Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 25: Para sa Kapakanan ng Ebanghelyo


Kabanata 25

Para sa Kapakanan ng Ebanghelyo

dalawang sugatang lalaking misyonero na naglalakad palayo sa nasusunog na kotse

Noong ika-14 ng Hunyo 1989, napansin ng magkompanyong misyonero na sina Alice Johnson at Hetty Brimah na nakamasid sa kanila ang mga tao habang naglalakad sila pabalik sa kanilang apartment sa Koforidua, Ghana. “Bakit nakatingin ang lahat sa atin?” malakas na tanong ni Hetty.

“Ang ganda kasi natin,” sabi ni Alice. Inayusan ang buhok nila ng tinuturuan nilang manggugupit ng buhok. Bakit hindi titingin ang mga tao?

Subalit nang dumating sina Alice at Hetty sa kanilang apartment, sinabihan sila ng kanilang kasero na kailangan nilang agad na makipag-usap sa ama at ina-inahan ni Alice, na naglilingkod rin bilang mga misyonero sa Koforidua.

Si Alice ay anak ni Billy Johnson, na ang katapatan sa pangangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay nakatulong sa pag-organisa ng Simbahan sa Ghana. Isa si Billy sa mga unang bininyagan nang dumating ang mga misyonero noong 1978. Paglaon ay natanggap niya ang priesthood, naging unang branch president sa Ghana, at kalaunan ay naglingkod bilang district president. Ngayon, makalipas ang isang dekada, mayroon nang mga anim na libong taga-Ghana na mga Banal sa mga Huling Araw. Bilang mga misyonero, inatasan si Billy at ang kanyang asawa na tulungan ang mga Banal na hindi na dumadalo sa mga miting ng Simbahan.

Naglakad sina Alice at Hetty papunta sa mission house sa lunsod at natagpuan doon ang mga Johnson. Kalmadong ipinaliwanag ng ama ni Alice sa kanila at sa iba pang mga misyonero na ipinagbabawal na ng pamahalaan ng Ghana—sa hindi malamang dahilan—ang lahat ng aktibidad ng Simbahan sa bansa. Maraming iba pang mga simbahang Kristiyano ang pinagbawalan na magpulong.

“Kailangan ninyong tanggalin ang mga name tag ninyo,” sabi ni Billy. Ibinalita na sa radyo ang tungkol sa pagbabawal, na nagpaliwanag kung bakit napakaraming tao ang napapatingin kina Alice at Hetty. “Kailangan ninyong pumunta sa mga apartment ninyo at agad na mag-empake,” atas sa kanila ni Billy. “Bukas ng umaga, kailangan nating magpunta sa mission home sa Accra.”

Noong bata pa siya, palaging hinahangaan ni Alice ang pagiging madasalin, mabait, at masigasig ng kanyang ama sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa katunayan, ang pananampalataya at pagiging masigasig nitong maglingkod sa Diyos ang naghikayat kay Alice na magmisyon sa edad na labingwalo, ang edad na pinahihintulutan sa ibang bahagi ng mundo.

Ngayon, habang nagsasalita ito tungkol sa pagbabawal ng pamahalaan, hinimok nito si Alice at ang iba pang mga misyonero na mag-ayuno at manalangin para sa pagwawakas nito.

Kinabukasan, naglakbay sina Alice at Hetty ng mga walumpung kilometro patimog papunta sa punong-tanggapan ng mission sa Accra. Nang dumating sila, nadatnan nila ang napakaraming mga misyonerong nagtipon doon. Karamihan sa kanila ay mga taal na taga-Ghana, at bawat mukha ay may bahid ng luha. Nagulat ang lahat sa pagbabawal, maging ang mission president. Marahas na sinakop ng mga lokal na militia ang mga meetinghouse at iba pang mga gusali ng Simbahan. Pinalayas ng mga pulis ang mga misyonero mula sa kanilang mga apartment at kinumpiska ang mga kotse at bisikleta ng mission. Nakapuwesto na rin ang mga armadong guwardiya sa labas ng mission home.

Ipinaalam ni Gilbert Petramalo, ang mission president, sa lahat na kailangan silang i-release. Tanging ang mga magulang ni Alice ang mananatiling full-time na misyonero, pero kikilos sila sa hindi opisyal na kapasidad. Patuloy na magmiministro sa mga Banal ang mga ito, pero magsusuot sila ng pang-araw-araw na damit at hindi magsusuot ng mga name tag.

Matapos ang pag-release sa kanya, nakitira si Alice sa isang kaibigang babae sa Cape Coast. Hindi na niya alam ang susunod na gagawin sa buhay niya at nalilito siya. Sa biglaang pagtatapos ng misyon niya, hindi na matiyak kung ano ang magiging kinabukasan niya. Pakiwari niya ay bigla na lang nagwakas ang lahat ng mahalaga sa buhay niya.


Matapos ipagbawal ang lahat ng aktibidad ng Simbahan sa Ghana, sabik na nakarinig ng balita ang miyembro ng Simbahan na si William Acquah. Binasa niya ang mga lokal na pahayagan at palagiang nakikinig sa radyo, bawat pagkakataon ay para may malaman pa tungkol sa “freeze,” na agad ibinansag sa pagbabawal. Kung minsan ay nagtitipon sila ng ibang mga Banal upang magkumpara ng mga nabalitaan nila.

Ang ilang dekadang pananakop ng mga dayuhan ay naging dahilan para magduda ang ibang mga Ghanian sa mga dayuhan, at tila nag-alala ang mga opisyal ng pamahalaan sa headquarters ng Simbahan sa Amerika at sa nakikitang kasaganaan ng Simbahan. Maraming tao rin sa bansa ang nakapanood ng isang pelikulang ipinapakita ang Simbahan bilang masama at imoral, at pinatindi nito ang takot tungkol sa mga Banal. Sa paghihigpit sa Simbahan, tila naniniwala ang pamahalaan na pinoprotektahan nito ang mga mamamayan ng Ghana. Tila hindi handang ihinto ng mga opisyal ang freeze hanggang sa matapos nila ang masusing imbestigasyon tungkol sa mga Banal at sa mga aktibidad ng mga ito.

Nakatira si William sa Cape Coast. Ang asawa niyang si Charlotte ay bahagi ng pamilyang Andoh-Kesson na mga naunang tagasuporta ng pagmiministro ni Billy Johnson. Ipinakilala ni Charlotte kay William ang ipinanumbalik na ebanghelyo noong 1978, pero mahigit isang taon ang hinintay nito bago mabinyagan. Nagmula siya sa isang kilalang pamilya sa rehiyon, at noong mas bata pa siya ay hinubog siya ng kanyang edukasyon at mga karanasan sa buhay na maghinala sa Diyos. Nagsimulang maging bukas ang kanyang puso nang ipinakilala siya ni Charlotte kina Reed at Naomi Clegg, isang mag-asawang misyonero sa Cape Coast. Matiyaga sila habang pinag-aaralan niya ang Aklat ni Mormon at iba pang mga babasahin ng Simbahan, na nagbibigay sa kanya ng panahong magkaroon ng patotoo at magdesisyong mabinyagan.

Nang magsimula ang freeze, pinahintulutan ng mga lider ng Simbahan ang mga Banal sa Ghana na magdaos ng sacrament at magsagawa ng Sunday School sa kanilang mga tahanan. Ginawa ito nina William at Charlotte tuwing Linggo kasama ang mga anak nila. Pagkatapos ay madalas umalis ng bahay si William upang tingnan ang iba pang mga Banal para matiyak na mabuti ang kalagayan ng mga ito.

Noong Linggo, Setyembre 3, 1989, may nakasalubong si William na grupo ng mga miyembro ng Simbahan na nakapalibot sa isang taxi. Sinabi nila sa kanya na dalawang kapwa Banal sa mga Huling Araw, sina Ato at Elizabeth Ampiah, ang dinakip dahil sa pagdaraos ng mga miting ng Simbahan sa kanilang tahanan. Mabilis na sumakay si William sa taxi kasama ng iba pa, at nagpunta sila sa istasyon ng pulis.

Ang gusali ay isang mapanglaw na istruktura mula pa sa panahon ng pananakop sa Ghana. Sa loob, may lalaking pulis na nakatayo sa may mesa. Sa likod niya, nakaupo ang mga Ampiah sa isang bangko, nakayapak lang, sa harap ng mga bakal na rehas ng mga selda ng piitan.

Tiningnan ng pulis si William. “Isa ka rin bang miyembro ng Simbahan?” tanong nito.

“Opo,” sabi ni William.

Dinala nito si William sa likod ng mesa. “Alisin mo ang sapatos mo,” iniutos ng pulis. “Akin na ang relo mo.” Ganito rin ang utos nito sa iba pang mga lalaking kasama ni William. Tinanong ng isa sa kanila kung maaari siyang tumawag sa isang kaibigan na lokal na opisyal ng pamahalaan. Galit na galit ang pulis.

“Pasok sa kulungan!” sigaw nito.

Agad na nakaamoy si William ng mabahong amoy pagpasok na pagpasok niya sa pintuan. Nagsisiksikan sa maliit na silid ang mga preso na gula-gulanit ang suot na mga damit at gulat na gulat na makasama sa selda ang isang grupo ng mga Banal na suot pa rin ang mga pangsimba nila.

“Ano’ng nangyayari sa bansa natin,” tanong ng isang preso, “na pati matitinong pari na gaya ninyo ay ikukulong dito?”

Sa kabila ng kanilang hitsura na tila walang sinasanto, nagbigay ng puwesto ang mga preso sa mga Banal at hinarap ang mga ito nang may paggalang. Ang araw na iyon ay Linggo ng pag-aayuno, at habang tinatalakay nina William at mga kasama niya ang sitwasyon, nagpasiya silang ipagpatuloy ang pag-aayuno. Tensyonado at natatakot sila, pero kumalat na ang balita tungkol sa kanilang pagkakadakip, at kumilos ang iba pang mga miyembro ng Simbahan para mapalaya sila.

Kinahapunan, nagpunta ang tiyuhin ni William sa istasyon ng pulis. Isa itong kalmado, may dignidad na matandang lalaki na hindi miyembro ng Simbahan. Nakipag-usap siya sa mga pulis pero hindi niya makumbinsi ang mga ito na pakawalan si William. Sinabi ng mga pulis na isang banta sa pambansang seguridad ang mga Banal at hindi maaaring magpiyansa.

Ilang oras ang lumipas, at ang hapon ay naging gabi. Nagpunta sa piitan ang mga kaibigan mula sa simbahan at nakiusap din na palayain ang mga preso, subalit pinagbantaan lang sila ng mga pulis na dadakpin din sila. Sa wakas, nang maging malinaw na magpapalipas ng gabi sa selda si William at ang iba pang mga Banal, naghawak-kamay sila at nag-alay ng panalangin.

Kinabukasan, sinabi ng namumunong opisyal sa mga Banal na naghihintay siya ng mga atas sa kung ano ang gagawin sa kanila. Nagpalipas ng oras si William sa pakikipag-usap sa iba pang mga preso. Ang ilan sa kanila ay may mga pamilya sa malapit at nais silang kausapin. Kinabisa ni William ang mga address nila at nangakong ihahatid ang mga mensahe sa mga ito. Nagkaroon siya ng inspirasyon nang naisip niya ang apostol sa Bagong Tipan na si Pablo at ang kanyang mga pagkakakulong para sa kapakanan ng ebanghelyo.

Isang araw pa ang lumipas, at sa wakas, noong Martes, dinala si William at ang mga Banal para harapin ang namumunong opisyal. “Makakauwi na kayo,” sinabi nito nang walang ibang paliwanag. Sinubukan nitong makipag-usap nang maayos, pero binalaan nito ang mga Banal na huwag sabihin kaninuman ang kanilang pagkakadakip.

Walang nagsalita bilang tugon. Sa may mesa, ibinalik ng mga pulis ang kanilang mga gamit bago sila tuluyang pinalaya.


Noong gabi ng Nobyembre 18, 1989, naghihintay si Olga Kovářová sa istasyon ng bus sa Brno, Czechoslovakia, nang mapansin niya ang maraming kotse ng mga pulis na pinaliligiran ang kalapit na sinehan. “Baka nasusunog,” naiisip niya.

Hindi nagtagal ay dumating na ang bus. Sumakay si Olga at agad na nakita ang babaeng kapitbahay na madalas niyang kasabay. Mukhang nasasabik ito.

“Ano sa tingin mo?” tanong nito.

“Ano’ng ibig mong sabihin?” sabi ni Olga.

Hininaan ng kaibigan niya ang boses nito. “Iyong tungkol sa rebolusyon!”

“Saan?”

“Sa Czechoslovakia, sa Prague—dito!”

Natawa si Olga. “Ano na naman bang biro iyan?” tanong niya.

“Nakita mo ba ang lahat ng mga kotse ng pulis na iyon na nasa sinehan?” tanong ng kaibigan niya. “Nagsimula ng welga ang mga artista, at kumakalat ito.”

May pag-aalinlangan pa rin si Olga. Sa loob ng mahigit isang taon, parami nang parami ang mga mapayapang protesta at iba pang mga welga ng publiko na nagbunsod ng mga pagbabagong pulitikal sa Poland, Hungary, German Democratic Republic, at iba pang mga bansang kaalyado ng Soviet Union. Sa Berlin, ilang araw na ang nakararaan, ang mga tao sa magkabilang panig ng lunsod ay nagsimulang buwagin ang dambuhalang sementadong pader na naghihiwalay sa kanila sa loob ng halos tatlumpung taon.

Pero sa Czechoslovakia, walang ginawa ang pamahalaan para pagbigyan ang mga kahilingan ng mga mamamayan para sa mas maraming kalayaan.

Inasam ni Olga na makasamba nang malaya, at siya at ang mga kapwa Banal niya ay nag-aayuno at nananalangin para sa pagpapalang ito. Samantala, nakikipagtulungan si Elder Russell M. Nelson sa pamahalaang Czechoslovak para opisyal na kilalanin sa bansa ang Simbahan.

Ginawa ni Olga ang lahat ng kaya niya upang isabuhay ang kanyang pananampalataya. Sa kabutihang-palad, patuloy siyang napupuspos ng kaligayahan dahil sa ebanghelyo. Noong 1987, siya at ang kanyang mga magulang ay bumiyahe papuntang German Democratic Republic para matanggap ang endowment at mabuklod bilang pamilya sa Freiberg Temple. Pinalakas siya ng karanasang iyon. “Napakaganda talaga nitong pundasyon,” naisip niya, “para bang may hinihipo kang kisame, at naging bagong pundasyon ang kisame.”

Ngayon, dalawang taon matapos ang karanasang iyon, umuwi si Olga sa apartment niya at binuksan ang telebisyon at radyo, nakikinig para makasagap ng mga balita. Wala siyang narinig. Nagkakaroon na ba talaga ng mga pagbabago?

Kinabukasan ng umaga, dumating si Olga sa youth center kung saan siya nagtatrabaho at nadatnan ang mga katrabaho niyang nagmamadali paroo’t parito sa pasilyo. Marami sa mga katrabaho niya ang mukhang alalang-alala. “May seryoso na talagang nangyayari ngayon sa Prague,” sabi ng superbisor ni Olga sa kanya. “Mayroon kaming agarang pulong.”

Hindi nagtagal ay dumating ang ilan pang mga katrabaho hatid ang balita tungkol sa rebolusyon. “Totoo nga,” naisip ni Olga.

Sa loob ng ilang araw, nakapaskil sa mga bintana ng mga tindahan ang anunsyo ukol sa isang malawakang welga laban sa pamahalaan. Sumama si Olga sa ilang libong taong nagmartsa papunta sa punong liwasang-bayan ng lunsod, kumakabog ang kanyang puso habang nasasaksihan niyang nagaganap ang kasaysayan sa paligid niya. Naisip niya ang lahat ng paghihirap na pinagdaanan ng kanyang mga magulang at lolo’t lola. Nadama niya ang Espiritu ng Diyos sa pagkakaisa at pagmamahal ng mga taong nasa paligid niya.

Matapos ang ilang araw ng protesta, nagbitiw ang pamahalaan sa puwesto nito, at isang bagong pamahalaan ang nagsimulang mabuo. Nagbago ang pangkalahatang damdamin sa loob ng bansa. Malayang nag-uusap ang mga tao sa kalsada. Ngumingiti sila at tinutulungan ang isa’t isa. Sa simbahan, maganda ang pananaw ng mga Banal sa hinaharap at masayang nagtipon nang hayagan sa unang pagkakataon sa loob ng ilang dekada.

Isang araw, binisita ni Olga si Otakar Vojkůvka sa tahanan nito. Nadatnan niya itong umiiyak. Tuwang-tuwa ito na ang kabataang tulad niya ay magagawa nang mamuhay at sumamba nang malaya.

Sinabi nito sa kanya na buong buhay niyang hinihintay na mangyari ito.


Noong gabi ng Disyembre 1, 1989, atubili si Dignardino Espi, ang pangunahing opisyal ng seguridad sa Manila Philippines Temple noong dumating siya para magtrabaho. Sa unang bahagi ng araw na iyon, nagdaos ng paghihimagsik ang mga armadong sundalo sa Maynila, na nagdulot ng gulo sa lunsod. Iyon ang ikapitong tangka na pabagsakin ang pamahalaan ng Pilipinas sa loob ng apat na taon.

Sa kabila ng kaguluhan sa pulitika, nagtamasa ang Simbahan ng matatag na pundasyon sa Pilipinas. Noong nakaraang tatlumpung taon, tumaas ang bilang ng mga miyembro mula sa maliit na grupo ng mga mananampalatayang Pilipino hanggang sa mahigit dalawang daang libong mga Banal. Mayroon na ngayong tatlumpu’t walong stake sa bansa at siyam na mission. At mula nang ilaan ito noong Setyembre 1984, ang Manila Philippines Temple ay naging pinagkukunan ng dakilang kagalakan at espirituwal na lakas.

Sa guardhouse ng templo, natagpuan ni Dignardino ang kanyang mga kasamang sina Felipe Ramos at Remigio Julian. Bagama’t tinatapos na nila ang kanilang oras sa trabaho, nag-aatubiling umuwi ang dalawang lalaki. Pagtawid mula sa templo ay ang Camp Aguinaldo, isang malaking base militar. Batid na maaaring maging target ng mga armadong lalaki ang kampo, nag-alala ang mga bantay na iwanan ang kanilang mga puwesto at maipit sa labanan. Mas pinili nilang manatili at tumulong na panatilihin ang kabanalan ng bahay ng Panginoon at mga bakuran nito.

Bandang ala-una ng madaling araw, naglagay ng harang sa daan ang mga hukbo ng pamahalaan sa isang kanto sa daan malapit sa templo. Makalipas ang ilang oras, sinagasaan ng tangke ang harang, na siyang sumira sa pader sa paligid ng templo.

Biglang nagkagulo sa daan, kung kaya’t pinatulong nina Dignardino at dalawang iba pang opisyal ng seguridad ang dalawang tagapag-alaga ng templo para panatilihing ligtas ang gusali at ang bakuran nito. Naghahanap ng mapagkakanlungan mula sa pamamaril ng pamahalaan, isang grupo ng kalalakihan ang hindi nagtagal ay winasak ang mga tarangkahan ng templo para makapasok. Sinubukan ni Dignardino na pilitin silang umalis, pero tumanggi sila.

Kalaunan noong hapong iyon, nakipag-usap si Dignardino sa telepono sa temple president na si Floyd Hogan at area president na si George I. Cannon. Pinayuhan siya ni Pangulong Cannon na magtago sila ng mga kawani sa loob ng templo. Makalipas ang ilang saglit, namatay ang linya ng telepono.

Kinabukasan ay Linggo ng pag-aayuno, at sinimulan ng mga kawani ang kanilang pag-aayuno sa pamamagitan ng paghiling sa Diyos na iligtas ang bahay ng Panginoon laban sa pagkakalapastangan o pagkawasak.

Lumipas ang araw gaya ng nauna rito. Bahagyang bumulusok ang mga helicopter sa itaas at pinaulanan ng bala ang mga bakuran ng templo. Sa di-kalayuan ay naghulog ang eroplano ng maraming bomba, binabasag ang mga bintana ng distribution store ng Simbahan at sinisira ang iba pang mga gusali. Sa isang punto ay nagpaputok ang isang fighter jet ng dalawang rocket sa itaas ng templo at nagkasunog sa kabilang lote.

Matapos ang katanghalian, nakita ni Dignardino ang sampung armadong lalaki malapit sa pintuan ng templo. “Ang makikita ninyo sa loob ay pulos bagay na pangrelihiyon at sagrado,” sabi niya sa kanila. Kinakabahan siya, pero patuloy siyang nagsalita. “Kung pipilitin ninyong pasukin ang gusaling ito, mawawala ang kasagraduhan nito,” sabi niya. “Ipagkakait ba ninyo sa amin ang mga pagpapalang ito?” Tahimik ang mga lalaki, at habang naglalakad palayo ang mga ito, batid ni Dignardino na naantig sila ng mga salita niya.

Noong gabing iyon, tinipon ni Dignardino ang mga tauhan niya, at muli silang nagtago sa loob ng templo. Naghandog siya ng isang taimtim na panalangin, inilalagay ang kanyang tiwala sa Panginoon na pag-iingatan Niya ang Kanyang banal na bahay.

Magdamag silang naghintay na bumagsak ang mga bomba, subalit lumipas ang mga oras at walang nangyari. Nang pumutok ang bukang-liwayway noong Lunes ng umaga, dahan-dahan silang lumabas mula sa templo upang suriin ang sitwasyon. Wala na ang mga armadong lalaki. Walang naiwan maliban sa mga inabandonang sandata, bala, at mga uniporme ng militar.

Sinuri nina Dignardino at ng iba pang kalalakihan ang mga bakuran at nakakita ng ilang sira sa ilan sa mga gusali sa labas. Subalit ang mismong templo ay hindi nasira.


Noong bandang hapon ng Hunyo 7, 1990, naglalakad sina Manuel Navarro at ang kanyang kompanyon sa mission na si Guillermo Chuquimango pabalik sa kanilang bahay sa Huaraz, Peru. Sinimulan ni Manuel ang kanyang misyon noong Marso 1989 sa Missionary Training Center sa Lima, isa sa labing-apat na MTC sa buong mundo. Nasisiyahan siya sa pagiging missionary—nagsisikap nang mabuti, bumibisita sa iba-ibang rehiyon ng bansa, at inilalapit ang mga tao kay Jesucristo.

Subalit maaaring maging mapanganib sa gabi ang kasalukuyang kinalalagyan niya. Isang rebeldeng grupong nagngangalang Sendero Luminoso, o ang Nagniningning na Daan, ang nakikipaglaban sa pamahalaan ng Peru nang higit isang dekada na. Kamakailan lamang, naging mas agresibo ang mga pag-atake nila habang pinahihirapan ng bumababang halaga ng kanilang salapi at pagbagsak ng ekonomiya ang bansang ito sa Timog Amerika.

Sina Manuel at Guillermo, isa pang taal na taga-Peru, ay batid ang mga panganib na haharapin nila sa tuwing nililisan nila ang kanilang bahay sa umaga. Ang mga grupong gaya ng Sendero Luminoso ay paminsan-minsang pinupuntirya ang mga Banal sa mga Huling Araw dahil inuugnay nila ang Simbahan sa patakarang panlabas ng Estados Unidos. Mayroon na ngayong higit isang milyong miyembro ang Simbahan sa mga bansang gumagamit ng wikang Espanyol at may humigit-kumulang 160,000 ang nasa Peru. Noong mga nakaraang taon, sinasalakay ng mga rebolusyunaryo ang mga misyonerong Banal sa mga Huling Araw at pinapasabog ang mga meetinghouse sa kabuuan ng Timog Amerika. Noong Mayo 1989, binaril at pinatay ng mga rebolusyunaryo ang dalawang misyonero sa Bolivia. Mula noon, naging mas masidhi ang pangkalahatang pananaw sa pulitika, at dumami ang mga pag-atake laban sa Simbahan.

Tumugon sa karahasan ang limang mission sa Peru sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga curfew at pagtatakda na sa araw lamang ang trabaho ng mga misyonero. Subalit sa gabing ito, sina Manuel at Guillermo ay masaya at maraming pinagkukuwentuhan. Katatapos lang nilang magturo ng isang aralin sa ebanghelyo at mayroong labinlimang minuto para makauwi.

Habang naglalakad at nagkukuwentuhan sila, napansin ni Manuel ang dalawang binata o mahigit pa sa isang kanto sa unahan nila. Itinutulak ng mga ito ang isang dilaw na kotse at tila kailangan nila ng tulong. Inisip ni Manuel na tulungan ang mga ito sa pagtutulak, subalit napaandar na ng mga lalaki ang kotse at umalis na ang mga ito.

Ilang saglit lamang ang lumipas, papalapit na ang mga misyonero sa isang parke malapit sa kanilang bahay. Nakaparada ang dilaw na kotse sa kalsada mga 1.5 metro ang layo mula sa nilalakaran nila. May isang base militar sa malapit na may isang grupo ng mga sundalo.

“Mukhang kotse na pasasabugin,” sabi ni Guillermo. Nakita ni Manuel ang ilang taong tumatakbong palayo, at ilang sandali lang, sumabog ang kotse.

Umabot ang lakas ng pagsabog kay Manuel, tumilampon siya paitaas habang nagliliparan ang mga shrapnel sa paligid niya. Nang bumagsak siya sa kalsada, takot na takot siya. Naisip niya ang kanyang kompanyon. Nasaan siya? Nasapol ba ito ng lakas ng pagsabog?

Noong sandaling iyon, naramdaman niyang itinatayo siya ni Guillermo. Nagmukhang lugar ng labanan ang parke habang ang mga sundalo mula sa yunit—ang target puksain ng bomba—ay nagpaputok ng kanilang mga baril sa gitna ng umaapoy na labi ng kotse. Nakasandig sa kanyang kompanyon, nagawang lakarin ni Manuel ang natitirang daan pauwi.

Pagdating nila, pumasok siya sa banyo at tumingin sa salamin. Duguan ang mukha niya, pero wala siyang makitang sugat sa ulo niya. Nanghihina lamang siya.

“Bigyan mo ako ng basbas,” sabi niya sa kanyang kompanyon. Si Guillermo, na mabababaw na sugat lamang ang natamo, ay nagpatong ng kanyang nanginginig na mga kamay sa ulo ni Manuel at binasbasan ito.

Makalipas ang ilang saglit, dumating ang mga pulis sa bahay. Iniisip na ang mga misyonero ang mga binatang naglagay ng bomba, dinakip sila ng mga pulis at dinala sila sa istasyon ng pulis. Doon, nakita ng isa sa mga pulis ang lagay ni Manuel at sinabing, “Mamamatay ang isang ito. Dalhin natin siya sa klinikang bayan.”

Sa klinikang bayan ng mga pulis, namukhaan ng hepeng pulis ang mga elder. Kamakailan lamang ay ininterbyu siya ni Manuel para sa pagbibinyag. “Hindi terorista ang mga ito,” sabi niya sa mga pulis. “Mga misyonero sila.”

Sa ilalim ng pangangalaga ng hepe, naghilamos si Manuel at sa wakas ay nakakita ng malalim na sugat sa ilalim ng kanang mata niya. Nang makita iyon ng hepe, isinugod niya sina Manuel at Guillermo sa ospital. “Wala na akong magagawa rito,” paliwanag niya.

Hindi nagtagal, hinimatay si Manuel sa dami ng nawalang dugo. Kailangan siyang masalinan kaagad ng dugo. Dumating sa ospital ang mga Banal mula sa Huaraz, umaasang magbibigay ng dugo, pero wala sa kanila ang may tamang tipo ng dugong kailangan. Pagkatapos ay sinuri ng mga doktor ang dugo ni Guillermo at nalamang tugmang-tugma iyon.

Sa ikalawang pagkakataon nang gabing iyon, iniligtas ni Guillermo ang buhay ng kanyang kompanyon.

  1. Alice Johnson Haney, “Mission Interrupted by the ‘Freeze,’” Liahona, Dis. 2015, mga lokal na pahina ng Africa West Area, A4; Haney, Oral History Interview, [7]–[8].

  2. Alice Johnson Haney, “Mission Interrupted by the ‘Freeze,’” Liahona, Dis. 2015, mga lokal na pahina ng Africa West Area, A3–A4; Haney, Oral History Interview, [6]–[8]; Mabey, Journal, Oct. 3 and Dec. 8–10, 1978; Mabey at Allred, Brother to Brother, 64; Johnson, “History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints in Ghana,” [3]–[4]; Joseph Johnson, Oral History Interview [1998], 10; “Ghana Expels Missionaries, Bans Church,” Church News, Hunyo 24, 1989, 12.

  3. Alice Johnson Haney, “Mission Interrupted by the ‘Freeze,’” Liahona, Dis. 2015, mga lokal na pahina ng Africa West Area, A4; Haney, Oral History Interview, [8]; “Ghana Expels Missionaries, Bans Church,” Church News, Hunyo 24, 1989, 12; Kissi, Walking in the Sand, 202–3; Neal A. Maxwell to First Presidency and the Quorum of the Twelve Apostles, Memorandum, June 22, 1989, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL; “Ghana Bans 2 Churches’ Outposts,” Arizona Republic (Phoenix), Hunyo 16, 1989, edisyon ng Estado, C7.

  4. Haney, Oral History Interview, [8]; Alice Johnson Haney, “Mission Interrupted by the ‘Freeze,’” Liahona, Dis. 2015, mga lokal na pahina ng Africa West Area, A4; Petramalo, Mission Journal, June 14, 1989. Ang sipi ay inedit para mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal ang “we have to show, we have to report, the mission home in Accra.”

  5. Alice Johnson Haney, “Mission Interrupted by the ‘Freeze,’” Liahona, Dis. 2015, mga lokal na pahina ng Africa West Area, A3–A4; “Ghana Expels Missionaries, Bans Church,” Church News, Hunyo 24, 1989, 12; Haney, Oral History Interview, [3], [5]; Robert L. Backman to Missionary Executive Council, June 14, 1989, Missionary Executive Council, Meeting Materials, CHL.

  6. Alice Johnson Haney, “Mission Interrupted by the ‘Freeze,’” Liahona, Dis. 2015, mga lokal na pahina ng Africa West Area, A4; Haney, Oral History Interview, [8]; Gunnell at Gunnell, Oral History Interview, 14; Petramalo, Mission Journal, June 14–15, 1989; Neal A. Maxwell to First Presidency and the Quorum of the Twelve Apostles, Memorandum, June 22, 1989, First Presidency, Mission Correspondence, 1964–2010, CHL.

  7. Alice Johnson Haney, “Mission Interrupted by the ‘Freeze,’” Liahona, Dis. 2015, mga lokal na pahina ng Africa West Area, A3–A4; Haney, Oral History Interview, [8]–[9], [11]; Kissi, Walking in the Sand, 202, 207.

  8. Acquah, “The ‘Freeze’ and Three Days in Police Cells,” [1]; Haws, “The Freeze and the Thaw,” 27–30; “Ghana Expels Missionaries, Bans Church,” Church News, Hunyo 24, 1989, 12; [Africa] Area Presidency to Neal A. Maxwell, June 11, 1990, Gordon B. Hinckley, Area Files, CHL; Kissi, Walking in the Sand, 199–200. Paksa: Ghana

  9. Acquah, “The ‘Freeze’ and Three Days in Police Cells,” [1]–[2]; Acquah at Acquah, Oral History Interview [1999], 1–14.

  10. Acquah, “The ‘Freeze’ and Three Days in Police Cells,” [3]–[5]; Acquah at Acquah, Oral History Interview [1999], 28–29; Ampiah, Oral History Interview, 18–19. Ang sipi ay inedit para mas madali itong basahin; nakasaad sa orihinal ay “The officer … asked me to remove my shoes and give him my wrist watch.”

  11. Acquah, “The ‘Freeze’ and Three Days in Police Cells,” [5]; Acquah at Acquah, Oral History Interview [1999], 29. Ang sipi ay inedit para mas madali itong basahin; ang nakasaad sa orihinal ay “He then said we were free to go.”

  12. Campora, Saint behind Enemy Lines, 158–59; Kovářová, Oral History Interview, [27]; Oslzlý, “On Stage with the Velvet Revolution,” 97–105.

  13. Campora, Saint behind Enemy Lines, 152, 160; Fink, Cold War, 236–43; Krejčí at Machonin, Czechoslovakia, 209–11. Mga Paksa: Cold War (Digmaang Malamig); Czechoslovakia

  14. Campora, Saint behind Enemy Lines, 155; Europe Area Presidency to Russell M. Nelson, Aug. 9, 1988; Russell M. Nelson to Miroslav Houštecký, Dec. 14, 1989, Russell M. Nelson, Area Files, CHL; Campora, Oral History Interview [2023], 1, 4–10; Temple Originated Records, Freiberg Temple, 1985–91, imahe 554, microfilm 1,233,716, FSL.

  15. Campora, Saint behind Enemy Lines, 150–51, 159–60; Kovářová, Oral History Interview, [27].

  16. Bradley, Czechoslovakia’s Velvet Revolution, 80, 123; “200,000 March in Prague,” New York Times, Nob. 21, 1989, A1, A9; Campora, Saint behind Enemy Lines, 160–63.

  17. Bradley, Czechoslovakia’s Velvet Revolution, 106–17; Campora, Saint behind Enemy Lines, 163, 167; Campora, Oral History Interview [2021], 54–55.

  18. Final Report of the Fact-Finding Commission, 118–233; Espi, “Manila Philippines Temple during the Coup,” [1]; Britsch, From the East, 318–73; Deseret News 1991–1992 Church Almanac, 156–57, 222, 233, 236–42; Philippines Area, Annual Historical Reports, 1989, [8]–[9]. Mga Paksa: Pilipinas; Paglago ng Simbahan

  19. Espi, “Manila Philippines Temple, Coup d’Etat,” [1]–[3]; Espi, “Manila Philippines Temple during the Coup,” [1]–[2]; Hawkes, “Experience of Henry T. Solis,” [1]; Final Report of the Fact-Finding Commission, 221–27; Dallin H. Oaks, “Miracles,” Ensign, Hunyo 2001, 14; Dallin H. Oaks, Memorandum, Dec. 21, 1989, Gordon B. Hinckley, Area Files, CHL.

  20. Espi, “Manila Philippines Temple, Coup d’Etat,” [3]–[4]; Final Report of the Fact-Finding Commission, 228.

  21. Espi, “Manila Philippines Temple, Coup d’Etat,” [4]–[5]; Floyd H. Hogan, “History of the December 1989 Coup d’Etat in the Philippines as It Affected the Manila Philippines Temple,” 3–4, sa Dallin H. Oaks, Memorandum, Dec. 21, 1989, Gordon B. Hinckley, Area Files, CHL.

  22. Navarro, Oral History Interview [May 10, 2022], 1–4; Navarro, Oral History Interview [2015], 3–4; Directory of General Authorities and Officers, 1989, [58].

  23. Navarro, Oral History Interview [May 10, 2022], 4; Stern, “Beyond Enigma,” 1–5; Switzer, “Sendero Luminoso and Peruvian Counterinsurgency,” 53–57; Americas Watch, Peru under Fire, 1–5. Paksa: Peru

  24. Navarro, Oral History Interview [May 10, 2022], 4; Chuquimango, Oral History Interview, 1.

  25. Significant Incidents of Political Violence against Americans: 1988, 4, 11–12, 15; Significant Incidents of Political Violence against Americans: 1989, 4, 6–8, 10–11, 13, 15–16; Significant Incidents of Political Violence against Americans: 1990, 3–5, 7–8; Deseret News 1991–1992 Church Almanac, 90–91, 155–56; Jim Robbins, “Mormons Face Latin Attacks,” Boston Globe, Ene. 6, 1990, 3; Millett, “Aftermath of Intervention,” 1–6, 12–14; “Anti-LDS Acts Rise in S. America,” Salt Lake Tribune, Ene. 7, 1990, B1.

  26. Richard T. Bretzing to M. Russell Ballard, Nov. 15, 1989; Robert L. Backman to Missionary Executive Council, Memorandum, Jan. 2, 1990; Charles Didier, Hartman Rector Jr., and F. Melvin Hammond to M. Russell Ballard, Feb. 6, 1990, Missionary Executive Council, Meeting Materials, CHL; Navarro, Oral History Interview [May 10, 2022], 4–7; Chuquimango, Oral History Interview, 6–7; Navarro, Oral History Interview [2015], 4.

  27. Navarro, Oral History Interview [May 10, 2022], 5, 7, 14; Chuquimango, Oral History Interview, 7; Navarro, Oral History Interview [May 20, 2022], 1; Navarro, Oral History Interview [2015], 5. Paksa: Pagpapagaling