Digital Lamang: Mga Turo ng mga Pinuno ng Simbahan mula sa Social Media
Paggaling sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Tingnan kung ano ang naituro ng mga propeta, apostol, at iba pang mga pinuno ng Simbahan sa social media tungkol sa paggaling.
Bagama’t bawat isa sa atin ay walang-alinlangang daranas ng maraming hamon sa mortalidad, ang pangako ng Tagapagligtas na pagpapagaling ay maaaring magbigay sa atin ng kapanatagan, kapayapaan, at kagalakang kailangan natin para madaig ang mga hamong iyon. Maaari tayong gumaling mula sa ating espirituwal, mental, emosyonal, at pisikal na mga sugat kapag tinanggap natin ang paanyaya ni Jesucristo na lumapit sa Kanya.
Itinuro ni Pangulong Nelson:
“Pag-aralang muli ang salaysay tungkol sa pagpapakita ng Tagapagligtas sa mga Nephita sa lupain ng Amerika, na nakatala sa 3 Nephi. Hindi pa natatagalan bago ang pagpapakitang iyon, narinig ng mga tao ang Kanyang tinig, pati na ang mga salita ng pagsamong ito:
“‘Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at mag[ba]balik-loob, upang mapagaling ko kayo?
“… Masdan, ang aking bisig ng awa ay nakaunat sa inyo, at kung sinuman ang lalapit, siya ay tatanggapin ko’ [3 Nephi 9:13–14].
“Mahal kong mga kapatid, ipinaaabot ni Jesucristo ang paanyaya ring iyon sa inyo, ngayong araw na ito. Nagsusumamo ako sa inyo na lumapit sa Kanya upang mapagaling Niya kayo! Pagagalingin Niya kayo mula sa kasalanan kung magsisisi kayo. Pagagalingin Niya kayo mula sa kalungkutan at takot. Pagagalingin Niya kayo mula sa mga sugat ng mundong ito.”
Nagsalita ang mga pinuno ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa paggaling. Nagbahagi rin sila ng mga mensahe tungkol sa paksang ito sa social media, kabilang na ang mga sumusunod:
Pagkakaroon ng Kapanatagan sa Pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo
“Sa miting ko kamakailan sa ilang kabataang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, isang dalagita ang humingi ng payo tungkol sa pagharap sa mga hamon sa damdamin habang nakikibahagi sa gawain ng Panginoon.
“Nagpapasalamat ako sa bago kong kaibigang si Carol, na nagbahagi kung paano siya nabigyan ng kapanatagan ng pagkaunawa niya sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo noong nababalisa siya.”
Video:
Pangulong Oaks: “Nang mamatay ang aking ama, inilipat ng aking ina ang tatlong anak niya … para manirahan sa aming mga lolo’t lola dahil halos nasiraan siya ng isip at hindi na niya maalagaan ang sarili niya. O, una sa lahat, hindi niya maituloy ang nasimulan niyang master’s degree program noong panahong iyon. At kinailangan niyang magpagamot nang halos dalawang taon para makakilos nang maayos. Ngayon, medyo malubhang sitwasyong iyon ng kawalan ng katatagan ng isipan. At nakalakhan ko iyon dahil nagkaroon ng mahimalang paggaling ang aking ina mula sa kanyang nervous breakdown. Nagkaroon siya ng pambihirang kakayahan sa pag-iisip, nagkaroon ng propesyonal na trabaho kung saan tumulong siyang mag-organisa ng mga programa sa akademya para pangalagaan ang mga taong nawalan ng katatagan ng isipan at kung saan siya nanguna bilang propesyonal sa kanyang buhay. At may mas malalaking kaloob na katatagan ng isipan ang ilang tao kaysa sa iba. Ang ilan ay maaaring mahirapan habambuhay. Ang ilan ay maaaring magkaroon ng malubhang sumpong at malagpasan ito, tulad ng nangyari sa aking ina. Pero ano ang ilang paraan para magtaguyod ng katatagan ng isipan?”
Carol: “Marami na akong naranasang pagkabalisa sa buong buhay ko. Kaya nga pakiramdam ko ay isang tanong ito na madalas kong maisip at nagpapahirap din sa akin. Pero nitong mga nakaraang linggo sa seminary, nagtutuon kami talaga sa pag-aaral tungkol sa Pagbabayad-sala. At nang malaman ko ang tungkol kay Jesucristo, at na pinagdusahan Niya ang bawat bagay na naramdaman ko, nakadama ako ng malaking kapanatagan, batid na anumang kawalan ng katatagan ng isipan ang maramdaman ko, sa anumang dahilan, nadama rin Niya iyon. At nakasumpong ako ng malaking kapanatagan doon at sa pagkaalam lang na hindi ako nag-iisa.”
Pangulong Oaks: “Napakagandang paglalarawan niyan ng isang bahagi ng Pagbabayad-sala na hindi pinapansin ng maraming tao. Hindi lang Siya nagdusa para sa ating mga kasalanan. Nagdusa Siya para sa ating mga pasakit, ating mga kakulangan, pati na sa ating mga depresyon at pagkabalisa. Naramdaman Niyang lahat iyan.”
Pangulong Dallin H. Oaks, Facebook, Ago. 6, 2023, facebook.com/dallin.h.oaks.
Si Cristo ay Nagdudulot ng Paggaling sa Kaluluwa
“Dahil sa mga hamon sa kalusugan ng isa sa aming mga mahal na kapamilya, muli naming naalala ni Harriet ang pangangailangan na laging magtiwala sa Panginoon at sa kapangyarihang magpagaling na tanging si Jesucristo ang maaaring magbigay.
“Nang una naming mabalitaan ang tungkol sa karamdaman, nalungkot kami—pero umasa pa rin. Tiniyak sa amin na gagawin ng health care personnel ang lahat para malunasan ang pisikal na karamdaman. At alam namin na ang biyaya ng Tagapagligtas ang kapangyarihang maghahatid ng banal na paggaling sa kaluluwa.
“Maaari tayong mapanatag na lahat sa pagkaalam na ang kaloob ng Diyos sa buong sangkatauhan, maging ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ay isang aktibong kapangyarihan na nagpapagaling sa buong taon, hindi lamang sa Pasko at Pasko ng Pagkabuhay.
“Lubos kaming nagpapasalamat ni Harriet na ang mensahe ng Pasko ay isang mensahe ng kagalakan at pagpapagaling. Ngayong Kapaskuhan, at bawat panahon ng taon, maaari tayong magtiwala kay Jesucristo. Maghahatid Siya ng pag-asa at pagpapagaling sa ating buhay.
“Maligayang Pasko! Nawa’y pagpalain kayong lahat ng Diyos.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Dis. 20, 2023, facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Ang mga Resulta ng Taos-Pusong Pagsisisi ay Kapayapaan, Kapanatagan, Espirituwal na Paggaling, at Kagalakan
“Kinakailangan sa pagsisisi ang Manunubos. Ang pagtalikod sa kasamaan ay hindi naghahatid ng espirituwal na paggaling nang hindi bumabaling sa Kanya.
“Itinuro ni Ezra Taft Benson (1899–1994), pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na ang pagsisisi ay talagang nagdudulot ng mga pagbabago sa saloobin at pag-uugali, pero ang simpleng pagbabago ng mga saloobin at pag-uugali ay hindi pagsisisi.
“Sabi ni Pangulong Benson, ‘Ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ang pundasyon na kailangang pagbatayan ng taos-puso at makabuluhang pagsisisi. Kung tunay nating hinahangad na iwaksi ang kasalanan, kailangan muna nating umasa sa Kanya na May-akda ng ating kaligtasan.’”
Video:
“Ang pagkilala at pagtalikod sa kasalanan, pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik ng ninakaw, at pagtatapat ng mga kasalanan sa Diyos at, kung kinakailangan, sa ating mga priesthood leader ay pawang kailangan at mahahalagang elemento sa proseso ng pagsisisi. Gayunman, ang mahahalagang hakbang na ito ay hindi lamang isang listahan ng mga pag-uugali na inaasahang makita sa atin, na mabilis, at kaswal na lalagyan ng tsek kapag nagawa na. Kung gagawin natin ang mga bagay na ito at hindi natin kikilalanin at aasahan ang Manunubos at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, walang kabuluhan kahit ang pinakamatitinding pagsisikap natin. Ang mga resulta ng taos-pusong pagsisisi ay kapayapaan, kapanatagan, espirituwal na paggaling at pagpapanibago, at kagalakan.”
Elder David A. Bednar, Facebook, Set. 8, 2023, facebook.com/davida.bednar.
Nariyan si Cristo—para Panatagin Tayo, Pagalingin Tayo, at Tulungan Tayong Maging Katulad Niya
“Habang sinisikap nating magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo at tinutulutan ang dalisay na pag-ibig ni Cristo na gabayan ang ating ambisyon, dapat nating kilalanin na ang pag-unlad at pagdadalisay ay dumarating sa paglipas ng panahon at sa tulong ng Diyos—sa paisa-isang biyaya, nang biyaya sa biyaya.
“Tiyak, lahat tayo ay hindi sanay kumpara kay Jesucristo. Pero itinuturing pa rin Niya tayong karapat-dapat sa Kanyang atensyon, pagmamahal, at tulong, at sa tulong na iyan, lumalago ang ating kakayahan. Pambihira na indibiduwal at personal ang interes ni Cristo sa atin, tulad sa Kanyang mga kaibigan sa mga panahon ng Kanyang ministeryo sa lupa.
“Kasama pa rin natin Siya bagama’t hindi natin nakikita. Maaari pa rin Siyang umiyak na kasama at para aliwin ang mga Maria na nawalan ng mga kapatid, magulang, asawa, o anak. Maaari pa ring dumaloy ang kabutihan mula sa Kanya para pagalingin ang kababaihan at kalalakihang umaabot para mahawakan ang laylayan ng Kanyang damit. Hindi takot si Jesus na magkaroon ng malalapit na kaibigan.”
Elder D. Todd Christofferson, Facebook, Dis. 10, 2023, facebook.com/dtodd.christofferson.
Paggaling Matapos Mawalan ng Mahal sa Buhay
“Ang pagbisita namin sa linggong ito [sa Brazil] kay Pernambuco [State] Governor Raquel Lyra ay naging espesyal na karanasan na hindi namin agad-agad na malilimutan ni Kathy.
“Napakagalang at napakabait ni Governor Lyra. Natuwa kami na sumama rin sa amin sina Elder at Sister Joni Koch mula sa Brazil area presidency.
“Gayunman, ang nagsimula bilang simple at magiliw na pagbisita ay naging mas makabuluhan kaagad para sa bawat isa sa amin.
“Ang malungkot, ilang buwan pa lang ang nakararaan nang mamatay ang asawa ni Governor Lyra kasunod ng matinding atake sa puso noong Oktubre 2022. Tulad ng inaasahan, ang pagkamatay ng kanyang asawa ay naging malaking kawalan at kalungkutan kay Governor Lyra at sa kanyang dalawang musmos na anak.
“Nang ikuwento sa amin ni Governor Lyra ang nadarama niyang pagmamahal at pighati, nagawa naming tiyakin sa kanya ang likas na pagiging walang hanggan ng ating kaluluwa at na buhay pa rin ang kanyang asawa.
“Binigyan namin siya ng Aklat ni Mormon, at binasa niya ang Alma 40:11–12 na maganda ang sinasabi tungkol sa kasunod na buhay ng mga taong naniniwala kay Jesucristo at sumusunod sa Kanya. Ibinahagi ko sa kanya ang aking personal na patotoo tungkol sa Tagapagligtas.
“Bilang pagpapakita ng pagmamahal at paggalang sa isa’t isa, pagkatapos naming mag-usap, sinamahan kaming bumaba ni Governor Lyra sa magandang hagdanang bato at nagpaalam siya sa amin sa harap ng Palasyo ng Gobernador.
“Ang damdamin ng kawalan na nadarama natin sa kamatayan ay tunay na tunay at napakapersonal—ngunit gayon din ang pag-asa at paggaling na dumarating sa atin dahil kay Jesucristo.
“‘O kamatayan, nasaan ang iyong tibo? O kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay?’
“‘Salamat sa Diyos, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo” (1 Corinto 15:55, 57).”
Elder Neil L. Andersen, Facebook, Mar. 9, 2023, facebook.com/neill.andersen.
Pinupuspos Tayo ng Nagpapagaling na Kapangyarihan ng Tagapagligtas ng Kapayapaan, Liwanag, Pag-unawa, Kagalakan, at Pagmamahal
“Tuwang-tuwa kami ng asawa kong si Rosana na makasama ang mga estudyante sa BYU–Hawaii kamakailan. Tinalakay namin ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo, ang pinakadakilang kapangyarihang matatamo natin sa buhay na ito.
“Ang pagpiling maniwala at magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ay nagpapaibayo ng access natin sa makadiyos na kapangyarihan, anuman ang mga kabiguan at kawalang-katiyakan ng buhay. Ito ang pinagmumulan ng pamumuhay nang may banal na layunin at walang-hanggang pananaw.
“Kapag itinuon natin ang ating buhay sa Tagapagligtas, makikita natin ang mga sagot sa malalalim at mahahalagang alalahanin ng ating kaluluwa. Tinitiyak ko sa inyo na ang tiwala at pananampalataya natin sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay magpapalakas sa atin na patuloy na sumulong sa kabila ng ating mga hamon. Binibigyan tayo nito ng dahilan para magkaroon ng matibay na pag-asa at naglalaan ito ng matibay na angkla sa ating kaluluwa, na nagbibigay sa atin ng walang-hanggang kapayapaan ng kalooban na kailangan natin para mabuhay sa mga panahong ito at makasumpong ng kapahingahan sa Kanya.
“Sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang nagpapagaling na nagbabayad-salang sakripisyo, nakakatayo tayo nang tuwid at matatag, maging sa kabila ng paghihirap. Pinupuspos ng nagpapagaling na kapangyarihan ng Tagapagligtas ng kapayapaan, liwanag, pag-unawa, kagalakan, at pagmamahal ang ating kaluluwa.”
Elder Ulisses Soares, Facebook, Mar. 21, 2023, facebook.com/soares.u.
Ang Tagapagligtas ay Nagbibigay ng Emosyonal na Kaginhawahan Bilang Dalubhasang Manggagamot
“Noong nakaraang buwan nagkaroon ng pagkakataon ang aming panguluhan na magsalita sa BYU Women’s Conference tungkol sa paksang ‘Si Jesucristo ay Kaginhawahan.’ Nagtuon ako sa emosyonal na kaginhawahang ibinibigay ng Tagapagligtas bilang Dalubhasang Manggagamot. Ibinahagi ko ang karanasan ng aking bunsong anak na babae sa mga hamon sa kalusugan ng damdamin na nagsimula noong napakabata pa niya. Sa nakalipas na limang taon ng kanyang pagpapagaling, naunawaan niya kung paano siya sinamahan ng Tagapagligtas sa buong buhay niya, kahit sa mga panahon na pakiramdam niya ay pinabayaan siya nang lubusan ng Tagapagligtas at hindi niya nadama ang Espiritu. Naintindihan niya na nariyan si Jesucristo sa bawat mabuting bagay na dumating sa kanyang buhay at sa bawat mabuting taong nag-alok ng tulong.
“Milyun-milyon ang nakikibaka sa mga hamon sa kalusugan ng isipan at damdamin. Ang isa sa napakahirap na mga bahagi ng mga hamong ito ay ang stigma na kaakibat ng mga ito at ang malupit na paghusga ng ilan na isang kapintasan ito sa pagkatao o tanda ng kahinaan o katamaran. Ang mga epekto ng karamdaman sa pag-iisip at damdamin ay totoo at mapanira na tulad ng pisikal na karamdaman o pinsala, pero ang mga epekto ay maaaring di-gaanong nakikita kumpara sa isang nabaling binti o kaya ay kanser. Ang mga epekto ng karamdaman sa pag-iisip at damdamin ay kadalasang maaaring magpahirap para makakilos o makasumpong ng kagalakan ang isang tao. Sinasabi ng ilan sa mga taong may mga hamon sa kalusugan ng isipan na ‘tanggapin mo na lang iyan’ at ‘magsikap ka pa’ o ‘maging mas tapat ka.’ Hindi natin iyan sasabihin sa isang taong may kanser o kaya ay nabalian ng binti.
“Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang pinakadakilang pinagmumulan ng ating kaginhawahan. Kaylaking pagpapala na maaari tayong makipagtuwang sa Kanya na tumulong na maghatid ng emosyonal, espirituwal, at pisikal na kaginhawahan sa mga nasa paligid natin. Maging mga kasangkapan tayo ng kaginhawahan sa Kanyang mga kamay para sa mga tao sa paligid natin, pati na sa mga miyembro ng sarili nating pamilya. Napakaraming nangangailangan ng kaginhawahan ng Tagapagligtas!”
Sister J. Annette Dennis, Facebook, Hunyo 20, 2023, https://www.facebook.com/RS1stCounselor.
Nagpapagaling na Kapangyarihan ng Pasasalamat
“Sinabi na ni Pangulong Nelson, ‘Walang gamot o operasyon ang makalulutas sa maraming espirituwal na kapighatian at karamdaman na kinakaharap natin.
“‘Gayunman, may solusyon—na maaaring nakakagulat—dahil kabaligtaran ito ng natural na reaksyon natin sa mga nangyayari. Gayunpaman, ang epekto nito ay napatunayan na ng mga siyentipiko at mga kalalakihan at kababaihan na nananampalataya.
“‘Ang tinutukoy ko ay ang nagpapagaling na kapangyarihan ng pasasalamat. …
“‘Mas mainam na [isipin] ang ating mga biyaya kaysa paulit-ulit na [isipin ang] ating mga problema. Anuman ang sitwasyon natin, ang pagpapakita ng pasasalamat para sa ating mga pribilehiyo ay mabilis at pangmatagalang espirituwal na preskripsiyon. …
“‘Tinatanggal ba ng pasasalamat ang ating kapighatian, kalungkutan, hapis, at pagdurusa? Hindi, ngunit pinagiginhawa nito ang ating mga damdamin. Nagbibigay ito sa atin ng mas malawak na pananaw sa pinakalayunin at kagalakan ng buhay’ (The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, “President Russell M. Nelson on the Healing Power of Gratitude,” Nob. 20, 2020, YouTube video).
“Tulad ng sabi ni Pangulong Nelson, pinatutunayan ng agham o siyensya ang kanyang sinabi. Nakasaad sa website ng Mayo Clinic: ‘Ang pagpapahayag ng pasasalamat ay nauugnay sa maraming mental at pisikal na pakinabang. Ipinakita na ng mga pag-aaral na ang makadama ng pasasalamat ay maaaring makabuti sa pagtulog, pakiramdam at kaligtasan sa sakit. Ang pasasalamat ay maaaring makabawas sa depresyon, pagkabalisa, mga paghihirap sa matitinding sakit at peligro ng sakit’ (“Can Expressing Gratitude Improve Your Mental, Physical Health?,” Mayo Clinic Health System, Dis. 6, 2022).
“At ipinahihiwatig ng BYU research na ang pasasalamat sa Diyos, at pagkakaroon ng utang-na-loob sa Kanya, ay mas malaki ang kabuluhan at epekto kaysa sa simpleng pasasalamat lamang. Sa madaling salita, ang pag-iisip sa iyong mga pagpapala at pagkilala sa pinagmulan ng mga ito ay maaaring maging mas makapangyarihan pa sa ating buhay.
“Tinawag ni Pangulong James E. Faust ang pasasalamat na ‘isang pagpapahayag ng pananampalataya’ at ‘isang alituntunin sa pagliligtas’ (pangkalahatang kumperensya, Abr. 1990).
“Gustung-gusto ko ang talatang ito sa Doktrina at mga Tipan 78:19: ‘At siya na tumatanggap ng lahat ng bagay nang may pasasalamat ay gagawing maluwalhati; at ang mga bagay sa mundong ito ay idaragdag sa kanya, maging isandaang ulit, oo, higit pa.’
“Kasama sa ‘lahat ng bagay’ maging ang mahihirap na bagay.
“Kilalanin natin ang pinagmumulan ng lahat ng ating mga pagpapala. Magkaroon tayo ng ‘diwa ng pasasalamat,’ tulad ng sasabihin ni Pangulong Thomas S. Monson. Nagpapabago talaga ito ng buhay!”
Sister J. Annette Dennis, Facebook, Nob. 23, 2023, http://facebook.com/RS1stCounselor.
Isang Nagpapagaling na Katotohanan: Tayo ay mga Anak ng Diyos
“Paano ka nasagip ng pagkaalam na ikaw ay anak ng Diyos?
“Kamakailan lamang, nagkaroon kami (nina Pangulong Camille N. Johnson, Sister Tracy Y. Browning, at Sister Andrea Veronica Muñoz Spannaus) ng pagkakataong bumisita sa Nashville, Tennessee. Habang naroon kami, nagkaroon kami ng pribilehiyong bumisita sa Thistle Farms, isang lugar na nagbibigay ng santuwaryo ng pagpapagaling at pagtubos. Makikita sa misyon ng Thistle Farms ang malalim na pag-unawa na ang ating walang-hanggang katotohanan ay higit pa sa mga sitwasyon na maaaring naglarawan sa atin.
“Naisip namin ang mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson sa aming pagbisita: ‘Mahal kong mga kaibigan, kayo ay literal na mga espiritung anak ng Diyos. Nakanta na ninyo ang katotohanang ito mula nang matutuhan ninyo ang mga titik sa ‘Ako ay Anak ng Diyos.’ Ngunit nakatatak ba sa puso ninyo ang walang-hanggang katotohanang iyan? Nasagip na ba kayo ng katotohanang ito nang maharap kayo sa tukso?’ (“Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” [pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022], Gospel Library)
“Sa Thistle Farms, ang mga indibiduwal ay hindi lamang nakaligtas kundi tinanggap pa bilang karapat-dapat at pinahahalagahang mga tagapag-ambag sa isang komunidad na nakakaunawa, tulad ng sinasabi sa kanilang mantra, na ‘ang pagmamahal ay nagpapagaling.’ Ang pagmamahal na ito, na nakaugat sa pag-unawa na tayo ay minamahal ng Diyos, ay nagiging catalyst para sa malalim na personal na pagpapanumbalik.”
Sister Tracy Y. Browning, Facebook, Dis. 3, 2023, http://facebook.com/Primary2ndCounselor.