“Nakasulat sa Langit,” kabanata 16 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)
Kabanata 16: “Nakasulat sa Langit”
Kabanata 16
Nakasulat sa Langit
Nang ikuwento sa kanya ng kapatid ni Anna na si Ernst Biebersdorf ang tungkol sa mga kaibigan at katrabaho nito na mga Banal sa mga Huling Araw na katrabaho, nagulat siya. Ipinaalala sa kanya ng kanilang mga paniniwala ang tungkol sa panaginip ng kanyang ina noong nasa Alemanya pa sila, bago lumipat sina Anna at Ernst kasama ang kanilang mga pamilya sa Buenos Aires, Argentina, noong mga unang taon ng dekada ng 1920.
Isang napakarelihiyosong babae, nakakita si Louise Biebersdorf ng isang magandang lugar sa kanyang panaginip. Bagama’t hindi siya pinahintulutang pumunta roon, sinabihan siya na pupunta siya roon balang-araw sa pamamagitan ng dalawa sa kanyang mga anak. Sa panaginip ding iyon, nalaman niya na ang totoong simbahan ay magmumula sa Amerika.1
Hindi nagtagal ay nagsimulang dumalo sina Anna at Ernst sa mga pulong ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Buenos Aires kasama ang mga kaibigan ni Ernst, na ang mga pangalan ay Wilhelm Friedrichs at Emil Hoppe.2 Matapos ang maikling misyon ni Parley Pratt sa Chile noong 1851, nagpadala ang Simbahan ng iilang misyonero sa Timog Amerika. Noong panahong iyon ay hindi pa opisyal na kinikilala ang Simbahan sa kontinente. Sa katunayan, sina Wilhelm, Emil, at kanilang mga pamilya, ay sumapi sa Simbahan sa Alemanya at dinala ang mga katuruan nito sa Buenos Aires nang sila at ang libu-libong iba pang mga Aleman—kabilang na ang mga pamilya nina Anna at Ernst—ay nandayuhan sa Argentina upang takasan ang problema sa ekonomiya na idinulot ng katatapos lamang na digmaang pandaigdig.3
Tuwing Linggo, nagpupulong ang mga Banal sa isang maliit na silid sa tirahan ni Wilhelm. Dahil walang awtoridad ng priesthood si Wilhelm o si Emil para magbasbas ng sakramento, ang mga pulong ay inilaan lamang para sa pag-aaral ng banal na kasulatan at pagdarasal. Wala ring organo, kaya inaawit ng grupo ang mga himno habang tumutugtog ng mandolin ang anak ni Wilhelm. Nagpupulong din ang mga Banal nang alas-siyete tuwing Huwebes ng gabi upang pag-aralan ang Biblia sa bahay ni Emil. Sa paglaki ng kongregasyon, nagsimulang magdaos ng Sunday school ang grupo, kung saan pinag-aralan nila ang Mga Saligan ng Pananampalataya ni James E. Talmage sa wikang Aleman. Hindi nagtagal ay nagbabayad na si Anna ng ikapu, na ipinapadala ni Wilhelm sa punong-tanggapan ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake.
Sabik na ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo, nagsulat at nagpamahagi ng mga polyeto si Wilhelm at nag-anunsyo ng mga pulong ng Simbahan sa mga lokal na pahayagang Aleman. Sumulat din siya ng mga artikulo at nagbigay ng mga lektyur tungkol sa iba’t ibang paksa ng ebanghelyo. Ngunit hindi siya marunong magsalita ng wikang Espanyol, ang pangunahing wika sa Argentina, kaya nalimitahan ang mga pagsisikap niya. Gayunpaman, may mga taong nagsasalita ng wikang Aleman na biglang bumibisita paminsan-minsan sa kanyang tahanan, nag-uusisa tungkol sa nabasa nila tungkol sa mga Banal.4
Noong tagsibol ng 1925, handa nang magpabinyag si Anna. Ang kanyang asawang si Jacob ay tutol noong una sa pagpunta niya sa mga pulong ng Simbahan, ngunit hindi nagtagal ay nagsimula na itong dumalo. Naging interesado na rin sa ebanghelyo ang kanilang tatlong tinedyer na anak. Ang kapatid ni Anna na si Ernst at ang asawa nito na si Marie ay nais ding sumapi sa Simbahan, ngunit wala ni isa sa Argentina ang may awtoridad na pangasiwaan ang ordenansa.
Nang dumami na ang naging interesado sa Simbahan, nagsimulang magpulong ang mga mananampalataya sa tatlong magkakaibang lugar sa buong lunsod. Ang kanilang pananampalataya ay nagbigay-inspirasyon kay Wilhelm. “Mayroon silang patotoo tungkol sa katotohanan ng gawaing ito, at nagnanais na mabinyagan, sa sandaling magkaroon ng pagkakataon,” ang isinulat niya sa mga lider ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake.5
Hindi nagtagal ay nakatanggap si Wilhelm ng sagot mula sa namumunong bishop ng Simbahan, si Sylvester Q. Cannon. “Nagpadala na kami sa Unang Panguluhan ng kahilingang magpadala ng mga misyonero sa Argentina, ngunit sa ngayon ay wala pang anumang napagpapasiyahan,” isinulat niya. “Gayunman, masigasig kaming nagtatanung-tanong tungkol sa mga karapat-dapat na kalalakihan na marunong magsalita ng wikang Aleman at Espanyol.”6
Ang balita ay nagbigay ng pag-asa kina Anna, Ernst, at sa kanilang mga pamilya. Hindi nagtagal ay gusto na ng lahat na malaman kung kailan nila maaasahang dumating ang mga misyonero sa kanilang bansa.7
Sa panahong ito, maraming puting Amerikano ang nababalisa sa mga pagbabagong nangyayari sa Estados Unidos. Milyun-milyong African American at mga nandarayuhan ang lumipat sa mga hilagang lunsod ng Estados Unidos upang matakasan ang diskriminasyon at makahanap ng mas magandang trabaho. Ang kanilang presensya sa lugar ay nagpabahala sa maraming puting manggagawa na natakot mawalan ng trabaho dahil sa mga baguhan. Habang tumitindi ang galit at hidwaan, ang mga grupong nag-uudyok ng pagkamuhi laban sa iba gaya ng Ku Klux Klan, na gumagamit ng kasekretuhan at karahasan upang brutal na atakihin ang mga Itim at iba pang mga minorya, ay nadagdagan ang bilang sa buong bansa.8
Nababagabag na nakita ni Heber J. Grant ang pagkalat ng mga grupong nag-uudyok ng pagkamuhi. Ilang dekada bago iyon, may pag-atakeng ginawa ang mga miyembro ng Klan sa mga misyonero sa Timog Amerika. Ang mga pag-atakeng iyon sa mga Banal ay tumigil, ngunit ang mga bagong ulat tungkol sa mga ikinikilos ng Klan ay nakakabagabag.
“Ang bilang ng mga paglalatigo, pagpaslang, at karahasan ng mga mandurumog na kagagawan ng organisasyong ito ay isang malungkot na pahina sa kasaysayan ng Timog,” isinulat ng pangulo ng Southern States Mission kay Pangulong Grant noong 1924. “Hindi nahatulan sa korte ang mga krimeng ito. Ang nananaig na kawalang-batas at karahasan na lumaganap sa Timog ay ang mga bagay na hinangad rin ng mga tulisan ni Gadianton.”9
Sa buong dekada ng 1920, lalong lumakas ang mga grupong nag-udyok ng pagkamuhi dahil na rin sa laganap na rasismo na matatagpuan sa bawat rehiyon ng Estados Unidos at sa iba pang mga lugar sa mundo. Noong 1896, ipinasiya ng Korte Suprema ng Estados Unidos na ang mga batas ng estado na nagpapahintulot sa paghihiwalay ng mga puti at itim na Amerikano sa mga paaralan, simbahan, palikuran, istasyon ng tren, at iba pang pasilidad na pampubliko ay legal. Bukod pa rito, inalipusta sa mga popular na nobela at pelikula ang mga Itim na tao at iba pang mga etniko, at mga relihiyon gamit ang nakasisirang pagkakategorya sa mga tao. Iilang tao lamang, sa Estados Unidos o sa ibang dako, ang naniwala na ang mga Itim at puti ay dapat na makahalubilo ang isa’t isa.10
Sa Simbahan, ang mga ward at branch ay opisyal na bukas sa lahat ng tao, anuman ang lahi. Subalit hindi lahat ng kongregasyon ay sumang-ayon dito. Noong 1920, ang mga Itim na Banal sa mga Huling Araw na sina Marie at William Graves ay malugod na tinanggap at ganap na ibinilang na miyembro ng kanilang branch sa California. Gayunman, nang bumisita si Marie sa isang branch sa katimugang Estados Unidos, sinabihan siyang umalis dahil sa kulay ng kanyang balat. “Noon lang ako nasaktan nang ganoon katindi sa buong buhay ko,” ang isinulat niya sa isang liham kay Pangulong Grant.11
Upang maihanda ang mundo para sa pagbabalik ng Panginoon, alam ng mga lider ng Simbahan na ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay dapat ituro sa bawat bansa, lahi, wika, at tao. Sa loob ng ilang dekada, ang mga Banal ay aktibong nangaral sa iba pang mga tao na iba ang kulay—kabilang na ang mga Katutubong Amerikano, mga Pacific Islander, at Latin American. Ngunit may mga balakid na ilang siglo nang nananaig, kabilang na ang rasismo, na humadlang sa pagdadala ng ebanghelyo sa buong mundo.
Sa kaso ni Marie Graves, hindi inatasan ng Unang Panguluhan na magsama-sama ang kongregasyon, sa pangamba na ang problema hinggil sa pagkilanlan ng pinagmulang lahi na tulad ng nangyayari sa Timog ay maglagay sa panganib sa mga Banal na kapwa Itim at puti. Ni hindi rin hinikayat ng mga lider ng Simbahan ang aktibong pagpo-proselyte sa mga komunidad ng mga Itim dahil ipinagbawal ng Simbahan ang ordenasyon sa priesthood at mga pagpapala ng templo sa mga taong may lahing African.12
May ilang tao sa Simbahan na nagtanong tungkol sa ilang mga eksepsyon sa bagay na ito. Noong bumisita siya sa Pacific Islands, sumulat si Elder David O. McKay kay Pangulong Grant at itinanong kung may eksepsyon para sa isang Itim na Banal sa mga Huling Araw na nagpakasal sa isang babaeng Polynesian at magkasamang bumuo ng isang malaking pamilya sa Simbahan.
“David, nakikisimpatiya rin ako tulad mo,” tugon ni Pangulong Grant, “ngunit hangga’t walang inihahayag sa atin ang Panginoon hinggil sa bagay na iyan, kailangan nating panatilihin ang patakaran ng Simbahan.”13
Simula noong mga unang taon ng dekada ng1900, itinuro ng mga lider ng Simbahan na ang sinumang Banal na nalamang may lahing Black African, gaano man kaunti, ay sasailalim sa restriksyon. Subalit dahil hindi matiyak kung ano talaga ang pinagmulang lahi ng ilang Banal, hindi nagkapare-pareho ang pagsasagawa ng restriksyon. Si Nelson Ritchie, anak ng isang babaeng Itim at isang lalaking puti, ay bahagya lamang ang alam sa kasaysayan ng kanyang mga magulang nang siya at ang kanyang asawang si Annie, isang babaeng puti, ay sumapi sa Simbahan sa Utah. Maputi ang balat niya, at marami sa kanyang mga anak ay inakalang puti. Nang handa nang ikasal ang dalawa sa kanyang mga anak na babae, pumasok sila sa templo at tumanggap ng endowment at mga ordenansa ng pagbubuklod.
Gayunman, kalaunan nang naisin nina Nelson at Annie na mabuklod sa templo, tinanong ng kanilang bishop si Nelson tungkol sa kanyang mga ninuno. Sinabi ni Nelson ang nalalaman niya tungkol sa kanyang mga magulang, at ipinarating ng bishop ang sitwasyon sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Ibinalik nila ang mga tanong sa bishop para siya ang magpasiya. Sa huli, pinagtibay ng bishop na mabubuting Banal sa mga Huling Araw sina Nelson at Annie, ngunit tumanggi siyang isyuhan ng temple recommend si Nelson dahil sa mga ninuno nito.14
Bagama’t maraming Banal ang may maling opinyon patungkol sa lahi, karamihan ay hindi sang-ayon sa mga organisasyong lihim na gumagawa ng masama, walang kinikilalang batas, at gumagamit ng karahasan upang pagmalupitan ang iba. Matapos lumaganap ang Ku Klux Klan sa Utah noong mga unang taon ng dekada ng 1920, tinuligsa ito ni Pangulong Grant at ng iba pang mga lider ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya at ginamit ang kanilang impluwensya upang pigilan ito. May ilang miyembro ng Simbahan ang sumapi sa grupo. Nang hilingin ng isang lider ng Klan na makipagpulong sa mga lider ng Simbahan, tinanggihan ni Pangulong Grant ang kahilingan.15
“Hindi ko maubos-maisip,” sabi ng propeta noong Abril 1925, “kung bakit nanaisin ng mga taong maytaglay ng priesthood na makisalamuha sa Ku Klux Klan.”16
Noong kalagitnaan ng 1925, si Heber J. Grant at ang iba pa sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagkainteres sa kaso ni John Scopes, isang guro ng siyensya sa mataas na paaralan na nilitis sa katimugang Estados Unidos dahil itinuro nito na ang mga tao at unggoy ay namula sa magkatulad na ninuno.17
Nakita sa paglilitis kay Scopes na lubhang hati ang opinyon ng mga simbahang Kristiyano. Naniniwala ang ilang mga Kristiyanong “modernista” na hindi dapat ituring ang Biblia bilang maaasahang sanggunian sa mga tanong tungkol sa siyensya. Ang siyensya ay nagbigay ng mas maaasahang gabay sa pag-unawa sa likas na mundo, ang katwiran nila, at ang mga gurong tulad ni Scopes ay dapat makapagturo ng ebolusyon sa mga paaralan nang walang takot na maparusahan. Ang mga Kristiyanong “Pundamentalista” sa kabilang banda, ay itinuturing ang Biblia bilang pinakalubos na katotohanan ng Diyos. Para sa kanila ay kalapastanganan ang sabihin na ang sangkatauhan, ang pinakamataas na likha ng Diyos, ay nagmula sa di-gaanong sopistikadong uri ng nilalang.18
Malaki ang paggalang ni Heber sa makabagong siyensya at sa mga siyentipikong tulad ng mga apostol na sina James E. Talmage at John Widtsoe, na napakahusay sa kanilang larangan habang nananatiling nananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Tulad nila, nais niya ring tumuklas ng mga bagong katotohanan hindi lamang mula sa banal na kasulatan, at nananalig siya na ang siyensya at relihiyon ay maaaring magkatugma sa huli.19
Ngunit nag-alala siya tungkol sa mga batang Banal sa mga Huling Araw na kinalimutan ang kanilang pananampalataya habang nag-aaral ng siyensya sa mga kolehiyo at unibersidad. Noong binata pa siya, isang siyentipiko ang kumutya sa kanya dahil sa paniniwala sa Aklat ni Mormon. Binanggit ng lalaki ang isang talata sa 3 Nephi kung saan narinig nang husto ang tinig ng Diyos ng mga taong nakaligtas sa pagkawasak noong panahon ng Pagpapako kay Cristo sa Krus. Sinabi ng siyentipiko na imposible para sa isang tinig na umabot nang ganoon kalayo at sinumang naniniwalang posible iyon ay isang hangal. Makalipas ang ilang taon, nang naimbento ang radyo at napatunayan na maaaring makarating sa malayo ang mga tinig, napatunayan ni Heber na tama siya.20
Habang nililitis si Scopes, nagpasiya si Heber at ang kanyang mga tagapayo na maglathala ng isang pinaikling bersyon ng “Ang Pinagmulan ng Tao [The Origin of Man],” isang sanaysay na inilabas ng Unang Panguluhan noong 1909.21 Sa halip na kundenahin ang pagtuturo ng teorya ng ebolusyon, tulad ng ginawa ng mga pundamelista, pinagtibay ng sanaysay ang turo sa Biblia na nilikha ng Diyos ang lalaki at babae sa Kanyang sariling larawan. Ipinahayag din nito ang natatanging ipinanumbalik na doktrina na lahat ng tao ay nabuhay noon bilang mga espiritung anak ng Diyos bago sila isinilang sa mundo at ang mga espiritung anak na lalaki at babaeng ito ay lumaki at umunlad sa paglipas ng panahon.
“Ang tao, bilang espiritu, ay isinilang sa mga magulang na nasa langit, at inaruga hanggang sa sumapit sa sapat na gulang sa mga walang hanggang mansiyon ng Ama ,” pagpapatotoo ng Unang Panguluhan.
Natapos ang pahayag na binibigyang-diin ang isa pang uri ng pagbabago sa paglipas ng panahon—isang bagay na nauukol sa malayong hinaharap. “Kahit na mga sanggol na anak ng tagalupang ama at ina, ay may kakayahan pa rin sa takdang panahon na ganap na magsilaki,” pahayag nito, “kaya nga, ang mga hindi pa umuunlad na anak ng mga selestiyal na magulang ay may kakayahan, sa pamamagitan ng mga karanasan sa paglipas ng panahon, na maging Diyos.”22
Tatlong araw matapos ilathala ng Unang Panguluhan ang pahayag nito, nagbigay ng desisyon ang lupong tagahatol sa paglilitis kay Scopes. Napatunayang nagkasala si John Scopes at pinagmulta ng $100.23 Pagkatapos niyon, nang sumulat ang mga tao kay Heber na humihingi ng pananaw ng Simbahan tungkol sa ebolusyon, pinadalhan niya sila ng kopya ng pahayag ng Unang Panguluhan. Hindi niya kailangang sabihin sa mga tao kung ano ang dapat paniniwalaan. Ang katotohanan ay mahahatulan sa mga bunga nito, sabi niya, tulad nang itinuro ni Jesus sa Sermon sa Bundok.24
Noong mga labimpitong taong gulang si Len Hope, dalawang linggo siyang nag-aral sa isang Baptist revival malapit sa kanyang tahanan sa Alabama, sa katimugang Estados Unidos. Sa gabi, ang binatang Itim ay uuwi mula sa revival, hihiga sa mga taniman ng mga bulak, at titingala sa kalangitan. Magsusumamo siya sa Diyos na ipaalam sa kanya ang relihiyong sasapian, ngunit sa umaga ang tanging bagay na nakikita niyang bunga ng kanyang pagsamo ay ang suot na damit na basa ng hamog.
Makalipas ang isang taon, nagpasiya si Len na magpabinyag sa isang lokal na simbahan. Gayunman, hindi nagtagal, nanaginip siya na kailangan niyang mabinyagang muli. Nagugulumihanan, sinimulan niyang basahin ang Biblia—sobra-sobra ang kanyang pagbabasa kaya ikinabalisa ito ng kanyang mga kaibigan. “Kung hindi ka titigil sa labis na pagbabasa, mababaliw ka,” sabi nila. “Puno na ng mga mangangaral ang asylum.”
Hindi tumigil si Len sa pagbabasa. Isang araw, nalaman niya na maaakay siya ng Espiritu Santo sa katotohanan. Sa payo ng isang mangangaral, nagtungo siya sa kakahuyan upang manalangin sa isang lumang bahay na walang nakatira na nakakubli sa sala-salabid na mga palumpong. Doon ay umiyak siya nang ilang oras, nagsusumamo sa Diyos para sa Espiritu Santo. Kinaumagahan, handa na siyang hindi kumain o uminom hanggang sa matanggap niya ang kaloob. Ngunit ipinahiwatig sa kanya ng Espiritu na huwag niya itong gawin. Ang tanging makapagkakaloob sa kanya ng Espiritu Santo ay isang taong may awtoridad mula sa Diyos.
Hindi nagtagal, habang naghihintay si Len ng sagot sa kanyang maraming panalangin, isang misyonero na Banal sa mga Huling Araw ang nagbigay sa kanyang ate ng polyeto tungkol sa plano ng kaligtasan ng Diyos. Binasa ito ni Len at naniwala sa mensahe nito. Nalaman din niya na ang mga misyonero na Banal sa mga Huling Araw ay may awtoridad na igawad ang kaloob na Espiritu Santo sa mga taong nabinyagan.
Nang mahanap niya ang mga elder, itinanong ni Len kung bibinyagan ba nila siya.
“Oo, ikasisiya naming gawin iyan,” sabi ng isa sa mga misyonero, “pero kung ako ikaw, magbabasa pa ako nang kaunti.”25
Nakakuha si Len ng mga kopya ng Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, Mahalagang Perlas, at iba pang mga aklat ng Simbahan—at kalaunan ay binasa lahat ito. Ngunit bago pa man siya mabinyagan, tinawag siyang makidigma sa digmaang pandaigdig. Ipinadala siya ng hukbo sa ibang bansa, kung saan matapang siyang sumuong sa labanan. Pagkatapos, nang makauwi na siya sa Alabama, bininyagan siya ng isang lokal na miyembro ng Simbahan noong ika-22 ng Hunyo 1919, at sa huli ay natanggap ang kaloob na Espiritu Santo.26
Ilang gabi pagkatapos ng kanyang binyag, isang pangkat ng mga mandurumog na puti ang dumating sa bahay na tinitirhan niya at tinawag siya. “Gusto ka lang naming makausap,” sabi nila. Hawak-hawak nila ang mga riple at eskopeta.
Lumabas si Len. Siya ay isang lalaking Itim sa Katimugang Amerika, kung saan ipinapatupad ang segregasyon ng mga lahi nang marahas kung minsan. Maaari nila siyang saktan o patayin sa sandali ring iyon at maaaring hindi panagutin sa kanilang krimen kahit kailan.27
Mariing itinanong ng isa sa mga mandurumog kung bakit sumapi si Len sa mga Banal sa mga Huling Araw. Legal para sa mga Itim at puti na sama-samang sumamba sa Alabama, ngunit ang estado ay mayroon ding mahigpit na batas ng segregasyon at mga di-nakasulat na mga patakaran na ipinatutupad ng lipunan na paghihiwalay ng isang lahi sa mga pampublikong lugar. Dahil halos bawat Banal sa mga Huling Araw sa Alabama ay puti, itinuring ng mga mandurumog ang binyag ni Len na isang hamon sa matibay na paniniwala ng rehiyon na dapat paghiwalayin ang mga tao ayon sa kulay ng kanilang balat.28
“Naglakbay ka sa karagatan at natuto ng ilang bagay,” ang patuloy na pagsasalita ng tao na tinutukoy ang pagseserbisyo ni Len sa hukbo. “Ngayon ay gusto mo nang makasama sa mga puti.”
“Matagal ko nang sinisiyasat ang Simbahan bago pa man ako pumunta sa digmaan,” sa wakas ay sinabi ni Len. “Natuklasan ko na ito lamang ang tanging totoong simbahan sa lupa. Kaya ako sumapi dito.”
“Gusto naming umalis ka at ipabura mo ang pangalan mo sa talaan,” sabi ng mandurumog. “Kung hindi, isasabit ka namin sa puno at pauulanan ka ng bala.29
Kinaumagahan, dumalo si Len sa isang kumperensya ng mga kapwa Banal sa lugar at sinabi sa kanila ang tungkol sa banta ng mga mandurumog. Alam niya na nanganganib siya sa pagpunta sa pulong, ngunit handa siyang mamatay para sa kanyang bagong natagpuang pananampalataya.
“Brother Hope, hindi namin mabubura ang pangalan mo kahit subukan namin,” ang tiniyak na muli sa kanya ng mga miyembro ng Simbahan. “Ang pangalan mo ay nasa Lunsod ng Salt Lake at nakasulat din sa langit.” Marami sa kanila ang nag-alok na tulungan si Len kung pupuntahan siyang muli ng mga mandurumog.30
Ngunit hindi na muling bumalik ang mga mandurumog. Hindi nagtagal ay pinakasalan ni Len ang isang babaeng nagngangalang Mary Pugh noong 1920, at lumipat sila sa Birmingham, isang malaking lunsod sa gitnang Alabama. Ibinadya ng tiyo ni Mary, isang pastor na Baptist, na sasapi siya sa Simbahan bago matapos ang taon.
Binasa ni Mary ang Aklat ni Mormon at nagkaroon ng patotoo sa katotohanan nito. Hindi kaagad nangyari ang ibinadya, ngunit pagkaraan ng limang taon mula nang ikasal ay ipinasiya niyang sumapi sa Simbahan. Noong ika-15 ng Setyembre 1925, pumunta ang mga Hope kasama ang dalawang misyonero sa isang bukal malapit sa Birmingham. Si Mary ay nabinyagan nang matiwasay, at sa wakas ay naging Banal sa mga Huling Araw, tulad ng kanyang asawa.31
“Mas maganda ang kinahinatnan ko,” ang sabi niya sa kanyang tiyo, “at wala akong nakikitang simbahan na mas bubuti pa rito.”32
Samantala, sa Buenos Aires, sina Anna Kullick at ang kanyang pamilya ay malugod na tinanggap si apostol Melvin J. Ballard at ang kanyang mga kasama, sina Rey L. Pratt at Rulon S. Wells ng Pitumpu, sa kanilang lunsod. Ipinadala ng Unang Panguluhan ang tatlong general authority sa Argentina upang ilaan ang Timog Amerika para sa gawaing misyonero, magtatag ng isang branch ng Simbahan, at ipangaral ang ebanghelyo sa wikang Aleman at Espanyol sa mga residente ng lunsod. Naghintay ang mga Kullick ng maraming buwan para sa isang taong darating. Ang mga misyonero lamang ang tanging may wastong awtoridad sa kontinente ng Timog Amerika na binyagan sila sa Simbahan ni Jesucristo.33
Matatas si Elder Wells sa wikang Aleman, at matatas naman si Elder Pratt sa wikang Espanyol. Ngunit hindi alam ni Elder Ballard ang kahit isa sa dalawang wika at nanibago siya sa bagong kapaligiran. Lahat ng tungkol sa Buenos Aires—ang wika, ang mainit na hangin ng Disyembre, ang mga tala sa katimugang kalangitan—ay hindi pamilyar sa kanya.34
Ginugol ng mga misyonero ang kanilang unang mga araw sa Argentina sa pagbisita sa mga Banal na Aleman sa lunsod. Nagdaos sila ng mga pulong sa tahanan ni Wilhelm Friedrichs at dumalo sa isang klase tungkol sa Aklat ni Mormon sa tahanan ni Emil Hoppe. Pagkatapos, noong ika-12 ng Disyembre 1925, bininyagan nila sina Anna, Jacob, at ang labing-anim na taong gulang na anak na babae ng mag-asawa na si Herta. Ang kapatid ni Anna na si Ernst at ang kanyang asawang si Marie, ay nabinyagan din, tulad ng ampon na anak na babae ni Wilhelm Friedrichs na si Elisa Plassmann. Kinabukasan, inordenan ng mga misyonero sina Wilhelm at Emil bilang mga priest at sina Jacob at Ernst bilang mga deacon.35
Makalipas ang dalawang linggo, noong Umaga ng Pasko, nagpunta ang tatlong misyonero sa Parque Tres de Febrero, isang kilalang parke ng lunsod na may malalawak na luntiang damuhan, bughaw na lawa, at matahimik na kakahuyan ng mga weeping willow. Nang malamang sila lang ang naroroon, umawit ang mga lalaki ng mga himno at pagkatapos ay yumuko habang inilalaan ni Elder Ballard ang kontinente para sa gawain ng Panginoon.
“Pinipihit ko na ang susi, at binubuksan ang pintuan para sa pangangaral ng ebanghelyo sa lahat ng bansang ito ng Timog Amerika,” ang dalangin niya, “at inuutos na hadlangan ang bawat puwersang sasalungat sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga lupaing ito.”36
Nang opisyal na mabuksan ang South American Mission, nagtulungan ang mga misyonero at miyembro para ibahagi ang ebanghelyo sa kanilang mga kapitbahay. Si Herta Kullick, na marunong magsalita ng wikang Espanyol, ay ibinabahagi kung minsan ang ebanghelyo sa kanyang mga kaibigan sa paaralan na nagsasalita ng wikang Espanyol. Samantala, sina Elder Ballard at Elder Pratt ay nagbahay-bahay upang magpamigay ng mga polyeto at maanyayahan ang mga tao sa mga pulong ng Simbahan. Nakapapagod ang gawain. Ang mga misyonero ay madalas na kailangang maglakbay nang malayo sa malalawak na bukirin o sa maputik na kalsada anuman ang panahon.37
Noong Enero 1926, umuwi si Elder Wells dahil sa problema sa kalusugan, kaya si Herta ang tumulong kina Elder Ballard at Elder Pratt na makipag-ugnayan sa mga Banal na Aleman. Maghahanda si Elder Ballard ng mensahe para sa mga Banal sa wikang Ingles, isasalin ito ni Elder Pratt sa wikang Espanyol, at isasalin naman ni Herta ang wikang Espanyol sa wikang Aleman. Ang prosesong ito ay kumplikado, at kung minsan ay nakatatawa, ngunit nagpapasalamat ang mga misyonero sa pagtulong ni Herta.38
Sa kanilang mga pulong, madalas magpalabas ang mga misyonero ng mga slideshow gamit ang isang prodyektor na dinala nila mula sa Estados Unidos. Iniisip na maaaring interesado ang kanyang mga kaibigan, inanyayahan sila ni Herta na manood sa mga palabas. Hindi nagtagal, halos isandaang kabataan—karamihan sa kanila ay nagsasalita ng wikang Espanyol—ang nagsipunta sa inuupahang bahay-pulungan ng mga Banal, at nag-organisa ang mga elder ng Sunday school para turuan ang mga ito.39
Ang mga magulang ng mga kabataan, na nais usisain kung ano ang natututuhan ng kanilang mga anak, ay nagsimula ring makipagpulong sa mga Banal. Sa isang pulong, mahigit dalawandaang tao ang nagsiksikan sa bahay-pulungan upang makapanood ng mga slide tungkol sa Panunumbalik at pakinggang magturo si Elder Pratt sa kanilang katutubong wika.40
Anim na buwan mula nang dumating sina Elder Ballard, Elder Pratt, at Elder Wells sa Buenos Aires, isang permanenteng mission president at dalawang batang misyonero ang dumating upang ipagpatuloy ang kanilang gawain. Ang bagong pangulo, si Reinhold Stoof, at ang kanyang asawang si Ella, ay sumapi sa Simbahan sa Alemanya ilang taon lang ang nakararaan. Isa sa mga misyonero, si J. Vernon Sharp, ay nagsasalita ng wikang Espanyol, tinitiyak na ang mga taga-Timog Amerika na nagsasalita ng wikang Espanyol at Aleman ay makaririnig ng ebanghelyo sa sarili nilang wika. Hindi nagtagal mula nang dumating sila, nakapagbinyag ang mission ng unang miyembro nito na nagsasalita ng wikang Espanyol, si Eladia Sifuentes.41
Noong ika-4 ng Hulyo 1926, bago siya bumalik sa Estados Unidos, nagpatotoo si Elder Ballard sa isang maliit na kongregasyon ng mga Banal sa Argentina. “Ang gawain [ng Panginoon] ay dahan-dahang lalago sa paglipas ng panahon tulad ng isang puno ng oak na dahan-dahang lumalaki mula sa isang buto ng acorn,” ang pahayag niya. “Hindi ito kaagad lalaki sa loob lamang ng isang araw tulad ng mirasol na mabilis lumaki at pagkatapos ay namamatay.”
“Ngunit libu-libo ang sasapi sa Simbahan dito,” ang propesiya niya. “Mahahati ito sa mahigit isang mission at magiging isa sa mga pinakamalalakas sa Simbahan.”42