Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan
Kapag nakatuon ang ating buhay kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.
Mahal kong mga kapatid, nais kong talakayin ngayon ang isang alituntunin na mahalaga sa ating espirituwal na kaligtasan. Ito ay isang alituntunin na lalo lamang magiging mahalaga kapag dumami ang mga trahedya at katiwalian sa ating paligid.
Ito na ang mga huling araw, kaya hindi dapat magulat ang sinuman sa atin kapag nakikita nating natutupad ang propesiya. Maraming propeta, kabilang na sina Isaias, Pablo, Nephi, at Mormon, ang nakakita na darating ang mapanganib na mga panahon,1 na sa ating panahon ay magiging magulo ang buong mundo,2 na ang mga tao ay “magiging maibigin sa kanilang sarili, … walang katutubong pagibig, … mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios,”3 at marami ang magiging mga kampon ni Satanas na umaayon sa gawain ng kaaway.4 Tunay ngang ikaw at ako ay “[nakikibaka] … laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, [at] laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.”5
Habang lumalala ang awayan ng mga bansa, habang buong karuwagang pinapatay ng mga terorista ang mga inosente, at habang lumalaganap ang katiwalian sa negosyo at gobyerno, ano ang makakatulong sa atin? Ano ang makakatulong sa bawat isa sa atin sa ating personal na mga pakikibaka at sa matinding hamon ng pamumuhay sa mga huling araw na ito?
Itinuro ni propetang Lehi ang isang alituntunin para sa espirituwal na kaligtasan. Una, isipin ang kanyang kalagayan: Inusig siya sa pangangaral ng katotohanan sa Jerusalem at inutusan ng Panginoon na iwan ang kanyang mga ari-arian at tumakas sa ilang kasama ang kanyang pamilya. Nanirahan siya sa isang tolda at nabuhay sa anumang pagkaing matagpuan sa daan patungo sa isang di-tiyak na destinasyon, at namasdan niya ang dalawa sa kanyang mga anak, sina Laman at Lemuel, na nagrebelde sa mga turo ng Panginoon at sinaktan ang kanilang mga kapatid na sina Nephi at Sam.
Malinaw na dumanas si Lehi ng oposisyon, kaligaligan, sama ng loob, pasakit, kabiguan, at kalungkutan. Gayunman buong tapang at walang pag-aatubili niyang ipinahayag ang isang alituntuning inihayag ng Panginoon: “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.”6 Isipin ninyo iyan! Sa lahat ng salitang magagamit niya para ilarawan ang likas na layunin ng ating buhay dito sa lupa, pinili niya ang salitang kagalakan!
Maraming beses sa ating buhay ay hindi nangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa plano natin. Bawat isa sa atin ay malamang na nakaranas nang mabalisa, magdalamhati, at masiphayo na halos hindi natin makayanan. Subalit narito tayo para magkaroon ng kagalakan?
Oo! Ang sagot ay isang matunog na oo! Pero paano naging posible iyan? At ano ang kailangan nating gawin para matamasa ang kagalakang laan sa atin ng Ama sa Langit?
May nakatutuwang sagot si Eliza R. Snow, pangalawang General President ng Relief Society. Dahil sa napakasamang utos ng paglipol sa Missouri, na ipinalabas sa pagsisimula ng napakatinding taglamig ng 1838,7 napilitan siya at ang iba pang mga Banal na umalis sa estado noong taglamig na iyon mismo. Isang gabi, nagpalipas ng gabi ang pamilya ni Eliza sa isang munting dampa na yari sa troso na ginamit ng mga Banal na refugee. Karamihan sa mga nakasingit sa pagitan ng mga troso ay tinanggal at ipinanggatong ng mga nauna sa kanila, kaya may malalaking butas sa pagitan ng mga troso na kayang pasukin ng pusa. Napakalamig noon, at nanigas sa lamig ang kanilang pagkain.
Nang gabing iyon mga 80 tao ang nagsiksikan sa munting dampa, na mga 20 square feet (6.1 metro kuwadrado) lamang ang laki. Karamihan ay buong magdamang na nakaupo o nakatayo para manatiling mainit ang pakiramdam. Sa labas, isang grupo ng kalalakihan ang nagtipon sa paligid ng siga, ang ilan ay nagkakantahan ng mga himno at ang iba ay nag-iihaw ng mga patatas na nagyeyelo sa tigas. Itinala ni Eliza: “Wala ni isang nagreklamo—masaya ang lahat, at kung titingnan kami, aakalain ng mga estranghero na nagkakasayahan lang kami sa halip na isang grupo ng mga taong pinalayas.”
Napakaganda ng pananaw sa ulat ni Eliza tungkol sa nakakapagod at sagad-sa-butong lamig ng gabing iyon. Sabi niya: “Napakasaya ng gabing iyon. Mga banal lamang ang kayang magsaya sa lahat ng sitwasyon.”8
Totoo! Kayang magsaya ng mga banal sa lahat ng sitwasyon. Maaari tayong magalak kahit hindi maganda ang araw natin, o ang linggo natin, o ang buong taon!
Mahal kong mga kapatid, ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.
Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos, na katuturo lang sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson, at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay. Ang kagalakan ay nagmumula sa at dahil sa Kanya. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng kagalakan. Nadarama natin ito tuwing Kapaskuhan kapag inaawit natin ang, “O magsaya, ‘sinilang na.”9 At buong taon natin itong nadarama. Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, si Jesucristo ang kagalakan!
Kaya nga nililisan ng ating mga missionary ang kanilang tahanan para ipangaral ang Kanyang ebanghelyo. Ang mithiin nila ay hindi para maparami ang mga miyembro ng Simbahan. Bagkus, ang ating mga missionary ay nagtuturo at nagbibinyag10 para maghatid ng kagalakan sa mga tao sa mundo!11
Kung paanong nag-aalok ng kapayapaan ang Tagapagligtas na “di masayod ng pagiisip,”12 gayundin naman na nag-aalok Siya ng matindi, malalim, at malawak na kagalakan na hindi masayod ng isipan ng tao. Halimbawa, tila imposibleng magalak kapag may malubhang karamdaman ang anak mo o nawalan ka ng trabaho o nagtaksil ang asawa mo. Ngunit iyon mismo ang kagalakang iniaalok ng Tagapagligtas. Ang Kanyang kagalakan ay hindi nagbabago, na tinitiyak sa atin na ang ating “mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang”13 at ilalaan sa ating kapakinabangan.14
Kung gayon, paano natin matatamasa ang kagalakang iyon? Masisimulan nating masdan “si Jesus na gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya”15 “sa bawat pag-iisip.”16 Makapagpapasalamat tayo para sa Kanya sa ating mga panalangin at sa pagtupad ng mga tipan na ginawa natin sa Kanya at sa ating Ama sa Langit. Habang nagiging tunay sa atin ang Tagapagligtas at habang isinasamo nating ibigay sa atin ang Kanyang kagalakan, mag-iibayo ang ating kagalakan.
Ang kagalakan ay makapangyarihan, at ang pagtutuon sa kagalakan ay maghahatid ng kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay. Tulad sa lahat ng bagay, si Jesucristo ang ating dakilang huwaran, “na Siya dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagtiis ng krus.”17 Isipin ninyo iyan! Para mapagtiisan Niya ang pinakamatinding karanasang tiniis sa lupa, nagtuon ang ating Tagapagligtas sa kagalakan!
At ano ang kagalakang inilagay sa harapan Niya? Tiyak na kabilang dito ang kagalakang linisin, pagalingin, at palakasin tayo; ang kagalakang pagbayaran ang mga kasalanan ng lahat ng magsisisi; ang kagalakang gawing posible na makabalik tayo—nang malinis at karapat-dapat—sa piling ng ating mga Magulang sa Langit at ng ating pamilya.
Kung magtutuon tayo sa kagalakang darating sa atin, o sa mga mahal natin sa buhay, ano ang mapagtitiisan natin na sa ngayon ay tila hindi natin kaya, masakit, nakakatakot, hindi makatwiran, o talagang imposible?
Isang ama na maselan ang espirituwal na sitwasyon ang nagtuon sa kagalakan na sa huli ay maging malinis at matwid sa Panginoon—ang kagalakang maging malaya sa panunurot ng budhi at kahihiyan—at ang kagalakang mapanatag ang isipan. Ang pagtutuong iyon ay nagbigay sa kanya ng tapang na ipagtapat sa kanyang asawa at bishop ang kanyang problema sa pornograpiya at pagtataksil kalaunan. Ginagawa na niya ngayon ang lahat ng ipinapayo sa kanya ng kanyang bishop, at buong-pusong sinisikap na mabawi ang tiwala ng kanyang mahal na kabiyak.
Isang dalaga ang nagtuon sa kagalakan ng seksuwal na kadalisayan, upang matiis niya ang panlalait ng mga kaibigan nang lumakad siya palayo mula sa isang sitwasyong popular at makapukaw-damdamin, ngunit mapanganib sa espiritu.
Ang isang lalaki na madalas laitin ang kanyang asawa at pagalitan ang kanyang mga anak ay nagtuon sa kagalakan ng pagiging marapat sa palagiang patnubay ng Espiritu Santo. Ang pagtutuong iyon ay humikayat sa kanya na hubarin ang likas na tao,18 na madalas niyang sundin noon, at gawin ang kailangang mga pagbabago.
Ikinuwento sa akin kamakailan ng isang mabait na kasamahan ang nakaraang dalawang dekada ng kanyang mabibigat na pagsubok. Sabi niya,“Natuto akong magdusa nang may galak. Ang pagdurusa ko ay nadaig ng kagalakan kay Cristo.”19
Ano ang makakaya nating tiisin kapag nagtuon tayo sa kagalakang “inilagay sa harapan” natin?20 Anong pagsisisi kaya ang posible? Anong kahinaan ang magiging kalakasan?21 Anong pagkastigo ang magiging pagpapala?22 Anong mga kabiguan, maging mga trahedya, ang makakabuti sa atin?23 At anong mahirap na paglilingkod ang maibibigay natin sa Panginoon?24
Sa masigasig na pagtutuon natin sa Tagapagligtas at pagsunod sa Kanyang huwaran ng pagtutuon sa kagalakan, kailangan nating iwasan ang mga bagay na maaaring pumigil sa ating kagalakan. Naaalala ba ninyo si Korihor, ang anti-Cristo? Sa pagkakalat ng mga maling bagay tungkol sa Tagapagligtas, nagpalipat-lipat ng lugar si Korihor hanggang sa iharap siya sa isang mataas na saserdote na nagtanong sa kanya: “Bakit lumilibot ka sa pagliligaw ng mga landas ng Panginoon? Bakit nagtuturo ka sa mga taong ito na hindi magkakaroon ng isang Cristo, upang gambalain ang mga pagsasaya nila?”25
Anumang salungat kay Cristo o sa Kanyang doktrina ay pipigil sa ating kagalakan. Kabilang diyan ang mga pilosopiya ng mga tao, na napakarami online at sa blogosphere, na ginagawa ang ginawa mismo ni Korihor noon.26
Kung titingnan natin ang mundo at susundin ang mga pormula nito sa kaligayahan,27 hindi tayo kailanman daranas ng kagalakan. Maaaring maranasan ng masasama ang maraming uri ng damdamin, ngunit hindi sila kailanman daranas ng kagalakan!28 Ang kagalakan ay isang kaloob sa matatapat.29 Ito ang kaloob na nagmumula sa sadyang pagsisikap na mamuhay nang matwid, tulad ng itinuro ni Jesucristo.30
Itinuro Niya sa atin kung paano tayo magagalak. Kapag pinili natin ang Ama sa Langit na maging ating Diyos31 at kapag nadarama natin na may epekto ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa ating buhay, mapupuspos tayo ng kagalakan.32 Tuwing pinangangalagaan natin ang ating kabiyak at ginagabayan ang ating mga anak, tuwing pinatatawad natin ang isang tao o humihingi tayo ng kapatawaran, makadarama tayo ng kagalakan.
Bawat araw na pinipili nating ipamuhay ang selestiyal na mga batas, bawat araw na tinutupad natin ang ating mga tipan at tinutulungan ang iba na gayon din ang gawin, mapapasaatin ang kagalakan.
Pakinggan ang mga salitang ito ng Mang-aawit: “Aking inilagay na lagi ang Panginoon sa harap ko: sapagka’t kung siya ay nasa aking kanan, hindi ako makikilos. … Nasa [Kanyang] harapan ang kapuspusan ng kagalakan.”33 Kapag nakatanim sa ating puso ang alituntuning ito, bawat araw ay maaaring maging araw ng kagalakan at kasayahan.34 Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.