Liahona
7 Paraan na Maaaring Mapabuti ng Ebanghelyo ni Jesucristo ang Kalusugan ng Isipan
Setyembre 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

7 Paraan na Maaaring Mapabuti ng Ebanghelyo ni Jesucristo ang Kalusugan ng Isipan

Ang mga pagpapala ng ebanghelyo ay maaaring makatulong sa atin na magkaroon ng kapayapaan sa gitna ng mga problema sa kalusugan ng isipan.

larawang-guhit ng isang pigura na may masalimuot at nalilitong kaisipan

Sa buong buhay ko, laging malalim ang pagdama ko sa aking mga emosyon at nahirapan sa kalusugan ng aking isipan.

Sa kabila ng mga hamong ito, nakahanap ako ng mga paraan para makayanan ang pagkabalisa at depresyon. Nakatulong nang malaki ang pag-inom ng gamot at pakikipagtulungan sa mental health professional! Pero ang totoo, ang lubos na nakakatulong sa akin ay ang makakonekta sa pinagmumulan ng kapayapaan na pumapawi sa kadiliman sa buhay ko: si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo.

At hindi ako nag-iisa! Naipakita ng mga pag aaral na ang paglahok sa relihiyon at espirituwalidad ay nauugnay sa mas magandang kinahihinatnan ng kalusugan ng isipan.

Ang pamumuhay ng ebanghelyo ay maaaring makatulong sa inyo na makahanap din ng liwanag! Narito ang pitong bagay lamang na maibibigay ng ebanghelyo habang sinusuri ninyo ang mga problema sa kalusugan ng isipan:

1. Layunin at Direksyon

Dahil sa ebanghelyo, alam natin na tayo ay mga anak ng mga magulang sa langit at na may layunin ang buhay. May mithiin din tayong sinisikap na makamit: ang maging katulad ng ating Tagapagligtas at magsikap na makauwi sa ating Ama sa Langit.

Itinuro kamakailan ni Pangulong Russell M. Nelson: “Dahil sa walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang plano ng ating Ama sa Langit ay isang perpektong plano! Ang pag-unawa sa kamangha-manghang plano ng Diyos ay nag-aalis ng kahiwagaan sa buhay at ng kawalang-katiyakan sa ating hinaharap.”

Ang mga banal na katotohanang ito ay makakatulong sa atin na manatiling konektado sa pinakamahalaga kapag parang walang katiyakan ang buhay dahil sa mga pakikibaka sa kalusugan ng isipan.

2. Isang Lugar para Mapabilang

Bilang mga disipulo ni Cristo, nagkakaisa tayong lahat sa pagsunod sa Tagapagligtas. Sa pamumuhay ng ebanghelyo, makabubuo tayo ng isang social network ng mga kaibigan at suporta.

Sa katunayan, itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Matitiyak ko sa inyo na ang ilaw ng isang bagong araw ay mas nagniningning sa ating buhay kapag tinitingnan at pinakikitunguhan natin ang ating kapwa-tao nang may respeto at dignidad at bilang tunay na magkakapatid kay Cristo.”

Ang pagiging miyembro ng Simbahan ay maaaring magpadama sa atin na tayo ay kabilang. At ang mga koneksyong ginagawa natin ay makakabawas sa lungkot na kaakibat ng mga problema sa kalusugan ng isipan.

3. Mga Banal na Pamamaraan para Makayanan ang mga Problema

Kapag nahihirapan tayo sa kalusugan ng isipan, ang mga kasanayan para makayanan ito ay makakatulong sa atin na iproseso ang ating mga emosyon sa nakalulusog na paraan. At ang mga espirituwal na gawi na tulad ng taimtim na panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagsamba sa templo ay maaari ding maging epektibo para makayanan ang pagkabalisa o depresyon. Ang paggawa ng mga bagay na ito ay nag-aanyaya sa Espiritu Santo, na kilala bilang Mang-aaliw (tingnan sa Juan 14:26), sa ating buhay.

4. Mga Tuntunin sa Pisikal na Kalusugan

Kapag nakikipagtulungan sa isang doktor para makayanan ang pagkabalisa o depresyon, ang pinakamahalagang hakbang para maiwasan ang mga karamdamang ito kadalasan ay ang magkaroon ng malusog na pamumuhay sa pamamagitan ng tamang diet at ehersisyo. Kung titingnan ninyo ang Word of Wisdom (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 89), maaari ninyong makita kung paano makalulusog sa ating isipan ang mga pagpapala ng kautusang ito.

Ang ating isipan, katawan, at espiritu ay konektado sa isa’t isa, at ang pagsunod sa Word of Wisdom ay tumutulong sa atin na maalagaan ang lahat ng bahagi ng ating katawan, na maaari ding makaragdag sa kalusugan ng ating isipan.

5. Pag-asa sa Pamamagitan ng mga Tipan

Ang mga hamon sa kalusugan ng isipan ay maaaring magpalungkot sa buhay at talagang mahirap tiisin kung minsan.

Pero ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang ebanghelyo ng pag-asa. Ang mga tipang ginagawa natin sa Ama sa Langit ay nag-aalok sa atin ng higit na katatagan, seguridad, at mga dahilan para umasa kaysa iba pang bagay sa mundo!

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pagtupad sa mga tipan … ay nagbibigay rin sa atin ng kapangyarihang tiisin ang mga pagsubok at pighati sa mortalidad. Ang doktrinang nauugnay sa mga tipang ito ay nagpapadali sa ating daan at nagbibigay ng pag-asa, kapanatagan, at kapayapaan.”

6. Ginhawa sa Paglilingkod sa Iba

Bagama’t ang paglilingkod sa pamamagitan ng mga calling o ministering ay maaaring tila nakakapagod kapag nahihirapan kayo sa sarili ninyong mga pasanin, kapag tumutulong tayong palakasin ang iba, mas madaling magtuon sa iba kaysa sa ating sarili at maalala ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa atin.

Pinatotohanan ni Pangulong Camille N. Johnson, Relief Society General President, “Makakatuwang natin ang Tagapagligtas sa pagbibigay ng temporal at espirituwal na ginhawa sa mga nangangailangan—at sa prosesong ito, matatagpuan natin ang ating sariling kaginhawahan kay Jesucristo.”

7. Kapayapaan at Kapahingahan

Hindi inaasahan ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na magiging perpekto tayo “sa bahaging ito ng ating walang-hanggang pag-unlad.” Para hindi magkaroon ng negatibong epekto sa kalusugan ng ating isipan ang paghahangad na maging perpekto, makakatulong na tandaan na, sa buhay na ito, nais lamang ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na ibaling natin ang ating puso sa Kanila, na umasa sa tulong ng Tagapagligtas kapag nagkakamali tayo, at manatili sa landas ng tipan.

Pinatotohanan ni Pangulong Nelson: “Habang nagsisikap tayong isabuhay ang mga nakatataas na batas ni Jesucristo, unti-unting nagbabago ang ating puso at mismong likas na pagkatao. Tinutulungan tayo ng Tagapagligtas na madaig ang impluwensya ng masamang mundong ito sa pamamagitan ng pagkakaloob sa atin ng higit na pag-ibig sa kapwa, pagpapakumbaba, pagiging bukas-palad, kabaitan, disiplina sa sarili, kapayapaan, at kapahingahan.”

Palagay ko ay isang bagay iyan na labis na kinasasabikan nating lahat—kapayapaan at kapahingahan mula sa mga pasanin ng buhay. At iyan ang patuloy na iniaalok sa atin ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Para sa akin, patuloy na pinapawi ng ebanghelyo ang mga negatibong emosyon at impluwensya sa mundo at muli akong iniuugnay sa maliliit na positibong impluwensya ng Tagapagligtas.