“Hindi na Nalulungkot: 7 Paraan para Makakonekta,” Liahona, Set. 2024.
Pagtanda nang May Katapatan
Hindi na Nalulungkot: 7 Paraan para Makakonekta
Ang kalungkutan ay isang hamon na maaaring madaig ng ilang pagsisikap, emosyonal na lakas, at tulong mula sa Tagapagligtas.
Malamang na minsan ay mararanasan nating lahat ang kalungkutan. Ang paminsan-minsang pagkadama ng kalungkutan ay maaaring maging malusog at kapaki-pakinabang, isang biyolohikal na tanda na kailangan nating magkaroon ng mas matitibay na ugnayan. Pero ang patuloy na kalungkutan ay kadalasang malaking balakid sa kaligayahan.
Kabilang sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit ang pagtitipon sa atin sa mga pamilya at sa mga kongregasyon. Tinutulungan tayo nito hindi lamang sa ating walang hanggang pag-unlad kundi maging sa ating pangangailangan bilang tao na makasama ang iba, na madamang kabilang tayo, na magbigay at tumanggap ng emosyonal na suporta. Sinisimulan nang kilalanin ng siyensya ang panlipunang ugnayan bilang isang biolohikal na pangangailangang nakaugnay sa ating kalusugan at kaligtasan.
Isa rin itong espirituwal na pangangailangan. Kailangan natin ang isa’t isa para sa ating espirituwal na kapakanan at pag-unlad. At ang langit na puno ng walang hanggang ugnayan ay isang partikular na masayang kaisipan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:2).
Isipin ang mga sumusunod na ideya para mapaglabanan ang kalungkutan sa iyong buhay:
-
Umasa sa Tagapagligtas. Alam ng iyong Ama sa Langit at ni Jesucristo ang iyong kalungkutan at nais Nilang tumulong. Ang kaalaman na sanay ang Tagapagligtas sa sakit ng kalungkutan ay makatutulong sa iyo na malaman na nauunawaan Niya ang nadarama mo. Ang paglapit sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas sa panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsamba sa araw ng Sabbath at sa templo ay tutulong sa iyo na malaman na hindi ka nag-iisa kailanman. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kapag nakatuon ang ating buhay … kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.”
-
Maging palakaibigan. Ang kalungkutan kung minsan ay maaaring maging dahilan para mag-alinlangan tayo na ang pagsisikap ay makatutulong na mabawasan ang ating pasakit. Suriin ang sarili para malaman kung ikaw ay pesimista. Habang naghahanap ng mga pagkakaibigan, tandaan na ang pagiging palakaibigan ay madalas na kailangan. Ang simpleng pagbati sa isang kapitbahay ay makagagawa ng kaibhan. At ang paghahanap ng mga pagkakataong pagpalain ang mga buhay ng iba na nahihirapan din sa kalungkutan ay maaaring ang pinakamabisang magagawa sa lahat.
-
Alamin ang mga karaniwang interes ninyo. Hanapin ang mga tao at grupo na ang mga interes, pananaw, at pamantayan ay katulad ng sa iyo. Maaari kang maghanap (o pag-isipan na magsimula!) ng isang samahan para sa pagbabasa, samahan para sa paglilingkod, samahan para sa paglalakad, grupo para sa pag-awit, grupo para sa home evening, o grupo para sa mga magulang na wala nang kasamang anak sa bahay.
-
Patatagin ang mga kasalukuyang ugnayan. Karamihan sa mga tao ay may mga ugnayan na sa pamilya, mga kaibigan, mga kapitbahay, at mga miyembro ng ward. Ang pangangalaga sa mga kasalukuyang ugnayang ito ay magandang simula sa paglaban sa kalungkutan. Ang mga pagkakaibigan ay kailangan ng oras para mabuo sa likas na paraan, kaya maging matiyaga habang pinangangalagaan mo ang mga ugnayan. Tandaan na ang kalidad ng iyong mga ugnayan ay mas mahalaga kaysa sa bilang ng mga ugnayang mayroon ka.
-
Maghanap ng mga pagkakataong maglingkod at magbahagi ng iyong mga talento at espirituwal na kaloob. Halos walang limitasyon ang mga pagkakataong mag-minister at maglingkod sa Simbahan, sa ating pamilya, at sa komunidad. Kapag nadarama natin na ang ating mga pagsisikap ay may positibong epekto sa iba, maaari itong magdulot ng diwa ng kahulugan at layunin sa ating buhay. Ang madama na may kahulugan ang ating buhay sa iba ay malakas na panlaban sa kalungkutan.
-
Magplano para sa mga panahong puno ng hamon. Ang mga panahon ng bakasyon at mahahalagang petsa, tulad ng anibersaryo ng pagkamatay ng isang mahal sa buhay, ay maaaring maging mahirap. Subukang magplano ng mga aktibidad kasama ang mga kaibigan o kapamilya sa gayong mga araw para hindi patuloy na maisip ang mga ugnayang nais sana ninyo.
-
Makibahagi sa gawain sa templo at family history. Ito ay mabisang paraan para makadama ng kapanatagan at pagiging kabilang. Nangako si Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol ng napakaraming pagpapalang maaari nating matanggap, kabilang na ang “dagdag na pagmamahal at pagpapahalaga para sa ating mga ninuno at nabubuhay pang mga kamag-anak, upang hindi na tayo makadama ng pag-iisa.”
Para sa karamihan ng mga tao, ang kalungkutan ay isang hamon na maaaring madaig ng ilang pagsisikap, emosyonal na lakas, at tulong mula sa Tagapagligtas.