Liahona
Banal na Pagkastigo—Tanda ng Pagmamahal ng Diyos sa Atin
Setyembre 2024


Digital Lamang

Banal na Pagkastigo—Tanda ng Pagmamahal ng Diyos sa Atin

Hindi tayo dapat magulat kapag inanyayahan tayo ng mapagmahal na Ama na umunlad sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng mga sandali ng banal na pagdisiplina.

isang amang nagbabasa kasama ng kanyang anak

Kami ay mga magulang ng anim na makukulit na batang lalaki. Sa nakalipas na 17 taon, natutuhan namin na madalas gamitin ng Espiritu ang sarili naming karanasan bilang mga magulang para ituro sa amin kung paano dinidisiplina ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak.

Ilang taon na ang nakalilipas, narinig ni Jessica ang mga anak namin na naglalaro sa itaas. Nang makinig siyang maigi, narinig niya ang malinaw na tunog ng isang kagamitang panulat na gumuguhit sa pader.

Sumigaw siya, “Mga bata … may nagkukulay ba sa pader?”

Pagkaraan ng tatlong segundo ng katahimikan, sumagot ang salarin, “Wala pooo.” Pagkatapos ay inutusan niya ang bata na ibaba ang ginamit na panulat.

“Sige po, Mama,” sabi nito, na paluksu-luksong nagpunta sa kanya at kusa, at masaya pa, na ibinigay sa kanya ang isang lapis.

Ang kabilang kamay nito, na may hawak na permanent marker at kitang-kita ni Jess, ay nakatago sa likod nito.

Matapos tabihan sa upuan ang batang ito, makinig dito, iwasto ito, at sikaping tulungan ito, nagkaroon siya ng malinaw na impresyon:

“Bakit ko sinisikap kung minsan na itago ang sarili kong mga kasalanan at pagkukulang mula sa isang makapangyarihan at mapagmahal na Ama sa Langit?”

Tatlong Layunin ng Banal na Pagpaparusa

Sa pagiging magulang, may mahalagang kaibhan sa pagitan ng parusa at disiplina. Tulad ng itinuro ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), “Ang mga salitang disipulo at disiplina ay kapwa nagmula sa isang salitang-ugat sa Latin na—discipulus.” Kapag sinisikap nating maging mas tapat na mga disipulo ni Jesucristo, hindi tayo dapat magulat kapag inanyayahan tayo ng mapagmahal na Ama na umusad sa landas ng pagiging disipulo sa pamamagitan ng paglalaan ng mga sandaling ito ng banal na pagdisiplina.

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na itong “banal na pagpaparusa ay may tatlong layunin: (1) hikayatin tayong magsisi, (2) dalisayin at pabanalin tayo, at (3) kung minsan, upang itama ang direksyon ng buhay natin sa alam ng Diyos na mas mabuting landas.”

Isinugo ng Panginoon si Samuel, isang propetang Lamanita, para mangaral sa mga Nephita noong mga 6 BC. Sa kanyang pangangaral, mahusay niyang hinubog at binigyang-diin ang tatlong layunin ng banal na pagkastigo na itinuro ni Elder Christofferson. Ang pinakamahalaga marahil, sinubukan ni Samuel na ituro dito sa nahihirapang mga Nephita na ang tuwirang pagkastigo na natatanggap nila ay hindi tanda na walang malasakit ang Diyos sa kanila. Hindi, ang pagkastigong ito ay dahil mismo sa Kanyang pagmamahal sa kanila.

Niliwanag ito ni Samuel nang ituro niya, “Ang mga tao ni Nephi ay minahal niya, at kanya ring pinarusahan sila; oo, sa mga araw ng kanilang kasamaan sila ay kanyang pinarusahan dahil mahal niya sila” (Helaman 15:3). Sapagkat, tulad ng sinabi ng Panginoon, “Ang lahat na aking iniibig ay aking sinasaway at dinidisiplina” (Apocalipsis 3:19).

Para Hikayatin Tayong Magsisi

Ang unang layunin ng banal na pagkastigo na binanggit ni Elder Christofferson ay para hikayatin tayong magsisi. Sa kanyang mga pambungad na pananalita, nilinaw ni Samuel na, dahil sa kasamaan ng mga Nephita, walang makapagliligtas sa kanila “maliban sa pagsisisi at pananampalataya sa Panginoong Jesucristo” (Helaman 13:6). Ang mensaheng ito ng pagsisisi ang dahilan, sabi niya, kaya siya isinugo sa kanila: “upang magkaroon kayo ng masayang balita” (Helaman 13:7).

Pansinin ang koneksyon na ginagawa ni Samuel sa pagitan ng pagsisisi at ng masayang balita. Itinuro ni Elder Neil L. Andersen, “Ang paanyaya na magsisi ay … isang mapagmahal na pagsamo na pumihit at ‘muling bumaling’ sa Diyos [tingnan sa Helaman 7:17]. Paanyaya iyon ng isang mapagmahal na Ama at ng Kanyang Bugtong na Anak na higitan pa natin ang ating sarili, taasan pa ang uri ng pamumuhay, magbago, at damhin ang kaligayahan ng pagsunod sa mga utos.”

Palagiang sinabi ni Samuel ang kanyang layunin sa pangangaral: “Sa ganitong hangarin kaya ako umakyat sa mga pader ng lunsod na ito, … upang malaman ninyo ang mga hinihingi ng pagsisisi” (Helaman 14:11). Ang kanyang mga propesiya tungkol kay Cristo ay ibinigay “sa layuning kayo ay maniwala sa kanyang pangalan. At kung kayo ay maniniwala sa kanyang pangalan kayo ay magsisisi sa lahat ng inyong kasalanan” (Helaman 14:12–13).

Malinaw ang mensahe ni Samuel: “Kayo ay [magsisi] at [magbalik] sa Panginoon ninyong Diyos,” (Helaman 13:11).

Para Dalisayin at Pabanalin Tayo

Ang isang pangunahing layunin ng pagsisisi ay para dalisayin at baguhin ang puso ng tao. Sa paanyaya niyang magsisi, nakatuon si Samuel sa kundisyon ng puso ng mga tao. Binanggit niya ang “katigasan ng mga puso ng mga tao ng mga Nephita” (Helaman 13:8). Nagbabala Siya laban sa paglalagak ng “kanilang mga puso sa kanilang mga kayamanan” (talata 20). Sinabi Niya sa kanila na ang kanilang “mga puso ay hindi nakatuon sa Panginoon” (talata 22) at na sila ay “[lumalakad] alinsunod sa kapalaluan ng [kanilang] mga puso” (talata 27).

Ipinapakita sa atin ng mga banal na pagkastigo ang ating mga pusong naliligaw at nagdudulot, sa pamamagitan ng “pananampalataya at pagsisisi,” ng tinatawag ni Samuel na “pagbabago ng puso” (Helaman 15:7). Ang pagbabagong ito, pagtuturo ni Samuel, ay ginagawa tayong “matibay at matatag sa pananampalataya” (talata 8), na nagbubuklod sa ating mga pusong ligaw sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

Para Ituwid ang Ating Pamumuhay

Minsa’y tinawag ni Elder Neal A. Maxwell ang mga sandaling ito ng pagpaparusa na “banal na kawalang-kasiyahan.” Gamit ang ideyang ito, ipinaliwanag ni Sister Michelle D. Craig, “Hindi tayo nakukuntento sa ating espirituwalidad kapag ikinukumpara natin ‘kung sino tayo [sa] kung ano ang ating maaabot.’ Nadarama ng bawat isa sa atin, kung tayo ay matapat, na may kaibhan ang ating kasalukuyang kakayahan at espirituwalidad sa kung sino tayo, at ang ating kasalukuyang kakayahan at espirituwalidad sa kung ano ang nais nating kahinatnan. Hinahangad nating maragdagan pa ang ating kakayahan. … Ang mga damdaming ito ay mula sa Diyos at nagbubunsod ng agarang pagkilos.”

Sa pagsasalita sa ikatlo at huling layuning ito ng banal na pagkastigo, madamdaming inanyayahan ni Samuel ang mga Nephita na gamitin ang kanilang kalayaan na piliing sundin ang “landas ng kanilang tungkulin” (Helaman 15:5) o, tulad ng pagkasabi ni Elder Christofferson, ang “alam ng Diyos na mas mabuting landas.”

“Kayo ay malaya,” pagtuturo ni Samuel. “Kayo ay pinahintulutang kumilos para sa inyong sarili; sapagkat masdan, binigyan kayo ng Diyos ng kaalaman at ginawa niya kayong malaya” (Helaman 14:30). Tinulungan niya silang makita na bagama’t malaya silang kumilos, wala silang kalayaang piliin ang mga ibubunga ng kanilang mga kilos. Nagbabala Siya, “Sapagkat inyong hinangad sa lahat ng araw ng inyong buhay yaong hindi ninyo matatamo; at kayo ay naghangad ng kaligayahan sa paggawa ng kasamaan, [na] salungat sa kalikasan ng yaong kabutihan” (Helaman 13:38).

Ang magandang buhay—ang masaganang buhay, ang masayang buhay—ay matatagpuan sa tinatawag ni Samuel na naglalakad “nang maingat sa harapan ng Diyos,” na tinitiyak na “sundin ang kanyang mga kautusan at kanyang mga batas at kanyang mga kahatulan” at “nagsisikap nang walang kapagurang pagsusumigasig” na tulungan ang iba na gawin din iyon (Helaman 15:5–6).

Pagiging Nais ng Panginoon na Kahinatnan Natin

Anim na taong gulang si John Newton nang pumanaw ang kanyang ina. Pinalaki siya nito bilang isang mananampalataya, na nagtuturo at nagbabasa ng banal na kasulatan na kasama niya. Sa edad na 11, isinama siya ng kanyang ama, na isang marino, sa dagat. Dahil napalibutan ng mga kabastusan, kalapastanganan, at kalaswaan, hindi nagtagal ay naglaho ang pananampalataya ni John. Sinasabi niya, “Nagkasala ako nang may katapangan at sadya kong tinukso at inakit ang iba na gawin din iyon.”

Sa isang paglalayag, bigla silang binagyo. Nagsimulang magsumamo sa Diyos ang kanyang mga tripulante na iligtas sila. Noong una, nilait at pinagalitan niya sila, pero nang maging malinaw na hindi maiiwasan ang kanilang kapalaran, nanawagan si John sa Diyos na itinuro noon sa kanya ng kanyang ina.

Parang ganito ang pagdarasal niya, “Diyos ko, kung nariyan Ka, iligtas sana Ninyo kami. At kung gagawin Ninyo, ilalaan ko ang nalalabi kong buhay sa paglilingkod sa Inyo.” Tumigil ang bagyo, pumayapa ang mga alon, at naligtas ang kanilang buhay. Tulad ng kanyang sinabi, inilaan ni John ang nalalabi niyang buhay sa paglilingkod sa Panginoon. Siya ay naging isang mangangaral, at bilang bahagi ng kanyang ministeryo, sumulat siya ng mga tula. Marami sa mga tulang ito ang magiging mga himno, tulad ng pinakasikat niyang:

Biyayang kamangha-mangha!

Ang nagligtas sa ‘kin!

Liwanag ay nahanap na,

Mata’y namulat din.

Ang himnong ito ay kuwento ng buhay ni John Newton, pero kuwento rin ito ng buhay namin, at malamang na kuwento rin ng buhay ninyo. Bawat isa sa atin, sa sarili nating paraan at sa sarili nating mga sandali ng paghihirap, ay nakikita ng isang Panginoong nakakaunawa sa lahat na, sa tamang panahon, ay namamagitan. Kinakastigo Niya tayo. Sinasagip Niya tayo. Binabago Niya tayo. At lumilikha Siya sa ating kalooban ng di-matatawarang hangarin na ipamuhay ang minsa’y tinawag ni Nephi na “buhay na yaong na kay Cristo” (2 Nephi 25:27).

Kapag umaasa tayo sa banal na pagdisiplina ng Panginoon, nagiging katulad tayo ng gustung-gusto Niyang kahinatnan natin: kalalakihan at kababaihan ni Cristo at mga disipulo ni Jesucristo.