Napakahalaga niya, at mahal na mahal namin siya.”

“Bakit hindi pa sinasagot ng Panginoon ang aming mga dalangin ayon sa gusto namin?”

“Hindi makatarungan ang buhay. May kilala kaming ilang tao na nakagawa ng ilang bagay na napakasama, subalit parang nasa kanila pa ang anumang gusto o kailangan nila.”

Nagmungkahi ng ilang dahilan si Dr. Arthur Wentworth Hewitt kung bakit nagdurusa ang mabubuti pati na ang masasama: “Una: Hindi ko alam. Pangalawa: Maaaring hindi tayo ganoon kainosente na tulad ng inaakala natin. Ikatlo: … Naniniwala ako na iyo’y dahil higit ang pagmamahal Niya sa atin kaysa sa pagnanais Niyang lumigaya tayo. Paano nagkagayon? Aba, kung ibabatay sa mahigpit na personal na kapakinabangan sa buhay na ito, lahat ng mabubuti ay laging masaya at lahat ng masasama ay napahamak na (sa halip na kadalasa’y kabaligtaran), ito na ang magiging pinakamatalinong pagsumpa sa pagkatao na maaaring isipin.”1

Ibinigay ni Pangulong Kimball ang paliwanag na ito na puno ng aral:

“Kung pasakit at kalungkutan at buong pagpaparusa ang agad na kasunod ng paggawa ng masama, wala nang taong uulitin pa ang pagkakamali. Kung ang galak at kapayapaan at gantimpala ay agad ibibigay sa gagawa ng mabuti, wala nang masama—lahat ay gagawa ng mabuti at hindi dahil tama ang gumawa ng mabuti. Walang pagsubok sa katatagan, walang pag-unlad ng pagkatao, walang paglakas ng kapangyarihan, walang kalayaang pumili… . Mawawalan din ng kagalakan, tagumpay, pagkabuhay na mag-uli, buhay na walang hanggan, at pagiging diyos.”2

Ang pagmamahal natin sa Diyos ay dapat maging dalisay, at walang sakim na hangarin. Ang dalisay na pag-ibig ni Cristo ang dapat na maging motibo sa ating pagmamahal.

Lahat ng paghihirap na ito ngayon ay maaaring tunay na di-makatarungan kung hahantong ang lahat sa kamatayan, pero hindi naman. Ang buhay ay hindi gaya ng dulang may isang yugto. Ito ay may tatlong yugto. Mayroon tayong nakaraang yugto, noong tayo’y nasa buhay bago tayo isinilang; at ngayo’y nasa kasalukuyang yugto tayo, ang mortalidad; at magkakaroon tayo ng yugto sa hinaharap, pagbalik natin sa Diyos.3 Gaya ng pangako ni Jesus, “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan.”4 Tayo’y ipinadala sa mortalidad upang subukan. Ayon sa paliwanag ng Panginoon kay Abraham, “At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.”5

Ayon kay Pablo, ang nakaraan at kasalukuyang mga paghihirap natin ay hindi maaaring “maitumbas sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin”6 sa kawalang-hanggan. “Sapagkat pagkatapos ng maraming kapighatian darating ang mga pagpapala. Dahil dito darating ang araw na kayo ay puputungan ng maraming kaluwalhatian.”7 Kaya ang paghihirap ay kapaki-pakinabang dahil nakakatulong ito sa pagpasok sa kahariang selestiyal.

Ang ilang tao, dahil kulang sila sa pananampalataya o pag-unawa sa walang hanggang plano, ay naghihinanakit at nawawalan ng pag-asa. May isang manunulat na ganoon noong ika-19 na siglo na nagkamit kapwa ng tagumpay at kayamanan dahil sa kanyang pagpapatawa at estilo sa pagsulat. Relihiyoso ang pamilyang pinagmulan ng kanyang maybahay, at gusto niyang manampalataya sa Diyos pero hindi niya tiyak kung talaga ngang mayroong Diyos. Pagkatapos dumanas siya ng sunud-sunod na matitinding pagsubok. Noong 1893 nabaon siya sa utang dahil sa krisis sa ekonomiya ng bansa. Namatay ang panganay niyang anak na babae habang nasa ibang lugar siya para magtalumpati. Nagkasakit ang kanyang maybahay, at namatay noong 1904. Ang bunso niyang anak na babae naman ay namatay noong 1909. Humina ang sarili niyang kalusugan. Ang kanyang pagsulat, na dati ay punung-puno ng sigla, ay nabanaagan na ngayon ng kanyang kapaitan. Lalo siyang naging malungkot, mapaghinala, at nagugulumihanan at nanatili siyang gayon hanggang sa mamatay siya noong 1910. Sa kabila ng kanyang talino, kulang siya sa lakas ng loob na paglabanan ang kapighatian at isinuko na lang ang sarili sa kanyang mga kasawian.

Hindi mahalaga kung ano ang nangyayari sa atin kundi kung paano natin ito haharapin. Ipinaaalala nito sa akin ang isang talata mula kay Alma. Pagkatapos ng matagal na digmaan “marami ang naging matigas,” habang “marami ang napalambot dahil sa kanilang paghihirap.”8 Gayundin ang mga pangyayaring naghatid ng magkaibang tugon. Ang manunulat na malaki ang naging kawalan ay walang pananampalatayang susuporta sa kanya. Bawat isa sa atin ay dapat magkaroon ng sariling imbakan ng pananampalataya na tutulong sa ating paglabanan ang mga problemang bahagi ng pagsubok sa buhay na ito.

Si Thomas Giles, isang Welsh na naging miyembro ng Simbahan noong 1844, ay nagdusa rin nang husto sa buong buhay niya. Minero siya, at habang nagbubungkal ng karbon sa minahan, isang malaking piraso ng karbon ang tumama sa ulo niya at siyam na pulgada ang haba ng naging sugat nito. Sabi ng doktor na sumuri sa kanya, hindi na siya tatagal nang mahigit 24 oras. Pero dumating ang mga elder at binasbasan Siya. Pinangakuan siyang gagaling, at “kahit na mabulag siya, mabubuhay siya upang gumawa ng maraming kabutihan sa Simbahan.” Tunay ngang nabuhay si Brother Giles pero habambuhay na siyang bulag. Isang buwan matapos ang aksidente “naglakbay siya sa buong bansa at ginampanan ang mga tungkulin niya sa Simbahan.”

Noong 1856 si Brother Giles at ang kanyang pamilya ay dumayo sa Utah, ngunit bago nilisan ang kanyang lupang sinilangan, hinandugan siya ng mga Banal na Welsh ng alpa, na natutuhan niyang tugtugin nang buong husay. Sa Council Bluffs sumama siya sa grupong nakakariton (handcart company) at nagpunta sa kanluran. “Bagama’t bulag humila siya ng kariton mula Council Bluffs hanggang Salt Lake City.” Habang patawid ng kapatagan namatay ang kanyang asawa’t dalawang anak. “Napakatindi ng kanyang kalungkutan at halos madurog ang kanyang puso, ngunit hindi nadaig ang kanyang pananampalataya. Sa gitna ng kanyang pagdadalamhati sinabi niya gaya ng sinabi noong una, ‘Ang Panginoon ang nagbigay, at ang Panginoon ang nagalis; purihin ang pangalan ng Panginoon.’ ”9 Pagdating ni Brother Giles sa Salt Lake, pinahiram siya ni Pangulong Brigham Young, na nakabalita tungkol sa kanya, ng isang mamahaling alpa hanggang sa dumating ang sarili niyang alpa mula sa Wales. Si Brother Giles “ay nagpalipat-lipat ng tirahan sa Utah, … na pinasasaya ang puso ng mga tao sa matamis niyang musika.”10

Ipinaliliwanag ng paggamit natin ng kaloob ng Diyos na moral na pagpili kung bakit nangyayari ang ilang bagay sa ating buhay. Ilan sa mga pagpili natin ay hindi natin alam ang ibubunga, na maaaring mabuti o masama. Subalit kadalasan, maaga pa’y alam na natin na ilan sa mga pagpili natin ay masama o kapahamakan ang idudulot. Ang tawag ko rito’y “mga pagpiling alam na ang kahihinatnan” dahil alam nating makapipinsala ang resulta ng ating mga ginawa. Kasama sa mga pagpiling ito ang mga bawal na pakikipagrelasyon at paggamit ng mga droga, alak, o sigarilyo. Ang gayon kasamang mga pagpili ay hahadlang sa tao na magmisyon o tumanggap ng mga pagpapala ng templo. Maaari tayong makagawa ng mga maling desisyon kahit alam na natin ang kahihinatnan dahil binabaluktot ng mga tukso ng mundo ang katotohanan at pinahihina tayo. Sa pagdedeyt ng lalaki at babae, ang maagang pagpili sa mali ay hahadlang sa pagpili ng tama sa huli.

Kaya saan dapat pumanig ang bawat isa sa atin? Sa pagpapakita ng katapatan natin sa Diyos sa araw-araw nating paggawa ng kabutihan, malalaman Niya kung saan tayo nakapanig. Para sa ating lahat ang buhay na ito ay panahon ng pagdadalisay at pagsubok. Lahat tayo’y may pagsubok. Bawat miyembro noong mga unang araw ng Simbahan ay sinubukan at pinadalisay noong kailanganin nilang ipakita na may pananampalataya sila, gaya ni Brother Giles, na ilagay ang kanilang mga ari-arian sa bagon o sa kariton ng pioneer at lakbayin ang kapatagan ng Amerika. Ang ilan ay walang pananampalataya. Yaong mayroon ay naglakbay “nang may pananampalataya sa bawat hakbang.” Sa ating panahon ay dumaraan tayo sa mas mahirap na pagdadalisay at pagsubok. Mas mahirap ang mga pagsubok ngayon dahil gumuguho na ang linyang nakapagitan sa mabuti at masama. Kakaunti na ang sagrado sa anumang hayagang komunikasyon natin. Sa kapaligirang ito kailangan nating tiyakin kung saan tayo nakapanig sa lahat ng oras sa ating pangako sa mga walang hanggang katotohanan at tipan.

Marami tayong natutuhan sa kung paano haharapin ang pagdurusa mula sa “isang lalaki sa lupain ng Uz, na ang pangalan ay Job; at ang lalaking yaon ay sakdal at matuwid, at natatakot sa Dios, at humihiwalay sa kasamaan.”11 Humingi ng pahintulot si Satanas mula sa Panginoon para tuksuhin at subukin niya si Job. Mayaman si Job at may pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae, pero nawala lahat ang kanyang ari-arian at mga anak. Ano ang naging epekto nito kay Job? Sabi niya, hinggil sa Panginoon, “Bagaman ako’y patayin niya, akin ding hihintayin siya,”12 at, “Ito man ay magiging aking kaligtasan.”13 Pinatotohanan ni Job, “Ngunit talastas ko na manunubos sa akin ay buhay, at siya’y tatayo sa lupa sa kahulihulihan; at pagkatapos na magibang ganito ang aking balat, gayon ma’y makikita ko ang Dios sa aking laman.”14 Lubos na nagtiwala si Job na Panginoon na ang bahala sa lahat ng iba pa niyang alalahanin.

Ang paraan upang makasumpong ng galak sa buhay na ito ay ang magpasiya, gaya ni Job, na pagtiisan ang lahat para sa Diyos at sa Kanyang Gawain. Sa paggawa nito tatanggapin natin ang walang katapusan at walang katumbas na kagalakang makapiling ang ating Tagapagligtas sa kawalang-hanggan. Gaya ng isang bantog na himnong inaawit natin:

Ang kaluluwang kay Jesus nagtiwala,

Kahit kailanman ay ‘di ko itatatwa.

Pilitin mang s’ya’y yanigin ng kadiliman,

‘Di magagawang talikuran kailanman!15

Sinabi minsan ni Pangulong Howard W. Hunter, “Alam ng Diyos ang hindi natin alam at nakikita ang hindi natin nakikita.”16 Walang sinuman sa atin ang nakaaalam sa karunungan ng Panginoon. Hindi natin kaagad nalalaman kung paano Niya tayo dadalhin sa dapat nating kalagyan mula sa ating kinaroroonan, ngunit alok Niya sa ati’y malawak na patnubay sa ating mga basbas ng patriarch. Dumaranas tayo ng maraming hadlang, paghihirap, at pagkalito sa paghahangad natin ng buhay na walang hanggan. Napakaraming pagtuturo at pagtutuwid sa pagtahak natin sa landas ng buhay. Wika ng Panginoon, “Siya na hindi makapagbabata ng pagpaparusa ay hindi karapat-dapat sa aking kaharian.”17 “Sapagkat pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig.”18

Habang nabubuhay tayo dito sa lupa dapat tayong lumakad nang may pananampalataya, nang walang pag-aalinlangan. Kapag tila mahirap kayanin ang paglalakbay, maaaliw tayo sa mga salita ng Panginoon: “Aking narinig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha: narito, aking pagagalingin ka.”19 Ang ilang pagpapagaling ay maaaring maganap sa kabilang buhay. Maaaring hinding-hindi natin malaman kung bakit nangyayari ang ilang bagay sa buhay na ito. Tanging Panginoon lang ang nakaaalam sa dahilan ng ilan sa ating mga paghihirap.

Malalim ang ibinigay na pagkaunawa ni Pangulong Brigham Young na kahit paano’y may layunin ang ilan sa ating mga paghihirap nang sabihin niyang:

“Lahat ng matatalinong nilalang na napuputungan ng mga kaluwalhatian, kawalang-kamatayan, at buhay na walang hanggan ay kailangang dumaan sa bawat pagsubok na itinalagang pagdaanan ng matatalinong nilalang, upang matamo ang kanilang kaluwalhatian at kadakilaan. Bawat kalamidad na maaaring dumating sa mga mortal na nilalang ay hahayaang dumating sa ilan, upang ihanda sila na magalak sa harapan ng Panginoon… . Bawat pagsubok at karanasang pinagdaanan ninyo ay kailangan para sa inyong kaligtasan.20

Maraming dahilan para tayo umasa. Maaaring mapasaatin ang kagalakan kung handa nating isakripisyo ang lahat para sa Panginoon. Sa gayo’y makakaasa tayo sa walang katumbas na posibilidad na mapaglabanan ang lahat ng hamon sa buhay na ito. Sa gayo’y makakapiling natin ang Tagapagligtas magpakailanman at, tulad din ng sabi ni Pangulong Brigham Young, “asamin na matamasa ang kaluwalhatian, karingalan at kadakilaang inihanda ng Diyos para sa matatapat.”21

Ang Diyos ay buhay, si Jesus ang Cristo, si Pangulong Gordon B. Hinckley ang ating propeta, at ngayon ang panahon para tayo maghanda sa pagharap sa Diyos. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Hango sa isang liham.

  2. The Teachings of Spencer W. Kimball, inedit ni Edward L. Kimball (1982), 77.

  3. Tingnan sa Eclesiastes 12:7.

  4. Juan 14:2.

  5. Abraham 3:25.

  6. Mga Taga Roma 8:18.

  7. D at T 58:4.

  8. Alma 62:41.

  9. Tingnan sa Job 1:21.

  10. Tingnan sa Latter-day Saint Biographical Encyclopedia, ni Andrew Jenson, 4 na tomo (1901–36), 2:507–8.

  11. Job 1:1.

  12. Job 13:15.

  13. Job 13:16.

  14. Job 19:25–26.

  15. “Saligang Kaytibay,” Mga Himno, blg. 47.

  16. Sa Conference Report, Okt. 1987, 71; o Ensign, Nob. 1987, 60.

  17. D at T 136:31.

  18. Sa Mga Hebreo 12:6.

  19. II Mga Hari 20:5.

  20. Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe (1954), 345.

  21. “Remarks,” Deseret News, 31 Mayo 1871, 197.