Liahona
Paano Ako Makapaghahandang Tanggapin ang Tagapagligtas?
Setyembre 2024


“Paano Ako Makapaghahandang Tanggapin ang Tagapagligtas?” Liahona, Set. 2024.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Helaman 10; 3 Nephi

Paano Ako Makapaghahandang Tanggapin ang Tagapagligtas?

Narito ang apat na paraan na maaari mong tanggapin ang Tagapagligtas sa iyong buhay.

Kinailangang ihanda ng mga Nephita ang kanilang mga sarili sa pisikal na pagtanggap sa Tagapagligtas sa kanilang kinaroroonan. Ano ang matututuhan natin mula sa kanilang halimbawa na tutulong sa atin na espirituwal na tanggapin ang Tagapagligtas sa ating buhay?

mga taong nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Magbulay-bulay sa mga Bagay ng Diyos

Noon: Noong ang propetang si Nephi ay “nanlulumo,” nagbulay-bulay siya “sa mga bagay na ipinakita sa kanya ng Panginoon” (Helaman 10:2–3).

Ngayon: Ang pag-alaala sa ginawa ng Diyos para sa atin, kapwa sa mabubuting panahon at masasama, ay magbibigay sa atin ng lakas at tapang na manatiling malapit sa Kanya at harapin ang kinabukasan nang may pananampalataya.

Iminungkahi ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na araw-araw tayong magbulay-bulay at magtala ng ating mga impresyon. Sabi niya: “Maaari kayong magdasal at isiping itanong: May ipinahatid bang mensahe ang Diyos para sa akin? Nakita ko ba ang Kanyang kamay sa aking buhay o sa buhay ng aking mga anak?”

Paano mo nakita ang pagmamahal, inspirasyon, o mga pagpapala ng Diyos sa iyong buhay ngayon?

Taglayin Mo ang Pangalan ni Cristo

Noon: Naging matapang si Mormon sa pagpapahayag na siya ay “disipulo ni Jesucristo” (3 Nephi 5:13).

Ngayon: Iminungkahi ni Elder Jonathan S. Schmitt ng Pitumpu na magtuon tayo kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagtataglay natin ng Kanyang iba’t ibang titulo. Halimbawa, si Jesus “rin ang kahapon, ngayon, at magpakailanman” (1 Nephi 10:18). Iminumungkahi ni Elder Schmitt na taglayin natin ang titulong ito sa pamamagitan ng patuloy na pamumuhay ng ebanghelyo.

Anong iba pang mga pangalan o titulo ni Jesucristo ang maiisip at maiaangkop mo sa iyong sarili?

larawan ng Tagapagligtas mula sa video tungkol sa Biblia

Tulutan ang Tagapagligtas na Tipunin Ka sa Kanya

Noon: Sa 3 Nephi 10:4–6, inihalintulad ni Jesucristo ang Kanyang sarili sa isang inahing manok na tinitipon ang kanyang mga sisiw. Magandang paglalarawan ito dahil lagi Niya tayong inaanyayahan na lumapit sa Kanya upang maprotektahan at mapangalagaan Niya tayo. Pero kailangan nating piliing lumapit sa Kanya. Sabi Niya, “Kaydalas ko kayong tinipon tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw, at tumanggi kayo” (talata 5).

Ngayon: Patuloy tayong tinitipon ni Jesus ngayon, pero kailangan nating tulutan ang ating mga sarili na matipon. Pinahihintulutan mo ba ang iyong sarili na matipon sa Tagapagligtas at makahanap ng proteksyon sa Kanya, o ikaw ay tumatanggi at nalalantad sa panganib?

Anong paanyaya ang ipinapaabot sa iyo ng Tagapagligtas, at ano ang kailangan mong gawin upang matanggap ito?

Tumingin sa Langit

Noon: Inabot ng tatlong pagkakataon bago narinig ng mga Nephita ang tinig ng Diyos. “Sa ikatlong pagkakataon narinig nila ang tinig, at binuksan ang kanilang mga tainga upang marinig ito; at ang kanilang mga mata ay tumingin sa pinanggagalingan ng tunog niyon; at sila ay walang kurap na tumingin sa langit” (3 Nephi 11:5).

Ngayon: Ang isang paraan na tayo ay “walang kurap na tumingin sa langit” ay sa pamamagitan ng, sa pagkakasabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “pag-iisip nang selestiyal.” Ipinaliwanag niya na ang isang aspeto ng pag-iisip nang selestiyal ay “pagiging espirituwal sa kaisipan.”

Ano ang magagawa mo upang maging mas espirituwal sa kaisipan at “walang kurap na tumingin sa langit”?