Liahona
Pag-aayuno: Isang Tiyak na Paraan para Mapalakas ang Inyong Pananampalataya sa Panginoon
Hulyo 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Pag-aayuno: Isang Tiyak na Paraan para Mapalakas ang Inyong Pananampalataya sa Panginoon

Huwag kalimutan ang mabisang alituntuning ito ng ebanghelyo.

mga young adult na magkakatabing nakaupo at nag-aaral

Naisip na ba ninyo kung mapagkakatiwalaan talaga ninyo ang Ama sa Langit at si Jesucristo?

Nadama ko na ito noon, lalo na nang maging miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Sumapi ako sa Simbahan noong 17 anyos ako, at ako ang bunso at tanging miyembro ng Simbahan sa aking pamilya. Naniwala ako na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo—naipagdasal ko na ito at napakasaya ko. Nais kong ipamuhay ang ebanghelyo, pero kasabay nito, nalungkot ako nang husto. Naging malupit ang pagtrato sa akin ng mga kaibigan ko at ng ilang miyembro ng aking pamilya sa pagsapi ko sa Simbahan. Pakiramdam ko kailangan kong pumili noon sa pagitan ng relasyon ko sa mga mahal ko sa buhay at ng relasyon ko sa Panginoon. Pakiramdam ko ay imposibleng makumbinsi ko sila na tama ang landas na tinatahak ko.

Pag-alala sa Kapangyarihan ng Pag-aayuno

Isang araw, may naalala akong isang bagay na naituro sa akin ng mga missionary noong pinag-aaralan ko ang ebanghelyo: ang batas ng pag-aayuno.

Inanyayahan nila akong magdasal at mag-ayuno para hilingin sa Ama sa Langit na palambutin ang puso ng aking mga magulang upang payagan nila akong mabinyagan. Sinunod ko ang kanilang payo at nakadama ako ng labis na kapayapaan at katiyakan sa kabila ng aking sitwasyon. Nilagdaan ng tatay ko ang dokumento ng pahintulot, kaya nabinyagan ako, bagama’t tutol pa rin ang nanay ko.

Nang pagnilayan ko ang kasalukuyang kawalan ng suporta ng aking pamilya, naalala ko ang himala ng kapayapaang nadama ko bago ako nabinyagan. Naalala ko na lahat ng bagay ay posible sa Ama sa Langit (tingnan sa Mateo 19:26) at na kapag bumaling ako sa Kanya nang may pananampalataya sa pamamagitan ng pag-aayuno at pagdarasal, kaya Niyang gawing posible ang tila imposibleng mga bagay sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Cristo.

Tulad ng matututuhan natin sa Helaman 3:35, “Gayon pa man, sila ay madalas na nag-ayuno at nanalangin, at tumibay nang tumibay sa kanilang pagpapakumbaba, at tumatag nang tumatag sa kanilang pananampalataya kay Cristo, hanggang sa mapuspos ang kanilang mga kaluluwa ng kagalakan at kasiyahan.”

Ginusto kong palalimin ang tiwala ko sa Ama sa Langit, puspusin ng kagalakan ang puso ko, at gawin ang kaya ko para mapalambot ang puso ng mga taong hindi sumusuporta sa akin. Kaya patuloy kong ipinag-ayuno at ipinagdasal na maibsan ang kalungkutang nararanasan ko noon.

Pag-anyaya sa mga Himala

Walang nagbago kaagad. Sinabihan ako na ako ang sanhi ng mga hamon sa aming pamilya dahil sa aking pagiging miyembro ng Simbahan. Pakiramdam ko ay nag-iisa talaga ako. Pero nagtiwala ako na nakikinig ang Ama sa Langit sa aking mga dalangin at na maghahatid ng mga pagpapala ang aking pag-aayuno. Kalaunan, nakita ko ang isang himala—unti-unting lumambot ang puso ng aking mga magulang sa ebanghelyo.

Nadama ko rin na lumakas ang aking pananampalataya sa Ama sa Langit at sa aking Tagapagligtas. Ang mas malakas na pananampalataya ko ay nakatulong sa akin na malaman kung paano tumugon sa iba kapag hindi sila mabait at kung paano palalimin ang relasyon ko sa aking mga mahal sa buhay at sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Matapos ang maraming pag-aayuno at pagdarasal, natanggap ko ang sagot na magmisyon. Mahimalang nabinyagan ang aking mga magulang bago ako umalis para maglingkod, at nabuklod din ako sa kanila sa Manila Philippines Temple ilang buwan bago ko natapos ang aking misyon.

Ang pag-aayuno ay patuloy na naghahatid ng mga himala sa buhay ko tuwing Linggo ng ayuno. Pero nag-aayuno rin ako kapag walang katiyakan ang buhay at lalo na kapag mas kinakailangan ko ang kapayapaan ni Cristo.

Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kaya, sa panahong ito ng matinding pagkabalisa … ang pinaka-natural na dapat nating gawin ay manawagan sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak—ang Dalubhasang Manggagamot—na ipakita ang Kanilang kagila-gilalas na kapangyarihan upang pagpalain ang mga tao sa mundo.”

Tapat kong mapatototohanan na ang pag-aayuno ay isang kamangha-manghang paraan ng pagtawag sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Patuloy na binabago ng pag-aayuno ang aking buhay at pananampalataya. Sana’y makita rin ninyo ang mga himalang maaaring ihatid ng sakripisyong ito sa inyong buhay.