“Pinatototohanan Natin ang Ating Buhay na Propeta,” Liahona, Set. 2024.
Pinatototohanan Natin ang Ating Buhay na Propeta
Salamat, O Diyos, sa aming propeta.
Alam ko na si Pangulong Russell M. Nelson ay propeta ng Diyos, at nagpapasalamat ako na nangungusap ang Diyos sa kanya. Ang pagmamahal ni Pangulong Nelson para sa atin ay isang pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos. Mahal ko si Pangulong Nelson. Ang mga pangakong ipinapahayag niya ay galing sa Diyos.
Justine Hinautan, Pilipinas
Itinuturo sa akin ni Pangulong Nelson na ang pinakamahalagang bagay ngayon ay piliin si Cristo sa pamamagitan ng pagpapahalaga at pagtupad sa mga tipan.
Ryan Hulme, New Zealand
Lubos akong nagpapasalamat para sa propeta, na si Russell M. Nelson. Pinatototohanan ko na siya ay isang taong tinawag ng Diyos upang gabayan at palakasin tayo sa mga huling araw. Kung susundin natin ang kanyang payo, magiging mabuti ang lahat.
Nelson Almeida, Cabo Verde
Salamat, Pangulong Nelson, mula sa kaibuturan ng aming mga puso sa pagbibigay mo sa amin ng mga salita ng karunungan mula sa ating Ama sa Langit. Pagpalain kayo ng Diyos, mahal naming propeta!
Brenda Boyle, Scotland
Salamat, Pangulong Nelson, para sa inyong nagbibigay-inspirasyon at nakasisiglang mga turo. Mahal namin kayo.
Thuong Putheary, Cambodia
Labis akong nagpapasalamat para sa pagmamahal at mga ideyang ibinibigay ni Pangulong Nelson bilang propeta. Ang kanyang mensahe tungkol sa templo ang naglapit sa akin tungo sa pagkuha ng aking endowment, ang kanyang debosyonal para sa mga young adult ay nagpaalala sa akin na kilalanin ang aking pangunahing pagkakakilanlan bilang anak ng Diyos, at ang pagsusulong niya sa pagtitipon ng nakalat na Israel ay laging paksa ng aking pamilya at komunidad sa ward. Higit sa lahat, tinulungan niya akong mas mapalapit sa aking Tagapagligtas.
Grace Burt, Estados Unidos
Pinagnilayan ko nang husto ang mga turo ng ating pinakamamahal na propeta, na si Russell M. Nelson. Ang kanyang mga turo ay nagbigay-inspirasyon sa aking buhay. Ang kanyang mga salita bilang propeta ay naghikayat sa akin na patuloy na sumulong at ipamuhay ang ebanghelyo nang mas lubusan sa mundong ito na magulo at puno ng pagtatalo. Nadarama kong ligtas ako dahil alam kong mayroon tayong propeta sa ating panahon na nagpapayo sa atin na magkaroon ng diwa ng kapayapaan, na iwasang makipagtalo sa ating mga kasama. Pinahahalagahan ko ang kanyang mga dakilang turo.
Ana Montoya, Honduras
Mayroon akong matibay na patotoo na si Pangulong Russell M. Nelson ay propeta ng Diyos para sa mga huling araw. Nagkaroon ako ng pribilehiyong masaksihan nang malapitan ang kanyang pagpapakumbaba, ang kanyang pagiging simple, at ang pagmamahal na nadarama niya para sa mga tao. Tunay nga, siya ang piniling tao upang pamunuan ang kaharian ng Diyos sa lupa sa kakaibang panahong ito. Nakinig ako at sinunod ko ang kanyang payo, na gumabay sa akin na mamuhay nang matwid at harapin ang mga hamon ng mortalidad. Nakadarama ako ng labis na pagmamahal para kay Pangulong Nelson, at alam ko ang kanyang pambihirang ambag sa pagsulong ng kaharian ng Diyos at sa pagtitipon ng Israel sa pamamagitan ng kanyang mga inspirasyon at pahayag para sa pagtatayo ng mga templo sa buong mundo.
David G. Fernandes, Brazil
Noong ika-24 ng Agosto 2019, nagsalita ang propeta sa wikang Espanyol at tinuruan niya kami tungkol sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon. Nadama ko nang husto ang pagmamahal ni Jesucristo sa pagsisikap ng propeta na pag-aralan ang aming wika. Alam ko na sa pamamagitan ng buhay na propeta, hinihikayat, tinatagubilinan, pinoprotektahan, ginagabayan, at pinagpapala tayo ng Diyos.
Saúl Alfredo Rojas de León, Guatemala