Liahona
Ang Kabutihang Idinulot ng Ebanghelyo sa Akin
Setyembre 2024


“Ang Kabutihang Idinulot ng Ebanghelyo sa Akin,” Liahona, Set. 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Kabutihang Idinulot ng Ebanghelyo sa Akin

Dahil sa mga tao sa simbahan, nadama ko ang Espiritu Santo.

larawan ng awtor at ng kanyang asawa

Habang lumalaki ako, ang idolo ko ay ang lolo ko sa ina, ang aking acheii. Malakas ang kanyang pananampalataya. Nagpunta ako sa maraming iba’t ibang simbahan kasama niya, pero hindi para sa akin ang relihiyon.

Nang makilala ko si Gina, na naging asawa ko, siya ay tapat na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Gusto niyang malaman ko ang tungkol sa Simbahan upang makapagpakasal kami sa templo. Pero hindi ko iyon gusto. Hindi ako relihiyoso.

Kalaunan ay nagkaroon kami ng kasal na sibil. Matapos kaming magkaanak, hindi pa rin ako interesado sa Simbahan, pero patuloy na dumalo si Gina.

Sa huli, nagpasiya akong patunayan na mali ang kanyang simbahan sa pamamagitan ng pagpunta sa ibang mga simbahan. Nagpatuloy ito nang ilang taon, pero saanman ako magpunta, hindi ako komportable.

Pagkatapos, isang araw ng Linggo habang inihahanda ni Gina ang anak naming babae upang magsimba, nagsimula rin akong magbihis upang magsimba. Tumingin siya sa akin at nagtanong, “Ano ang ginagawa mo?” Sagot ko, “Magsisimba ako kasama ninyo.” Tumingin siya sa aming anak at nagsabing, “Bilisan mong maghanda! Ayaw nating magbago ang isip niya!”

Kaya, nagsimba kami. Dahil nadama ko ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng mga tao sa simbahan, naging mahalaga sila sa aking pagbabalik-loob. Pagkatapos niyon, pumunta ang mga missionary sa aming tahanan. Kahanga-hanga sila, ang mga turong ibinahagi nila ay maganda sa akin, at napuspos ng Espiritu ang aking puso (tingnan sa Moroni 10:4–5).

Nang bisitahin ko ang aking lolo upang sabihin sa kanya ang natuklasan ko, hindi siya masaya. Pero alam ko na kailangan kong sundin ang aking puso.

Sumapi ako sa Simbahan, at hindi nagtagal ay nabuklod kami ni Gina sa templo. Nabuklod sa amin ang anak naming babae, at ngayon ay may tatlo pa kaming anak na isinilang sa tipan.

Inabot ng 10 taon bago iginalang sa wakas ng aking acheii ang pinaniniwalaan namin sa Simbahan. Sa pagtatapos sa hayskul ng aking anak na lalaki, sinabi niya sa lahat sa Navajo, “Masaya ako sa pamilyang ito. Sinusuportahan ko ang pinaniniwalaan nila. Talagang alam ng kanilang mga anak kung paano manalangin.”

Ako lamang ang miyembro ng Simbahan sa aking mga kamag-anak, pero alam ko na tinatanggap nila na ang aking pagbabalik-loob ay tunay, at nakikita nila ang kabutihang hatid ng ebanghelyo sa aking asawa, mga anak, at sa sarili ko.