Liahona
Ang Garment ng Banal na Priesthood
Setyembre 2024


“Ang Garment ng Banal na Priesthood,” Liahona, Set. 2024.

Ang Garment ng Banal na Priesthood

Bilang bahagi ng endowment sa templo, nabigyan tayo ng sagradong pisikal na paalala ng ating mga tipan —isang simbolo ng Tagapagligtas mismo.

sina Eva at Adan na magkasamang naglalakad

Detalye mula sa Eva at Adan, ni Douglas M. Fryer

Anumang paghahanda ang walang-alinlangang ibinigay sa kanila at mga pagtiyak na sinikap nilang alalahanin, malamang na lubhang nabigla sina Eva at Adan na lisanin ang kanilang mala-paraisong Halamanan ng Eden at pumasok sa isang makasalanang mundo.

Sa taimtim nilang kamalayan, natanto nila kung ano ang kahulugan ng ipagpalit ang kanilang tahimik at masayang buhay sa isang mundong may oposisyon at pagpapawis, mga tinik at kalungkutan—na sinundan kalaunan ng tinatawag na kamatayan. Hindi posibleng alam nila sa simula pa lamang ang ibig sabihin ng lahat ng ito, pero hindi nagtagal ay nalaman nila na bawat araw ay maaaring maghatid ng bagong pasakit. Tunay ngang ang pinakamasakit sa lahat ay ang pagkatanto na haharapin nila ang lahat ng ito na nakahiwalay sa kanilang Ama sa Langit—“pinagsarhan mula sa kanyang harapan,” na itatala ni Moises kalaunan.

Dahil sa paghihiwalay at kalungkutang ito sa isang malamig at mapanglaw na mundo, malamang na lubhang nakaaliw kina Eva at Adan na alalahanin ang isang bagay: na may mga pangakong nagawa—isang bagay na sagrado at walang hanggan na tinatawag na mga tipan. Nangako sila na susundin nila ang Ama sa lahat ng araw ng kanilang buhay, at nangako Siya na maglalaan ng isang Tagapagligtas, na papawi sa kanilang pasakit at kalungkutan, magbabayad-sala para sa kanilang mga pagkakamali, at ligtas silang ibabalik sa Kanyang piling.

Pero paano maaalala ng mga mortal na ito ang naipangako nila? Paano sila mananatiling mulat sa kanilang mapanganib na sitwasyon—mulat sa lahat ng oras, gabi’t araw?!

Isang Paalaala ng Kanilang mga Tipan

Para sa gayong paalala binigyan Niya sila ng “mga kasuotang balat.” Napakagandang regalo nito at lubhang napapanahon. Matapos kainin ang ipinagbabawal na bunga, halos agad nalaman nina Eva at Adan na sila ay hubad. Una, sinubukan nilang takpan ng mga dahon ng igos ang kanilang kahubaran. Pagkatapos, sa takot na baka kulang pa, sinikap nilang pagtaguan ang Panginoon. (Ang gayong kahangalan ay katibayan na nagiging mortal na sila!) Mula sa sandaling iyon hanggang ngayon, inanyayahan na ng mapagmahal na Ama ang Kanyang mga anak na lumapit, mula sa pagkatago, sa Kanya. At tulad ng mga kasuotang balat noon at ng iba’t ibang mga damit mula noon, sa Kanyang awa ay hindi Niya tayo iniwang hubad kundi binihisan ang masunurin ng “bata ng kabutihan,” isang paalala ng ating mga pangako at tipan. Ang “mga damit ng kaligtasan” na ito ay simbolo ng pinakadakilang kaloob sa lahat, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ang Garment ay Simbolo ng Tagapagligtas

Lahat ng pag-iisip na ito tungkol kina Eva at Adan at sa mga tipan at pananamit, siyempre pa, ay hindi lamang isang ehersisyo ng isipan. Hindi mahirap isipin kung ano ang nadama nina Eva at Adan, dahil tayo man ay nahaharap sa mga problema sa makasalanang mundong ito. Tayo man ay nahiwalay sa piling ng Diyos, at lalo pa nating inilalayo ang ating sarili tuwing nagkakasala tayo. Tulad nina Eva at Adan, naibigay sa atin ang Tagapagligtas na iyon, si Jesucristo ng Nazaret, ang Alpha at Omega, ang Anak ng Diyos na buhay. Tulad nina Eva at Adan, nakipagtipan tayo sa Diyos. At, bilang bahagi ng endowment sa templo, nabigyan tayo ng sagradong pisikal na paalala ng mga tipang iyon—isang simbolo ng Tagapagligtas mismo. Sa ating dispensasyon tinatawag itong garment ng banal na priesthood.

Isinusuot natin ang garment na ito sa ilalim ng ating damit-panlabas. Anuman ang mga responsibilidad ko, anuman ang mga papel na ginagampanan ko sa buhay, anuman ang hinihingi ng mga tungkulin sa pang-araw-araw na pamumuhay, nasa ilalim ng lahat ng ito ang aking mga tipan—lagi at magpakailanman. Nasa ilalim ng lahat ng ito ang mga sagradong pangakong iyon na lubos kong kinakapitan. Ang garment ay hindi ipinagmamalaki o ipinapasikat sa mundo, at maging ang aking mga tipan. Pero pareho ko itong pinananatiling malapit sa akin—hangga’t kaya ko. Masyadong personal at lubos na sagrado ang mga ito.

Sa pag-alaala sa mga tipang iyon, sa mga palitang-pangakong iyon, isinusuot natin ang garment habambuhay. Ang gawing ito ay nagpapakita ng hangarin natin na palaging maging impluwensya ang Tagapagligtas sa ating buhay. Ang iba pang mga minamahal na simbolo ay manaka-nakang dumarating. Binibinyagan tayo nang minsan sa ating buhay. Tumatanggap tayo ng sakramento nang minsan sa isang linggo. Dumadalo tayo sa templo kapag ipinahihintulot ng sitwasyon. Pero iba ang garment ng banal na priesthood: iginagalang natin ang simbolong ito araw-araw at gabi-gabi.

At ganyan ang mga tipan—hindi isinasantabi dahil hindi maginhawa o dahil sa kawalang-ingat at hindi binabago para umakma sa mga estilo at uso sa lipunan. Sa buhay ng isang disipulo ni Jesucristo, ang mga paraan ng mundo ay kailangang baguhin para umayon sa ating mga tipan, hindi ang kabaligtaran ang dapat mangyari.

Kapag isinuot natin ang garment, isinusuot natin, tulad ng itinuro ng Unang Panguluhan, ang isang sagradong simbolo ni Jesucristo. Dahil diyan, bakit pa tayo maghahanap ng dahilan para hubarin ang simbolong iyon Bakit natin ipagkakait sa ating sarili ang pangakong kapangyarihan, proteksyon, at awa na kinakatawan ng garment? Bagkus, tuwing kailangan talaga natin na pansamantalang hubarin ang garment, dapat tayong maging sabik na isuot itong muli, sa lalong madaling panahon, dahil naaalala natin kapwa ang mga pangako at ang mga panganib na nagbibigay ng kabuluhan sa ating mga tipan. Higit sa lahat, naaalala natin ang krus at libingang walang-laman ni Cristo.

Maaaring sabihin ng ilan, “May iba akong mga paraan para alalahanin si Jesus.” At ang sagot ko ay, mabuti iyan. Mas marami, mas mabuti. Mag isip tayong lahat ng maraming paraan hangga’t kaya natin para matupad ang ating pangako na “lagi siyang alalahanin.” Pero sa paggawa nito, hindi makabubuti na sadyang pabayaan ang paalalang ibinigay mismo ng Panginoon sa taong tumanggap na ng endowment, ang garment ng banal na priesthood.

Si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo ang lahat sa akin. Lahat ng aking walang hanggang pag-asa at mithiin, lahat ng mahal ko, ay nakasalalay sa Kanya. Siya ang “bato ng aking kaligtasan,” ang daan patungo sa aking Ama sa Langit, ang tangi kong daan pabalik sa dati kong taglay at ngayo’y nais kong taglaying muli, pati na ang napakarami pang iba. Ang Kanyang kaloob sa atin ang pinakamalaking kaloob na natanggap ko, ang pinakamalaking kaloob na naibigay—na binayaran ng walang hanggang pagdurusa, para sa di-mabilang na mga tao, na ipinagkaloob nang may walang hanggang pagmamahal. Ang mga tinik at dawag, ang pasakit at pighati, ang kalungkutan at kasalanan ng makasalanang mundong ito ay pawang “nalulon kay Cristo.”

Kaya suot ko ang garment ng banal na priesthood—araw-araw at gabi-gabi ayon sa nararapat mula nang matanggap ko ang endowment ko 64 na taon na ang nakararaan, sa edad na 19—dahil mahal ko Siya at dahil kailangan ko ang mga pangakong kinakatawan nito.

May mga Tanong Tungkol sa Pagsusuot ng Garment?

Maaaring binabasa ng ilan sa inyo ang artikulong ito na umaasa na sasagutin ko ang isang partikular na tanong tungkol sa garment. Maaaring umaasa kayo sa “Ganito ang sabi ng Panginoon”—o kaya ay sa “Ganito ang sabi ng Kanyang mga lingkod”—tungkol sa isang bagay na malapit sa inyong puso. Ang inyong tanong ay maaaring nagmumula sa isang personal na sitwasyon na may kaugnayan sa trabaho, ehersisyo, kalinisan, klima, kahinhinan, mga pasilidad na pangkalinisan, o maging sa isang karamdaman.

Ang ilang sagot sa ganitong klaseng mga tanong ay matatagpuan sa temples.ChurchofJesusChrist.org at sa bahagi 38.5 ng Pangkalahatang Hanbuk. Maaaring kumonsulta sa mga pinagkakatiwalaang kapamilya at lider tungkol sa isang personal na bagay. Gayunman, may napakalinaw na tagubiling ibinigay sa mga panimulang ordenansa, at nariyan magpakailanman at walang hanggan ang inyong Ama sa Langit, na kilala at mahal kayo at nauunawaan ang lahat tungkol sa inyong sitwasyon. Matutuwa Siya kung personal ninyong itatanong sa Kanya ang mga bagay na ito.

spire ng St. George Utah Temple

Larawang kuha ng spire ng St. George Utah Temple

Huwag sana kayong magkamali sa pag-unawa. Kapag humingi kayo ng banal na patnubay, hindi kayo pupukawin ng Espiritu na gumawa ng mas kaunti maliban sa sundin ang tagubiling natanggap sa templo at ang payo ng propeta na ibinahagi ng Unang Panguluhan sa kanilang pahayag kamakailan. Kayo ay hindi tutulungan ng isang mapagmahal na Ama na pangatwiranan ang paggawa ng mas kaunti kaysa sa kaya ninyong gawin para umayon sa Kanyang mga pamantayan ng katapatan at kahinhinan na magpapala sa inyo ngayon at magpakailanman. Ngunit nauunawaan ba Niya ang inyong mga tanong, at tutulungan ba Niya kayong matanggap ang mga pagpapala ng paggalang sa garment at pagtupad sa inyong mga tipan? Oo! Dapat din ba kayong kumonsulta sa may-kakayahang mga propesyonal sa medisina at kalusugan kapag kailangan? Siyempre! Dapat ba ninyong balewalain ang sentido-komun o dapat ba kayong tumingin nang lampas sa tanda? Sana naman ay hindi.

Hindi ko kayang sagutin ang lahat ng tanong ninyo. Ni hindi ko nga kayang sagutin ang lahat ng tanong ko. Pero kaya ko, bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, na ipangako sa inyo ang tulong ng isang mapagmahal na Diyos, na naghahangad ng inyong tagumpay at pagpapala sa bawat pagkakataon, sa mga paraang hindi ninyo maunawaan o makikinita ngayon, kapag tinupad ninyo ang mga tipang nagawa ninyo sa Kanya.

Mga Tala

  1. Moises 5:4.

  2. Moises 4:27.

  3. Tingnan sa Moises 4:13–14.

  4. Tingnan sa Isaias 61:10; 2 Nephi 9:14; tingnan din sa Apocalipsis 19:8; 2 Nephi 4:33; Mormon 9:5; Doktrina at mga Tipan 109:76.

  5. Malinaw na ang garment na isinusuot natin ngayon ay hindi katulad ng mga kasuotang balat na ibinigay kina Eva at Adan. Binago na ang garment sa iba’t ibang paraan sa paglipas ng mga taon, pati na ang materyal at disenyo. Pero ang mga bagay na tunay na mahalaga—ang likas na kasagraduhan ng garment, ang mga tipan na kinakatawan nito—ay hindi nagbabago.

  6. May matututuhan sa buong pangalan ng garment, tulad ng buong pangalan ng Simbahan. Ang priesthood ay ang kapangyarihan ng Diyos, at ang pagsusuot ng garment ay isang paalala ng makadiyos na kapangyarihang magagamit natin kapag tayo ay gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos.

  7. Moroni 4:3; 5:2.

  8. 2 Nephi 4:30.

  9. Mosias 16:8; tingnan din sa Alma 31:38.