Liahona
14 na Paraan para Maging Mas Makabuluhan ang Iyong Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Setyembre 2024


Digital Lamang

14 na Paraan para Maging Mas Makabuluhan ang Iyong Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Ibinahagi ng mga miyembro sa buong mundo ang ginagawa nila para sa mas mabisang pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

isang babaeng nakangiti at nagbabasa ng mga banal na kasulatan kasama ang mga bata

Sa mundong puno ng kaguluhan at magkakasalungat na tinig, maaaring makadama ng kapayapaan sa pamamagitan ng Tagapagligtas, na nag-aanyaya sa atin na lumapit sa Kanya (tingnan sa Mateo 11:28) at makinig sa Kanyang mga salita (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:23). Sa paghahanap ng “maliliit at mga karaniwang” (Alma 37:6) paraan para mapahusay ang ating araw-araw na pag-aaral, magkakaroon tayo ng mas malapit na kaugnayan kay Jesucristo na tutulong sa atin na matiis ang mga hamong kinakaharap natin sa buhay.

Ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang araw-araw na masigasig na pag-aaral ng salita ng Diyos ay mahalaga para sa espirituwal na kaligtasan lalo na sa tumitinding ligalig sa panahong ito. Kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo araw-araw, ang mga salita ni Cristo ay magsasabi sa atin kung paano tumugon sa mga paghihirap na hindi natin inakalang dadanasin natin.”

Makakatulong ang sumusunod na mga alituntunin sa paghahanap natin ng mga paraan para makaugnay kay Cristo sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan.

1. Magsimula sa Isang Panalangin

“Para maging mas makabuluhan ang pag aaral ko ng mga banal na kasulatan, gusto kong magsimula sa isang panalangin. Hinihiling ko sa Ama sa Langit na sumaakin ang Espiritu Santo upang maging mas handa ako sa mga bagay na nais Niyang matutuhan ko. Habang nagbabasa, sinisikap kong pagnilayan ang mga salita ng mga propeta. Iniisip ko kung paano maiaangkop sa buhay ko ang kanilang mga halimbawa, paano ako higit na mananampalataya, at paano ako magtitiwala sa Panginoon, tulad nila.

“Kapag ginawa ko ito, maaari akong makadama ng kapayapaan sa puso ko at ng pagmamahal ng Panginoon.”

Gabriela Pineda Portillo, La Libertad, El Salvador

2. Gumawa ng Isang Leson na Ibabahagi sa Iba

“Kapag pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan, isinusulat ko ang mga alituntunin sa isang lesson upang maibahagi ko ang natutuhan ko. Kung may natutuhan ako, gusto kong ibahagi iyon upang makita ko ang pananaw ng mga kaedad ko sa lesson.”

Chester Chan, Singapore

3. Tumuon sa isang Tema

“Bawat taon, pumipili ako ng isang partikular na temang pagtutuunan. Sa ngayon, tinitingnan ko kung paano humingi ng tulong at mga pagpapala ang mga tao sa Aklat ni Mormon at kung ano ang naging reaksyon o ginawa ng Panginoon tungkol doon.”

Heike Dröge, Alemanya

4. Isulat sa Journal ang Iyong Espirituwal na Karanasan

“May takdang oras ako tuwing umaga para sa pag aaral ko ng mga banal na kasulatan. Nagsisimula ako sa isang panalangin para mabuksan ang puso sa Banal na Espiritu at mas mapalapit ako sa Kanya. Ang pagsisiyasat sa mga banal na kasulatan, pagninilay tungkol sa kahalagahan nito, at kung minsa’y muling pagbasa sa mga sipi nang maraming beses ay naaayon sa payo sa 2 Nephi 32:3 na “magpakabusog sa mga salita ni Cristo.” Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, para sa akin, ay higit pa sa pagbabasa. Pagsulat din ito ng aking mga saloobin at impresyon upang paulit-ulit ko itong basahin at magpakabusog ako rito. Para itong pag-iingat ng isang journal ng aking espirituwal na paglalakbay. Pinagaganda pa ito ng pakikipag-usap sa iba tungkol sa natututuhan ko. Ibinabahagi natin ang ating mga saloobin at pagkaunawa, at tinutulungan tayong lahat nito na espirituwal na lumago. Sa ganitong paraan, ang pag-aaral ko ay nagiging higit pa sa pagbabasa lamang ng mga salita—ito ay isang paraan para magkaroon ng mas matibay na koneksyon kay Cristo.”

Naima Glück, Germany

5. Bigyang-pansin ang mga Saloobin at Damdamin Habang Pinagninilayan Mo ang mga Katotohanan

“Nagdarasal ako at humihingi ng inspirasyon sa Ama sa Langit na madama ko ang Espiritu Santo upang maunawaan ko ang mensahe, maintindihan ito, at maisagawa ang natutuhan ko. Sa aking study journal, isinusulat ko ang aking damdamin at mga impresyon tungkol sa binabasa ko. Sinasalungguhitan ko ang mahahalagang salita o talata na makakatulong sa akin kalaunan at sa buhay ko araw-araw. Kinukulayan ko ng dilaw ang pangalan ni Jesucristo at ang mga titulong naglalarawan sa Kanya, dahil itinuturo at pinatototohanan ng mga ito ang Tagapagligtas. Tumitigil ako sandali para pagnilayan kung anong mga katotohanan ang itinuturo at pinapansin ko ang aking mga saloobin at pinakikiramdaman kung ano ang nais ng Ama sa Langit na matutuhan at maunawaan ko. Lubos Niya tayong kilala at alam Niya ang sitwasyon ng bawat isa sa atin.

“Nagsusulat ako ng maiikling pariralang nagbibigay-inspirasyon mula sa mga banal na kasulatan at pangkalahatang kumperensya at inilalagay ang mga iyon sa dingding ng bahay ko upang madama ko ang patnubay at lakas na dulot ng mga ito.”

Yahaira Nuñez Periche, Chiclayo, Peru

6. Hanapin Kung Ano ang Gumagana para sa Iyo

“Natanto ko na ang paraan ng pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan at pangkalahatang kumperensya ay isang bagay na napakapersonal at magkakaiba sa bawat tao. Ang ilang tao ay gumagawa ng malawakang mga tala, at ang ilan ay hindi. Ang ilan ay mahilig magbasa ng mga banal na kasulatan; ang iba ay gustong makinig o manood. Ang mahalaga sa akin ay hindi ang pagsunod sa anumang mahihigpit na patakaran o pamamaraan ng pag-aaral. Iyon ay ang pag-unawa kung ano ang ipinadarama sa akin ng mga banal na kasulatan. Sa pag-unawa sa pag aaral sa pamamagitan ng paghahanap ng mga sagot sa mga tanong ko sa buhay, tinutulungan ako nito na hindi lamang basahin o pakinggan ang mga salita kundi talagang hanapin ang kahulugan ng mga ito at unawain kung ano ang kahalagahan ng mga ito sa sarili kong buhay. Ang paggawa nito ay nagpapaalala sa akin na personal akong kilala at may malasakit sa akin si Cristo bilang isang indibiduwal. Anong damdamin ang mas maganda pa kaysa malaman ang simpleng katotohanang iyan?”

David Haddock, York, England

7. Huwag Magbago

“Ang katapatan sa pamilya, paaralan, trabaho, at buhay kung minsan ay nagpapahirap sa pagkakaroon ng anuman at lalo na ng makabuluhang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Dahil pareho kaming lumaki na nagtatrabaho at nabubuhay sa mga pagawaan ng gatas, nalaman namin na ang pinakamagandang pagkakataon para magtagumpay ay alas-5:30 ng umaga sa paaralan—ang sukatan namin ng tagumpay kung minsan ay kung makakabangon ang lahat sa kama! Higit sa lahat, nalaman namin na mahalagang hindi magbago, pero hindi iyan nagbibigay sa amin ng mas maraming oras. Mahalaga ring maghanap ng mga paraan para baguhin ang ating pag-aaral. Ang mga bagay na magagawa natin habang nagmamaneho o naghihintay, tulad ng pakikinig sa magagandang aklat, podcast, at mensahe ay pawang nagpapahusay sa ating pag-unawa sa mga alituntunin ng ebanghelyo at nagpapatibay ng ating kaugnayan sa ating mapagmahal na Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, na nagtutulot sa atin na patuloy Silang isipin.”

Spencer at Sarah Parkinson, Iowa, USA

8. Daigin ang Panggagambala sa Pamamagitan ng Panalangin

“Para sa akin, mahirap kung minsan na magkaroon ng makabuluhang pag aaral ng mga banal na kasulatan dahil nalaman ko na madali akong magambala ng mga iniisip ko, ng cell phone ko, ng ibang tao, ng listahan ko ng mga dapat gawin, at iba pa. Gayunman, nalaman ko na kapag taimtim at taos-puso akong nanalangin bago mag-aral ng mga banal na kasulatan, mas nagagawa kong magtuong mabuti at kumunekta kay Cristo at matuto mula sa Espiritu. Ang panalangin ang nagkokonekta sa akin sa mga kapangyarihan ng langit at nagpapadaloy ng personal na paghahayag habang pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan.”

Morgan Green, Alaska, USA

9. Ibuod at I-save ang Mahahalagang Mensahe

1. “Magtala habang nakikinig sa mga mensahe sa kumperensya.

2. Kapag dumating na ang Liahona, salungguhitan ang mahahalagang bahagi habang nagbabasa.

3. Ibuod ang mahahalagang mensahe at i-file ang mga iyon sa computer (isama ang mga pangalan, kategorya, at petsa). Mga 16,000 mahahalagang mensahe ang nai-file na.

4. Suriin ang mga tema at gamit ng wika.”

Ryuichi Inoue, Japan

10. Tandaan ang Natutuhan Mo—at Magbago

“Limang taon na ang nakararaan, ibinahagi sa akin ng pre-MTC teacher ko ang isang bagay na nasabi sa kanya ng isang tao: ‘Kung hindi ka napagbabago ng pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan, hindi ka nag-aaral nang husto.’

“Para sa akin, ang mahalaga ay ang ginagawa ko pagkatapos kong magbasa sa mga banal na kasulatan. Sinisikap kong tandaan ang nabasa ko, sa buong maghapon at sa buong buhay ko. Kapag isinasabuhay ko ang mga alituntuning itinuro sa mga banal na kasulatan, nagbabago ang aking mga pananaw at hangarin, at lumalago ang pagkaunawa ko sa kung sino si Cristo at kung ano ang Kanyang nagawa.”

Maureen Dätwyler, Solothurn, Switzerland

11. Gawin Itong Personal

“Ipinapalit ko ang pangalan ko sa ibang mga pangalan sa mga banal na kasulatan. Gusto kong isipin na lahat ng nasa banal na kasulatan ay may sariling personal na kahulugan sa akin. Pinipili ko ang bawat salita, pantig, kuwit. Kung minsa’y medyo mabagal akong matuto at ilang talata lang ang kaya kong suriin sa halip na buong kabanata. Pero para sa akin, mas epektibo ang pamamaraang ito at mas inilalapit ako nito kay Jesucristo at patuloy ko Siyang iniisip sa buong maghapon. Mula nang magmisyon ako, nakagawian ko nang makinig sa pangkalahatang kumperensya tuwing umaga habang nagme-make up ako, nagliligpit ng higaan, nagsisipilyo, naghahanda ng almusal, o nagbibiyahe papasok sa trabaho. Dahil dito ay madaling pumapasok sa isip ko ang mga tamang bagay. Sa gabi bago matulog, isinusulat ko ang mga impresyon at pangakong binigyang-inspirasyon ng Banal na Espiritu.”

Marina Kharlamova, Krasnoyarsk, Russia

12. Magtanong sa Iba Kapag Hindi Mo Nauunawaan

“Sinisimulan ko sa panalangin ang pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan. Nagsusulat ako ng mga tanong tungkol sa ebanghelyo, o nagtutuon ako sa isang partikular na paksa na gusto kong matutuhan pa. Sinisimulan kong pag-aralan ang paksa o tanong na iyon at isinusulat ko ang iba pang mga tanong na naiisip ko. Kung mayroon akong hindi maunawaan, kinakausap ko ang aking mga magulang o mga kaibigan o nagtatanong ako sa Sunday School teacher ko.

“Gusto kong inaaral ang mga banal na kasulatan sa templo dahil tahimik doon at mas kakaunti ang mga panggagambala.”

Laura Dätwyler, Bern, Switzerland

13. Lumapit sa Panginoon

“Lagi akong pinupuspos ng salita ng Panginoon sa araw-araw. Sa Ho Chi Minh City, Vietnam, kung saan ako nakatira, sobra ang trapik sa umaga, kaya karaniwa’y pumapasok ako nang maaga sa trabaho at nag-uukol ako ng 30 minuto bago magtrabaho para mag-aral ng mga banal na kasulatan. Pakiramdam ko ay napakalapit ko sa Panginoon kapag sinisikap kong gumugol ng oras sa piling Niya. Kahit gaano ka kaabala sa isang araw, magbigay ka ng oras sa Diyos hangga’t kaya mo. Kung sisikapin mong lumapit sa Kanya, lalapit Siya sa iyo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:63). Gagabayan ka Niya at gagawin Niyang mas makabuluhan ang iyong maghapon kaysa magagawa mo.”

Mi Vo, Ho Chi Minh City, Vietnam

14. Maghanda sa Espirituwal

“Kapag pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan, espirituwal akong naghahanda sa pamamagitan ng pagdarasal at pagkatapos ay pinagninilayan ko ang napag-aralan ko.”

Yuberky Antonia Fernandez Cruz, Santiago de los Caballeros, Santiago, Dominican Republic

Tala

  1. Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 89.