Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 21: Isang Binhi ng Pagmamahal


Kabanata 21

Isang Binhi ng Pagmamahal

isang babaeng naghuhukay ng lupa gamit ang pala

Noong simula ng 1981, ang animnapu’t tatlong taong gulang na si Julia Mavimbela ay namamahala ng hardin ng komunidad malapit sa kanyang tahanan sa Soweto, isang nayon ng mga Itim na may higit isang milyong katao sa kanlurang bahagi ng Johannesburg, South Africa. Si Julia, na dating punong-guro sa elementarya, ay sinimulan ang hardin ilang taon na ang nakakaraan upang tulungan ang mga kabataan sa nayon hanggang sa maging adult ang mga ito sa ilalim ng apartheid, ang opisyal na patakaran ng South Africa ukol sa pagbubukod ng lahi.

Bilang isang Itim na babae, batid niya kung gaano kahirap mamuhay sa ilalim ng sistemang ito. Minamaliit ng mga batas ang mga Itim na tao at itinuturing sila bilang mas mababang klaseng mamamayan. Sa loob ng ilang dekada, pinilit ng pamahalaan ang bawat Itim na taga-South Africa na magdala ng isang polyeto na nagsasaad kung saan siya maaari at hindi maaaring pumunta. Kapag natuklasan na ang mga Itim na tao ay nasa mga nayon para sa mga puti sa maling oras ng araw, maaari silang gulpihin, dakpin, o hindi kaya ay patayin.

Noong mas bata pa si Julia, napilitan siyang lumipat mula sa kanyang nayon na may iba-ibang lahi sa Johannesburg patungo sa isang bahay sa pang-Itim lamang na Soweto. Ngayon, habang pinapanood niya ang kabataan na nahihirapan sa mga kawalang-katarungang ito, nababahala siya na may namumuo nang kapaitan sa kanilang mga puso. Sa pamamagitan ng kanyang hardin, umaasa siyang maturuan sila kung paano magagapi ang kanilang galit bago pa nito sila mawasak at maging ang mga mahal nila sa buhay.

“Tingnan ninyo,” sasabihin niya, “ang lupa ay siksik at matigas. Ngunit kung tutusukin natin ng pala o maliit na kalaykay, mabibiyak natin ito at makakakuha ng tipak. Pagkatapos, kapag dinurog natin ang mga tipak na iyon at sinabuyan ng binhi, tutubo ito.”

Nais niyang taglayin ng mga kabataan ang mesahe ng matigas na lupa sa kanilang mga puso. “Hukayin natin ang lupa ng kapaitan, magsaboy ng binhi ng pagmamahal, at tingnan kung anong mga bunga ang maibibigay nito sa atin,” sabi niya sa kanila. “Hindi darating ang pagmamahal kapag hindi tayo nagpatawad sa iba.”

Ito ay isang aral na pinag-aaralan pa rin ni Julia. Ilang dekada na ang nakakaraan, ang asawa niyang si John ay napaslang sa isang matinding banggaan kung saan ang isa pang sangkot na sasakyan ay minamaneho ng isang puti. Nang magpunta si Julia sa istasyon ng pulis upang kunin ang mga gamit ng asawa niya, natagpuan niyang ang perang dala nito noon ay ninakaw matapos ang banggaan. At bagama’t naniniwala siyang walang kasalanan si John sa aksidente, sinisi ito ng korteng binubuo ng mga puting tao lamang.

Sa pagkamatay ni John, mag-isang pinalaki ni Julia ang kanilang mga anak, at nahirapan siyang itaguyod ang mga ito. Subalit kapag dumarating ang mga panahon ng pagsubok, nadama niya ang presensya ni Jesucristo na malapit sa kanya, na nagbibigay sa kanya ng kaginhawahan at katiyakan.

Ngayon, mahigit 25 taon mula nang pumanaw si John, batid ni Julia na napakahalaga ng kapatawaran upang hilumin ang sakit na nadarama niya. Subalit nahihirapan pa rin siyang patawarin ang mga sumira sa magandang pangalan ni John at nagnakaw sa kanya at kanyang pamilya.

Isang araw, noong Hunyo 1981, inanyayahan si Julia na tumulong na linisin ang isang youth facility at silid-aklatan na ninakawan at sinunog noong mga nakaraang kaguluhan bunsod ng apartheid. Nang dumating siya roon, nagulat si Julia nang makita niya ang dalawang binatang nililinis ang kalat gamit ang mga pala. Puti ang mga lalaki—isang nakakagulat na tagpo sa Soweto.

May malalaking ngiti, sinabi ng mga binata kay Julia na mga misyonerong Amerikano sila na nagpunta upang tumulong. May kaunting alam sila sa paghahalaman at nakipag-usap kay Julia tungkol sa kanyang pangkomunidad na halamanan. Tinanong din nila kung maaari nila siyang bisitahin. Mabigat sa loob ni Julia na makipagkita sa kanila. Sa pag-anyaya ng dalawang puting lalaki sa kanyang tahanan, sugal ito na maaaring tumanggap siya at kanyang pamilya ng marahas na parusa. Iisipin kaya ng mga kapitbahay niya na nakikipagsabwatan siya sa pulis o pamahalaang apartheid?

Nagsimula siyang gumawa ng dahilan, ngunit nagsimula siyang makadama ng kabog sa dibdib at natantong kailangan niyang hayaan silang pumunta. Sinabi niya sa kanilang pumunta sa paglipas ng tatlong araw.

Dumating ang mga binata sa takdang oras, nakasuot ng puting polo at may suot na mga name tag. Nagpakilala sila bilang mga misyonero mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Magalang siyang nakinig sa kanilang mensahe. Ngunit sa ikalawang pagdalaw ay iniisip na niya kung paano niya masasabi nang maayos sa kanila na hindi siya interesado.

Pagkatapos ay itinuro ng isa sa mga misyonero ang litrato ni Julia at kanyang namayapang asawa at nagtanong, “Nasaan po siya?”

“Namayapa siya,” paliwanag niya.

Sinabi ng mga misyonero sa kanya ang tungkol sa binyag para sa mga patay. Nag-alinlangan siya. Sa paglipas ng mga taon, dumalo siya sa maraming simbahan. Ni minsan ay wala siyang narinig kaninuman na maaaring binyagan ang patay.

Binuksan ng isang misyonero ang Bagong Tipan at hiniling sa kanyang basahin ang 1 Corinto 15:29: “Kung hindi gayon, anong gagawin ng mga tumatanggap ng bautismo para sa mga patay? Kung ang mga patay ay hindi na muling bubuhayin, bakit pa sila binabautismuhan para sa kanila?”

Natuon ang pansin niya sa talata. Nagsimula siyang makinig sa mga misyonero nang taos-puso. Habang itinuturo nila sa kanya ang tungkol sa mga walang hanggang pamilya, nalaman niya na ang mga binyag at iba pang ordenansa para sa mga patay ay maaari isagawa ng kanilang mga mahal sa buhay sa mga templo. Maaari din niyang makasamang muli ang mga pumanaw na—kabilang si John—sa daigdig ng mga espiritu.

Nang sinimulan niyang basahin ang Aklat ni Mormon, nagsimulang magbago ang buhay niya. Sa unang pagkakataon, natanto niya na lahat ng tao ay iisang pamilya. Binigyan siya ng pag-asa ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na sa wakas ay maaari na niyang patawarin ang mga yaong nanakit sa kanya at kanyang mga anak.

Anim na buwan matapos makilala ang mga misyonero, bininyagan si Julia. Makalipas ang isang buwan, inanyayahan siyang magsalita sa isang kumperensya ng Simbahan. Bilang pagsunod sa mga patakarang apartheid ng pamahalaan, hindi sinubukan ng Simbahan na mangaral sa mga Itim na tao sa South Africa. Ngunit pagsapit ng unang bahagi ng dekada ng 1980 ay nagsimulang humina ang apartheid, na nagtulot na maging mas madali para sa mga Itim at puting miyembro ng parehong relihiyon na magkita at magkasamang sumamba. Ilang buwan bago nabinyagan si Julia, isang kongregasyon ang binuo para sa mga Banal na mula sa Soweto.

Kinakabahang tumayo si Julia sa harap ng stake na halos puti ang mga miyembro. Nag-aalala siya na ang kanyang hinanakit sa pagkamatay ni John ay maaaring humadlang sa pagitan niya at ng iba pang mga miyembro ng Simbahan. Subalit nag-alay siya ng tapat na panalangin, at hinikayat siya ng Panginoon na magbahagi ng kanyang kuwento.

Nagsalaysay siya tungkol sa pagpanaw ng kanyang asawa, ang malupit na pagtrato na natanggap niya mula sa mga pulis, at ang kapaitang taglay niya sa napakatagal na panahon. “Sa wakas ay natagpuan ko na ang simbahang kaya akong turuan na tunay na magpatawad,” patotoo niya. Gaya ng mga tipak ng lupa sa isang halamanan, nadurog ang kanyang kapaitan.

Ang tanging nanatili, sabi niya, ay kapayapaan at kapatawaran.


Nang magmungkahi ang mga opisyal ng pamahalaan na magtayo ng templo sa German Democratic Republic, binigyan ng Unang Panguluhan si Henry Burkhardt ng awtoridad na kumuha ng pahintulot na magtayo ng meetinghouse na may espesyal na silid para sa pagsasagawa ng mga endowment at pagbubuklod para sa mga buhay, ngunit walang proxy na ordenansa para sa mga patay.

Matapos ang pag-aayuno at panalangin, nagmungkahi sina Henry at kanyang mga tagapayo sa panguluhan ng Dresden Mission na magtayo ng gusali sa Karl-Marx-Stadt. May malaking bilang ng mga Banal ang lunsod, at kailangan nila ng bagong meetinghouse. Subalit tumutol na magbigay ng pahintulot sa Simbahan ang mga lokal na opisyal, ikinakatwiran na hindi na kailangan pa ng lunsod ng dagdag na simbahan. Sa halip ay iminungkahi nila ang Freiberg, isang bayan sa malapit na may unibersidad.

“Imposible,” sabi ni Henry sa kanila. “Nais namin ang Karl-Marx-Stadt.”

Nakapagdesisyon na ang panguluhan ng mission tungkol dito. Ngunit habang sila ay nag-aayuno at nananalangin, nagsimulang maisip nina Henry at mga tagapayo niya na mainam magtayo sa Freiberg. Ang bayan ay kinatatayuan ng isang maliit na branch ng mga Banal at malapit sa mga branch sa Dresden at iba pang mga lunsod at bayan sa rehiyon.

Habang mas pinagninilayan nina Henry at kanyang mga tagapayo ang bagay na iyon, mas lalo silang naniwalang tama ang pasya nila. “Tama,” sabi nila sa sarili nila, “sa katunayan magandang opsiyon ang Freiberg.”

Tila nasasabik ang mga lider ng komunidad sa Freiberg na magtatayo ang Simbahan ng gusali sa kanilang bayan gaya ng Swiss Temple. Sa kabuuan ng GDR, hinahangad ng pamahalaan na palakasin ang mga ugnayan sa mga taong naniniwala sa Diyos ngunit iginagalang din ang awtoridad ng estado. Ngayon ay opisyal nang kinikilala ng GDR ang ilang relihiyon at ninanais na muling itayo ang mga makasaysayang simbahan na nasira noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Dahil may maayos na meetinghouse na ang mga Banal sa Freiburg, matinding naramdaman ni Henry na dapat isantabi ng Simbahan ang plano nitong magtayo ng isang gusaling hybrid at sa halip ay magtayo ng isang pamantayang templo na may kasamang bautismuhan at upang makapagsagawa ng ilang ordenansa sa pamamagitan ng proxy. Iminungkahi niya ang ideya sa mga lider ng Simbahan sa Lunsod ng Salt Lake at tumanggap ng pahintulot na bumili ng lupa para sa isang lubos na magagamit na bahay ng Panginoon sa Freiberg.

Pagkatapos ay tinalakay ni Henry ang plano sa pulong ng bayan sa Freiberg kasama si Frank Apel, ang tagapagpaganap na kalihim ng mission at isang taga-Freiberg. Inialok ng konseho sa Simbahan ang dalawang lote na maaaring pagtayuan ng gusali. Ang unang lote ay sa gitna ng bayan, ngunit maliit ito at mas mababa sa kalsada, kung kaya mahihirapang makita ito ng mga taong magsisidaan. Ang isang lote naman ay isang bukiring wala pang kalsada at kuryente na nasa isang burol sa hilagang kanluran ng bayan. Walang malapit na sakayan ng pampublikong transportasyon, ngunit madaling makita ito mula sa kalapit na lugar.

Nang makita nina Henry at Frank ang ikalawang lote, alam nilang natagpuan na nila ang tamang lugar para sa templo.

Noong ika-27 ng Pebrero 1982, bumisita si Elder Thomas S. Monson sa GDR upang dalawin ang mga Banal sa East Germany at kausapin si Henry tungkol sa lokasayon ng bagong templo. Halos labing-apat na taon na mula nang unang nakilala nina Henry at kanyang asawang si Inge ang propeta at may maganda ang kanilang pagkakaibigan. Ibinigay ni Elder Monson kay Inge ang palamuting plato at isang bagong palda mula sa kanyang asawang si Frances. Sinurpresa rin niya si Tobias, ang labing-apat na taong gulang na anak ng mga Burkhardt, ng isang pocket calculator—isang bibihirang bagay na makikita sa GDR.

Kinabukasan, isinama ni Henry si Elder Monson sa lugar. Bagama’t nauunawaan niya kung bakit hindi maitayo ng Simbahan ang templo sa Karl-Marx-Stadt, may mga tanong si Elder Monson tungkol sa lugar sa Freiberg.

“Napag-isipan ba ninyo nang mabuti ang pagpiling ito?” itinanong niya kay Henry. “Ito nga ba ang tamang lugar? Paano makakarating ang mga tao rito kung walang sapat na pampublikong transportasyon?”

Sinagot ni Henry ang mga tanong ni Elder Monson sa abot ng makakaya niya. Pagkatapos ay pinagtibay niya na siya at mga tagapayo niya ay malakas na sinusuportahan ang pagtatayo ng templo roon. Nag-ayuno at nanalangin sila tungkol sa lugar, sabi niya, at nadama nilang doon nais ng Panginoon na itayo ang Kanyang tahanan sa GDR.

Hindi na kinakailangan pang makumbinsi ni Elder Monson. Binili ng Simbahan ang lupa at pormal na nagpadala ng binagong mga planong pang-arkitektura sa pamahalaan ng Silangang Germany.


Noong ika-31 ng Marso 1982, tahimik na nakaupo si David Galbraith sa isang tanggapan sa Jerusalem habang si Amnon Niv, ang punong inhinyero ng lunsod, ay sinusuri ang isang malaking mapa ng Bundok ng mga Olibo na de-kamay na kinulayan. Anim pang mga taga-plano ng lunsod ang nakatayo sa silid kasama nila.

Ilang buwan nang inaasahan ni David ang pakikipagpulong kay Amnon. Handa nang umusad ang Simbahan sa plano nitong magtayo ng Jerusalem Center para sa mga mag-aaral ng programa ng BYU na study abroad at mga lokal na Banal. Matapos itong itayo, bibigyan ng center ang Simbahan ng opisyal na presensya sa Banal na Lupain. Magiging lugar ito ng pagkatuto, pag-unawa, at kapayapaan, kung saan maaaring maglakad ang mga miyembro ng Simbahan kung saan naglakad si Jesus, matuto pa tungkol sa sinaunang ugat ng kanilang pananampalataya, at magkaroon ng pagpapahalaga sa mga kultura at paniniwala ng mga taong nakatira sa Gitnang Silangan.

Nais ng mga lider ng Simbahan, kasama si David, na itayo ang center sa lugar na hinangaan ni Pangulong Kimball noong 1979 sa pagbisita niya sa lunsod. Ngunit malapit sa Bundok Scopus ang lugar, ang pinakamataas na tuktok sa Bundok ng mga Olibo, at isang “green zone” na itinakda ng pamahalaan ang tumatagos dito, kaya imposibleng magawa ang pagpapatayo. Sinubukang baligtarin ng ibang developer ang pag-sona ngunit bigo sila. Kung nais magtayo roon ng Simbahan, kailangang baguhin ni Amnon ang hangganan ng green zone.

Sinuportahan ni Alkalde Teddy Kollek ang pagnanais ng Simbahan na magtayo ng center sa lunsod. Naniniwala siyang ang pagkakaibigan ng Simbahan sa mga Muslim at Judio ay makakatulong sa parehong pangkat na mas maintindihan ang bawat isa at mamuhay na mapayapa. Gayunpaman, sang-ayon siya na imposibleng makuha ang lupa sa Bundok Scopus. Sa panghihimok niya, tumingin si David sa iba pang posibleng lugar na mapagtatayuan. At tuwing may nakikita siyang posibleng lokasyon, lumalapit siya sa punong-tanggapan ng Simbahan. Subalit wala sa mga lugar na ito ang naaprubahan, at pinayuhan siya ni Pangulong N. Eldon Tanner na tumutok sa Bundok ng Scopus.

Isang araw, hinikayat ni Alkalde Kollek si Amnon na makipag-pulong kay David at pakinggan ang sasabihin nito. Si David Reznik, ang lokal na arkitektong inupahan ng Simbahan upang idisenyo ang BYU Jerusalem Center, ay inanyayahan din.

Ipinakita ni Reznik kay Amnon ang ilan sa mga plano niya para sa paaralan at binigyang-diin ang malapit na distansya nito sa Hebrew University of Jerusalem, kung saan sila ni Amnon ay tumulong sa pagdisenyo nito ilang taon na ang nakakaraan. Patuloy na sinuri ni Amnon ang mapa nang ilang minuto, ang katahimikan niya ay katulad ng katahimikan ng lahat ng nasa silid. “Pahingi ng pentel pen,” sabi niya. Wala sa silid ang may panulat, kaya may isang nagmamadaling ginalugad ang silid at nakahanap ng isa para sa kanya. Pagkatapos ay iniunat niya ang kanyang braso at nagsimulang gumuhit sa mapa.

Habang nakamasid ang lahat, binago niya ang green zone, gumuguhit ng pulang linya sa paligid ng eksaktong lugar kung saan nais ng Simbahan itayo ang Jerusalem Center.

“Ito ang hangganan ng gusali,” paghahayag niya. Kumuha siya ng opisyal na pantatak, tinatakan nang mariin ang mapa, at pinirmahan ito ng pangalan niya. “Iyan nga!” sabi niya.

Tumango ang lahat bilang pagsang-ayon. Nagulantang si David. Nakatanggap ang Simbahan ng pahintulot sa isang bagay na inakala ng lahat na imposible. Hindi siya makapaghintay na tumawag sa punong-tanggapan ng Simbahan at sabihin sa kanila ang tungkol sa himala.


Makalipas ang ilang buwan, noong Hulyo 1982, naglakbay sina Olga Kovářová at isang maliit na grupo ng mga Banal gamit ang kotse patungo sa isang imbakang-tubig sa Brno, Czechoslovakia, para sa kanyang binyag.

Mula noong kanyang unang sacrament meeting sa tahanan ni Otakar Vojkůvka, nagsimulang makadama ng paghanga si Olga sa pananampalataya ng mas matatandang Banal na Czechoslovak. Nadama niyang pinasigla siya ng kanilang mga talakayan tuwing Sunday School at komportableng nakakapagbahagi ng kanyang sariling saloobin.

Sa mga buwan bago ang kanyang binyag, tumanggap si Olga ng mga turo ng misyonero mula kay Jaromír Holcman, isang miyembro ng panguluhan ng Brno Branch. Mahirap at asiwa ang ilang unang lesson dahil lubhang kakaiba sa pandinig niya ang mga salitang pangrelihiyon. Tila parang kuwentong pambata ang plano ng kaligtasan, at nahirapan si Olga sa mga tanong na mayroon siya tungkol sa Ama sa Langit.

Inaalala rin niya ang mga problemang maaaring dumating matapos ang binyag. Nagsimulang lumago ang Simbahan sa gitna at silangang Europa matapos ang 1975, kung saan si Henry Burkhardt at kanyang mga tagapayo sa panguluhan ng Dresden Mission ay itinalaga ang isang lalaking nagngangalang Jiří Šnederfler upang pamunuan ang mga Banal na nasa Czechoslovakia. Subalit hindi pa rin kilala at hindi gaanong nauunawaan ang Simbahan sa bansa. Kahit na sinasabi ng kanyang utak na kalimutan ang ebanghelyo ni Cristo, ibinubulong ng kanyang puso na ito ay totoo.

Nag-ayuno si Olga sa buong araw ng kanyang binyag. Nang dumating ang takdang oras, bumiyahe siya patungo sa imbakang-tubig kasama sina Otakar at Gád Vojkůvka at Jaromír at asawa nitong si Maria. Nagtipon ang grupo sa tabi ng tubig at nagdasal. Ngunit bago nila magawa ang ordenansa, nagulat sila sa tunog ng maraming mangingisdang naglalakad sa tabi ng pampang. Lumapit ang mga lalaki at huminto malapit sa lugar kung saan dapat binyagan si Olga.

“Biglang lumalalim ang tubig mula sa gilid ng pampang sa maraming lugar dito,” sabi ni Otakar. “Ito ang tanging lugar na alam naming dahan-dahan at ligtas ang paglalim ng tubig.”

Dahil wala nang ibang magawa, naghintay sina Olga at mga kaibigan niya. Lumipas ang sampung minuto, pagkatapos ay dalawampu. Gayunpaman, walang nakitang senyales na paalis na ang mga mangingisda.

Inihilig ni Olga ang kanyang ulo sa isang punungkahoy. “Siguro ay hindi pa sapat ang paghahanda ko,” naiisp niya, “o baka hindi pa ganoon kalakas ang patotoo ko, o hindi pa ako lubos na nakakapagsisi.”

Luluhod na sana siya upang manalangin nang hinawakan ni Jaromír ang braso niya at ginabayan pabalik sa ibang mga Banal.

“Sa palagay ko ay kailangan uli nating manalangin upang gawing posible na mabinyagan si Olga ngayon,” sabi niya.

Sabay-sabay na lumuhod ang grupo habang nagsumamo si Jaromír sa Diyos para kay Olga. Naririnig niya ang emosyon sa tinig nito. Nang matapos ang panalangin at pagkalipas ng ilang minuto, biglang tumayo ang mga mangingisda at umalis.

Kalmado ang tubig habang hawak ni Jaromír ang kamay ni Olga at ginagabayan itong lumusong at sinasambit ang panalangin para sa binyag. Nang marinig niya ang pangalan niya, nadama ni Olga na isang kabanata sa buhay niya ang nagwawakas na. Lahat ay magbabago na ngayong nagpasiya siyang sundin si Jesucristo at Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Binalot siya ng ganap na kagalakan, at batid niyang ang kanyang binyag ay itinatala sa langit.

Hindi nagtagal ay pabalik na ang maliit na grupo sa Brno sakay ng kotse ni Jaromír. Habang nasa biyahe sila, nakinig sila sa cassette tape ng Tabernacle Choir. Pakiramdam ni Olga ay nakikinig siya sa mga anghel, at namangha siya nang sinabi sa kanya ni Jaromír na lahat ng mga mang-aawit ay mga miyembro ng Simbahan. Napaisip siya kung ano ang buhay para sa mga Banal na nakatira sa isang bansang may kalayaan sa relihiyon at isang buhay na propeta.

Pagkarating sa Brno, nagtipon ang mga Banal sa tahanan ni Jaromír. Ipinatong nina Jaromír, Otakar, at iba pang maytaglay ng priesthood ang kanilang mga kamay sa ulo ni Olga. Habang kinukumpirma nila siya bilang miyembro ng Simbahan, nadama niyang pinalilibutan siya ng Espiritu Santo. Noong oras na iyon, batid niyang anak siya ng Diyos.

Sa basbas, ipinahayag ni Jaromír na sa pamamagitan ni Olga, maraming kabataan ang sasapi sa Simbahan at matuturuan tungkol sa ebanghelyo sa paraang mauunawaan nila. Ikinagulat ni Olga ang mga salitang iyon. Tila imposible ito, sa kasalukuyan, na magagawa niyang ibahagi nang malaya ang ebanghelyo.

Gayunpaman, isinapuso niya ang mga salitang iyon at inasam ang araw na magiging totoo ang mga iyon.


Noong ika-27 ng Nobyembre 1982, makulimlim ang kalangitan sa Johannesburg, South Africa, habang 850 katao ang nagtipon sa groundbreaking ng unang bahay ng Panginoon sa kontinente ng Aprika. Nagpunta si Julia Mavimbela sa seremonya kasama ang sampung pamilya mula sa Soweto, ang Itim na kanayunan sa kanlurang bahagi ng lunsod. Mula nang malaman ni Julia ang tungkol sa mga templo, ninais niyang maisagawa ang mga ordenansa para sa kanyang namayapang asawa at mga magulang. Determinado siyang makibahagi sa bawat mahahalagang yugto sa pagtatayo ng templo.

Ang nangunguna sa seremonya ay si Elder Marvin J. Ashton ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa kanyang pagtatapos na mensahe, nagsalita siya tungkol sa espiritwal na kasabikang nadama niya mula sa mga Banal sa South Africa. Oras na matapos ang pagtatayo sa bahay ng Panginoon, ang mga Banal na kinakailangang maglakbay ng ilang libong kilometro patungo sa mga templo sa Estados Unidos, Switzerland, United Kingdom, o sa Brazil ay magkakaroon na rin ng sariling templo na malapit sa kanila.

Habang nagsasalita si Elder Ashton, siya at iba pang mga lider ng Simbahan ay ma-seremonyal na hinukay ang lupa gamit ang mga pala. Pagkatapos ay lumapit ang ibang mga Banal, sabik na makilahok. Dahil ayaw makipagsiksikan sa maraming tao para lang makadaan, umatras sina Julia at iba pang mga Banal mula sa Soweto. Nakita sila ng ilang mga lider at inanyahan silang lumapit, kumuha ng pala, at maghukay rin. Natitiyak ni Julia na may kinalaman ang Espiritu sa pagtawag sa kanilang pumunta sa harap.

Noong mga sumunod na buwan, nakasumpong ng kaligayahan si Julia sa paglilingkod sa Relief Society. Maraming tao sa kanyang branch ay kailan lamang nabinyagan, at ang mga matagal nang miyembro ng Simbahan mula sa ibang ward sa stake ay nagturo sa kanila hanggang sa maging handa na silang sila mismo ang maging lider ng branch. Ang pangulo ng Relief Society, isang babaeng puti, ay hinirang si Julia bilang kanyang unang tagapayo.

Ang branch ang isa sa mga unang na-organisa mula sa isang nayong Itim. Nagtitipon ito sa isang gusali ng ward sa isang komunidadad sa Johannesburg. Upang makarating doon, kailangang sumakay sa taksi nina Julia at iba pang mga Itim na Banal mula sa Soweto papunta sa lunsod at pagkatapos ay lalakarin ang natitirang layo papunta sa kapilya. Kalaunan, nagsimulang magtipon ang branch sa isang mataas na paaralan sa Soweto, at ikinasiya ni Julia na makakadalo na siya sa simbahan nang mas malapit sa kanyang bahay.

Ngunit may mga naging hamon din ang bagong lugar para sa meeting. Tuwing Linggo ng umaga, kailangang dumating nang maaga ng mga Banal upang magwalis ng sahig at linisin ang mga bintana at upuan para gawing karapat-dapat sa sacrament meeting ang paaralan. At kung minsan, dinodoble ng taong nag-iiskedyul sa gusali ang mga pagpapareserba upang mas malaki ang kikitain, at dahil dito walang mapagtipunang lugar ang mga Banal.

Hindi nagtagal ay nagsimula ang Johannesburg Stake na maghirang ng mas maraming Itim na Banal bilang mga lider sa mga branch ng nayon. Sa kanyang branch, hinirang si Julia bilang bagong pangulo ng Relief Society.

Agad siyang nakadama ng kakulangan. Bagama’t isa siyang lider ng komunidad na may karanasan at alam kung paano tumulong at palakasin ang loob ng mga tao, sanay ang mga Banal sa kanilang branch na puting tao ang mga lider ng Simbahan. Halos marinig niya ang pagdududa ng mga miyembro sa kanyang branch at nag-iisip na, “Itim siya gaya natin.”

Gayunpaman, hindi hinayaan ni Julia na panghinaan siya ng loob. Alam niya kung ano ang kaya niyang gawin. At alam niyang makakasama niya ang Panginoon.

  1. Mavimbela at Harper, “Mother of Soweto,” 36–37, 61–62, 69–71; Mavimbela, Oral History Interview [1988], 32–33, 38–39; Mavimbela, “I Speak from My Heart,” 68–69; McCombs and McCombs, Oral History Interview, 7–9; Clark at Worger, South Africa, 49–51; Barber, South Africa in the Twentieth Century, 140–43, 172–73, 211–14; Brown, Road to Soweto, 179–87; Johnson, Soweto Speaks, 9; Landis, “Apartheid Legislation,” 46, 48. Mga Paksa: Pagbubukod ng Lahi; South Africa

  2. Mavimbela at Harper, “Mother of Soweto,” 43–44, 51–55; Mavimbela, Oral History Interview [1995], 15–17; Mavimbela, Oral History Interview [1988], 27–31, 39.

  3. Mavimbela at Harper, “Mother of Soweto,” 84–86; Mavimbela, Oral History Interview [1988], 33–35, 39–40; McCombs at McCombs, Oral History Interview, 5–7, 16–17; Mavimbela, Oral History Interview [1995], 18–19. Paksa: Binyag para sa Patay

  4. Mavimbela at Harper, “Mother of Soweto,” 88–89; Mavimbela, Oral History Interview [1988], 47–48, 61; Turley at Cannon, “Faithful Band,” 13–37; Wood, Personal History, 265–67; Walshe, “Christianity and the Anti-apartheid Struggle,” 385–92.

  5. Mavimbela at Harper, “Mother of Soweto,” 54–56, 89; Mavimbela, Oral History Interview [1988], 39–40. Ang sipi ay pinamatnugutan upang madali itong basahin; ang “had” sa orihinal ay pinalitan ng “have,” at ang “ could” sa orihinal ay pinalitan ng “can.”

  6. Burkhardt, “Wie kam es zum Bau des Freiberger [Freiberg] Tempels?,” 3–4; Burkhardt, Oral History Interview [1991], 9–10; Kuehne, Henry Burkhardt, 89–91; Monson, Journal, Feb. 10, 1979.

  7. Burkhardt, “Wie kam es zum Bau des Freiberger [Freiberg] Tempels?,” 3–7; Burkhardt, Oral History Interview [1991], 10–11; Kuehne, Henry Burkhardt, 91–92; Bangerter, Journal, June 28, 1985.

  8. Burkhardt, Oral History Interview [1991], 10–11; Burkhardt, “Wie kam es zum Bau des Freiberger [Freiberg] Tempels?,” 7–8. Ang sipi ay pinamatnugutan upang mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal ay “in fact not that wrong.”

  9. Kuehne, Henry Burkhardt, 92–93; Kuehne, “Freiberg Temple,” 125–27; Burkhardt, “Wie kam es zum Bau des Freiberger [Freiberg] Tempels?,” 9–11; Burkhardt, Oral History Interview [1991], 11. Paksa: Germany [Alemanya]

  10. Kuehne, Henry Burkhardt, 94; Burkhardt, “Wie kam es zum Bau des Freiberger [Freiberg] Tempels?,” 9–10; Kuehne, Mormons as Citizens of a Communist State, 281; Apel, Oral History Interview, 1; Leonhardt, “Geschichte des Freiberg-DDR-Tempels,” 43–45; Burkhardt, Oral History Interview [1991], 11; Kuehne, “Freiberg Temple,” 115–16.

  11. Monson, Journal, Feb. 27–28, 1982.

  12. Monson, Journal, Feb. 28, 1982; Kuehne, Mormons as Citizens of a Communist State, 281; Burkhardt, “Wie kam es zum Bau des Freiberger [Freiberg] Tempels?,” 10; Henry Burkhardt to Thomas S. Monson, Nov. 5, 1981, sa Burkhardt, “Wie kam es zum Bau des Freiberger [Freiberg] Tempels?,” [20]–[21]; Burkhardt, Oral History Interview [1991], 12; Kuehne, Henry Burkhardt, 93–94. Ang sipi ay pinamatnugutan upang linawin; ang “Is that really” sa orihinal ay pinalitan ng “Is this really.”

  13. Monson, Journal, Feb. 28 and Sept. 1, 1982; Kuehne, Mormons as Citizens of a Communist State, 281–83; Burkhardt, “Wie kam es zum Bau des Freiberger [Freiberg] Tempels?,” 10–11; tingnan din sa Leonhardt, “Geschichte des Freiberg-DDR-Tempels,” 46a. Paksa: Thomas S. Monson

  14. Robert Taylor to Howard W. Hunter, Memorandum, Apr. 1, 1982, Howard W. Hunter, Jerusalem Center Files, CHL; Galbraith, “Lead-Up to the Dedication of the Jerusalem Center,” 54; Galbraith, “Miracles Open the Door”; Galbraith, Oral History Interview, 87, 150–52.

  15. Galbraith, Oral History Interview, 166; Robert Taylor, “The Jerusalem Center: Organizational Structure,” 1987, 1–4, Budget Office, Jerusalem Center Records, CHL.

  16. Taylor, “Contest and Controversy,” 62–64; Peterson, Abraham Divided, 343–45; Galbraith, Oral History Interview, 147–50; Kaminker, “Building Restrictions in East Jerusalem,” 9; Robert Taylor to Howard W. Hunter, Memorandum, Apr. 1, 1982, Howard W. Hunter, Jerusalem Center Files, CHL.

  17. Galbraith, Oral History Interview, 56, 85, 148–50, 166–67; Teddy Kollek to Delos Ellsworth, Dec. 18, 1983, Howard W. Hunter, Jerusalem Center Files, CHL; Galbraith, “Miracles Open the Door.”

  18. Galbraith, Oral History Interview, 87, 150–54, 167; Galbraith, “Lead-Up to the Dedication of the Jerusalem Center,” 54; Galbraith, “Miracles Open the Door”; Robert Taylor to Howard W. Hunter, Memorandum, Apr. 1, 1982, Howard W. Hunter, Jerusalem Center Files, CHL; Berrett at Van Dyke, Holy Lands, 389.

  19. Holcman, “Olga Campora Kovářová”; Kovářová, Oral History Interview, [11].

  20. Campora, Saint behind Enemy Lines, 74–75.

  21. Campora, Saint behind Enemy Lines, 75–77; Holcman, Scrapbook, 17.

  22. Mehr, “Enduring Believers,” 150–52; Ed Strobel, “Statistics of the Czechoslovakian Mission,” July 22, 1989, 1, Europe Area, Files relating to Church Activities in Eastern Europe, CHL; Campora, Saint behind Enemy Lines, 77–78. Paksa: Czechoslovakia

  23. Campora, Saint behind Enemy Lines, 85–87; Kovářová, Oral History Interview, [11]–[12].

  24. Alan Dawson at Marjorie E. Woods, “Spiritual Moment as S. African Temple Begins,” Church News, Dis. 11, 1982, 5; Mavimbela at Harper, “Mother of Soweto,” 95; Hal Knight, “Black Branches Thrive in South Africa,” Church News, Nob. 28, 1981, 6; Marvin J. Ashton to First Presidency, Dec. 2, 1982, First Presidency, Temple Correspondence, CHL.

  25. Alan Dawson at Marjorie E. Woods, “Spiritual Moment as S. African Temple Begins,” Church News, Dis. 11, 1982, 5; “Transcript and Translation,” 1, 11, 14–16; Mavimbela at Harper, “Mother of Soweto,” 95–96.

  26. Johannesburg 2nd Branch, Annual Historical Reports, 1982, [4]; Mavimbela at Harper, “Mother of Soweto,” 92–94; Hal Knight, “Black Branches Thrive in South Africa,” Church News, Nob. 28, 1981, 6.

  27. Learning to Listen”; Johannesburg 2nd Branch, Annual Historical Reports, 1981, [5]; 1982, [2]; Kwa Mashu Branch, Annual Historical Reports, 1980, [1]–[2]; Mavimbela at Harper, “Mother of Soweto,” 91–92.