Liahona
Nang Gusto Kong Wakasan ang Aking Buhay, Tinulungan Ako ni Jesucristo na Makahanap ng Liwanag
Setyembre 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Nang Gusto Kong Wakasan ang Aking Buhay, Tinulungan Ako ni Jesucristo na Makahanap ng Liwanag

Sa isang mahirap na panahon ng aking buhay, pakiramdam ko ay pagpapakamatay lang ang tangi kong magagawa. Pero nakasumpong ako ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo.

Si Cristo habang bumababa na nakasuot ng pulang bata

He Comes Again to Rule and Reign [Paparito Siyang Muli upang Mamuno at Maghari], ni Mary R. Sauer

Lumaki ako sa paglalaro ng rugby sa Ireland, at nakapaglaro ako nang propesyonal sa buong mundo noong young adult ako. Nang bumisita ako sa England para maglaro ng rugby, nakilala ko ang mga missionary at nabinyagan ako. Kalaunan ay nagmisyon ako at pagkatapos ay lumipat ako sa Australia, kung saan ko nakilala ang aking asawa at nagkaanak kami.

Nang magbalik-loob ako sa ebanghelyo ni Jesucristo, nagbago ang buong pamumuhay ko sa loob lamang ng maikling panahon! Bigla akong nagkaroon ng asawa, ng bahay sa ibang bansa, at ng anak na lalaki. Hindi ako lumaki sa isang tradisyonal na pamilya, kaya bago sa akin ang lahat ng ito. Ang pamumuhay ng ebanghelyo ay naghatid sa akin ng mga pagpapala na hindi ko natanggap noon, at lubos akong nagpasalamat sa mga ito.

Pero kahit pinagpala ako sa napakaraming aspeto ng aking buhay, hirap pa rin ako.

Pakiramdam na Nag iisa Ako sa Aking Damdamin

Sa tingin ng iba, parang maganda ang buhay ko, pero natanto ko na may ilang paghihirap sa gitna ng mga pagpapala. Nang magtalo kami ng asawa ko, nahirapan akong sabihin sa kanya ang nadarama ko. Hindi ko pa natutuhan kung paano ipahayag ang damdamin ko nang epektibo. At dahil lumaki ako sa isang solong ina, pakiramdam ko ay wala akong alam tungkol sa relasyon ng isang mag-asawa.

Nagbago ang sitwasyon, at hindi na ako makapaglaro ng rugby. Pakiramdam ko ay hindi ako mabuting tatay, mabuting asawa, o tagatustos ng aming mga pangangailangan. At gustung-gusto kong matustusan ang pangangailangan ng aking pamilya! Hindi ko lang alam kung saan ako pupunta.

Unti-unting lumala ang pagkabalisa ko. Nagsimula akong mawalan ng pag asa na bubuti ang mga bagay-bagay, at lalo akong nalungkot. Sa paglipas ng panahon, naisip kong magpakamatay. Dahil hindi nagamot ang pag-iisip na magpakamatay at depresyon ko, nagpasiya akong magtangkang magpakamatay.

Sa isang mahimalang pangyayari, nakaligtas ako sa pagtatangkang iyon. Natanto ko kung gaano kasama ang kinauwian ng kalusugan ng aking isipan, at nagsimula akong makipagkita sa isang counselor. Tinulungan ako ng counselor na ito na magkaroon ng mas malusog na pananaw at matutong kilalanin at sabihin kung ano talaga ang nadarama ko.

2. Pag-anyaya sa Liwanag ng Ebanghelyo

Taglay ang panibagong pagtutuon sa pag asa, at sa tulong ng isang propesyonal para sa kalusugan ng aking isipan, naging determinado akong magsimulang magpagaling. Unti-unti kong naunawaan na kahit hindi ako perpekto, sa tulong ng Ama sa Langit, mapapanatili kong matatag ang pagsasama naming mag-asawa, magiging mabuti akong ama, at tutustusan ko ang mga pangangailangan ng aking pamilya.

Sinuportahan din ako ng ward ko nang maglingkod ako sa bishopric. Ang makapaglingkod sa iba ay naghatid ng ibang layunin sa buhay ko.

Ang isa pang mahimalang pagpapalang nakatulong sa akin na makita ang liwanag ay ang pag-aaral ng aking patriarchal blessing. Ipinaalala sa akin ng mga salita ang mga pangako sa akin ng Ama sa Langit at natulungan ako nito na matanto na kaya kong tustusan ang mga pangangailangan ng aking pamilya kung uunahin ko ang Panginoon.

Nagsimula akong manalangin nang mas taimtim para anyayahan ang liwanag ng ebanghelyo sa buhay ko. Nagbasa ako ng aking mga banal na kasulatan araw-araw. Lagi kong sinisikap na anyayahan ang Espiritu upang magkaroon ako ng mga positibong saloobin at mapaganda ang relasyon ko sa aking asawa’t anak.

Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“May mga panahong tila naiimpluwensyahan, o nababalot pa nga ng kadiliman ang ating buhay. …

“… Nagpapatotoo ako na ang ating buhay na pag-asa ay na kay Cristo Jesus! Siya ang tunay, dalisay, at makapangyarihang daan tungo sa banal na kaliwanagan.

“Nagpapatotoo ako na kay Cristo, ang kadiliman ay hindi magtatagumpay.”

Ngayo’y kinakausap ko na ang Ama sa Langit araw-araw. Kapag nahihirapan ako, lumuluhod ako at ipinapaalam ko sa Kanya na ginagawa ko pa rin ang lahat ng makakaya ko. Nauunawaan ko na ngayon na gaano man ako mahirapan, lagi akong makakahingi ng tulong sa aking Tagapagligtas.

Hindi talaga ako nag-iisa kailanman. Talagang ako ay anak ng Diyos.

At gayon din kayo!

Makasusumpong Kayo ng Kapayapaan at Pag-asa

Itinuro ni Jesus na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10). At mahal na mahal ng Ama sa Langit ang bawat isa sa Kanyang mga anak at alam Niya ang ating mga paghihirap. Kahit maraming hamon ang buhay, maaari tayong manampalataya palagi na aakayin Niya tayo sa tamang mga tao at sa tamang mga mapagkukunan ng tulong.

Inuulit ko ang itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Anuman ang inyong mga alalahanin o paghihirap, hindi sagot ang pagpapakamatay. … Sa mundong nangangailangan ng lahat ng liwanag na makukuha nito, huwag sana ninyong balewalain ang walang-hanggang liwanag na itinimo ng Diyos sa inyong kaluluwa bago pa likhain ang daigdig na ito. Makipag-usap sa isang tao. Humingi ng tulong. … Makakayanan ninyo ang mga paghihirap sa buhay na ito dahil tutulungan namin kayong makayanan ang mga ito. Mas malakas kayo kaysa inaakala ninyo. Ang tulong ay makukuha, mula sa iba at lalo na sa Diyos. Kayo ay minamahal at pinahahalagahan at kailangan. Kailangan namin kayo!”

Noong una, hindi ko natanto na nahihirapan ako sa kalusugan ng aking isipan, hanggang sa maging lubha itong nakapanghihina na halos hindi na ako makakilos. Nakatulong sa akin ang matutong magkuwento tungkol sa aking nadarama at pagtutuon sa aking Tagapagligtas at sa Kanyang kapangyarihang magpagaling para muling makadama ng kapayapaan at pag-asa sa aking buhay.

Alam ko na ang pagtutuon ng pansin sa Kanya ay makakagaling din sa inyo.