“Pagkasumpong ng Kaginhawahan sa Ating Pakikipagtipan sa Diyos,” Liahona, Set. 2024.
Pagkasumpong ng Kaginhawahan sa Ating Pakikipagtipan sa Diyos
Si Jesucristo ang pinagmumulan ng dalisay na pag-ibig, paggaling, kaligayahan, at kaginhawahan.
Ang pagkasumpong ng kaginhawahan sa ating pakikipagtipan sa Diyos ay nasa puso’t isipan ko nang ilang panahon. Nang turuan at hikayatin tayo ng propeta ng Panginoon na malaman ang tungkol sa mga tipan, templo, at kapangyarihan ng priesthood, natagpuan ko ang aking sarili na nagsasaliksik, nagmamahal, at nagpapakabusog sa mga nagpapanariwa na katotohanang nakalakip sa mga tipan.
Nilayon tayong maging katuwang ng Panginoon sa mabisang paraan sa pamamagitan ng ating mga tipan. Nais Niyang makasama tayo sa ating mga alalahanin at ating mga desisyon. Hindi natin kailangang harapin ang mga hamon, kalungkutan, kawalan ng kapanatagan, at dalamhati sa buhay nang mag-isa. Makakasama natin Siya. Sabi Niya: “Hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako’y darating sa inyo” (Juan 14:18).
Inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson ang pagkatao ng Diyos at ang Kanyang dakilang pagmamahal sa atin nang ituro niya na “ang landas ng tipan ay tungkol sa ating ugnayan sa Diyos.” Sabi Niya: “Kapag kayo at ako ay nakipagtipan sa Diyos, nagiging mas malapit ang ating ugnayan sa Kanya kaysa noong bago tayo makipagtipan. Ngayon ay nakabigkis na tayo sa isa’t isa. Dahil sa ating tipan sa Diyos, hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang mga pagsisikap na tulungan tayo, at hindi kailanman mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin. Ang Diyos ay may espesyal na pagmamahal para sa bawat isa sa atin. Malaki ang inaasahan Niya para sa atin.”
Ang Aking Pinakadakilang Pinagmumulan ng Kapayapaan
Bilang isang sister na hindi pa ikinakasal, ang mapagmahal at maawaing pakikipagtipang ito sa aking Ama sa Langit at sa Tagapagligtas ay may mabisang lugar sa aking buhay at noon pa man at hanggang ngayon ay pinakamalaking pinagmumulan ng aking kaginhawahan at kapayapaan. Anuman ang ating katayuan sa pag-aasawa o pinagmulan, nais ng Panginoon na maging katuwang natin Siya sa mabisang paraan—na maging “isa” (3 Nephi 19:23) sa Kanya sa “lahat ng [ating] mga gawain” (Alma 37:37). Kapag nagsumamo tayo sa Panginoon para sa ating panustos, at “[hinayaan nating] ang pagmamahal sa [ating mga] puso ay [mapasakanya] magpakailanman” (Alma 37:36; idinagdag ang diin), ang ating buhay ay maaaring mapuspos ng magandang bigkis ng tipang ito.
Sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, makatatanggap tayo ng kaginhawahan mula sa pagharap sa mga hamon ng buhay nang mag-isa.
Lahat tayo ay may mga alalahanin at pangangailangan kung saan maaaring madama nating nag-iisa tayo. Nagmamalasakit Siya sa ating mga alalahanin gaano man kalaki o kaliit ang mga ito. Nadama ko na kailangan ko ang Kanyang tulong kapag nag-aalala ako tungkol sa tila maliliit na bagay tulad ng kaibigang laging naroon na tinatawag kong “mga pagkukumpuni ng bahay.” Dahil walang asawa na masasangguni, kaya kong mag-isang alalahanin ang tungkol sa tamang kontratista, makatarungang gastos, pagliban sa trabaho para lumagi sa tahanan, at pagiging mabuting katiwala sa aking pera at tahanan. Isang tagumpay iyon noong isang araw na maayos ko ang aking pintuan sa garahe! Narinig ng Panginoon ang aking alalahanin. At bagama’t maliit sa malaking pananaw ng mga bagay, sinagot Niya ang aking panalangin. Paano? Sa pamamagitan ng isang mabait na kapitbahay, ng tulong ng Espiritu, at ng isang video sa YouTube, mapalad akong malaman kung ano ang gagawin upang maayos ang pintuan.
Kung pinapansin ng Panginoon ang maliliit na pangangailangan, isipin ang Kanyang hangaring pagpalain at tulungan tayo sa mas mahihirap na pagsubok na nararanasan ng ating puso at kaluluwa, na hindi kakaunti lamang: pang-aabuso, adiksiyon, mahihirap na relasyon sa pamilya, kawalan at kabiguan, mga patuloy na hamon sa mental at pisikal na kalusugan, problema sa pera, madadalas na alalahanin bilang magulang, madadalas na alalahanin sa pag-aalaga ng magulang, mga hamon sa personal na pananampalataya, isang anak o asawa na pinipiling huwag makibahagi sa ebanghelyo.
Sa mga kasidhian at kahinaan ng buhay, labis akong umasa at kumapit nang mahigpit sa aking pakikipagtipan sa Diyos. Nang magtiwala ako sa Kanyang mapagmahal na pangangalaga at subukan ko ang lahat upang mailaan ang aking buhay sa Kanya, Siya ay naglaan ng kaginhawahan sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan ng priesthood at naging Tagapaglaan ko sa aking mga espirituwal at temporal na pangangailangan. Naglaan Siya ng kaginhawahan laban sa takot, kaginhawahan laban sa mga kawalan ng kumpiyansa, kaginhawahan laban sa kapalaluan, kaginhawahan laban sa kasalanan, kaginhawahan laban sa kalungkutan, kaginhawahan laban sa pighati.
Itinuro ni Pangulong Nelson nang may kalinawan at katiyakan na “ang gantimpala sa pagtupad ng mga tipan sa Diyos ay kapangyarihang nagmumula sa langit—kapangyarihang nagpapalakas sa atin upang mas makayanan ang ating mga pagsubok, tukso, at dalamhati.”
Sa pamamagitan ni Jesucristo, maaari tayong makatanggap ng kaginhawahan mula sa pagharap sa mga hamon ng buhay nang mag-isa.
Kababaihang “nasa Pulo ng Dagat”
Habang pinagninilayan ko ang mga pagpapala ng pakikipagtipan natin sa Diyos, naisip ko ang aking tungkulin na bisitahin ang Asia North Area.
Nagkaroon ako ng pribilehiyong makapunta sa maliliit na isla ng Chuuk sa Micronesia, mga 1,500 milya (2,400 km) sa timog-silangan ng Japan. Dalawa sa mga sister sa Weno, Chuuk, ang nagbigay ng kanilang mga buhay upang magpalaki ng mga batang inabandona ng kanilang mga magulang. Nadama ng dalawang sister na ito na mahalagang palakihin ang mga batang ito sa ebanghelyo. Ang isa sa mga sister na ito ay wala pang asawa at nagtatrabaho nang full-time bilang counselor sa paaralan.
Ibinahagi ko sa kanila ang mensahe ni Pangulong Nelson sa kababaihan ng Simbahan, na kayong kababaihan ay minamahal, kinakailangan, at itinatangi.
Ang magandang dalagang nagpapalaki sa kanyang mga pamangkin na babae at lalaki ay napaluha at nagsabing hindi niya nadama na itinatangi siya kamakailan; nadama niyang nakalimutan na siya. Pero nagpatotoo siya na nadama niya ang pagmamahal at kamalayan ng Diyos para sa kanya sa mga salita ng propeta na siya ay tunay na “itinatangi,” at alam niyang ito ay totoo. Nadama niya ang nagpapagaling na pagmamahal ng Diyos; nakadama siya ng kaginhawahan.
Sinabi ng Panginoon, “Hindi ba ninyo alam na ako, ang Panginoon ninyong Diyos, ang lumikha sa lahat ng tao, at naaalaala ko yaong mga nasa pulo ng dagat?” (2 Nephi 29:7).
Ang kababaihang ito ay kilala ng kanilang Ama sa Langit at Tagapagligtas. Hindi sila nag-iisa. At hindi rin ikaw at ako sa ating mga pagsubok at hamon. Ipinadala ako ng Panginoon nang halos 8,500 milya (13,700 km) sa pamamagitan ng eroplano, tren, kotse, at bangka upang dalhin ang pagmamahal at kaginhawahan ng Diyos sa “isa” sa mga pulo ng dagat. Kaya nga hahanapin Niya ikaw at ako sa ating mga personal na pulo kung saan maaaring nadarama nating nag-iisa tayo sa mga alalahanin at pasaning dinadala natin sa ating mga puso. Siya ay nariyan at handang magpala, gumabay, at magbigay ng kaginhawahan sa atin.
“Maaari Kitang Puntahan”
Minsan ay inilarawan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang karanasan ng isang bata pang diborsyadang “ina ng pitong anak na noon ay mga edad 7 hanggang 16. Sinabi niya na isang gabi ay nagpunta siya sa kalye para maghatid ng isang bagay sa isang kapitbahay.” Ito ang sinabi ng babae ayon sa pagkakaalala niya:
“Nang pauwi na ako, nakita kong maliwanag ang bahay. Naririnig ko pa ang boses ng mga anak ko paglabas ko ng pintuan kani-kanina lang. Sabi nila: ‘Nay, ano ang hapunan natin?’ ‘Masasamahan ba ninyo ako sa library?’ ‘Kailangan kong bumili ng poster paper ngayong gabi.’ Pagod at nanghihina, tiningnan ko ang bahay na iyon at nakita kong bukas ang ilaw sa bawat kuwarto. Naalala ko ang lahat ng batang nasa bahay na naghihintay sa pagdating ko at pagtulong sa kanilang mga pangangailangan. Bumigat ang pasanin ko nang higit kaysa makakaya ko.
“Naaalala kong luhaan akong tumingala sa langit, at sabi ko, ‘Mahal na Ama, hindi ko ito kaya ngayong gabi. Pagod na pagod na ako. Hindi ko kayang harapin ito. Hindi ko kayang umuwi at mag-isang alagaan ang lahat ng bata. Puwede bang pumunta na lang ako sa Inyo at makapiling ko Kayo kahit isang gabi lang? …’
“Hindi ko talaga narinig ang sagot, pero narinig ko iyon sa aking isipan. Ang sagot ay: ‘Hindi, anak ko, hindi ka makakapunta sa akin ngayon. … Ngunit maaari kitang puntahan.’”
“Maaari kitang puntahan.” Pinuntahan Niya siya, at pupuntahan Niya ikaw at ako, tulad ng pagpunta ng Tagapagligtas sa babae sa may balon kung saan siya nagtrabaho at nagpagal sa kanyang mga araw (tingnan sa Juan 4:3–42). Hinikayat Niya siya, tinuruan siya, ipinahayag ang Kanyang pagiging mesiyas sa kanya, at minahal siya marahil nang hindi niya mahal ang kanyang sarili. Sa babae sa may balon, sa bata pang ina ng pito, sa iyo at sa akin, si Jesucristo ay handang magkaloob ng kaginhawahan. Pinatototohanan ko na makatatanggap tayo ng kaginhawahan sa pamamagitan ng ating pakikipagtipan sa mapagmahal na Diyos.
Marahil tulad ko, humingi ka ng tulong na huwag maiwang mag-isa sa ilan sa emosyonal, pisikal, at espirituwal na mahihirap na yugto ng iyong buhay. Ang matitinding yugtong ito ng pag-unlad ay nag-iwan ng tinatawag kong “mga espirituwal na marka” sa kaluluwa. Ngunit pinatototohanan ko na dinala Niya ako, at dadalhin ka Niya. Inanyuan ka Niya sa mga palad ng Kanyang mga kamay (tingnan sa Isaias 49:16; 1 Nephi 21:16). Naroon Siya nang hangarin mong “maging mabuti sa kadiliman.” Hindi Niya ako pinabayaan, at hindi Niya kayo pababayaan. At mamahalin ko Siya magpakailanman para rito.
Mahal kong mga kapatid, ang pinagmumulan ng dalisay na pag-ibig, paggaling, kaligayahan, at kaginhawahan ay natagpuan na kay Jesucristo. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay kaginhawahan.
Nais ka Niyang pangalagaan, pagpalain at patawarin. Dumating Siya para sa mismong layuning ito, upang bigyan ka ng kaginhawahang kailangang-kailangan mo. Siya ang Manunubos ng sanlibutan, at pinatototohanan ko na Siya ay buhay at na mahal ka Niya.
Mula sa isang mensahe sa Brigham Young University Women’s Conference na ibinigay noong Mayo 3, 2023.