Liahona
Paano Ko Mapalalakas ang Aking Patotoo Tungkol sa Propeta?
Setyembre 2024


“Paano Ko Mapalalakas ang Aking Patotoo Tungkol sa Propeta?,” Liahona, Set. 2024.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Helaman 7–16

Paano Ko Mapalalakas ang Aking Patotoo Tungkol sa Propeta?

Matutulungan tayo ng pangkalahatang kumperensya na mapalakas ang ating mga patotoo tungkol sa mga buhay na propeta.

si Pangulong Russell M. Nelson na nagsasalita sa pulpito

Sa aklat ni Helaman, ang propetang si Samuel na Lamanita ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo at nagbigay ng mga babala at paanyaya sa mga Nephita (tingnan sa Helaman 13–14). Sa ating panahon, may pagkakataon din tayong makinig sa mga napapanahong babala mula sa ating propeta at iba pang mga lider ng Simbahan. Ang pagsunod sa kanilang mga paanyaya ay tumutulong sa atin na sundin ang landas ng tipan.

Ang pangkalahatang kumperensya ay perpektong pagkakataon para marinig ang mga pinakabagong mensahe mula sa ating mga inspiradong lider at mas mapalapit kay Jesucristo. Narito ang ilang paraan na maaari mong pag-isipang gamitin ang pangkalahatang kumperensya para mapalakas ang iyong patotoo tungkol sa mga buhay na propeta:

  1. Bago ang pangkalahatang kumperensya, mapanalanging pagnilayan kung bakit mahalaga sa iyo ang pagkakaroon ng propeta. Isiping manalangin para makatanggap ng pagpapatibay mula sa Espiritu na ang kasalukuyang Pangulo ng Simbahan ay propeta, tagakita, at tagapaghayag ng Diyos sa mundo ngayon. “Ang pagkaalam sa pamamagitan ng paghahayag na may isang buhay na propeta sa lupa ay nagpapabago sa lahat.”

  2. Magsaliksik kung ano ang ibig sabihin ng suportahan at sang-ayunan ang propeta at ang mga General Authority. Sa sesyon sa Sabado ng hapon, makibahagi sa pagsang-ayon sa kanila sa kanilang mga tungkulin.

    lalaki sa Conference Center na nagtataas ng kanang bisig para sa pagsang-ayon
  3. “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5). Habang nakikinig ka sa mga mensahe ng mga lider ng Simbahan, bigyang-pansin ang Espiritu na nagpapatunay na ang kanilang mga salita ay totoo.

  4. Ang isa sa mga pangunahing tungkulin ng propeta ay magpatotoo tungkol kay Jesucristo at turuan tayong “[tumingin] sa Anak ng Diyos nang may pananampalataya,” (tingnan sa Helaman 8:13–16). Maaaring naisin mong pansinin kung ano ang itinuturo ng propeta at ng iba pang mga tagapagsalita tungkol sa Tagapagligtas.

  5. “Sa pamamagitan [ni Pangulong Russell M. Nelson], nakatanggap tayo ng napakaraming paanyaya at pinangakuan ng maluwalhating mga pagpapala kung itutuon natin ang ating buhay sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo.” Isiping gumawa ng listahan ng mga paanyayang ibinigay ng propeta at ng iba pang mga tagapagsalita sa kumperensya. Sumangguni muli sa listahang iyon para matulungan kang magsikap na maging higit na katulad ni Cristo.

  6. Tandaan ang paanyaya ni Pangulong Nelson: “Pinapayuhan ko kayo na pag-aralan ang mga mensahe ng kumperensyang ito nang madalas—kahit paulit-ulit—sa susunod na anim na buwan.” Habang pinakikinggan o binabasa mong muli ang mga mensahe, markahan ang mga bagay na itinuturing mong mahalaga.

  7. Inaanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na “hangarin at asahan ang mga himala.” Sa iyong pagsunod sa payo ng propeta at paggawa ng mga pagbabago sa iyong buhay, bigyang-pansin ang mga pagpapalang natatanggap mo at ang mga himalang nakikita mo (tingnan sa Helaman 16:4–5).

Habang sinusunod mo ang mga hakbang na ito upang mapalakas ang iyong patotoo tungkol sa isang propeta, tagakita, at tagapaghayag, humugot ng lakas sa iyong pananampalataya kay Jesucristo at sa mapagmahal na Ama sa Langit. Mapagmahal tayong binigyan ng Diyos ng mga propeta para gabayan tayo pabalik sa Kanya—mga propetang kumikilos bilang Kanyang tagapagsalita upang ihayag ang Kanyang kalooban sa mundo. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:38; 21:5–6.) Kung pipiliin nating sundin ang payo ng Kanyang mga tagapaglingkod, pinipili nating sundin Siya.