“Russell M. Nelson: Isang Propeta para sa Ating Panahon,” Liahona, Set. 2024.
Russell M. Nelson: Isang Propeta para sa Ating Panahon
Kasama ang isang propeta na gagabay sa atin sa mga huling araw na ito, tayo ay tunay na mga pinagpalang tao.
Nang punahin ng isang nag-iinterbyu Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang “simbahan … na pinangangasiwaan ng matatandang lalaki,” sagot ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), “Hindi ba’t napakaganda na may edad na lalaki ang namumuno, isang tao na matalinong magpasiya, at hindi nagpapatangay sa magkabi-kabila ng lahat na hangin ng aral?”
Si Pangulong Russell M. Nelson, ang pinakamatandang buhay na propeta na naglingkod sa dispensasyong ito, ay gayong uri ng lalaki. Matatapos niya ang kanyang ika-100 taon sa ika-9 ng Setyembre 2024. Siya ay isang pinuno na may pambihirang pagkahabag at pakikitungo, malilinaw na mithiin at kasiglahan, pakikipagkaibigan at karunungan.
Mahal ko si Pangulong Nelson. Kami ay 60 taon nang magkaibigan at kapwa mga Apostol sa loob ng 40 taon. Simula noong Enero 2018, mapalad akong maglingkod sa ilalim ng kanyang paggabay sa Unang Panguluhan ng Simbahan.
Tinawag na mamuno sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo at maging pinakamahalagang guro nito, kilala ni Pangulong Nelson ang Tagapagligtas, kung kaninong propeta siya. Sa loob ng isang siglo ng pamumuhay at pagkatuto, naging mahusay siya sa kilalang propesyonal at pangmilitar na paglilingkod. Kasama ang kanyang malaking pamilya, isa siyang mapagmahal at epektibong lider ng pamilya. Sa pamamagitan ng mga tungkulin sa Simbahan, kabilang na ang nakaraang anim na taon bilang propeta ng Panginoon, siya ay ulirang pinuno sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon.
Sa loob ng isang siglo ng pamumuhay, natutuhan at isinagawa ni Pangulong Nelson ang mga susi sa kaligayahan sa buhay na ito at sa buhay na darating—ang tinawag niyang “pinakamahahalagang aral” sa buhay.
Itinuro Niya sa atin na dapat tayong “mag-umpisa na ang katapusan ang nasa isip.”
Mahal niya ang bahay ng Panginoon. Sa kanyang mga taon bilang Pangulo ng Simbahan, nagbalita siya ng 153 bagong templo—mga kalahati ng 335 kabuuang bilang ng mga templo ng Simbahan na itinayo, itinatayo, o ibinalita sa dispensasyong ito.
Itinuro Niya sa atin na ang lahat ng gusali ng ating templo ay nagdadala ng templo, at ng mga pagpapala ng mga tipan sa templo, palapit sa iba pang mga anak ng Diyos. Iyon ang plano ng Diyos.
Itinuro ni Pangulong Nelson, “Nalaman ko na ang plano ng Ama sa Langit para sa atin ay kamangha-mangha, na ang ginagawa natin sa buhay na ito ay sadyang mahalaga, at na ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang naging dahilan para maging posible ang plano ng ating Ama.” Nauunawaan ang planong iyon, sinabi niya, “Ang pag-unawa sa kamangha-manghang plano ng Diyos ay nag-aalis ng kahiwagaan sa buhay at ng kawalang-katiyakan sa ating hinaharap. Tinutulutan nito ang bawat isa sa atin na piliin kung paano tayo mamumuhay dito sa lupa at saan tayo mananahanan magpakailanman.”
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, tayo ay tunay na mga pinagpalang tao na mapamunuan ng mapagpakumbabang tagapaglingkod ng Panginoon, na si Pangulong Nelson, na tapat na inihahanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng ating Tagapagligtas at Manunubos na si Jesucristo. Nawa’y patuloy nating ipagdasal, patotohanan, sang-ayunan, at pasalamatan ang Diyos para sa ating propeta—si Pangulong Russell Marion Nelson.