“Inaakay Tayo ng Propeta Papunta kay Jesucristo,” Liahona, Set. 2024.
Inaakay Tayo ng Propeta Papunta kay Jesucristo
Alam ng propeta ang daan dahil kilala niya si Jesucristo, na “ang daan, … ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6).
Isang araw, nananghalian ako sa cafeteria sa Church Administration Building kasama ang tatlo sa aking mga kasamahan sa Pitumpu. Habang kumakain kami, si Pangulong Russell M. Nelson ay pumunta sa aming mesa dala ang kanyang mangkok ng sabaw at nagsabing, “Puwede ba akong sumabay sa inyo?”
“Siyempre po, President!,” sagot naming lahat. Sino ba ang ayaw mananghalian na kasama ang propeta?
Habang kumakain kami, si Pangulong Nelson ay nagbahagi ng ilang karanasan niya sa maraming bansang binisita niya at nagkuwento tungkol sa mga taong nagbigay-inspirasyon sa kanya. Siya ay talagang mabait, matalino, at bukas-palad.
Nang matapos kaming mananghalian, bumaling ako kay Pangulong Nelson at nagsabing, “President, hindi ko po alam kung mauupo ulit ako sa iisang mesa kasama ninyo sa hinaharap. Pero ngayong gabi, makikita ko ang aking asawa at mga anak at sasabihin ko sa kanila na nananghalian ako kasama ang propeta. Alam ko na itatanong nila sa akin, ‘Ano po ang sinabi niya sa inyo na sabihin sa amin?’ President, ano po ang gusto ninyong sabihin ko sa aking asawa at mga anak?”
Tiningnan ako ni Pangulong Nelson nang saglit. Talagang nasabik akong marinig kung ano ang sasabihin niya! “Mayroon lamang akong apat na salita para sa iyo,” sabi niya. “Sabihin mo sa iyong pamilya na sinabi ko, ‘Sundin ang mga kautusan.’”
Narinig na nating lahat ang payong ito mula kay Pangulong Nelson noon, pero sa sandaling iyon, nakadama ako ng personal at malakas na patotoo na tunay ngang si Pangulong Nelson ang propeta. Pinasalamatan ko siya, at kalaunan noong araw na iyon, sinabi ko sa aking pamilya kung ano ang nangyari. Kalaunan ay gumawa ang aming mga anak ng mga sticker na “Sundin ang mga Kautusan” at inilagay nila ang mga ito sa aming refrigerator at mga salamin upang maipaalala sa amin ang sinabi ni Pangulong Nelson.
Mula noon, pinagnilayan ko ang payo ni Pangulong Nelson. Kapag sinusunod natin ang mga kautusan, ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Tayo ay mas napapalapit sa Kanila at nananatili sa Kanilang pag-ibig. (Tingnan sa Juan 14:21; 15:10.)
Ang karanasang ito sa propeta ay nagpatunay sa akin ng isang malalim at mahalagang espirituwal na katotohanan. Kinakanta natin sa Primary, “Propeta’y sundin; s’ya ang gabay.” Talagang siya ang gabay! Ang propeta ang gabay dahil kilala niya ang Tagapagligtas, na siyang “ang daan, … ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Kapag sinusunod natin ang propeta, inaakay tayo papunta kay Jesucristo.
Ang Sagradong Tungkulin ng mga Propeta
Ang Panginoon ay nagbigay ng mahalaga at sagradong tungkulin sa mga propeta kapwa noong sinaunang panahon at sa panahon natin ngayon. Mababasa natin sa mga banal na kasulatan na “tunay na ang Panginoong Diyos ay walang gagawin, [hanggang sa] kanyang ihayag ang kanyang lihim sa kanyang mga lingkod na mga propeta” (Joseph Smith Translation, Amos 3:7).
Sa aklat ni Ezekiel, natututuhan natin ang iba pa tungkol sa hinihingi sa mga propeta. Sinabi ng Panginoon kay propetang Ezekiel, “Inilagay kitang [bilang] bantay sa sambahayan ni Israel; tuwing maririnig mo ang salita mula sa aking bibig, bigyan mo sila ng babala mula sa akin” (Ezekiel 33:7).
Ang mga propeta, tulad ng mga bantay sa tore, ay may espesyal na utos na maging tagapagsalita ng Panginoon at ipahayag ang inihayag Niya sa kanila. Iniuutos ng Panginoon sa Kanyang mga propeta na maging kalalakihang may pananampalataya, kalalakihang may integridad, at kalalakihang walang takot.
Si Samuel na Lamanita, halimbawa, ay nagpakita ng kanyang lubos na katapatan kay Jesucristo nang tumayo siya sa ibabaw ng pader at ipinahayag niya sa mga Nephita ang mga bagay na inilagay ng Panginoon sa kanyang puso (tingnan sa Helaman 13:4).
“At dinggin, isang anghel ng Panginoon ang nagpahayag nito sa akin,” sabi ni Samuel, “at siya ay naghatid ng masayang balita sa aking kaluluwa. At dinggin, ako ay isinugo sa inyo upang ipahayag din ito sa inyo, upang magkaroon kayo ng masayang balita; ngunit dinggin, ayaw ninyo akong tanggapin” (Helaman 13:7).
Kapansin-pansin sa akin na si Samuel ay matapang na nagpatotoo ng katotohanan—kahit na noong ang mga Nephita ay “pinagbabato [siya] … at … pumana sa kanya habang siya ay nakatayo sa ibabaw ng pader” (Helaman 16:2). Nakikita natin ang katapangang ito sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ngayon.
Gawing Mas Magandang Lugar ang Mundo
Kamakailan lamang, nakilala ko ang isang mag-asawa sa isang stake conference sa Nashville, Tennessee, USA. Ang asawang babae ay miyembro ng Simbahan sa buong buhay niya. Ang asawang lalaki ay hindi miyembro.
Lumapit sila sa akin, at sinabi ng asawang lalaki, “Handa na po akong magpabinyag.”
Masaya akong marinig iyon! Tinanong ko siya, “Ano ang nagbago?”
Sinabi niya sa akin, “Nang marinig ko ang mensahe ni Pangulong Nelson sa pangkalahatang kumperensya, labis akong naantig nito. Nalaman ko noon na siya ay isang propeta. Nagkaroon ako ng patotoo, at ngayon ay handa na akong magpabinyag.”
May kilala rin akong babae sa Cape Coast, Ghana, na nagkataong nakapanood ng pangkalahatang kumperensya. Hindi pa niya narinig kailanman ang tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw pero talagang napukaw ang kanyang interes sa nakita at narinig niya mula sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Pagkatapos, hinanap niya ang Simbahan. Nakakita siya ng isang chapel at nakilala niya ang mga missionary. Kalaunan, nabinyagan siya. Kamakailan, pinadalhan niya ako ng mga larawan ng kanyang sarili sa templo para tanggapin ang kanyang endowment.
Ipinakikita ng dalawang pagkakataong ito kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng mensahe ng propeta sa mundo! Kung susundin ng lahat ang kanyang mensahe, ang mundo ay magiging napakapayapa. Magtutuon tayong lahat sa kung ano ang pinakamahalaga, kabilang na ang pagkakaroon ng kaugnayan sa Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at sa pagkakaroon ng matatag at walang hanggang mga pamilya. Magiging pinakamabuti rin tayo dahil susundin natin ang dalawang dakilang utos: pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa ating kapwa (tingnan sa Mateo 22:37–39). Itatatag natin ang Sion, isang lipunan kung saan ang pag-ibig, kabutihan, at pagkakasundo ay nananaig, nagpapakita ng diwa ng pagkadisipulo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:14).
Kapag sinusunod natin ang propeta, makatitiyak tayo na ginagawa natin ang nais ipagawa sa atin ng Diyos dahil ang propeta ay sumusunod—at tumutulong sa ating sumunod—kay Jesucristo. Dahil kay Jesucristo, ang lahat ng bagay sa buhay ay nagiging makabuluhan. “Makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.” Sa pagsunod sa propeta, talagang magagawa nating mas mabuting lugar ang mundo.
Makasumpong ng mga Ipinangakong Pagpapala
Nang palayasin ang mga Banal mula sa Kirtland, Ohio, ipinagkatiwala ng Unang Panguluhan kay Oliver Granger na ipagbili ang mga ari-arian ng mga Banal at bayaran ang mga utang ng Simbahan. Tinanggap ni Oliver, isang karaniwang lalaki na halos bulag na dahil sa pagkalantad sa lamig, ang mahirap na gawaing ito dahil tinanong siya ni Propetang Joseph Smith at ng iba pang mga lider. Nagtiyaga si Oliver sa maraming paghihirap, at pinahalagahan ng Panginoon ang kanyang sakripisyo at mga pagsisikap.
“Naaalaala ko ang aking tagapaglingkod na si Oliver Granger,” sabi ng Panginoon. “Masdan, katotohanang sinasabi ko sa kanya na ang kanyang pangalan ay mapapasama sa banal na pag-aalaala sa bawat sali’t salinlahi, magpakailanman at walang katapusan. …
“… At kapag siya ay bumagsak siya ay babangong muli, sapagkat ang kanyang hain ay mas banal sa akin kaysa sa kanyang yaman” (Doktrina at mga Tipan 117:12–13).
Sinang-ayunan ni Oliver at ng kanyang asawang si Lydia ang propeta, at natanto ng Panginoon na ginawa ni Oliver ang lahat ng kanyang makakaya kahit na hindi siya laging nagtatagumpay. Mas binigyang-diin ng Panginoon ang kahalagahan ng kanyang mga pagsisikap kaysa sa kanyang mga tagumpay.
Bilang missionary at maging ngayon, hindi ko na naaalala na marami akong narinig tungkol kay Oliver Granger, pero binanggit ang kanyang pangalan sa banal na kasulatan dahil siya ay sumunod sa tagubilin ng propeta at tumanggap ng mga ipinangakong pagpapala—ang kanyang pangalan ay itinuring na sagradong alaala. Natututuhan natin mula kay Oliver Granger na bagama’t ang patnubay ay nanggagaling sa isang banal na pinagmumulan (sa pamamagitan ng mga propeta), hindi nito ginagarantiya ang isang madaling landas na walang mga hamon, pero ang mga pangako ay tiyak (tingnan sa Alma 37:17).
Ano kaya ang magiging buhay natin kung walang mga propeta? Ang buhay na propeta at Pangulo ng Simbahan ay kumakatawan sa direktang linya ng pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga tao at ang tanging tao sa mundo na tumatanggap ng paghahayag na gagabay sa buong Simbahan. Nagbibigay din Siya ng patuloy na paghahayag mula sa Diyos upang tulungan tayong harapin ang mga hamon ng ating panahon. Sa pagsunod sa payo ng propeta, makasusumpong tayo ng kapayapaan, kagalakan, at patnubay sa ating mga buhay habang nagsisikap tayong maging higit na katulad ni Jesucristo. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 21:4–6.)
Tanggapin natin ang mga turo at halimbawa ng mga makabagong propeta, batid na sila ay mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos at aakay sa atin patungo sa mga walang hanggang pagpapala. Minamahal at ipinagdarasal ko sila. Nagpapasalamat akong malaman na sila ay inspirado at tumutulong na akayin tayo at ang ating mga pamilya papunta sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.