Kabanata 31
Mga Mahiwagang Paraan
Noong ika-26 ng Oktubre 1999, hinihintay ni Georges A. Bonnet si Pangulong Gordon B. Hinckley na tumayo. Katatapos lamang ng isang pulong para sa paglaan ng badyet kasama ang Unang Panguluhan, Presiding Bishopric, at iba-ibang general authority at mga administrador ng Simbahan na naganap sa Church Administration Building sa Lunsod ng Salt Lake. Karaniwang hindi dumadalo si Georges sa pulong—naroon siya bilang kinatawan ng namamahalang direktor ng Physical Facilities Department—ngunit alam niyang hindi talaga natatapos ang pulong hanggang hindi pa tumatayo si Pangulong Hinckley at papunta na sa pinto.
At mukhang hindi pupunta kahit saan ang propeta. Sa halip, tumingin ito mismo kay Georges at nagtanong, “Ano ang gagawin natin tungkol sa Ghana Temple?” Nagsusumamo para sa sagot ang mga mata nito.
Hindi alam ni Georges kung ano ang sasabihin. Lubos siyang nagulat sa tanong. Halos isang dekada na ang nakararaan, noong naglilingkod siya bilang direktor para sa temporal affairs sa Africa, tumulong siyang wakasan ang freeze na ipinatupad ng pamahalaan ng Ghana sa lahat ng aktibidad ng Simbahan sa pamamagitan ng panghihikyat kay Isaac Addy, isang miyembro ng Simbahan sa Accra, na makipagbati sa nawalay nitong kapatid sa ina na si Jerry Rawlings, ang pangulo ng Ghana.
Nakuha ni Georges ang paggalang ng mga lider ng Simbahan dahil sa kanyang gawain sa Ghana. Ngunit ngayon ay may bago siyang tungkulin sa Simbahan, at wala itong kinalaman sa Africa. Ang tanging alam lamang niya tungkol sa Ghana Temple ay inihayag ito ni Pangulong Hinckley noong Pebrero 1998.
“Paumanhin po,” sa wakas ay sinabi ni Georges, “ngunit wala po akong kinalaman sa proyekto.”
Nanatiling nakaupo si Pangulong Hinckley, naroon pa rin ang nagsusumamong tingin sa mga mata nito. Sinabi nito kay Georges na nakahinto ang pag-usad sa pagtatayo ng templo. Noong una, tila suportado ng pamahalaan ng Ghana ang proyekto, at bumili ang Simbahan ng ari-arian sa isang pangunahing kalye sa Accra. Subalit bago pa maisagawa ang nakaplanong groundbreaking ng pundasyon noong Abril 1999, tumutol ang pamahalaan na magbigay sa Simbahan ng pahintulot na magtayo ng gusali. Walang nakakaalam kung bakit.
Matapos ang pulong, naglakad si Georges pabalik sa Church Office Building kasama sina Presiding Bishop H. David Burton at pangalawang tagapayo nito, si Keith B. McMullin. Nasasabik silang malaman kung ano ang iniisip ni Georges na dapat gawin ng Simbahan upang makamit ang pahintulot na makapagtayo ng templo sa Accra.
“Ayos lang ba sa iyong pumunta sa Ghana?” tanong ng isa sa kanila.
“Ayos lang po,” sagot ni Georges. “Masaya po akong pupunta.”
Makalipas ang ilang linggo, dumating sa Ghana si Georges at natagpuang umuunlad doon ang Simbahan. Noong panahon ng freeze, mayroong halos siyam na libong miyembro ang Simbahan at walang stake sa Ghana. Ngayon, makalipas ang sampung taon, mayroon nang limang stake ang bansa at higit sa labimpitong libong miyembro. At yaong mga miyembrong iyon ay sabik na nananalangin para sa pag-usad sa pagtatayo ng bahay ng Panginoon. Nang binisita ni Pangulong Hinckley ang Ghana noong 1998, tumayo ang mga Banal at nagsaya nang ipinahayag niya ang tungkol sa templo. Walang nag-akala na mangyayari ang mabagal na pag-usad nito.
Sa Accra, nakipagpulong si Georges sa arkitekto ng templo, mga abogado ng Simbahan, at mga opisyal ng pamahalaan. Nakipagpulong din siya kay Elder Glenn L. Pace, ang pangulo ng Africa West Area, na nagpapasalamat sa tulong ni Georges. Nakikita ni Georges na lubhang bigo si Elder Pace sa sitwasyon. Ngunit may pag-asa pa rin siya. Kailan lamang, ang mga Banal sa Kanlurang Africa ay nagdaos ng espesyal na pag-aayuno para sa templo, at naniniwala si Elder Pace na nalalapit na ang pagbabago.
Matapos ang isang linggo ng mga pulong, pinatagal pa ni Georges ang kanyang paglalakbay ng isa pang linggo upang maunawaan ang kabuuan ng sitwasyon. Ayon sa ilang taong nakausap niya, hindi sinasadyang ginalit ng mga kinatawan ng Simbahan ang Accra Metropolitan Assembly, ang organisasyon ng pamahalaan na nagbibigay ng pahintulot sa mga proyektong gusali sa lunsod. Naniniwala ang AMA na masyadong mapilit at arogante ang mga kinatawan noong proseso ng pagkuha ng pahintulot. Tila mayroon ding kaunting pagtutol mula kay Pangulong Rawlings, na hindi na nakikipag-usap sa kanyang kuya, sa kabila ng kanilang pagkakasundo noong freeze.
Ibinahagi ni Georges kay Elder Pace ang nalaman niya, at magkasama silang naghanda ng ulat para sa Presiding Bishopric. Pagkatapos ay bumalik si Georges sa Utah tangan ang ulat, nasisiyahang nagawa niya ang kanyang responsibilidad sa Ghana.
Doon naman sa Fiji, natutuwa si Juliet Toro sa programang distance learning ng BYU. Walang katulad sa mga naging klase niya ang mga klase niya ngayon. Noong lumalaki siya, palagi siyang takot na magtanong sa paaralan, inaalalang kukutyain siya ng kanyang mga guro sa pagsasabi ng maling bagay. Ngunit hindi nagtagal ay natuklasan niyang hinihikayat ng mga tagapangasiwa ng silid-aralan ang mga tanong at hindi ipinadarama sa kaniyang kakatwa siya. Nadama rin niya ang Espiritu ng Panginoon sa silid-aralan na gumagabay sa kanyang pag-aaral.
Lubhang mapanghamon ang unang semestre ni Juliet. Business management ang pinakamahirap niyang klase. Bagama’t pamilyar na siya sa ilang panimulang alituntunin sa negosyo, madalas na nalulula si Juliet sa mga bagong salita at kahulugang natututuhan niya sa klase. Sa pagtatapos ng semestre, nadama niyang lubhang napakaraming dapat pag-aralan para sa pagsusulit. Ngunit maganda ang mga naging marka niya sa pagsusulit at nakamit niya ang pinakamataas na huling grado sa klase.
Ibang hamon naman ang kinaharap niya sa mga klase niya sa relihiyon at accounting. Bilang bagong Banal sa mga Huling Araw, hindi siya pamilyar sa Doktrina at mga Tipan, kung kaya humingi siya ng tulong mula sa kaklase niyang si Sera Balenagasau, isang miyembro ng Simbahan buong buhay nito na naglingkod sa full-time mission. Para naman sa accounting, bumaling siya sa asawa niyang si Iliesa. Hanggang kailan lang ay nagtrabaho ito sa bangko, kaya nauunawaan nito nang mabuti ang paksa at matutulungan siyang sagutan ang mga tanong. Sa pagtatapos ng termino, magaganda rin ang mga marka niya sa mga klaseng ito.
Dahil nasa tapat lang bahay ni Juliet ang paaralan, naging lugar ito ng mga estudyante para magtipon at mag-aral. Madalas tumutulong ang mga kaklase niya sa pagluluto ng pagkain at paglilinis ng bahay. Nasisiyahan si Juliet na maging kaibigan niya ang mga ito at natutuwa sa kanilang kahandaang paglingkuran siya at kanyang pamilya. Nakikita mo sa kanila ang pagkilos ayon sa ebanghelyo.
Nagsimula ang ikalawang semestre noong ika-1 ng Setyembre 1999. Ang ilang mga mag-aaral na hindi maganda ang grado ay nais ulitin ang kanilang mga pagsusulit para mapataas ang kanilang mga marka, kung kaya nilikha para sa kanila ang mga summary course. At dahil maganda ang mga marka ni Juliet noong unang semestre, kinuha siya para maging tagapangasiwa ng mga mag-aaral ng business management.
Sa loob ng sumunod na tatlong buwan, pinagsabay ni Juliet ang kanyang pag-aaral sa iba pa niyang mga responsibilidad bilang tagapangasiwa at bilang ina. Itinuturing niya ang limang binata sa kanyang kurso sa business management summary na parang kanyang mga tunay na anak. Habang tumatagal ang termino, nakikita niyang mas komportable ang mga ito na kasama siya kaysa sa mga tagapangasiwa nito mula sa BYU. Malaya silang nagsasalita sa klase at tila mas hindi bantulot na magtanong sa kanya. Sa pagtatapos ng semestre, pumasa silang lahat sa pagsusulit.
Isang araw, ipinatawag ng mga direktor ng programa si Juliet at sinabi sa kanyang siya ang valedictorian.
“Ano po iyon?” tanong niya.
Laking gulat niya nang malaman niyang nangangahulugan ito na siya ang may pinakamagandang akademikong grado sa buong klase noong taong iyon. Lumaki ang tiwala niya sa sarili. “Ayos,” sabi niya sa kanyang sarili. “Kaya ko ito.”
Sandaling panahon ang lumipas, nagdaos ang programa ng seremonya ng pagtatapos para sa mga mag-aaral at humigit-kumulang apatnaraang kapamilya at mga kaibigan. Suot ang mga asul na toga mula sa Fiji LDS Technical College, tumanggap ang mga nagtapos ng pagkilala sa kanilang pagtatapos ng programa. Tumanggap din sina Juliet at iba pa ng mga introductory business certificate mula sa BYU–Hawaii. Nagbigay si Juliet ng mensahe bilang valedictorian sa mga nagtapos.
Pagkatapos, inihayag ni Iliesa ang pasasalamat nila ni Juliet sa isang liham para kay Elder Henry B. Eyring, ang commissioner ng Church education. “Palagi naming iniisip ng asawa ko kung maipagpapatuloy namin ang aming pag-aaral,” isinulat niya. “Tila sinagot na ang aming mga tahimik na panalangin. Tunay ngang gumagawa ang Panginoon sa mga mahiwagang paraan.”
Noong ika-1 ng Enero 2000, inilathala ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” isang pirmadong pahayag na nagbibigay-parangal sa Tagapagligtas dalawang libong taon makalipas ang pagsilang sa Kanya. “Hinihikayat namin kayo na gamitin ang nakasulat na patotoo na ito upang tumulong sa inyong buuin ang pananampalataya ng mga anak ng ating Ama sa Langit,” payo ng Unang Panguluhan.
Taglay ng pahayag ang tinipong pagsaksi sa banal na misyon ni Jesus sa kabuuan ng panahon at kawalang-hanggan. “Iniaalay namin ang aming patotoo tungkol sa katotohanan ng Kanyang hindi mapapantayang buhay at ang walang hanggang kapangyarihan ng Kanyang dakilang mapagbayad-salang sakripisyo,” pahayag ng mga apostol. “Walang sinuman ang nakapagbigay ng gayong makahulugang impluwensiya sa lahat ng nabuhay na at sa lahat ng mabubuhay pa sa mundo.”
Makalipas ang tatlong buwan, noong pangkalahatang kumperensya ng Abril 2000, inilathala ng Simbahan ang Mga Natatanging Saksi ni Cristo, isang video na isang oras ang haba na naglalaman ng personal na patotoo ng bawat miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa Tagapagligtas.
Nagsimula ang pelikula na ipinapakitang naglalakad si Pangulong Hinckley sa maaraw na pasilyo ng BYU Jerusalem Center. “Itong dakila at sinaunang lunsod,” sabi niya, humihinto sa balkon, “ay palaging inspirasyon para sa akin. Ito ay dahil taglay ng lugar na ito ang bakas ng Anak ng Diyos.”
Pagkatapos ay ginunita niya ang kuwento ni Jesus, mula sa Kanyang pagsilang sa Betlehem hanggang sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. “Walang lubos na makakaunawa ng karingalan ng Kanyang buhay, ang kamaharilikaan ng Kanyang kamatayan, ang pagiging pangkalahatan ng Kanyang kaloob sa sangkatauhan,” patotoo ng propeta. “Ipinapahayag namin kasama ang centurion, na nagsabi sa Kanyang pagkamatay, ‘Tunay ngang ang taong ito ay Anak ng Diyos.’”
Kasunod ng pambungad na ito, ipinakita sa pelikula ang patotoo ng bawat isa sa mga apostol. Nagaganap ang bawat bahagi sa iba-ibang lugar. May ilang apostol na nagsalita sa harap ng mga templo samantalang may iba namang nagsalita sa mga makasaysayang lugar gaya ng Palmyra, Kirtland, at Nauvoo.
Nakatayo sa ilalim ng napakalakas na teleskopyo sa isang obserbatoryo, nagpatotoo si Elder Neal A. Maxwell sa pangkalahatang impluwensya ng Tagapagligtas. “Bago pa man Siya isinilang sa Betlehem at nakilala bilang si Jesus na taga Nazaret, ang ating Tagapagligtas ay si Jehova,” patotoo niya. “Noon pa man, sa patnubay ng Ama, si Cristo ang Panginoon ng sansinukob, na lumikha ng mga daigdig na di mabilang—at isa lamang doon ang sa atin.”
“Ngunit sa kalawakan ng Kanyang mga nilikha,” pagpapatuloy ni Elder Maxwell, “ang Panginoon ng kalawakan, na napapansin ang pagbagsak ng bawat maya, ay ang ating personal na Tagapagligtas.”
Si Elder Henry B. Eyring, ang pinakabagong miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay nagsalita mula sa mga silangang hagdan ng Salt Lake Temple. “Ang mga inilaang templo ay mga sagradong lugar kung saan maaaring pumunta ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas,” ipinahayag niya. “Bawat bahagi ng mga gusaling ito at lahat ng nasa loob ng mga ito ay sumasalamin sa pagmamahal ng Tagapagligtas para sa atin at ang ating pagmamahal para sa Kanya.”
Naglalakad nang buong galang sa kabuuan ng pundasyon ng lumang Nauvoo Temple, nagbigay ng patotoo si Pangulong James E. Faust tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang sakripisyo. “Alam ko na sa pamamagitan ng hindi mailarawang pasakit ng Pagbabayad-sala, ang mga lalaki at babae, kung magsisisi sila, ay maaaring patawarin ang kanilang mga kasalanan,” sabi niya. “Dahil sa himala ng Pagkabuhay na mag-uli, lahat ay muling mabubuhay mula sa kamatayan. Nadarama ko ang Kanyang pagmamahal at namamangha ako sa kapalit ng ibinigay Niya para sa bawat isa sa atin.”
Nagwakas ang pelikula sa huling patotoo mula kay Pangulong Hinckley habang siya at ang mga kapwa apostol niya ay nakatayo sa harap ng rebultong Christus sa Temple Square.
“Siya, si Jesucristo, ang nakatayo sa puno ng Simbahan na nagtataglay ng Kanyang banal na pangalan,” ipinahayag ng propeta. “Nagkakaisa kami, bilang Kanyang mga apostol, awtorisado at inatasan Niyang gawin ito, ibinabahagi namin ang aming patotoo na nabubuhay Siya at muli Siyang babalik upang angkinin ang Kanyang kaharian at mamuno bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”
Noong ika-19 ng Mayo 2000, anim na buwan matapos ang pagtatapos ni Juliet Toro, nilusob ng mga armadong milisya ang Parlyamento ng Fiji at ikinulong ang punong ministro at iba pang mga opisyal ng pamahalaan. Mabilis na naging ganap na kudeta ang krisis. Binalot ng karahasan at kawalan ng batas ang bansa sa loob ng ilang araw.
Umiiyak si Juliet habang pinapanood niya sa telebisyon ang mga ulat tungkol sa kudeta. Noong una, isinailalim ang lahat sa lockdown. Nagsara ang mga negosyo at paaralan, at inihinto ng mga simbahan ang mga pulong nila. Kalaunan ay nabawasan na ang mga paghihigpit, at nanood ng sine ang dalawang pinakamatandang anak ni Juliet kasama ang mga pinsan ng mga ito at isang kaibigan sa simbahan. Ngunit kakaalis pa lang nila nang muling pumutok ang karahasan sa Suva, isinasailalim ang lunsod sa matinding gulo. Nataranta si Juliet nang marinig niya ang balita. Lumipas ang tatlong oras. Nang nakauwi na sa wakas ang mga anak niya, niyakap niya nang mahigpit ang mga ito.
Nagsimula ang kudeta nang katatapos lamang itayo ang Suva Fiji Temple, at naghahanda ang mga Banal para sa open house at paglalaan ng templo sa Hunyo. Ngayon ay iniisip ng maraming miyembro ng Simbahan kung maaantala ang mga aktibidad na ito hanggang matapos ang kaguluhan.
Noong ika-29 ng Mayo, nagbitiw ang pangulo ng Fiji, at inagaw ng militar ang kontrol ng pamahalaan. Makalipas ang dalawang araw, tinawagan ni Pangulong Hinckley si Roy Bauer, ang pangulo ng Suva Fiji Mission, upang alamin ang mga sitwasyon doon. Ipinaalam sa kanya ni Pangulong Bauer na kahit papaano ay maayos ang kalagayan ng bansa sa ilalim ng militar sa kabila ng kasalukuyang nagaganap na mga pambibihag. Muling binuksan ang paliparan sa Suva, at posible na muling maglakbay sa buong lunsod.
Nasiyahan si Pangulong Hinckley sa narinig. “Magkikita tayo sa isang buwan,” sabi nito.
Nagdaos ang mga Banal sa Fiji ng maliit na open house sa templo noong unang bahagi ng Hunyo, kung saan mahigit labing anim na libo ang dumalo.
Noong isang Sabado, tatlong bus ang dumating sa open house na may mga sakay mula sa ibang relihiyon. Habang umiibis ang isang babae mula sa sinakyan niyang bus, may maganda siyang pakiramdam na lalo pang lumakas habang papalapit siya sa templo. Noon, nagsasalita siya laban sa Simbahan. Ngayon, pinagsisisihan niya ang kanyang mga sinabi, at nanalangin siya para sa kapatawaran bago pumasok sa templo.
“Ngayong araw ay alam kong ito ang tunay na Simbahan ng Panginoon,” sinabi niya sa isa sa mga Banal noong paglilibot. “Mangyaring inyo sanang ipadala ang mga misyonero.”
Dahil sa kudeta, nagpasya ang Unang Panguluhan na magdaos ng isa lamang sesyon ng paglalaan sa halip na apat, na maglilimita sa bilang ng taong makakadalo sa seremonya. Gayunpaman, noong ika-18 ng Hunyo, ang araw ng paglalaan, nakatayo sina Juliet at iba pang mga Banal na taga-Fiji sa labas ng templo sa tabi ng pangunahing daan.
Nakatayo ang templo sa tuktok ng burol kung saan matatanaw ang Dagat Pasipiko. Nang ang kotseng sakay sina Pangulong Hinckley at asawa niyang si Marjorie ay mabagal na dumaan, iwinagayway ng mga Banal ang puting panyo at humiyaw ng hosana. Ngumiti ang propeta at kinawayan sila bilang ganti. Natuwa ang lahat nang makita siya. Mataas ang sikat ng araw, at nadarama ni Juliet ang kasabikan at emosyon sa paligid niya.
Sa kanyang mensahe sa paglalaan, nagsalita si Pangulong Hinckley tungkol sa kahalagahan ng mga bago at inibang modelo ng templo. Nakapaglaan na siya ng mahigit dalawang dosena ng mga ito sa iba’t ibang panig ng mundo. “Ito ang bahay ng Panginoon,” ipinahayag niya sa pulpito sa silid selestiyal. “Matatanggap ninyo ang mga paghuhugas at mga pagpahid na ito at mga endowment at pumasok sa silid na ito, napapalamutian nang maganda, dumaraan sa tabing bilang sagisag ng ating paglipat mula sa buhay na ito hanggang sa bagong buhay.”
“Narito ang dalawang silid ng pagbubuklod na may magandang altar kung saan kayo maaaring tumingin sa mga salamin at damhin ang pakiramdam ng kawalang-hanggan,” pagpapatuloy niya. “Walang katulad nito saanman sa mundo.”
Hindi nagtagal, binuksan ang templo para sa gawain ng mga ordenansa. At matapos maghanda para pumasok sa bahay ng Panginoon, ibinuklod ang pamilya Toro para sa buhay na ito at sa walang hanggan.
Noong ika-10 ng Agosto 2000, pakiramdam ni Georges Bonnet ay tunay na nag-iisa siya. Siyam na buwan matapos ang kanyang paglalakbay sa Ghana, pabalik na siya ng bansa—ngayon ay upang maglingkod bilang direkto para sa temporal affairs ng Simbahan sa Africa West Area. Ang asawa niyang si Carolyn at tatlo sa kanilang mga anak ay sasamahan siya sa Accra sa lalong madaling panahon. Ngunit sa ngayon, mag-isa muna siya.
Nanatiling nakahinto ang pagpapatayo ng Accra Temple, at umaasa ang mga lider ng Simbahan na si Georges, na may reputasyon sa maalam at sensitibong pamumuno sa Africa, ay makakatulong na lampasan ang mga hamon ng proyekto. Nadarama ang bigat ng kanyang tungkulin, inaasam ni Georges na magkaroon ng kakayahan na pagtagumpayan ang mga hamong kakaharapin niya. Pinagnilayan niya ang kanyang nadarama at inisip ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.
“Bagama’t lubos akong naniniwala sa mga kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa pagdadala ng kapayapaan sa kaluluwa,” isinulat niya sa kanyang journal, “walang duda, na may mga kapangyarihan at pagpapalang mula sa Pagbabayad-sala na hindi ko pa naranasan.”
Pagdating niya sa Accra, agad na nalaman ni Georges na ang pagkuha ng pahintulot sa pagtatayo ng gusali ay isa lamang sa mabibigat na isyung kailangan niyang pagtuunan ng pansin sa Kanlurang Africa.
Noong una, may kumpiyansa siya na kaya niyang balikatin ang mga responsiblidad, na kinabibilangan ng ibang malalaking proyekto sa pagtatayo ng mga gusali at isang templo sa Aba, Nigeria. “Nagtrabaho ako dito noon,” sabi niya sa kanyang sarili. “Kaya kong gawin ito.” At noong sinamahan na siya sa wakas ng kanyang pamilya, nabawasan ang pakiramdam niya na nag-iisa siya.
Ngunit makalipas ang isang buwan, hindi na siya nakakatiyak sa sarili niya. Dahil sa marami pa niyang ibang tungkulin, kakaunting oras na lang ang maiuukol niya sa pag-aasikaso ng paghingi ng pahintulot sa pagtatayo ng Accra Temple. Habang ang mga Banal sa buong Ghana ay tapat na naghahanda para pumasok sa bahay ng Panginoon, wala ni isa—sa loob o labas ng Simbahan—ang tila nakakaalam kung paano wawakasan ang problema. Ang isang bagay na sang-ayon ang lahat ay na si Jerry Rawlings, ang pangulo ng Ghana, ang siyang dahilan ng pagkakaantala.
Dahil sa pakiramdam niya ay wala siyang magawa, nanalangin si Georges. “Masyadong maraming problema, masyadong maraming kumplikasyon,” sabi niya. “Panginoon, ano po ang nais Ninyong gawin ko? Susunod po ako sa anumang sasabihin Ninyo. Magiging kasangkapan po Ninyo ako, ngunit hindi ko po ito kayang mag-isa.”
Makalipas ang sandaling panahon, nagsimulang makipagtulungan si Georges sa tanggapan ng Unang Ginang ng Ghana upang mag-organisa ng mga humanitarian aid project. Umaasa siyang sa pagsasagawa nito ay makakatulong sa pamilya Rawlings na mas makilala ang Simbahan at misyon nito. Nagsimula rin siyang mag-ayuno tuwing Linggo.
Pagsapit ng gitna ng Nobyembre 2000, maganda ang pananaw ni Georges. Habang tumatagal, lalong naniniwala siyang si Isaac Addy, ang kuya ng pangulo, ay napakahalaga upang lutasin ang hindi pagkakasundo, gaya ng ginawa nito noong panahon ng freeze. Ngunit bantulot siyang hilingin kay Isaac na lapitan ang pangulo bilang kinatawan ng Simbahan.
Bagama’t nagkasundo ang magkapatid noong panahon ng freeze, sandali lamang ang pagbabating ito. Masakit para kay Isaac, ang nakakatandang kapatid, na humingi ng isa pang pabor. Ngunit ang asawa ni Isaac na si June ay hinikayat siyang magtiwala kay Jesucristo na hilumin ang ugnayan niya sa kanyang kapatid. Kung kaya sa kabila ng sakit na nadarama niya, tiniyak ni Isaac kay Georges na handa siyang makipag-usap kay Jerry tungkol sa templo.
Noong ika-3 ng Disyembre, tinawagan ni Isaac ang Bonnet house taglay ang magandang balita. Tinawagan siya ng katuwang ng pangulo na may mga tanong tungkol sa templo, at bukas ang pangulo sa pagsuporta sa proyekto kung makakaya ng Simbahan na gumawa ng ilang maliliit na pagbabago sa layout ng lugar. Linggo ng ayuno noon, at buong araw nang hindi kumakain sina Georges at Isaac. Ngunit sa halip na putulin ang kanilang ayuno noong gabing yon, magkasama silang nagtungo sa lugar ng templo upang malaman kung makatwiran ang mga kahilingan ng pangulo.
Habang nilalakad nila ang lugar, nadama nilang maaari nilang pagbigyan ang mga kahilingan. “Isaac, dito itatayo ang templo,” sabi ni Georges. “Hilingin natin sa Ama Langit na mamagitan.”
Lumuluhod, nag-alay sila ng panalangin, hinihiling sa Panginoon na pagpalain ang kanilang mga pagsisikap. Malakas nilang nadama ang Espiritu, at agad silang tumawag sa katuwang ng pangulo upang sabihing handa silang makipag-ayos. Kapwa maganda ang pakiramdam nina Georges at Isaac sa usapan.
Makalipas ang dalawang araw, pribadong nakipagkita si Isaac sa kanyang kapatid sa Osu Castle, ang tahanan ng pangulo ng Ghana. Bago lamang magsimula ang pulong, tinawagan ni Georges si Isaac upang ipaalala ritong sabihan ang kapatid niya na mahal niya ito. Pagkatapos ay umuwi na si Georges at nanalangin at nagpalakad-lakad sa loob ng bahay, naghihintay ng balita mula kay Isaac. Nang walang dumating na tawag, nagpunta si Georges sa lugar ng templo para maghintay. Sa wakas ay tumunog ang telepono makalipas ang kalahating oras.
“Tapos na,” sabi ni Isaac, masaya ang kanyang tinig. Tinalakay nila ni Jerry ang tungkol sa templo sa loob lamang ng sampung minuto. Ginugol nila ang natitirang panahon sa pag-uusap at pag-alala sa kanilang pamilya. Sa pagtatapos ng kanilang pag-uusap, kapwa sila nakangiti, tumatawa, at umiiyak. Sinabi ni Jerry na maaari nang simulan agad ng Simbahan ang pagtatayo ng templo.
Tinanong ni Isaac kung kailangan ba nilang kumonsulta muna sa komite ng pagpaplano ng lunsod.
“Huwag mong alalahanin ito,” sabi ng pangulo. “Ako na’ng bahala.”