Isang Regalong Nararapat Ingatan nang Husto
Sa lahat ng pagpapalang naibigay sa atin ng ating makabagong panahon, huwag nating kalimutan ang mga bagay na nagtataguyod sa mga gawain ng Espiritu Santo.
Mahigit 50 taon na ngayon, ngunit tandang-tanda ko pa ang Pasko ng umaga noong 1959. Sa kasabikan ng isang bata, labis kong inasam na magkaroon ng bagong bisikleta. Iisa ang bisikleta namin noon ng kuya at ate ko, isang 24-pulgadang (61 sentimetro) lumang-lumang bisikletang ginamit ng bawat isa para matuto kaming magbisikleta. Matagal na itong wala sa uso, at nakiusap na ako sa mga magulang ko na ibili ako ng bago. Kapag naiisip ko ito, nahihiya ako na hindi ako naging mas sensitibo sa kamahalan ng gayong regalo sa isang pamilyang maliit ang kinikita.
Sumapit ang Pasko ng umaga, at nilundag ko ang hagdanan mula sa silid-tulugan namin sa basement. Habang tumatakbo papasok sa sala, naghanap ako ng bisikleta ngunit wala akong nakita. Nanlupaypay ako nang mapansin ko ang isang maliit na regalo sa ilalim ng medyas ko, at sinikap kong huwag malungkot.
Habang nakaupo kaming buong pamilya sa sala, pinakuha ako ng tatay ko ng kutsilyo mula sa katabing kusina para mabuksan namin ang isang kahon ng regalo para sa kuya ko. Naglakad ako papunta sa maliit na kusina at kinapa ko ang switch ng ilaw para makita ko ang dadaanan ko. Nang magliwanag ang silid, tuwang-tuwa ako. Nasa harapan ko ang isang magandang itim na 26-na-pulgadang (66 na sentimetro) bisikleta! Maraming taon kong sinakyan ang bisikletang iyon, inalagaan ko iyon, binantayan, at kinaibigan—isang regalong matagal kong pinasalamatan at pinahalagahan.
Isang Mas Magandang Regalo
Tatlong buwan bago sumapit ang Paskong iyon, nabigyan ako ng isa pang regalong mas mahalaga at makabuluhan kaysa sa bisikleta. Nabinyagan ako at nabigyan ng kaloob na Espiritu Santo. Noong panahong iyon ng kabataan at marahil napakadalas na sa loob ng maraming taon simula noon, katulad ako ng mga Lamanitang inilarawan ng Tagapagligtas na “nabinyagan ng apoy at ng Espiritu Santo, at hindi nila nalalaman ito” (3 Nephi 9:20).
Binigyang-diin ni Jesus ang di-masukat na kahalagahan ng binyag at ng kaloob na Espiritu Santo: “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Dios” (Juan 3:5). At para hindi gaanong mahirapan sa pagsasabi sa Kanyang mga disipulo na hindi magtatagal ay iiwan na Niya sila, ipinangako ng Tagapagligtas ang banal na kaloob na ito: “[Ang Mang-aaliw ay] susuguin ko sa inyo” (Juan 16:7).
Napakalaking kapangyarihan ang taglay ng kaloob na ito. Mula sa mga banal na kasulatan malalaman natin ang maidudulot ng kaloob na ito sa mga sabik na matanggap ito: “[A]ng Espiritu Santo … [ay] nagpapatotoo sa Ama at sa Anak” (D at T 20:27; tingnan din sa I Mga Taga Corinto 12:3; 3 Nephi 28:11; D at T 42:17). Ang Espiritu Santo ang nagtuturo at nagpapaalala sa atin ng lahat ng bagay (tingnan sa Juan 14:26). Ginagabayan Niya tayo sa katotohanan at ipinakikita sa atin ang mga mangyayari (tingnan sa Juan 16:13). Pinagliliwanag Niya ang ating isipan at pinupuspos ng galak ang ating kaluluwa (tingnan sa D at T 11:13). Sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan ay malalaman natin ang katotohanan ng lahat ng bagay (tingnan sa Moroni 10:5). Ihahayag Niya sa atin ang mga hiwaga ng Diyos (tingnan sa 1 Nephi 10:19).
Ipinapakita Niya sa atin ang nararapat nating gawin (tingnan sa 1 Nephi 4:6; D at T 8:2). Binibigyang-inspirasyon Niya ang mga taong tinuturuan natin (tingnan sa 2 Nephi 33:1). Ang mas mahalaga, dumarating ang kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala “sa pamamagitan ng pagbibinyag, at sa pamamagitan ng apoy, oo, maging ng Espiritu Santo” (D at T 19:31; tingnan din sa 2 Nephi 31:17), kaya’t sa huli ay pinababanal tayo ng kaloob na ito at makatatayo nang walang bahid-dungis sa harapan ni Cristo sa huling araw (tingnan sa 3 Nephi 27:20).
Itong kaloob na palagiang pagpiling ng Espiritu Santo ay para lamang sa mga nabinyagan at nakumpirmang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.1 Maiimpluwensyahan ng Espiritu Santo ang lahat ng nagsasaliksik sa katotohanan paminsan-minsan, ngunit ang kaloob na Espiritu Santo ay lubusang nakalaan sa mga nagtaglay sa kanilang sarili ng mga tipan ng ipinanumbalik na ebanghelyo.2 Ang kaloob na ito ay tunay. Ito ay isang makalangit na pagpapala sa mga miyembro ng Simbahan.
Ang Espiritu Santo ay hindi isang kaloob na nakalaan para sa iilan lamang—sa patriarch, sa tapat na visiting teacher, sa inspiradong kaibigan—kundi ipinangako ito sa ating lahat kung masigasig nating hahanapin ang daan pabalik sa ating tahanan sa langit. Binigyang-diin ni Pangulong Wilford Woodruff (1807–98) na kailangan ng bawat Banal ang Espiritu Santo: “Sikapin nating kamtin ang Espiritu Santo. … Ang Espiritung ito ang dapat mapasaatin upang maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos sa mundo. Mas kailangan natin ito kaysa sa ibang kaloob. … Dapat tayong manalangin sa Panginoon hanggang sa mapasaatin ang Mang-aaliw. Ito ang pangako sa atin nang tayo’y binyagan. Ito’y espiritu ng liwanag, ng katotohanan, at ng paghahayag, at mapapasaating lahat nang sabay-sabay.”3
Ang Pangangailangan sa Personal na Inspirasyon
Nabubuhay tayo sa panahon na ang lahat ng transportasyon, komunikasyon, at access sa impormasyon ay mas maunlad kaysa nakaraan. Ngunit ang mga isyu sa moralidad tulad ng katapatan, kalinisang-puri, pagsunod sa Sabbath, responsibilidad sa pamilya, at maging ang kabanalan ng buhay—mga isyung noon pa sabay na kinakaharap ng mundo at ng mga Banal sa mga Huling Araw—ay binibigyang-kahulugan na ngayon sa bawat paraan at pinagtatalunan (tingnan sa D at T 1:16).
Habang lalong iginigiit sa atin ng makabagong mundo ang mga pag-unlad ng teknolohiya at komunikasyon, kailangan ang paggawa natin ng mga pagpili at desisyon sa tuwina sa pananatili sa mundo nang hindi naman nagiging makamundo (tingnan sa Juan 17:14). Napakahalaga ng espirituwal na paghiwatig. Bilang mga disipulo ni Cristo, kailangan nating gawing bahagi ng araw-araw nating panalangin ang kaloob na Espiritu Santo. Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Walang sinuman sa atin ang maaaring mabuhay sa mundo sa ngayon, lalo na sa kahihinatnan nito, nang walang personal na inspirasyon.”4
Paano natin magagamit ang makalangit na kaloob na ito bilang mahalagang kompas sa mga ginagawa natin araw-araw? Kailangan tayong maniwala na kahit sa ating mga kahinaan, ang marahan at banayad na tinig na nadarama natin ay nagmumula sa ating Ama. Kailangan tayong manalangin at humiling at maghangad at pagkatapos ay huwag matakot kapag dumating ang mga sagot sa ating puso’t isipan. Maniwala na ang mga ito ay dakila. Talagang dakila.
Noong Pebrero 1847 nagpakita si Propetang Joseph Smith kay Brigham Young sa isang panaginip o pangitain. Tinanong ni Pangulong Young ang Propeta kung may mensahe siya para sa mga Banal. Sabi ng Propeta: “Sabihin mo sa mga tao na maging mapagpakumbaba at matapat at tiyaking nasa kanila ang Espiritu ng Panginoon at sila ay aakayin nito sa tama. Maging maingat at huwag itaboy ang marahan at banayad na tinig; ituturo nito sa [kanila] ang gagawin at patutunguhan; Ibibigay nito ang mga bunga ng kaharian. Sabihin mo sa mga kapatid na panatilihing bukas ang kanilang puso sa paniniwala nang sa gayon kapag dumating sa kanila ang Espiritu Santo, handa ang kanilang puso na tanggapin ito.”5
Ang paniniwalang darating ang paghahayag sa inyo at sa iba ay pananatiling bukas ng inyong puso sa paniniwala.
Mga Gawain ng Espiritu Santo
Ang mga halimbawa kung paano kumikilos ang Espiritu Santo araw-araw sa buhay ng mga miyembro ng Simbahan ay napakarami at nagbibigay-inspirasyon. Karamihan ay tahimik at personal, at nakikita lamang ang malaking kaibhan kapag muli nating inisip ang mga pagbabagong dulot nito. Isipin ang sarili ninyong mga karanasan habang binabasa ninyo ang isang halimbawa ng mga karanasang ibinahagi sa akin.
-
Matagal nang pinag-iisipan ng isang babae ang ilan sa mga pinagpipilian niyang trabahong maaari niyang pasukan kapag muling nag-aral ang kanyang mga anak. Habang nakaupo siya sa sacrament meeting, tumayo ang stake president para magbigay ng kanyang patotoo. Binasa ng lider ang isang talata: “Huwag kang maghangad ng kayamanan ni ng mga walang kabuluhang bagay ng daigdig na ito; sapagkat masdan, hindi mo ito madadala” (Alma 39:14). Ang talatang iyan ay nanuot sa kanyang puso noong araw ng Sabbath na iyon bilang espirituwal na pagpapatibay ng mga bagay na dapat niyang gawin sa darating na taon.
-
Isang walong-taong-gulang na bata ang nabinyagan at pagkatapos ay nakumpirma bilang miyembro ng Simbahan, at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo sa mga kamay ng kanyang ama at lolo. Nang masayang tumayo ang bata para ibahagi ang kanyang patotoo, hindi inaasahan ang matinding damdamin na nadama niya kaya’t halos hindi siya makapagsalita. Sabi ng isang lalaki na nagkuwento tungkol sa karanasang iyon, “Damang-dama ko ang Espiritu nang sandaling iyon.”
-
Kumatok ang isang misyonero at kanyang kompanyon sa pintuan ng isang investigator na binigyan nila ng Aklat ni Mormon. Nang buksan ng matandang babae ang pinto, matinding damdamin ang nadama ng misyonero. Tinanggap ng babae ang mga misyonero at ipinaliwanag na nabasa na niya ito at naniniwala siya sa itinuro nila sa kanya. Naimpluwensyahang mabuti ang misyonero ng nadama niya kaya’t nanalangin siya, “Mahal na Ama, huwag po Ninyong itulot na malimutan ko ang nadama ko sa araw na ito.”
-
Nagsimulang makadama ng matinding pangungulila ang isang estudyante sa kolehiyo na malayo sa tahanan. Nanalangin siya at sumamo na sana ay makatanggap siya ng tulong sa kinakaharap niyang krisis. Isang umaga sa klase, nakadama siya ng kakaibang kapanatagan. May pumasok sa kanyang isipan: “Hinding-hindi ka nag-iisa.” Nasagot ang kanyang mga dasal, at napawi ang pangungulila sa kanyang pamilya.
-
Papunta ang isang matapat na ama para tulungan ang isang anak na lalaki na nakagawa ng ilang maling desisyon at ngayon ay pagdurusahan ang mga bunga nito. Sa mahaba at tahimik na oras na ginugol niya para makarating sa kanyang anak, nanalangin ang ama habang naghihinagpis tungkol sa mga pagkakamali ng kanyang anak. Pagkatapos ay napakalinaw na pumasok sa isipan ng amang iyon ang bagay na ito: “Anak Ko rin siya.”
-
Umupo ang isang 16-na-taong-gulang na Laurel sa klase sa Sunday School at nakinig sa guro. Panahon ng Paskua noon, at naghanda ang guro ng aralin tungkol sa Pagbabayad-sala. Sa pagsasalita tungkol sa pagdurusang tiniis ng Tagapagligtas, tinalakay niya ang ibig sabihin ng magdugo ang bawat butas ng katawan, pahirapan, at magdusa sa krus. Hinding-hindi naisip ng dalaga ang Pagbabayad-sala nang gayon kadetalyado. At may nailarawan sa kanyang isipan. Pagkaraan ng mahigit 25 taon, madamdamin niyang ikinuwento ang karanasan: “Nang araw na iyon pinagtibay sa akin ng Espiritu Santo na si Jesus ang Cristo.”
Ang Kahalagahan ng Pagsunod
Nabubuhay tayo sa isang panahon na napaliligiran tayo ng napakatitinding elemento ng kasamaan. Ang teknolohiya ng komunikasyon, na naghahatid ng maraming magagandang bagay sa ating buhay, ay nagpapadagsa na rin sa ating komunidad—at maging sa ating tahanan kung hindi tayo maingat—ng mga bagay na mabilis na magpapamanhid sa atin sa kaloob na Espiritu Santo. Kailangan tayong maging maingat sa mga bagay na tinutulutan nating makaapekto sa ating espiritu.
Kung nais ninyong mas luminaw pa ang pag-unawa at paniniwala sa marahan at banayad na tinig, walang mas mabuting panlunas kundi ang higit na pagsunod. Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin” (Mateo 16:24).
Nagmungkahi si Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ng simpleng solusyon sa pagpili ng tamang tinig na susundin: “Pakinggan at sundin ang tinig ng Espiritu. Ito’y isang sinaunang solusyon, na walang hanggan, at maaaring hindi ito popular sa isang lipunan na naghahanap tuwina ng bagay na kakaiba. Kailangan ang pagtitiyaga sa mundong ang gusto’y madaliang katuparan ng mga hangarin. Ang solusyong ito ay tahimik, payapa, at mabisa sa mundong maibigin sa bagay na maingay, mapamilit, mabilis magbago, marangya, at walang pitagan. Sa solusyong ito ay kailangang maging mapag-isip kayo. … Sa solusyong ito ay kailangan tayong mamuhay nang may pananampalataya sa mundong pinamamahalaan sa pamamagitan ng mga bagay na nakikita.”6
Tahimik na Oras para Magnilay-nilay
Paminsan-minsan ay naiisip ko kung gaano naiiba ang buhay ng mga anak ko sa sarili kong paglaki sa munting bukirin sa katimugang Idaho noong bandang 1950s at 1960s. Mahahabang araw ng pagtatayo ng bakod kasama ang aking ama, tahimik na mga oras ng paglilipat ng tubo ng irigasyon sa mga taniman ng patatas, isang tahanan na may isang telebisyon na tatlo lang ang channel, walang computer, walang mga MP3, walang mga cellphone, ilang biyahe sa labas ng mga kalapit na bayan, kaunting panggagambala, at maraming oras sa piling ng pamilya—ang mga ito ang nagpatatag sa marami sa aking henerasyon.
Sa mundo ngayon dapat tayong maglaan ng tahimik na oras ng pagninilay para sa ating mga anak at turuan natin sila kung paano makinig sa marahan at banayad na tinig. Sa lahat ng pagpapalang naibigay sa atin ng ating makabagong panahon, huwag nating kalimutan ang mga bagay na nagtataguyod sa mga gawain ng Espiritu Santo: oras na mapag-isa upang manalangin, mag-isip, magbulay-bulay, at magbasa ng mga banal na kasulatan; at oras sa piling ng pamilya na hindi naiistorbo ng ingay, mga panggagambala, at napakaraming aktibidad.
Pagtugon sa mga Panghihikayat
Sa pagsunod sa ating nadarama, natututo tayong magtiwala na talagang nagmumula ang mga ito sa ating Ama. Tayo ay “lumalaki” (D at T 109:15) na natututong mahiwatigan ang tinig na ito.
Pinayuhan tayo ni Pangulong Thomas S. Monson na huwag kailanman ipagpaliban ang pagsunod sa isang paramdam o pahiwatig. “Nagmamasid tayo. Naghihintay tayo. Nakikinig tayo sa marahan at banayad na tinig na iyon,” sabi niya sa pangkalahatang kumperensya. “Kapag nagsasalita ito, sumusunod ang matatalinong lalaki’t babae. Hindi natin ipinagpapaliban ang pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu.”
Pagkatapos ay ibinahagi ni Pangulong Monson ang karanasan tungkol sa kaibigang si Stan, na naparalisado dahil sa kanyang karamdaman. Sa kabila ng pinakamagaling na panggagamot at mga dalangin ng pamilya at mga kaibigan, nanatiling nakaratay sa higaan si Stan at nagsimulang mawalan ng pag-asa.
“Isang dapit-hapon lumalangoy ako sa Deseret Gym, at nakatitig sa kisame habang pabalik-balik na nagba-backstroke,” paggunita ni Pangulong Monson. “Tahimik, ngunit napakalinaw na pumasok sa isipan ko: ‘Narito ka at lumalangoy nang walang kahirap-hirap, samantalang nakahiga sa kama sa ospital ang kaibigan mong si Stan, at hindi makagalaw.’ Nadama ko ang pahiwatig: ‘Magpunta ka sa ospital at basbasan mo siya.’
“Tumigil ako sa paglangoy, nagbihis, at nagmamadaling pumunta sa silid ni Stan sa ospital. Wala siya sa kama. Sabi ng isang nars naka-wheelchair siya sa may swimming pool, at naghahanda para sa therapy. Nagmamadali akong nagpunta sa lugar, at naroon si Stan, nag-iisa, sa gilid ng mas malalim na bahagi ng pool. Binati namin ang isa’t isa at nagbalik sa kanyang silid, kung saan ko siya binigyan ng basbas ng priesthood.”
Kalaunan ay bumalik ang lakas ni Stan at naigalaw na ang kanyang mga binti at natuto siyang lumakad na muli. Nagpatuloy si Pangulong Monson: “Sa ilang tao ipinakita [ni Stan] ang madidilim na kaisipang dulot ng kalungkutang bumalot sa kanya nang hapong iyon habang nakaupo sa kanyang wheelchair sa gilid ng pool, na mistulang hinatulang magdusa habambuhay. Ikinuwento niya kung paano niya pinag-isipan ang isa pang pagpipilian. Napakadaling ihulog ang kinaiinisang wheelchair sa tahimik na tubig ng malalim na pool. Sa gayon ay magwawakas na ang buhay. Ngunit sa mismong sandaling iyon ay nakita niya ako, na kanyang kaibigan. Nang araw na iyon literal na natutuhan ni Stan na hindi tayo nag-iisa. Ako man ay may natutuhang aral noong araw na iyon: Huwag na huwag kailanman ipagpaliban ang pagsunod sa isang pahiwatig.”7
Binigyang-diin ng Panginoon, nang magsalita tungkol sa Kanyang Ikalawang Pagparito, na ang kaloob na Espiritu Santo ay dapat gamitin nang husto ng Kanyang mga Banal: “Sapagkat sila na matatalino at nakatamo ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang—katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi puputulin at itatapon sa apoy, kundi mananatili sa araw na yaon” (D at T 45:57).
Tayo ay nabubuhay sa isang napakagandang panahon ng oportunidad, pagkatuto, at pag-unlad. Ngunit kasama sa mga kahanga-hangang bagay na ito ang mga panlilinlang ng kalaban na nakapagpapababa ng pagkatao, na nagsusumiksik sa ating buhay, at nagtatangka pang maglungga sa ligtas na kanlungan ng ating tahanan. Kung tatanggapin natin ang Espiritu Santo bilang ating gabay at magiging matalino tayo sa pag-alam, pagbabantay, at paggamit sa kaloob na ito, hindi tayo malilinlang. At habang tumitindi ang kasamaan sa mundo, magkakaroon ng katumbas na kapangyarihan ng kaloob na Espiritu Santo para sa mabubuti.
Kapag mas pinangalagaan natin ang banal na kaloob na ito, tayo ay “mamamalagi sa araw” at muli nating makakapiling ang ating Ama sa Langit.