“Isang Espirituwal na Impresyon ng Paglikha,” Liahona, Set. 2024.
Mga Larawan ng Pananampalataya
Isang Espirituwal na Impresyon ng Paglikha
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagkaroon ng mas malalim na kahulugan para sa akin nang gawan ko ng iskultura ang kuwento tungkol kina Abraham at Isaac.
Ang pagpipinta at paglilok ay isang paraan na ipinapakita ko ang aking pagpapahalaga sa kagandahan ng mundo. Para sa akin, ang sining ay nagsisimula sa isang espirituwal na impresyon ng paglikha.
“The Covenant Child [Ang Anak ng Tipan]”
Nang ang isang kaibigan ay magretiro at maghandang umalis, gumawa ako ng isang obra para sa kanya na tinatawag na The Covenant Child [Ang Anak ng Tipan]. Ito ay iskultura tungkol kay Abraham na hawak ang sanggol na si Isaac. Mula noon, nakagawa na ako ng serye ng iba pang mga iskultura na nagtatampok kina Abraham at Isaac. Ang mga ito ang mga paborito ko at ang ilan sa mga pinakamahalaga kong gawa.
Ang pinakamakapangyarihan sa akin ay ang pagtuturo ni Abraham sa kanyang anak mula sa mga turong nakasulat sa mga scroll o balumbon. Hinahawakan ni Abraham ang kanyang sariling hita at nakatingin siya sa itaas na mukhang nasasaktan dahil sa impresyon mula sa Panginoon na kailangan niyang ialay ang kanyang nag-iisang anak. Niyayakap ni Isaac si Abraham pero hindi niya maunawaan kung bakit hindi tumutugon sa kanya ang kanyang ama.
Isa pang obra na kasalukuyang ginagawa ang nagpapakita sa kanilang dalawa na nagtatayo ng altar. Nagtanong si Isaac kung nasaan ang hain, at sumagot si Abraham na ang Panginoon ang magbibigay. Sa naunang obra, pinagkalooban si Abraham ng isang tupang lalaki na nasa kadawagan o lugar na matinik at sinabihang hindi niya kailangang ialay ang kanyang anak. Niyayakap ni Abraham si Isaac, hinahawakan siya nang mahigpit. (Tingnan sa Genesis 22:1–13.)
Ang napakahalaga sa kuwentong ito ay isa itong kahalintulad, o simbolo, ng sakripisyo ng Anak ng Diyos. Pinili rin ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa Kanyang Bugtong na Anak, na isakripisyo Siya pero hindi Siya iniligtas sa huling sandali. Sa mga salita ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Walang tupang lalaki sa mga tinik sa Kalbaryo upang iligtas Siya, ang Kaibigang ito nina Abraham at Isaac” (“O, Divine Redeemer,” Ensign, Nob. 1981, 8).
Sa halip, tinulutan ng Ama ang Kanyang piniling Anak (tingnan sa Moises 4:2) na isagawa ang Pagbabayad-sala para sa atin upang makauwi tayong lahat nang sa gayon ay muling mamuhay na kasama Nila kung hinahangad natin at namumuhay tayo nang karapat-dapat sa pagpapalang iyon (tingnan sa Juan 3:16–17).
Sinasabi sa akin ng karanasan ko na nakikibahagi ang Diyos sa ating mga buhay. Tayo ay gayon upang tayo ay “magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25), pero nagkakaroon tayo ng karanasan sa pamamagitan ng mga bagay na dinaranas natin. Kasingtiyak na may mabubuting bagay na mangyayari sa atin, gayunman, may “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11). Gayunman, nariyan ang Diyos para sa atin, at madaraig natin ang anumang kailangan nating daigin, anuman ang mga pagsubok na nararanasan natin sa buhay. Matutuklasan natin na mapaglalabanan natin ang ating mga pagsubok habang patuloy nating sinisikap na magmahal, maglingkod, at maging mas mapagkawanggawa—tulad ng ating Tagapagligtas.
Nagpapasalamat ako para sa ebanghelyo, sa aking pamilya, at sa lahat ng magagandang tao sa Simbahan. Saanman kami nagmisyon ng asawa kong si Kathleen sa iba’t ibang panig ng mundo, nakahanap kami ng mga Banal na nagmamahalan at naglilingkod, nagpapala, at nagsasakripisyo para sa isa’t isa. Mahal tayo ng Ama sa Langit, at tayo ay Kanyang mga anak. Wala nang mas mahalaga pa kaysa maging tapat sa Kanya at sa Kanyang Anak, na napakatapat sa atin.