“Ang Aklat ni Mormon ay Naghatid sa Akin ng Kapayapaan,” Liahona, Set. 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Aklat ni Mormon ay Naghatid sa Akin ng Kapayapaan
Naunawaan ko na kanais-nais ang Aklat ni Mormon upang baguhin ang aking buhay at mas ilapit ako kay Jesucristo.
Sa katapusan ng 2013, dalawang binatang nakasuot ng puting polo at kurbata ang nagsimulang bumisita sa kapatid kong babae nang dalawang beses sa isang linggo. Alam ko kaagad na mula sila sa isang simbahan. Para sa akin, ang pagiging bahagi ng isang simbahan ay wala sa aking mga plano, kaya nagpasiya akong huwag silang kausapin.
Sa tuwing bumibisita sila, tiniyak ko na wala ako sa bahay pagdating nila. Gayunman, may isang bagay na nakaagaw ng aking pansin. Lagi silang may dalang asul na aklat. Hindi ko pa iyon nakita noon, at tila kakatwa ito sa akin.
Isang araw sa sala, nagsimulang magkuwento sa akin ang kapatid ko tungkol sa aklat. Biglang dumating ang dalawang binata. Sa kasamaang-palad, hindi ako nakapagtago sa kanila. Nakita nila kami na hawak ang asul na aklat—ang Aklat ni Mormon—at nagsimula silang magtanong kung ano ang alam ko tungkol kay Jesucristo.
Habang nakikinig ako sa mga missionary mula noong araw na iyon, napahanga ako kung paano nila iniugnay ang kanilang mga turo sa Aklat ni Mormon. Dahil dito, ang asul na aklat ay hindi na gaanong kakatwa sa akin.
Nagkaroon pa rin ako ng matinding pagdududa tungkol dito, pero sinimulan kong basahin ito. Naunawaan ko na ang Aklat ni Mormon ay hindi kapalit ng Biblia kundi kanais-nais upang baguhin ang aking buhay at mas ilapit ako kay Jesucristo. Nalaman ko na ang Aklat ni Mormon ay nakasentro sa Tagapagligtas. Ang mga turo nito ay nakatulong sa akin na malaman kung sino Siya at kung sino ang Ama sa Langit.
Hindi nagtagal ay tinulungan ako ng Aklat ni Mormon na maging mas mabuting tao, isang tunay na disipulo ni Jesucristo. Tinulungan din ako nitong pagbutihin ang aking pag-uugali habang nahaharap ako sa mga hamon sa araw-araw. Mula sa aking karanasan sa pag-aaral nito, alam ko na tinutulungan nito ang mga tao na lumapit kay Cristo at ipamuhay ang ebanghelyo (tingnan sa Moroni 10:32). Hinihikayat tayo nitong sundin ang mga turo ni Cristo at gamitin ang mga ito sa ating pang-araw-araw na buhay. Binibigyan tayo nito ng kaalaman na tayo ay mga anak ng Diyos. Naghahatid ito ng kapayapaan.
Pagkaraan ng ilang linggo ng pakikipag-usap sa mga missionary at pagbabasa ng Aklat ni Mormon, nabinyagan ako. Pinatototohanan ko nang buong puso na ang Aklat ni Mormon ay totoo at ang pagbabasa nito ay naghahatid ng pag-asa at liwanag sa pinakamahihirap na sandali, na tumutulong sa atin na madama ang pagmamahal at proteksyon ng Panginoon. Nagpapasalamat ako na may Aklat ni Mormon sa aking buhay.