Liahona
Ang Espiritu ang Pumuno sa Kakulangan
Setyembre 2024


“Ang Espiritu ang Pumuno sa Kakulangan,” Liahona, Set. 2024.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Espiritu ang Pumuno sa Kakulangan

Nadama ko ang pagmamahal ng mga miyembro ng ward habang kumakanta sila nang walang saliw ko.

paglalarawan ng isang babaeng tumutugtog ng organo at inaalo ng dalawang tao

Paglalarawan ni Katy Dockrill

Nakatira kami sa isang munting bayan sa Georgia, USA, nang mamatay ang aking ama sa edad lamang na 55 taong gulang. Ang karamihan sa aming pamilya ay nakatira sa ibang estado. Ang 2,000 milya (3,200 km) sa pagitan namin at ng aming pamilya ay hindi kailanman nadamang mas malayo kaysa noong panahong iyon.

Ang aking asawa ang bishop at ako ang organista ng aming maliit na ward. Dahil sa lahat ng damdamin at stress ng pagtulong sa mga plano sa libing, nakadama ako ng sobrang pagod noong araw ng Linggong iyon nang dumating ang oras para sa pangwakas na himno ng sacrament meeting: “Patnubayan Ka Nawa ng Diyos” (Mga Himno, blg. 90).

Sa kalagitnaan ng ikalawang talata, nadaig ako ng aking pighati. Kahit paano ay nakatugtog ako hanggang sa dulo ng talatang iyon, pero nanginig ang mga kamay ko at napuno ng luha ang aking mga mata kaya kinailangan kong tumigil kahit may isang buong talata pang natitira. Hindi ako makatigil sa pag-iyak.

Isang maikling paghinto ang sumunod nang matanto ng kongregasyon na tumigil na ang organo. Pero nagsimulang kumanta ang mga miyembro ng ward nang a cappella. Hindi perpekto ang pagkanta. Iilan lamang kami, kung tutuusin. Pero ang Espiritu ang pumuno sa kakulangan. Sa kabila ng aking mga luha at kahihiyan, nadama ko ang pagmamahal ng marami habang kumakanta sila.

Patnubayan ka nawa ng Diyos;

Hanggang sa muling magkita;

Damhin ang pagmamahal N’ya.

Diyos nawa ay patnubayan ka.

Nang matapos ang himno, niyakap ako ng music leader habang humihikbi ako sa pangwakas na panalangin. Pagkatapos ay lumapit ang ilang tao sa organo na may luha sa kanilang mga mata upang sabihin kung gaano sila nalulungkot tungkol sa nangyari sa aking ama.

Kalaunan, sinabi ko sa music leader na tutugtog ako ng piyano sa burol. Tila masamang ideya iyon matapos ang nangyari, pero tuwang-tuwa ang aking ama na marinig akong tumutugtog ng piyano. Gusto kong tumugtog para sa kanya. Natanto ko noon kung gaano siya kalapit sa pangwakas na himno.

Labis akong nagpapasalamat para sa mga himno. Pinatototohanan ko na ang musika ay makapagtuturo at makaaalo sa atin sa mga paraang madalas na hindi kaya ng mga salita. Tulad ng isinulat ng Unang Panguluhan sa paunang salita sa himnaryo, “Ang mga himno ay … nagpapaginhawa sa mga nahahapo, nag-aaliw sa mga nagluluksa, at nagbibigay-inspirasyon sa atin na magtiis hanggang sa wakas.” Nagpapasalamat din ako sa pagmamahal ng isang mabuting ward noong malayo ako sa sarili kong pamilya. Alam ko na talagang magkikita kaming muli ng aking ama.