Kabanata 23
Ang Tanging Kailangan
Noong ika-6 ng Pebrero 1935, ang labinlimang taong gulang na si Connie Taylor at iba pang mga miyembro ng Cincinnati Branch ay naghihintay sa kanilang meetinghouse upang tumanggap ng patriarchal blessing mula kay James H. Wallis.
Sa maraming bahagi ng huling siglo, ang mga patriarchal blessing ay ibinibigay lamang sa mga Banal na nasa wastong gulang, na karaniwang tumanggap ng mga basbas mula sa mahigit isang patriarch sa buong buhay nila. Gayunman, nitong mga nakaraang taon, nagsimulang hikayatin ng mga lider ng Simbahan ang mga tinedyer na tulad ni Connie na tanggapin ang kanilang basbas bilang paraan upang mapalakas ang kanilang pananampalataya at tumanggap ng patnubay para sa kanilang buhay. Nilinaw rin ng mga lider ng Simbahan na ang mga Banal ay dapat tumanggap ng isang patriarchal blessing lamang.1
Si Brother Wallis, isang nabinyagan mula sa Great Britain, ay tinawag ng Unang Panguluhan na magbigay ng mga patriarchal blessing sa mga Banal sa malalayong branch ng Simbahan. Kamakailan lamang ay natapos niya ang dalawang taong misyon sa Europa, kung saan nagbigay siya ng mahigit isang libo apat na raang basbas, at ngayon ay inatasan siyang basbasan ang mga Banal sa silangang Estados Unidos at Canada. Dahil bihirang pagkakataon ito para sa sinuman sa Cincinnati na tumanggap ng patriarchal blessing, nag-ukol siya ng maraming oras upang matiyak na makukuha ng bawat miyembro ng branch ang pagkakataong iyon.2
Nang dumating na ang pagkakataon ni Connie upang mabasbasan, umupo siya sa silid ng Relief Society. Pagkatapos ay ipinatong ni Brother Wallis ang mga kamay nito sa kanyang ulo at tinawag siya sa kanyang buong pangalan: Cornelia Belle Taylor. Habang sinasambit nito ang basbas, nagbigay ng katiyakan ito sa kanya na siya ay kilala at binabantayan ng Panginoon. Ipinangako nito ang patnubay sa kanyang buhay kapag hinanahanap niya ang Panginoon sa panalangin, itinatakwil ang kasamaan, at sinusunod ang Word of Wisdom. Hinikayat siya nito na maging mas interesado sa mga aktibidad ng Simbahan, gamitin ang kanyang mga talento at katalinuhan upang maging handang manggagawa sa kaharian ng Diyos. At ipinangako nito na pupunta siya sa templo balang-araw at mabubuklod sa kanyang mga magulang.
“Huwag pag-alinlanganan ang gayong pangako,” sabi sa kanya ng patriarch. “Sa takdang panahon ng Panginoon, aantigin ng Kanyang Banal na Espiritu ang puso ng iyong ama, at sa pamamagitan ng impluwensya nito ay makikita niya ang liwanag ng katotohanan at makikibahagi sa iyong mga pagpapala.”3
Nagbibigay man ng kapanatagan ang mga salitang iyon, nangailangan ang mga ito ng matinding pananampalataya. Ang ama ni Connie, isang manggagawa ng tabako na nagngangalang George Taylor, ay isang mapagmahal at mabait na lalaki, ngunit ang pamilyang pinagmulan nito ay kinamumuhian ang mga Banal sa mga Huling Araw. Nang ang ina ni Connie na si Adeline ay unang nagpahayag ng interes sa Simbahan, tumanggi itong pahintulutang sumapi siya.
Ngunit isang araw, noong mga anim na taong gulang si Connie, nasagasaan ng kotse ang kanyang ama habang tumatawid ito sa kalye. Habang nakahiga ito sa ospital, nagpapagaling ng nabaling binti, muling iginiit dito ni Adeline na hayaan siyang sumapi sa Simbahan, at ngayon ay pumayag ito. Patuloy na lumambot ang damdamin nito, at kamakailan lamang ay hinayaan nitong mabinyagan si Connie at ang kanyang mga kapatid na lalaki. Ngunit siya mismo ay hindi nagpakita ng interes sa pagsapi sa Simbahan o sa pagdalo sa mga pulong kasama ang kanyang pamilya.4
Hindi nagtagal matapos ang kanyang patriarchal blessing, sinimulan ni Connie na palagiang makibahagi sa mga pagsisikap ng branch na ibahagi ang ebanghelyo sa kanilang mga kapitbahay.5 Upang makabawi sa pagbaba ng bilang ng mga misyonero sa panahon ng Depression, ang mga Banal sa iba’t ibang panig ng mundo ay kadalasang tinatawag na maglingkod nang pansamantala malapit sa kanilang tahanan. Noong 1932, inorganisa ni Charles Anderson na pangulo ng Cincinnati Branch president ang isang grupo na mamamahagi ng polyeto upang mapanatiling sumusulong ang gawain sa lunsod.6 Dahil ang Sunday School ay nasa umaga at ang sacrament meeting ay sa gabi, si Connie at ang iba pang kabataan ay karaniwang gumugugol ng isang oras o higit pa sa hapon para kumatok sa mga pintuan at makipag-usap sa mga tao tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo.7
Isa sa kanyang mga kasama sa tracting society ay si Judy Bang. Nitong mga huling araw, nagsimulang makipagdeyt si Judy sa kuya ni Connie na si Milton. Siya at si Judy ay walang gaanong pagkakahalintulad, maliban sa kanilang pagiging miyembro ng Simbahan, ngunit masaya sila kapag magkasama. Kamakailan lamang ay isinagawa ni Connie ang kanyang unang pakikipagdeyt—sa kuya ni Judy na si Henry. Subalit hindi niya nagustuhan si Henry tulad ng pagkakagusto niya sa nakababatang kapatid nito na si Paul, na kasing-edad niya.8
Noong Marso, sinabi ni Judy kay Connie na gusto siyang yayain ni Paul sa roller-skating party ng MIA. Hinintay ni Connie ang buong gabing iyon para tanungin siya ni Paul, ngunit hindi nito ginawa iyon. Kinabukasan, ilang oras bago ang roller-skating party, hiniling ni Henry kay Milton na tanungin si Connie kung nais nitong dumalo kasama si Paul. Isa itong paligoy-ligoy na paraan para yayain siya sa isang deyt, ngunit pumayag siya.
Magkasamang nag-isketing sina Connie at Paul. Pagkatapos, ilan sa mga kabataan ay nagsiksikan sa kotse ni Henry at nagtungo sa isang kalapit na restoran para sa isang mangkok ng chili na estilong Cincinnati. “Ang saya kong makasama si Paul,” isinulat ni Connie sa kanyang journal nang gabing iyon. “Mas masaya kaysa sa inaasahan ko.”9
Kalaunan noong tagsibol na iyon, tumanggap si Connie ng nakasulat na kopya ng kanyang patriarchal blessing, na muling nagpapaalala sa kanya ng mga pangakong natanggap niya. “Ang basbas na ito, mahal kong kapatid, ay magiging gabay sa iyong mga pasya,” nakasaad rito. “Ipakikita nito sa iyo ang dapat mong gawin upang hindi ka mapalayo sa tama kundi magawa mong ituon ang iyong mga mata sa buhay na walang hanggan.”10
Dahil napakaraming nangyayari sa kanyang buhay, kailangan ni Connie ang patnubay ng Panginoon. Nang sumapi siya sa Simbahan, nagpasiya siyang laging gawin ang tama. Naniniwala siya na ang ebanghelyo ay isang kalasag. Kung lalapit siya sa Diyos at hihilingin sa Kanya na tulungan siya, pagpapalain at poprotektahan siya ng Diyos sa buong buhay niya.11
Samantala, sa Lunsod ng Salt Lake, ang pangulo ng stake na si Harold B. Lee ay nakaupo sa tanggapan ng Unang Panguluhan. Nakita niya ang kanyang sarili bilang isang walang alam na batang tagabukid mula sa isang maliit na bayan sa Idaho. Subalit narito siya, kaharap si Heber J. Grant habang tinatanong ng propeta ang kanyang mga opinyon tungkol sa paglalaan para sa mga maralita.
“Nais kong gayahin ang mga nakasaad sa aklat ng Pioneer Stake,” ibinalita ni Pangulong Grant.12
Siya at ang kanyang mga tagapayo, sina J. Reuben Clark at David O. McKay, ay matiim na binabantayan ang gawain ni Harold.13 Halos tatlong taon na ang lumipas mula nang simulan ang masigasig na programa para sa pagtulong ng Pioneer Stake. Noong panahong iyon, lumikha ang stake ng maraming trabaho para sa walang hanapbuhay. Namitas ang mga Banal ng mga gisantes, gumawa at nagsulsi ng mga damit, gumawa ng mga atsarang prutas at gulay, at nagtayo ng bagong gymnasium ng stake.14 Ang kamalig ng stake ay nagsilbing sentro ng aktibidad, kung saan si Jesse Drury ang namamahala sa kumplikadong operasyon.15
Kasabay nito, labis na nag-alala ang Unang Panguluhan sa bilang ng mga miyembro ng Simbahan na umaasa sa pampublikong pondo. Hindi sila salungat sa pagtanggap ng mga Banal ng tulong mula sa pamahalaan kung wala silang pera para sa pagkain o pambayad ng renta. Hindi rin sila tutol sa mga miyembro ng Simbahan na tumatanggap ng tulong sa pamamagitan ng mga pederal na proyektong pangkonstruksyon.16 Ngunit nang ang Utah ay naging isa sa mga estado na lubos na umaasa sa tulong ng pamahalaan, nag-alala ang panguluhan na ilang miyembro ng Simbahan ang tumatanggap ng pondo na hindi nila kailangan.17 Pinagdudahan din nila kung gaano katagal mapopondohan ng pamahalaan ang mga programa para sa pagtulong nito.18
Hiniling ni Pangulong Clark kay Pangulong Grant na magbigay sa mga Banal ng alternatibo sa tulong mula sa pederal. Naniniwala na ang ilang programa para sa pagtulong ng pamahalaan ay nagiging sanhi ng katamaran at kawalan ng pag-asa, nanawagan siya sa mga miyembro ng Simbahan na maging responsable sa pangangalaga ng isa’t isa, tulad ng tagubilin ng Doktrina at mga Tipan, at pagtrabahuhan ang tulong na natanggap nila hangga’t maaari.19
May karagdagang mga alalahanin si Pangulong Grant. Mula noong simula ng Depression, nakatanggap siya ng napakaraming liham mula sa mabubuti at masisipag na Banal sa mga Huling Araw na nawalan ng trabaho at sakahan. Madalas niyang madama na wala siyang magawa para tulungan sila. Dahil siya mismo ay lumaking maralita, batid niya kung ano ang kagipitan. Ilang dekada rin ng kanyang buhay ang kanyang ginugol na baon sa utang, kaya nakikisimpatiya siya sa iba na nasa gayon ding mga sitwasyon. Sa katunayan, ginagamit niya ngayon ang sarili niyang pera upang tulungan ang mga balo, kapamilya, at mga lubos na estranghero na bayaran ang kanilang mga hulog sa lupa, manatili sa misyon, o matugunan ang iba pang mga obligasyon.20
Ngunit batid niya na ang kanyang mga pagsisikap, gayundin ang mga pagsisikap ng mga programa ng pamahalaan, ay hindi sapat. Naniniwala siya na ang Simbahan ay may tungkuling pangalagaan ang mga kasapi nito na maralita at walang trabaho, at nais niyang pagbatayan ni Harold ang kanyang karanasan sa Pioneer Stake upang makabuo ng bagong programa—isang programang magpapahintulot sa mga Banal na magtulungan para sa kaginhawahan ng mga nangangailangan.
“Wala nang ibang mas mahalagang gagawin ang Simbahan kaysa sa pangalagaan ang mga maralitang miyembro nito,” sabi ni Pangulong Grant.21
Natigilan si Harold. Ang ideya ng pag-oorganisa at pagbuo ng isang programa para sa buong Simbahan ay napakahirap gawin. Pagkatapos ng pulong, nagmaneho siya papunta sa kalapit na canyon park, nalulula ang kanyang isipan habang nagmamaneho siya patungo sa mas loobang bahagi ng burol sa itaas ng Lunsod ng Salt Lake.
“Paano ko iyon gagawin?” naisip niya.
Nang marating ang dulo ng kalsada sa gilid ng parke, pinatay niya ang makina at nagpagala-gala sa mga puno hanggang sa makita niya ang isang tagong lugar. Lumuhod siya at nanalangin upang humiling ng patnubay. “Para sa kaligtasan at pagpapala ng Inyong mga tao,” sinabi niya sa Panginoon, “kinakailangan ko ang Inyong patnubay.”22
Sa gitna ng katahimikan, isang makapangyarihang impresyon ang nanahan sa kanya. “Hindi kailangan ng bagong organisasyon upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga taong ito,” natanto ni Harold. “Ang tanging kailangan ay gamitin ang priesthood ng Diyos.”23
Nang mga sumunod na araw, hiningi ni Harold ang payo ng maraming tao na malawak ang karanasan at may lubos na kaalaman, kabilang na ang apostol at dating senador na si Reed Smoot. Pagkatapos ay gumugol siya ng ilang linggo sa paglikha ng paunang mungkahi, kasama ang mga detalyadong ulat at tsart na nagbabalangkas ng kanyang plano para sa isang posibleng programa para sa pagtulong ng Simbahan.24
Nang ilahad ni Harold ang kanyang plano sa Unang Panguluhan, naisip ni Pangulong McKay na maaari itong gawin. Subalit nag-atubili si Pangulong Grant, hindi tiyak kung handa ang mga Banal na isagawa ang isang programa na gayon kalaki. Matapos ang pulong, nanalangin siya upang humingi ng patnubay mula sa Panginoon, ngunit wala siyang natanggap na tagubilin.
“Hindi ako magpapasiya,” sabi niya sa kanyang kalihim, “hanggang sa madama ko ang tiyak na nais ng Panginoon.”25
Habang hinihintay ni Pangulong Grant ang patnubay ng Panginoon hinggil sa isang programa para sa pagtulong, naglakbay siya patungong Hawaii upang mag-organisa ng isang stake sa isla ng Oahu.26 Labinlimang taon na ang lumipas mula nang ilaan niya ang templo roon, at marami nang nagbago. Ang bakuran ng templo ay dating tigang at madamo. Ngayon, ang mga ito ay hitik sa mga puno ng bougainvillea na mamumukadkad at mga lawang dumadaloy na tinatabihan ng mga mabining nagwawagayway na mga puno ng palma.27
Lumalago rin ang Simbahan sa Hawaii. Sa loob ng walumpu’t limang taon mula nang dumating ang mga unang misyonero na Banal sa mga Huling Araw sa Honolulu, ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan sa mga isla ay umabot sa mahigit labintatlong libong Banal, kung saan kalahati ay naninirahan sa Oahu. Ang bilang ng mga dumadalo sa mga miting ng Simbahan ay noon lang tumaas, at sabik ang mga Banal na maging bahagi ng isang stake. Ang Oahu Stake ang magiging ika-113 stake ng Simbahan at ang unang inorganisa sa labas ng Hilagang Amerika. Sa unang pagkakataon, ang mga Banal sa Hawaii ay magkakaroon ng mga bishop, lider ng stake, at patriarch.28
Matapos makipag-usap sa mga Banal, tinawag ni Heber si Ralph Woolley, ang lalaking nangasiwa sa pagtatayo ng Hawaii Temple, bilang stake president.29 Si Arthur Kapewaokeao Waipa Parker, isang katutubong Hawaiian, ang maglilingkod bilang isa sa kanyang mga tagapayo.30 Ang kalalakihan at kababaihan na may mga lahing Polynesian at Asyano ay tinawag din sa mataas na kapulungan ng stake, panguluhan ng Relief Society, at iba pang mga katungkulan sa pamumuno.31
Nagpahanga sa propeta ang pagkakaiba-iba ng mga miyembro ng Simbahan ng Hawaii.32 Ang mga naunang gawaing misyonero ay nakatuon sa mga katutubong Hawaiian, ngunit tumataas ang dami ng mga taong tinatanggap ang ebanghelyo. Noong dekada ng 1930, mahigit sa ikatlong bahagi ng populasyon ng Hawaii ay binubuo ng mga taong may lahing Hapones. Maraming iba pang tao sa Hawaii ang may lahing Samoan, Māori, Filipino, at Tsino.33
Itinatag ng propeta ang bagong stake noong ika-30 ng Hunyo 1935. Makalipas ang ilang araw, dumalo siya sa isang hapunan kasama ang mga miyembrong Hapones ng Simbahan. Ang maliit na grupo ay nagpupulong linggo-linggo upang mag-aral sa klase ng Sunday School na nasa wikang Hapones.34 Sa hapunan, nakinig si Heber habang nagtatanghal ng musika ang mga Banal gamit ang mga tradisyunal na instrumentong Hapones. Narinig din niya ang mga patotoo ni Tomizo Katsunuma, na sumapi sa Simbahan bilang estudyante sa Agricultural College sa Utah, at ni Tsune Nachie, isang pitumpu’t siyam na taong gulang na Banal na nabinyagan sa Japan at kalaunang nandayuhan sa Hawaii noong dekada ng 1920 upang makapagtrabaho ito sa templo.35
Ang pagkain, musika, at mga patotoo ay nagpaalala kay Heber sa nakalipas na tatlong dekada nang maglingkod siya bilang unang pangulo ng Japanese Mission. Lagi siyang nalulungkot sa naging bunga ng kanyang gawain sa Japan. Sa kabila ng kanyang buong-pusong pagsisikap, hindi siya nagtagumpay na mapag-aralan ang wika, at iilang miyembro lang ang nabinyagan. Kalaunan ay nahirapan din ang mga mission president, at isinara ni Heber ang mission ilang taon matapos maging pangulo ng Simbahan, iniisip pa rin kung ano pa sana ang maaari niyang nagawa upang magtagumpay ang mission.36
“Hanggang sa katapusan ng buhay ko,” sinabi niya minsan, “nadarama ko na hindi ko pa nagagawa ang inaasahan sa akin ng Panginoon, at kung ano ang ipinagawa Niya sa akin doon.”37
Nang makilala ni Heber ang mga Banal na Hapones at malaman pa ang tungkol sa kanilang Sunday School, natanto niya na maaaring ang Hawaii ay maging susi sa paglulunsad ng bagong mission sa Japan. Habang nasa Honolulu, nagkaroon siya ng pagkakataong kumpirmahin ang dalawang bagong binyag na miyembrong Hapones. Isa sa mga Banal na ito, si Kichitaro Ikegami, ay dalawang taon nang nagtuturo sa Sunday School bago siya nabinyagan. Ang kahanga-hangang lalaki ay isang tapat na ama at isang maimpluwensyang negosyante sa Oahu.38
Biglang natanto ni Heber na nakumpirma na niya ngayon ang mas maraming Banal na Hapones sa Hawaii kaysa sa kabuuan ng kanyang misyon sa Japan.39 Marahil, kapag tama na ang panahon, ang mga Banal na ito ay maaaring tawagin upang magmisyon sa Japan at tulungan ang Simbahan na matatag sa lupaing iyon.40
Patuloy na nagbago ang pang-araw-araw na buhay sa paligid ni Helga Meiszus. Noong unang bahagi ng 1935, hayagang ipinahayag ni Adolf Hitler na pinalalakas ng Germany ang kapangyarihan nito sa militar, lumalabag sa kasunduang nilagdaan nito noong natapos ang digmaang pandaigdig. Halos walang ginawa ang mga bansa sa Europa upang limitahan ang kanyang kapangyarihan. Sa tulong ng kanyang ministro ng propaganda, lumalawak ang kapangyarihan at kontrol ni Hitler sa Germany. Ang malawakang martsa na nagpapakita ng lakas ng mga Nazi ay umakit ng daan-daang libong tao. Ang mga programa sa radyo na maka-Hitler, musikong makabansa, at Nazi swastika ay nasa lahat ng dako.41
Nagaganap din ang mga pagbabago sa Simbahan. Habang patuloy na nagtitipon ang mga Bee-Hive Girls, inihinto ng pamahalaan ang programa ng Simbahan sa Boy Scout sa Germany upang hikayatin ang mas maraming kabataang lalaki na sumama sa mga grupo para sa kabataan ng Nazi Party. Ang pagkamuhi ng mga Nazi sa mga Judio ay humantong din sa pagbabawal ng pamahalaan ng paggamit ng mga simbahan ng mga salitang nauugnay sa Judaismo. Ang Articles of Faith ay ipinagbawal dahil nilalaman nito ang mga salitang “Israel” at “Sion.” Ang iba pang literatura ng Simbahan, kabilang na ang isang polyetong tinatawag na Divine Authority ay ipinagbawal dahil tila hinahamon nito ang kapangyarihang Nazi.42
Sinalungat ng mga lider ng Simbahan sa Germany ang ilan sa mga gawaing ito, ngunit sa huli ay hinikayat nila ang mga Banal na makibagay sa bagong pamahalaan at iwasang sabihin o gawin ang anumang bagay na maglalagay sa Simbahan at sa mga miyembro nito sa panganib.43 Hangga’t tila nasa lahat ng dako ang Gestapo, alam ng mga Banal sa Tilsit na anumang pahiwatig ng paghihimagsik o pagtutol ay agad na makakarating sa lihim na pulisya. Karamihan sa mga Banal sa Germany ay umiiwas sa pulitika, ngunit laging may takot na isang tao sa branch ay may kaugnayan sa mga Nazi.
Ang pinakaligtas na maaring gawin, paniwala ng maraming miyembro ng branch, ay kumilos bilang bahagi ng mga tapat at masunuring Aleman. Ang iisang pagkakataon ng pagtataksil mula sa isang miyembro ng branch ay maaaring maglagay sa lahat ng tao sa panganib na paghigantihan ng mga Nazi.44
Nakatagpo ng kapanatagan, kaligtasan, at pagkakaibigan si Helga sa iba pang mga kabataan sa simbahan, kabilang na ang kanyang kapatid na si Siegfried at pinsan na si Kurt Brahtz. Ang branch ay madalas magdaos ng mga programa sa pag-arte at musika o nagdaraos ng masasayang salu-salo na may mga mesang puno ng ensaladang patatas, mga sorisong Aleman, at streuselkuchen, isang masarap na crumb cake.45 Karaniwang magkakasamang ginugugol ng mga kabataan ang buong araw ng Sabbath. Matapos dumalo sa Sunday School sa umaga, tutungo sila sa tahanan ng isang miyembro ng Simbahan, tulad ng tiya o lola ni Helga. Kung may piyano, may uupo at tutugtog habang umaawit ang lahat mula sa himnaryo ng Simbahan na nasa wikang Aleman.
Kalaunan, pagkatapos ng sacrament meeting, pupunta sila sa bahay ni Heinz Schulzke, ang tinedyer na anak ng branch president na si Otto Schulzke, para mag-usap-usap, tumawa, at masiyahan na kasama ang bawat isa. Si Pangulong Schulzke ay naging parang pangalawang ama kay Helga at sa iba pang mga kabataan. Inaasam niya ang matayog na hinaharap para sa kanila, kadasalan silang hinihikayat na magsisi at sundin ang mga kautusan. Ngunit marami rin siyang isinalaysay na kuwento at nakaaaliw ang kanyang mga biro. Tuwing nahuhuli ng dating ang isang taong nagsisimba at lahat ay pumipihit para makita kung sino iyon, sasabihin niya, “Sasabihin ko sa inyo kapag papasok na ang isang leon—hindi ninyo kailangang lumingon.”46
Bumabaling din si Helga sa kanyang lola para sa kapanatagan at patnubay. Maaaring mahigpit si Johanne Wachsmuth, tulad ni Otto Schulzke, at hindi siya mabilis magpalayaw sa kanyang mga apo. Isa siyang lubhang relihiyosong babae na alam kung paano makipag-usap sa kanyang Ama sa Langit. Tuwing mananatili si Helga sa bahay ng kanyang lolo’t lola, inaasahan ni Johanne na luluhod siya para manalangin sa tabi nito.
Isang gabi, nagalit si Helga sa kanyang lola at tumutol manalangin. Sa halip na iwanang mag-isa si Helga, iginiit ni Johanne na sabay silang manalangin.
Sumang-ayon si Helga, at habang nakaluhod siya sa matigas na sahig, unti-unting napawi ang kanyang kapaitan. Ang kanyang lola ay kaibigan niya, ang nagturo sa kanya kung paano makipag-usap sa Diyos. Pagkatapos, nagpasalamat si Helga para sa karanasang iyon. Maganda ang kanyang pakiramdam na malaman na hindi niya hinayaang makadama ng galit ang kanyang puso.47
Noong Pebrero 1936, sampung buwan matapos ang kanyang unang pakikipagpulong sa Unang Panguluhan, muling natagpuan ni Harold B. Lee ang kanyang sarili sa kanilang tanggapan. Handa na si Pangulong Grant na sumulong gamit ang plano para sa pagtulong sa mga Banal na nangangailangan. Isang kamakailan lamang na survey ng mga ward at stake, na pinangasiwaan ng Presiding Bishopric, ang naglahad na isa sa limang Banal ang tumatanggap ng anumang uri ng tulong pinansiyal. Gayunman, iilan lamang sa kanila ang bumabaling sa Simbahan upang humingi ng tulong dahil lubhang dinagdagan ng pamahalaang pederal ang dami ng tulong na ibinibigay sa mga estado nitong mga nakaraang taon. Naniniwala ang Presiding Bishopric na matutulungan ng Simbahan ang lahat ng nangangailangang miyembro kung gagawin ng bawat Banal sa mga Huling Araw ang kanyang bahagi sa pangangalaga sa mga maralita.48
Hiniling ni Pangulong Grant at ng kanyang mga tagapayo kay Harold na baguhin ang kanyang naunang mungkahi. Kinuha nila si Campbell Brown Jr., ang direktor ng programa sa kagalingan para sa isang lokal na minahan ng tanso, upang tulungan siya.49
Noong mga sumunod na linggo, nagtrabaho si Harold gabi at araw, sinusuri ang estadistika, sumasangguni kay Campbell, at muling isinasaalang-alang ang naunang plano. Pagkatapos, noong ika-18 ng Marso, ipinakita nila ang binagong mungkahi kay Pangulong McKay at maingat na ipinaliwanag sa kanya ang bawat detalye.50 Ayon sa bagong plano, ang mga stake ng Simbahan ay ioorganisa ayon sa mga rehiyon sa mundo, at bawat rehiyon ay magkakaroon ng sarili nitong kamalig na may imbak na pagkain at damit. Ang mga bagay na ito ay bibilhin gamit ang pondo ng handog-ayuno o pondo ng ikapu, o gagawin sa pamamagitan ng mga proyektong trabaho, o matatanggap sa pamamagitan ng “mga bagay na inihandog” bilang ikapu. Kung ang isang rehiyon ay may labis na aytem, maaari itong makipagpalit sa ibang rehiyon para sa mga aytem na kailangan nito.
Ang mga konsehong panrehiyon ng mga stake president ang mamamahala sa programa, ngunit karamihan sa mga responsibilidad sa pagpapatakbo nito ay mapupunta sa mga bishopric, mga panguluhan ng Relief Society ng ward, at mga bagong likhang komite sa trabaho sa ward. Ang mga miyembro ng komite sa trabaho ay magtatala ng lahat ng katayuan sa trabaho ng lahat ng miyembro ng ward, na mag-a-update ng datos bawat linggo. Mag-oorganisa rin sila ng mga proyektong magbibigay ng trabaho at iba pang makatutulong sa mga miyembro.51
Nakapaloob sa plano ang pagtanggap ng mga Banal ng tulong na may kapalit na pagtatrabaho, tulad ng ginawa ng Pioneer Stake. Ang mga kalahok sa mga proyekto ay makikipagpulong sa kanilang bishop upang talakayin ang kanilang pangangailangan sa pagkain, damit, panggatong, o iba pang mga pangangailangan, at pagkatapos isang kinatawan mula sa Relief Society ang dadalaw sa tahanan, susuriin ang mga kalagayan ng pamilya, at sasagutan ang isang papeles na ipapakita sa imbakan ng stake. Ang mga Banal ay tatanggap ng tulong ayon sa kanilang sitwasyon, nangangahulugan ito na maaaring magtrabaho ang dalawang tao nang parehong oras sa loob ng isang araw ngunit tatanggap ng magkakaibang dami ng pagkain o suplay, ayon sa laki ng pamilya o iba pang mga bagay.52
Nang matapos nina Harold at Campbell ang kanilang paliwanag, napansin nila na nalulugod si Pangulong McKay.
“Mga kapatid, mayroon na tayo ngayong ilalahad na programa sa Simbahan,” sabik na sinabi nito, at tinapik ng kamay ang mesa gamt ang kanyang kamay. “Binigyang-inspirasyon kayo ng Panginoon sa inyong gawain.”53