“Paano Nakatulong ang Pagdanas ng Matitinding Problema Para Maitatag Kong Muli ang Aking Pundasyon ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2024.
Mga Young Adult
Paano Nakatulong ang Pagdanas ng Matitinding Problema Para Maitatag Kong Muli ang Aking Pundasyon ng Pananampalataya
Matapos ang ilang matitinding mental, pisikal, at espirituwal na hamon, natuklasan ko ang ibig sabihin ng makasumpong ng paggaling sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.
Naglilingkod ako noon bilang missionary sa France nang gumuho ang mundo at magkaroon ng mahigpit na lockdown sa buong bansa dahil sa COVID-19. Nahirapan ako sa depresyon sa buong buhay ko, kaya nag-alala ako na baka dahil sa pagkakakulong sa bahay ay lumala ang aking depresyon. Pero ang unang linggo ng quarantine—ang linggong humantong sa makasaysayang pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020—ay isa sa mga pinakaespirituwal na linggo ng aking buhay.
Sa pagbabalik-tanaw, ipinadama sa akin ng aking mga karanasan noong linggong iyon na tila pinatitibay ako ng Panginoon para sa isang bagyo.
Nagbigay si Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol ng mensahe sa kumperensyang iyon tungkol sa mga pag-aayos na gagawin sa mga pundasyon ng Salt Lake Temple. Inihalintulad niya ang pag-aayos sa sarili nating mga buhay at hiniling niya sa atin na pag-isipan ang tanong na ito:
“Ano ang mga pangunahing saligan ng aking espirituwal at emosyonal na pagkatao na magtutulot sa akin at sa aking pamilya na manatiling matatag at di-natitinag, at kayanin pa maging ang mga nakayayanig at marahas na pangyayaring tiyak na mangyayari sa aming buhay?”
Habang nakikinig ako sa kanyang mensahe, ipinahiwatig sa akin ng Espiritu na, tulad ng templo, mahihirapan ako sa ilang paraan sa susunod na panahon ng aking buhay. Pero nadama ko rin na kung babaling ako sa Panginoon sa panahon ng mga pagsubok na ito, tutulungan Niya akong palakasin ang aking pundasyon ng pananampalataya.
Pakiramdam na Tila ba Nasira
Tulad ng inaasahan, kalaunan ay lumala ang depresyon ko, at hindi nagtagal ay nabitag ako sa walang katapusang paulit-ulit na ideya ng pagpapakamatay. Nakaramdam ako ng matinding paghihirap sa aking pag-iisip, damdamin, at espirituwalidad.
Pagkaraan ng dalawang buwang quarantine, naging mas maayos ang mga bagay-bagay. Salamat sa mga pagbabago sa aking sitwasyon, tulad ng antidepressant na gamot at pagtatapos ng lockdown, nagsimulang bumuti ang kalagayan ng aking pag-iisip. Pero hindi nagtagal, nagsimula akong magkasakit at napansin ko ang tatlong malalaking bukol sa dulo ng aking lalamunan.
Noong una, hindi ko pinansin ang mga bukol, pero nang lumala ang aking mga sintomas, naging malinaw na hindi na ako maaaring manatili sa misyon. Umuwi ako sa amin, kung saan kaagad akong nasuri na may kanser sa dugo—Hodgkin’s lymphoma.
Dahil ang aking mga antidepressant ay mayroong kaunting emosyonal na epekto na pampamanhid, nakadama ako ng kawalang-interes nang magsimula ako ng anim na buwang chemotherapy.
Pero gayunpaman, nagsimula akong pisikal na manghina.
Muling Pagtatatag ng Aking Espirituwal na Saligan
Isang taon matapos ang aking chemotherapy treatment, nagsimulang bumuti ang kalagayan ng aking katawan. Ako ay nakabalik sa kolehiyo at gumawa ng mga plano. Pero ang matinding espirituwal na pasakit at pagkamanhid na nadama ko sa aking misyon at sa panahon ng chemotherapy ay naging pangkalahatang damdamin ng pagwawalang-bahala tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Nahihirapan ako sa aking mga damdamin tungkol sa pinagdaanan ko at nadama ko na tila pinabayaan Nila ako noong ako ay nasa pinakamababang punto ng aking buhay.
Pero alam ng Ama sa Langit kung anong mga landas ang kailangan kong tahakin para gumaling ako.
Nadama ko na tila nakikipaglaban ako sa mga guho at labi ng aking dating malakas na pananampalataya at ng aking dating masiglang personalidad. Hindi ko maunawaan o makontrol ang aking mga naiisip at nadarama. Lumalambot ang aking puso sa mga pagtatangka ng Panginoon na tulungan ako, pero espirituwal akong nakadama ng pagkabagabag, pagkabalisa, at hindi pagkamarapat dahil sa aking pagwawalang-bahala sa ebanghelyo.
Matapos pagnilayan ang aking espirituwal na kalusugan nang ilang buwan, nahiwatigan kong gumawa ng maliliit na espirituwal na pagbabago sa aking buhay. Matagal ko nang hindi pinansin ang sakit, pero gusto kong harapin ang sakit na nadama ko sa aking kaluluwa dahil sa mga hamong naranasan ko.
Hindi nagtagal ay nakita ko ang impluwensya ng Ama sa Langit sa aking buhay. Nang hindi nalalaman kung gaano ako nakadarama ng espirituwal na pamamanhid, binanggit ng mga kaibigan at mahal sa buhay ang paksa ng paggaling. Nagbahagi pa nga ang isa sa kanila ng mensahe sa debosyonal ni Elaine S. Marshall.
Atubiling binasa ko ito.
Bilang isang nars, inihambing ni Elaine ang mga pagkakatulad ng pisikal na paggaling at ng espirituwal na paggaling, na nagsasabing: “Ang paggaling ay hindi lunas. Ang lunas ay malinis, mabilis, at tapos agad—kadalasan sa ilalim ng pampamanhid. … Ang paggaling … ay kadalasang panghabang-buhay na proseso ng pagrekober at pag-unlad sa kabila ng, marahil dahil sa, matagalang pisikal, emosyonal, o espirituwal na pagsalakay. Nangangailangan ito ng panahon.”
Sa palagay ko ay hindi nagkataon lamang na ang paggamot sa aking kanser ay nangailangan ng anim na buwan ng chemotherapy. Ang mga epekto ng chemo ay biglaan, matindi, at mahirap. Ang nakakatuwa, ang pagkatutong hayaan ang aking katawan na pisikal na gumaling ay nagturo sa akin ng mahalagang alituntunin ng espirituwal na paggaling—kung paano umasa sa biyaya ni Jesucristo at bigyan ang aking sarili ng panahon at puwang na ayusin ang aking pakikipag-ugnayan sa Kanya at sa Ama sa Langit.
Pagtanggap sa Biyaya ng Tagapagligtas
Ang biyaya ay banal na tulong, nagtutulot at nagpapalakas na kapangyarihan, at espirituwal na paggaling. Ito ay isang kaloob mula sa ating Ama sa Langit, na “ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo.”
Ang paborito kong halimbawa ng isang taong gumagamit ng nagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala ay ang Nakababatang Alma. Habang siya ay nakaratay at walang-malay sa loob ng tatlong araw, giniyagis ng “mga pasakit ng isang isinumpang kaluluwa,” naalala niya ang mga turo ng kanyang ama tungkol kay Jesucristo (tingnan sa Alma 36:16–17). Una siyang humingi ng tulong at pagkatapos ay bumaling kay Cristo, na nagpabago sa kanyang landas na tinatahak at nagtulot sa kanya na espirituwal na mapagaling (tingnan sa Alma 36:18–22).
Ang unang hakbang na ginawa ko sa espirituwal na paggaling ay ang pagkakaroon ng hangaring makipag-ugnayan sa Diyos. Itinuro sa akin ni Alma kung paano magsimula nang sabihin niyang, “Gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo, maging hanggang sa kayo ay maniwala sa isang pamamaraan na kayo ay magbibigay-puwang para sa isang bahagi ng aking mga salita” (Alma 32:27).
Pinatototohanan ko mula sa aking sariling karanasan na totoo ang turong ito.
Maaari tayong magkaroon ng hangarin, magtanim ng binhi (ang salita ng Diyos), at pangalagaan ang binhing iyon hanggang sa ito ay maging tunay at tiyak. Kalaunan, ang ating pananampalataya kay Jesucristo ay namumunga kapag nakakakita tayo ng mga pagbabago sa ating mga kilos, ating mga opinyon, ating mga paniniwala, ating mga puso, ating mga isipan, at pagkatapos ay ating mga kaluluwa. Ang ating saligan ay naitayo sa Kanya (tingnan sa Helaman 5:12).
Katulad ng karanasan ni Alma, ang hangarin kong madamang muli ang Espiritu at ang kagalakan ng ebanghelyo ay nagpasimula ng isang buong pagbabago sa aking landas na tinatahak na nagdala sa akin sa proseso ng paggaling. Mula noon, tinulungan ako ng Tagapagligtas na tanggapin ang nadama ko noon nang matutuhan kong bitawan ang aking mga hinanakit sa Diyos, sa Kanya, at sa sarili kong mga kahinaan.
Dahil sa Kanya, ang mga bahagi ng aking sarili na akala ko ay nawala sa gitna ng aking mga pagsubok—tulad ng aking personalidad, aking mga hangarin, at aking pagmamahal sa ebanghelyo—ay bumalik sa akin at nagpadama sa akin na ako ay buo, pinanibago, at ipinanumbalik.
Isang Mas Matibay na Saligan
Binago ako ng sakit at mga hamon, pero nang makasumpong ako ng paggaling sa pamamagitan ni Jesucristo, talagang muli kong naitatag ang aking pundasyon ng pananampalataya sa Kanya. Sa paglipas ng panahon at paggaling ko, nakikita ko na dahil kay Jesucristo, maaari akong matuto na magkaroon ng kagalakan sa kabila ng aking mga paghihirap. Nauunawaan ko na ngayon na ang pinakamahalagang bahagi ng pagdaan sa pagsubok ay hindi ang nagpapahina sa atin o ang pasakit na nadarama natin—ito ang kasunod habang nakararanas tayo ng paggaling at muling pagpapatibay sa pamamagitan ng biyaya ng Tagapagligtas.
Itinuro ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Mahal kong mga kaibigan na … nakaranas ng kawalang-katarungan sa buhay—maaari kayong magkaroon ng panibagong simula. Sa Getsemani at sa Kalbaryo, ‘inako [ni Jesus] ang … lahat ng sakit at pagdurusang naranasan [na] natin’ [Russell M. Nelson, “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2018, 8], at nadaig Niya ang lahat ng iyon!”
Kaya, sa mga nahaharap sa matitinding problema, nakikiusap ako sa inyo na maging matapang, kumapit nang mahigpit, at magtiwala sa Panginoon at sa Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan. Sa paglipas ng panahon, pagtitiyaga, at maging sa pinakamaliit na hangarin, ang Kanyang biyaya ay maaaring magpabago sa inyo, muling magtatag ng inyong saligan, at tumulong sa inyong madamang buo kayong muli.
Iyon ang kaloob na inihahandog Niya sa bawat isa sa atin.
Ang awtor ay naninirahan sa North Carolina, USA.