Liahona
May Mas Mainam na Bagay ang Diyos para sa Amin
Setyembre 2024


“May Mas Mainam na Bagay ang Diyos para sa Amin,” Liahona, Set. 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

May Mas Mainam na Bagay ang Diyos para sa Amin

Nang ituro sa akin ng mga missionary na ako ay anak ng Diyos, alam ko na mas marami Siyang pagpapalang nakalaan para sa aking pamilya at sa akin.

larawan ng awtor na namumuno sa isang koro

Larawan mula sa awtor

Lumaki ako sa isang maliit na nayon sa Pilipinas. Mahirap ang aking pamilya. Sa Pilipinas, kung wala kang pera, hindi ka puwedeng pumasok sa paaralan. Sa kabila ng balakid na iyon, isa akong masigasig na binatilyo.

Sinabi ko sa aking mga magulang na gusto kong maging doktor o guro o anumang uri ng propesyonal, pero lagi nila akong sinasabihan na tumigil sa pangangarap. Wala kaming pera para makapag-aral ako sa isang unibersidad. Nais ng mga magulang ko na makuntento ako at hindi mabigo sa aking buhay.

“Hindi para sa atin ang pagiging propesyonal,” sabi nila. Hindi sila naniniwala na may mas mainam na bagay na nakalaan para sa aming pamilya kaysa sa mayroon na kami.

Pero noon iyon bago kami sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Nakatira kami malayo sa anumang mga lungsod, pero natagpuan kami ng mga missionary at patuloy silang bumalik. Marami silang ginawang sakripisyo para turuan ang aking pamilya, pero binago nila ang aming mga buhay magpakailanman.

Nang sumapi kami sa Simbahan, nalaman ko na ako ay anak ng Diyos na may potensyal na lumago at matuto at magbago (tingnan sa Moises 1:39; “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library). Dahil sa kaalaman sa ebanghelyo, alam ko na panahon na upang iaangat ang antas ng pamumuhay ng aking pamilya. Hindi na lamang kami mga maralitang tao mula sa isang maliit na nayon—kami ay mga karapat-dapat na anak ng Diyos na nararapat sa mga pagpapalang ipinangako Niya sa Kanyang matatapat na alagad.

Dinala ng mga missionary ang ebanghelyo sa aking buhay, ang ebanghelyo ay naghatid ng musika sa aking buhay, at dahil sa musika ay nagkaroon ako ng scholarship upang makapag-aral sa unibersidad. Nagkaroon ako ng bachelor’s degree sa sekondaryang edukasyon at pagkatapos ay degree sa musika, na ang major ay pagkumpas sa koro. Ngayon, ako ay nagtuturo ng musika sa Liceo de Cagayan University at tagakumpas sa Liceo U High School Glee Club. Tagakumpas din ako sa isang koro ng mga miyembro ng Simbahan. Ang aming misyon ay ibahagi ang katotohanan ng Diyos sa pamamagitan ng musika.

Ang pagtatapos sa unibersidad ay nagbigay sa akin ng bagong buhay. Hindi ko alam kung nasaan ako ngayon kung wala ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang lahat ay nararapat na magkaroon ng pagkakataong malaman, tulad ko, na mayroon silang Ama sa Langit at na pinagpala Niya sila ng potensyal na umunlad at matuto at magbago.